You Made Me Live Again ( Part 7 )

You Made Me Live Again ( Photo Credit: Photobucket
You Made Me Live Again ( Photo Credit: Photobucket

“Sir Miguel, sana pagbalik n’yo may kasama na kayong babae na mapapangasawa dito” sabi ni Aling Meding. Biro ng yaya nito sa kanya.

“Yaya Meding, mahirap ng maghanap ng mapapangasawa ngayon.” sagot ng binatahabang nakatitig ito kay Ara.

Sa isip ni Ara, sana ako na lang yon.
Hindi rin alam ni Ara na parehas sila ng takbo ng isip ng binata. Pero pinigil ni Miguel ang kanyang nararamdaman sa dalaga dahil bata pa ito at ayaw niyang masaktan. Sa pagkakataong ito, ayaw niyang magmadali. Sabi niya sa sarili niya.

“Babalik ako ng Maynila at aayusin ko ang sarili ko ng mapaganda ko ang resort na ito. Magkaroon na ng saysay ang buhay ko.”

Tiningnan niya ang paligid at ang dagat. Naramdaman niya ang katahimikan at kagandahan nito. Dito niya naisipan na magbago dahil gusto niyang magkaroon ng tahimik at mapayapang pamumuhay, malayo sa tensiyon ng droga, alak, sugal at babae sa Maynila.

Bago siya umalis nakipagkulitan ito kay Ara at sinabi niyang,
“Ara, siguro pagbalik ko may asawa ka na.”

Nakangiti si Ara at sinabi sa sarili niyang,” Ikaw ang gusto kong mapangasawa.”

Hinawakan ni Miguel ang kamay ng Dalaga na walang halong malisya at hinalikan.
Kinilig si Ara sa ginawa ng binata. Ang bilis ng kabog ng kanyang dibdib. Sa mga oras na yun, kung pwede lang sana na sabihin niya na gusto niya si Miguel, ginawa na niya pero inilihim niya ang naramdaman niya sa takot na baka hindi rin siya gusto. Alam niya kasing mas matanda ito sa kanya, laking Maynila at babaero ito. Naikwento din ng nanay niya ang tungkol kay Angela, kaya ito nalugmok at nawalan ng direksyon sa buhay.
Pagkatapos halikan ni Miguel kay kamay ni Ara, biglang namula ang dalaga at parang naluluha sa lungkot sa ng pag-uwi ng binata.

“Miguel, sige ingat ka sa pag drive. Bakasyon ka ulit, huh.”

“Ok, Ara. Huwag ka mag-alala, babalik ako. kapag pumunta ka ng Maynila, hanapin mo lang ako. Ikaw naman ang papasyal ko.”

Umalis na si Miguel. Habang papalayo ang kotse nito, pinagmamasdan ito ni Ara .Mangiyak-ngiyak ito at nahalata ito ng nanay niya.

“Ara, anong nangyayari sa yo, Anak?”

“Wala Nay.” Tahimik na pagsabi ni Ara.

“Anong wala? Namumutla ka at namumugto ang mga mata. Siguro, umiyak ka.”

“Hindi po, Nay.” Pagkukunwari ni Ara sa ina.

“Sus, kunwari ka pa. Nalungkot ka dahil umuwi na si Miguel. Huwag ka mag-alala babalik rin yun”.

Kinagabihan mag-isang pinagmamasdan ni Ara ang dagat. Malayo ang kanyang tingin nakangiti ito ng maalala niya ang pagbato ng bote sa kanya ni Miguel.

Hindi niya alam nakikita pala siya ng kanyang mga magulang.

“Meding, tingnan mo yang anak mo. Nakangiti mag-isa. Kinakausap ang sarili, nababaliw na yata.”

“Baka naman in-love?” Sagot ni Aling Meding.

“Kanino? sa manliligaw niyang si Ben na anak ni Pareng Isko?

“Hindi. Baka kay Sir Miguel siguro.” Sagot ng asawa na may halong pag-aalinlangan.

“Naku, huwag kang magbiro ng ganyan. Kay bata ng anak natin. Magugustuhan ba ni Miguel yan ? Tandaan mo, caretaker lang tayo ng resort na ito. Huwag kang mangarap ng gising.” Seryosong sagot ng asawa.

“Ikaw talaga Kanor, tandaan mo, walang mayaman o mahirap pagdating sa wagas pag-ibig.” Natahimik ang mag-asawa ng makita nilang papalapit si Ara sa kanila.

“Nay, anong pinag-uusapan niyo ni tatay?”

Nagtinginan ang mag-asawa at napangiti ito.

“Wala anak, mabuti pa matulog na tayo at nang maagang gumising bukas.”

Natulog na ang mag-asawa, samantalang si Ara ay hindi madapuan ng antok.laman ng isip niya ay si Miguel. Sinasariwa nito ang magagandang alaala na naiwan ni Miguel sa isla ng silang dalawa ay magkasama.

Nasa Maynila na si Miguel sa kanyang condo. Mukha ni Ara ang kanyang nakikita. Tila nawala na sa kanyang isipan ang mga ala-ala ni Angela. Hindi rin ito madapuan ng antok. Nakangiti ito , habang hawak ang bracelet na gawa sa shells na binigay ni Ara.
Parehas silang walang laman ang isip kundi ang isa’t isa. Napabuntong hininga si Miguel at sinabing,
“Hay Miguel Madrigal, in love ka nga ba o nahihibang na naman?”.

Nakatulog ito na hawak ang bracelet na shells nabigay ni Ara.

Pagkaraan ng isang buwan, naisipan ni Miguel na magtrabaho sa company nila bagama’t hindi ito nakatapos . Nagamit pa rin niya ang pinag-aralan na Business Management. Tuwang-tuwa ang parents ni Miguel at kapatid sa nakitang pagbabago ng binata. Hindi sila makapaniwala na nakuha ni Miguel na magbago pagkatapos ng ilang taon na patapon na ang buhay nito.

“Miguel, natutuwa ako at nagbago ka na, anak.” Sabi ni Don Ferdinand.

“Dad, kailangan kong gawin ito. Nakakasawa na rin ang mabuhay ng walang saysay.”

“Ikaw ba yan Miguel!? Ano kaya ang nakain mo sa probinsya at bigla kang nagbago?” Biro ng Kuya niya sa kanya.

“Wala naman kuya. Naisip ko lang ang sinabi mga mo.”

“Akala ko may nagparamdam sa yo sa resort kaya ka nagbago.”

Nakangiti lamang si Miguel at naalala si Ara.

Pagkatapos ng pag-uusap na yun, seryoso si Miguel sa nasimulan niyang pagbabago sa buhay. Lumipas ang ilang buwan at isang taon, si Miguel ay ibang-iba na. Isa na siyang respetadong tao na tinitingala dahil isa na siyang CEO sa kanilang kompanyang pag mamay-ari ng parents niya. Sa sobrang busy ng binata, hindi niya na rin naisipang bumalik ng resort. May mga pagkakataon na nag-pa-plano siyang magbakasyon subalit hindi ito natutuloy sa dami ng mga appointment nito.

Sa tuwing nag-iisa siya sa kwarto, pinagmamasdan niya ang bracelet na bigay ni Ara. Itinago niya ito at lagi niyang naiisip ang dalaga. Nasabi niya sa kanyang sarili na kung magmamahal itong muli walang iba kundi si Ara.

Pero nakaramdam pa rin ito ng takot at alinlangan na baka maulit na naman ang nakaraan kaya’t hindi niya magawang puntahan si Ara at suyuin dahil ayaw din niyang magulo ang tahimik nitong buhay sa probinsya.

Pero ang kanyang nararamdaman ay tunay na pagmamahal para kay Ara. Marami itong nakikilala na mga babae pero hindi niya naramdaman ang saya at ligaya sa piling ni Ara. Isang taon na ang dumaan, si Ara pa rin ang laman ng kanyang puso’t isipan.

Si Ara ay nag-aral ng dalawang taon ng Computer Secretarial. Natapos niya ito at nagpaalam sa kanyang magulang na lumuwas ng Maynila para maghanap ng trabaho at higit sa lahat para makaiwas sa dati nitong naging nobyo na si Ben. Nasaktan siya ng sobra ng mabuntis nito ang kababatang si Rosa. Sa katunayan hindi naman gaanong gusto ni Ara si Ben. Sinubukan lang niyang magmahal nang makalimutan si Miguel. Gawa na rin ng panunukso sa kanya ng amang si Mang kanor kaya ito nagawang sagutin si Ben. Pero sa kabila ng pagbibigay niya ng tiwala sa binata, niloko din siya at pinagpalit sa iba.

Gabi na at nag-iimpake ito ng gamit papuntang Maynila.

Mag-ingat ka sa Maynila anak, kung may oras ka, puntahan mo si Miguel. Ito ang address ng bahay nila,

“Opo Inay. Pupuntahan ko siya at ikukumusta ko kayo sa kanya.”

“Ara anak, balitaan mo kami agad kapag nakahanap ka na ng trabaho. Huwag ka rin makalimot na umuwi dito kahit isang beses lang sa isang buwan.”

“Itay, hindi pa nga po ako nakakaalis, pinapauwi niyo na” Biro ni Ara sa kanyang Ama.

Kinabukasan maaga itong umalis kasama ang kaibigan na si Jocelyn. Magkasama din silang maghahanap ng trabaho sa Maynila. Pagdating ng Maynila, tumuloy ito sa bahay kung saan umuupa ang kapatid ni Jocelyn na kasama si Dolor.

“Ara, ikaw na ba yan? Kay gandang bata. Mukha kang artista. Ang puti mo hindi tulad nitong kaibigan mo na halatang nagbabad sa dagat. Yan tuloy, ang itim.”

Biro ni Dolor sa kapatid na si Jocelyn.

“Ate, talaga? Hayaan mo puputi din ako pag nakapagtrabaho na sa aircon na opisina, hehehe.”

Nagtatawanan ang tatlo habang naghahapunan. Hindi makatulog si Ara dahil naninibago ito sa ingay ng mga rumaragasang sasakyan. Malapit kasi sa kalsada ang inuupahang bahay ni Dolor, at sumagi din sa isip niya na pupuntahan si Miguel sa bahay nito pero naisip niyang tsaka na lang kapag nakahanap na siya ng trabaho.

Lumipas ang tatlong araw naisipan ng magkaibigan na pumunta ng mall para mamasyal nagpunta sila sa Mall of Asia ito kasi malapit na Mall sa kanilang tinitirhan.

Mag aalas-otso na ng gabi pauwi na si Miguel papunta sa condo nito sa Makati. Na-bad trip ito sa nangyaring meeting nila kaya naisipan niyang dumaan sa Mall para mag-grocery. Sa mall kung saan naroon din si Ara.

Pauwi na ang magkaibigan ng sinabi ni Ara kay Jocelyn na,” Dumaan muna tayo sa grocery.”

Pagpasok sa grocery napalingon si Ara sa isang matangkad na lalake,macho at nakabihis na pang opisina mukhang mayaman kahawig ni Miguel pero hindi siya sigurado kaya tinanong niya si Jocelyn.

“Joce, si Miguel ba ang lalakeng yan?

“Saan? Ang nakasuot ng kulay blue na naka-kurbata?”

“Oo. Joce,” sabi ni Ara.

“Parang magkamukha sila pero walang balbas at mukhang mabait yan si Miguel. Mukhang manyakis yun di ba? Hehehe,” biro ni Joce kay Ara.

Tuloy lang ang dalawa sa pag-grocery nang napansin ni Ara na nawala na ang binatang kamukha ni Miguel.

Hindi niya alam, umikot pala ito at papunta na sa kinatatayuan niya nang humakbang si Ara ng patalikod, nabangga niya si Miguel.

“Ay, Sorry po.” Malumanay nasambit ni Ara sa binatang naapakan niya ang paa.”

Tinitigan siya ng lalake na maamo ang mukha at nakangiti.

“Hi, di ba ikaw si Ara? Anak ni Mang Kanor?’

Natulala si Ara at nakaramdam na naman ng kaba at kilig. Yun din ang naramdaman niya ng unang beses silang nagkita ni Miguel.

“Opo ako nga, ay Sir Miguel, ikaw pala yan!” Tuwang-tuwa siya.

“Oo, ako nga, oh hanggang ngayon Sir pa rin tawag mo sa akin?” Ngumiti si Miguel habang kausap si Ara.

Hindi niya inaasahan na mabago na naman ang kanyang pakiramdam ng araw na yon ng dahil kay Ara. Para talagang anghel ito na laging nagpapabago ng kanyang pakiramdam sa tuwing bad trip ito.

“Oh kailan ka pa dito?” Tanong ni Miguel.

“Nung isang araw lang, lumuwas ako ng Maynila para maghanap ng trabaho. Kasama ko kaibigan ko si Joce nga pala.”

“Hi Miguel!” Kinikilig si Joce habang bumubulong sa kaibigan na si Ara. Sinabi niyang, “Ang gwapo niya, Ara, mukhang artista.”

Nang gabing yon niyaya sila ni Miguel na kumain. Hindi na pinalagpas ni Miguel ang pagkakataon na makausap ang dalaga. Pinanabikan ito at parang ayaw nang matapos pa ang gabi.

Nagkakatigan ang dalawa at halos hindi mawala ang tinginan ng dalawa. Parang dalawang tao na nagmamahalan at pinanabikan ang mga sandaling nagkita sila ulit. Halos hindi makakain si Miguel sa kakatitig kay Ara. Ganun din naman ang dalaga. Hinatid ni Miguel si Ara at Jocelyn. Binuksan ni Miguel ang pinto ng kotse at inalalayan ang dalaga sa pagpasok. Magkatabi silang dalawa. Hindi sila nauubusan ng kwento. Parang nagbabalik tanaw sa mga nangyari sa resort noong pumunta si Miguel.

“Sorry Ara, hindi na ako nakabalik sa resort. Masyado kasi akong busy sa kompanya. Maraming trabaho.” Sabi ni Miguel.

“Okay lang Miguel, hindi mo kailangan humingi ng sorry. Pwede ka namang bumalik anytime na gusto mo, ikaw naman ang may-ari eh.” Sagot ni Ara.
“Naghahanap ka pala ng work, tamang tama, paalis na ang secretary ko. Kabuwanan na kasi niya kaya kailangan ng magpahinga. If you want, gagawin kitang secretary kung ok lang sa yo.”

Natuwa si Ara sa narinig dahil alam niyang araw-araw na niyang makakasama ang binata. Ito na ang sandaling hinihintay niya. Kaya hindi ito nag-atubiling tanggapin ang alok ng binata.

Si Jocelyn naman ay tinanggap din ni Miguel sa kanilang kompanya. Sa ibang branch, kaya hindi sila magkasama ni Ara.
Tuwang tuwa si Ara ng ibinalita ito sa kanyang mga magulang na may trabaho na ito at sa kompanya ni Miguel. Panatag ang loob ng magulang na nasa maayos itong kalagayan.

Sa araw-araw na magkasama silang dalawa, walang araw na hindi sila masaya. Lalong napalapit ang loob nila sa isa’t isa.

Isang araw, niyaya ni Miguel si Ara na mag-dinner. Nag-renta ito ng yate at doon sila nagpalipas ng gabi. Akala ni Ara, isa lamang itong simpleng dinner. Nagulat siya nang may nag-play na love song na “Because of You”at punong puno ng red roses at candles sa paligid.

“ Napaka-romantic mo naman, Miguel.” Sabi ni Ara.

”Dahil sa yo, kaya ko nagawa ito, Ara. Matagal kong inilihim sa yo ang nararamdaman ko pero sa pagkakataong ito, handa na akong magmahal muli. Dumating ka sa buhay ko. Nagbago ang mundo ko, buhay ko, Ara. Mahal kita. Mahal na mahal.” Mga katagang nabitawan ni Miguel habang nakatitig kay Ara.

Pinagmasdan siya ng dalaga, habang unti-unting pumapatak ang luha sa kanyang mga mata. Lumuhod si Miguel sa harap ni Ara. Tiningala ang dalaga na para bang isa itong tala sa langit na matagal nang ninanais makamit. Si Ara ay walang imik sa sobrang saya.

Tumayo si Miguel at niyakap si Ara. Ingat na ingat ito sa kanyang kilos. Hinalikan niya ito sa lips at sinabing, “I love you Ara.”

Sinagot siya ni Ara ng,” I love you too Miguel.” Lalong tumindi ang init sa pagitan ng dalawa. Sa wakas sinagot niya si Miguel.

Nang gabing yun, tumawag si Ara sa nanay niya at sinabing boyfriend niya na si Miguel. Tuwang-tuwa si Aling Meding sa narinig at kilig na kilig sa kwento ng anak.

“Pumunta kayo dito. Miss na miss ka na namin anak.”

“Huwag kang mag-alala, Nay, sasabihin ko sa kanya na uuwi kami kapag hindi na busy.” Sagot ni Ara.

Masaya ang takbo ng kanilang relasyon. Si Miguel ay ibang iba na. Alagang alaga niya si Ara at napaka-sweet niya sa dalaga. Lagi niya itong niyayaya na kumain sa labas. Binibigyan ng regalo na alahas at kung anu-ano pa. Pinapapunta niya ito sa condo. Ipinagluluto at inaalagaan siya ni Ara.
Nagbakasyon ang dalawa sa resort. Ginalang ni Miguel ang pagkababae ni Ara. Nangako ito na sa unang gabi ng kanilang kasal nila isusuko ang lahat. Boto sa kanya ang parents ni Miguel. Walang tutol sa kanilang relasyon.
Hanggang sa dumating ang isang araw, nagulat si Miguel nang nakatanggap ito ng tawag kay Alex. Nakita daw nito si Angela na may kasamang bata at kamukhang-kamukha ni Miguel. Nakauwi na pala ito ng Pilipinas.
Gulong gulo ang isip ni Miguel sa ibinalita ni Alex.

“Sweetie, bakit ka tulala ka? May iniisip ka ba?” Tanong ni Ara sa boyfriend.

“Wala sweetie, okay lang ako.”Sagot ni Miguel.

Hinatid ni Miguel si Ara sa inuupahang bahay nito ng matamlay at wala sa sarili dahil laman ng isip niya ang naikwento ni Alex.

Bumalik na naman ang magkahalong masaya at masasakit na alaala sa binata. Hindi niya alam kung ano ang gagawin sakaling makita niya si Angela. Ang babaeng minsan niyang minahal at pinangakuan at sinaktan.

Tumawag siya kay Alex at tinanong “Pare, hindi ba nasabi ni Angela kung saan siya nakatira? Yung number niya hindi mo ba nakuha?”

“Pare, hindi nagmamadali kasing umalis si Angela kasama ang asawa niya.”
“Huh!? Nag-asawa na pala si Angela?”

“Oo, Pare. Amerikano ang asawa niya. Bakit mahal mo pa rin ba?? Tagal na di ka pa naka move-on? May Ara ka na Pare.” Biro ni Alex.

Natahimik si Miguel sa tanong ng kaibigan. Huminga ito ng malalim dahil ang totoo, sabik itong makita si Angela at magsisinungaling siya kung sasabihin niyang wala na itong nararamdaman kay Angela.
Ilang araw na ang nagdaan napansin ni Ara na palaging balisa si Miguel at wala sa sarili kaya kinausap niya ito.

“Sweetie, kung may problema ka, sabihin mo lang sa akin.” Malumanay na sabi ni Ara Hinawakan siya ni Miguel sa pisngi at hinalikan.

Sinabi niyang, “ Bumalik si Angela ang dati kong girlfriend. Gusto ko sana siyang makita at makausap.”

Nalungkot si Ara sa narinig at sinabi niyang. “Bakit kailangan mo pang makipagkita sa kanya Miguel? Matagal na kayong hiwalay di ba? Bakit mahal mo pa rin ba?’

Napabuntong hininga si Miguel at tumahimik.

“Miguel, bakit hindi ka makasagot? Mahal mo pa rin, kaya gusto mong makita si Angela? Tapos ano? Makikipagbalikan?” Ang sabi ni Ara sa boyfriend.

Umalis ito agad. Hinabol siya ni Miguel at hindi na naabutan pa. Hindi na nasabi ni Miguel na gusto niyang malaman ang totoo, kung talagang siya ang ama ng batang nakita ni Alex.

Tinatawagan niya si Ara at hindi ito sumasagot. Nagtampo ito sa boyfriend.
Kinabukasan, pinuntahan siya ni Miguel at kinausap at inilahad ang lahat.

Naintindihan siya ni Ara at sinabing,

“Uuwi na muna ako sa resort at nang makapag-isip ka ng husto. Sana magkita na kayo ni Angela. I love you, Miguel. Sana maisip mo kung gaano kita ka mahal.”

“Mahal din kita Ara. Alam mo naman yun di ba?”

Umiiyak si Ara at sinabing,”Natatakot ako na baka mahal ka pa ni Angela at makikipagbalikan ka. Alam ko naman kung gaano mo siya kamahal.”
“Mag- ingat ka sa pag-uwi.” Sabi ni Miguel, sabay halik kay Ara.

Inihatid niya ito sa terminal ng bus.

(Itutuloy)

Enhanced by Zemanta

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.