You Made Me Live Again ( Part 5 )

You Made Me Live Again ( Photo Credit: Photobucket )
You Made Me Live Again ( Photo Credit: Photobucket )

Mag-aalas dos na ng hapon sa school nang makita ni Angela ang kaibigan ni Miguel na si Alex at kinausap niya ito.

“Alex, nakita mo ba si Miguel?”

“Hindi ko nakita si Miguel, Angela. Nagtataka nga ako at hindi niya ako tinatawagan kagabi pa. Bakit nag-away na naman ba kayo?”

“Oo, Alex. Ewan ko diyan sa kaibigan mo hindi nga umuwi magdamag. Saan kaya nagpunta yon?”

“Baka kasama si Dan at Dino. Try ko sila tawagan.”

“No, wag na, Alex, Nag-text na ako sa kanila, hindi rin nila alam.”

“Saan kaya nagpunta si Miguel? Baka sumama na naman sa tropa na si Kurt. Kasi tine-text kami para imbitahan mag-inuman, ” sinabi ni Alex na nag-iisip nang malalim.

“Huh? Sino si Kurt?”

“Si Kurt ang dati naming barkada noon. Taga-ibang University siya. Umiwas kami ni Miguel kasi drug addict yon eh.”

“Huh ganun? Ibig mong sabihin, nag-drugs din si Miguel?”

“Oo, Angela, di ba niya nasabi sa ‘yo? Dating adik si Miguel. Actually, noong makilala ka niya, alam ko tumigil na siya.  Pero sa pagkakataong ito, baka na-bad influence na naman siya ni Kurt. Baka gumagamit na naman ulit yon. Ganun yon pag hindi nagpaparamdam sa aming mga barkada niya. Pero sana naman mali ang hinala ko.”

Biglang namutla si Angela sa narinig. Hindi man lang niya naisip na ang Miguel na nakilala niya ay may tinatago palang lihim at ang tanging nakakaalam lang nito ay ang mga barkada niya.

“Ok, Alex. Thank you sa mga sinabi mo. Hindi ko alam ang lahat ng ito.”

“Ah, Angela, pakiusap, huwag mo sabihin kay Miguel ang sinabi ko sa ‘yo. Magagalit yun sa akin pag nalaman niya.”

“Oo, Alex. Sige, uuwi na ako. Masama kasi ang pakiramdam ko. Hindi na rin ako papasok sa next subject natin.”

“Ok, mag- ingat ka sa pag-drive. Namumutla ka ,Angela, mabuti nga at umuwi ka na lang at magpahinga.”

Umuwi si Angela nang masama ang loob at nanlumo ito sa mga narinig na kuwento tungkol kay Miguel.

Mag aalas-onse na ng gabi, gising pa rin si Angela, naghihintay kay Miguel. Walang tawag at wala man lang text. Parang tanga na naghihintay sa kanya. Lumamig na rin ang hapunan na hinanda niya. Paboritong pork adobo ng boyfriend. Ito sana ang surprise niya sa pag-uwi nito.

Napa atidlip si Angela sa sofa nagulat ito nang biglang dumating si Miguel na tila wala sa sarili at bangag.

Kakaiba ang itsura ni Miguel. Hindi na ito maaliwalas. Nawala na ang kinang ng kanyang mga mata. Mukha itong problemado at mainit ang ulo.

Tinitigan siya ni Angela at sinalubong ito ng halik. Tila wala sa sarili si Miguel at galit itong nagtanong sa girlfriend.

“Angela, bakit mo ako hinahanap sa mga barkada ko? Di ka na nahiya! Text ka pa nang text sa kanila!” Sumisigaw si Miguel, habang si Angela ay namumutla at nakaramdam ng takot.

“Babe, ang tagal mo kasi nawala, nag-aalala ako sa ‘yo,” sagot ni Angela na halatang takot ang boses nito.

“Angela! Sa susunod, huwag mo akong hanapin. Maghintay ka kung kailan ako uuwi!”

Galit na galit ang binata sa girlfriend sa ginawa nitong paghahanap sa kanya buong araw. Maging sa bahay nila Miguel tumawag ito at hinanap ang binata.

“Paano naman kasi hindi ka nag-text sa akin o tumawag man lang. Kaya kita hinanap, babe.”

Malambing na sinuyo ni Angela ang binata. Niyakap nito nang mahigpit at pinaghahalikan dahil na miss niya ito nang husto. Sa kabila ng ginawa ni Angela nairita si Miguel at naitulak nito ang girlfriend.

“Sa susunod, huwag mo akong hanapin! Hindi ako pusa na nawawala at higit sa lahat, hindi mo ako asawa!!!”

Napaiyak si Angela sa mga narinig niya; hindi niya akalain na masasabi ito sa kanya at nagawa pa siyang itulak ng boyfriend.

“Oh, bakit ka umiiyak!? Para kang tanga!! You’re such a nagger!”

Wala sa katinuan si Miguel at magulo ang isip. Ayaw nito ng pinagsasabihan.

Pinalagpas ni Angela ang pangyayaring yun pumasok ito sa kuwarto at natulog. Si Miguel naman ay natulog sa sofa.

Kinabukasan, ginising niya si Miguel at niyayang mag-almusal. Kinalimutan ang nangyari at nagkuwaring parang walang nangyari. Inakala nitong nahimasmasan na si Miguel. Pero nagulat ito nang sinigawan siya.

“Kumain kang mag-isa mo! Sa susunod, huwag mo akong gigisingin!” Sabay tapon ng unan sa mukha ni Angela.

“Ano bang problema mo, Miguel? Hindi ka na naman ba papasok? Babagsak ka na niyan!” Lalong uminit ang ulo ni Miguel sa girlfriend. Bumangon ito at sinampal si Angela.

“Ikaw, wala kang pakialam sa buhay ko at kung babagsak ako! Kung gusto mong mag-aral, umalis ka na!! Leave me alone!”

Napaiyak na naman ulit si Angela sa ginawa ni Miguel.

Pumasok sa school si Angela na masama ang loob kay Miguel.

Hindi niya maisip kung bakit nagkakaganito ang boyfriend. Naghinala ito may ibang babae maliban sa pag-gamit ng drugs.

Tama si Angela. May ibang babae nga si Miguel;  nalaman niya ito sa sumbong ni Alex.

Kinausap ni Angela si Miguel. Tinanong kung totoong may babae ito. Sinagot siya ni Miguel nang pabalang.

“Yes, there is, but it’s just a fling, you know. I’m fed up with your endless questions. Stop asking me repeatedly!”

Paulit-ulit siyang sinasaktan ni Miguel. Tiniis niya ito dahil umaasa siya na magbabago ang binata at bumalik ito sa dati niyang ugali noong hindi pa sila nag-li-live-in.

Isang araw tuwang-tuwa si Angela nang malaman niyang buntis siya sa ikatlong pagkakataon mula nang makunan ito. Alam niyang matutuwa si Miguel sa ibabalita niya.

Excited itong umuwi. Nagulat siya nang makita si Miguel na may kasamang babae sa loob ng kanilang kuwarto.

“Hayop ka, Miguel! Bakit mo nagawa sa akin ito!?”

Nagsisigaw si Angela habang nagmamadaling umalis ang babae ni Miguel. Sinampal ni Angela ang babae at sinabunutan sa galit. Nang umalis ang babae, nag-away na naman ang dalawa.

“Hindi mo dapat ginawa kay Carol yun, Angela! We just wanted a little fun. No strings attached,”  galit na sabi ni Miguel.

“Walanghiya ka! Pagkatapos mo akong saktan, dinala mo pa ang babae mo dito!!”

Nasampal ni Angela si Miguel. Natulak naman siya ni Miguel sa pader, at sinampal din siya. Nagbasag din ito ng mga gamit.

Ito ang pinakamalalang away ng dalawa. Si Miguel naman ay sinasabayan ang galit ni Angela. Hindi man lang niya naisip ang nararamdamang sakit ng girlfriend sa mga katarantaduhang ginawa nito.

Ibang-iba na nga ang Miguel na minahal ni Angela at sa pagkakataong iyon, nasabi ni Angela sa kanyang sarili na panahon na para iwanan niya si Miguel.

Nang gabing yun, nag-impake na ng gamit si Angela. Desidido na siyang umalis. Hindi niya na sasabihin pa kay Miguel na buntis siya, ililihim niya ito kay Miguel dahil ayaw niyang lumaki ang anak nila na nakikitang nag-aaway palagi ang mga magulang nito at palagi siyang sinasaktan.

“Sige, umalis ka at huwag na huwag kang babalik dito!” Sumigaw si Miguel na na-hurt ang ego.

“Talagang hindi na dahil hindi ko na kaya ang pag-uugali mo, hayop ka! You were not the man I once knew!”

Nagsisigawan ang dalawa at dinig na dinig  sa buong condo ang pag-aaway nila.
Pinagmumura ni Miguel si Angela at pinagbabato nito ang mga gamit ng dalaga.
Lumapit si Angela at dinuruan si Miguel at sinabi niyang,

“I hate you, Miguel!   I regret the day I met you! I can’t believe that I fell in love with a monster.” Matalim na sinabi ni Angela na punong-puno na sa mga pananakit ni Miguel.

Hinayaan lang ni Miguel na umalis si Angela. Umaasa itong babalikan din siya ni Angela, at magpapalamig lang ito ng ulo. Miguel also was too proud para pigilin ito.

Dali-daling umalis si Angela sa condo. Umiiyak ito habang pinagmamasdan ang kotse sa parking lot. Ito ang regalo ni Miguel noong first anniversary nila. Sobrang sakit ang nararamdaman ni Angela nang mga oras na yon. Para itong nabagsakan ng langit, walang tigil ang kanyang pag-iyak habang papalayo sa condo.  Iniwan niya ang kotse at ibang gamit nito. Sumakay siya ng taxi papunta sa pinsan na si Jane. Habang papalayo ang taxi, lumingon ito at tumingala sa condo kung saan siya itinira ni Miguel. Nangako ito sa sarili na kahit anong mangyari, hinding-hindi na ito babalik pa sa lugar na ito. Iiwanan na niya nang tuluyan si Miguel.

Madaling araw na nang dumating siya sa bahay ni Jane; nagulat ang pinsan niya nang may narinig itong kumakatok.

“Sino kaya ang kumakatok, madaling araw na imposible namang si Roy ito, eh sabi niya sa Linggo pa siya pupunta dito.” Mga salitang tumatakbo sa isip niya habang papunta sa pinto upang buksan ito.

“Jane, pasensya na sa istorbo. Puwede bang dumito na muna ako?” ang sabi ni Angela sa pinsan habang umiiyak ito.

Niyakap siya ni Jane at tinanong “Pinsan, anong nangyari sayo? Bakit ang dami mong pasa? Sinong gumawa niyan sa yo? Halika pumasok ka dito. Diyos ko, bakit ka nagkaganyan ?” wika ni Jane. Alalang-alala ito at awing-awa sa kalunos-lunos na sinapit ni Angela. Kumuha ito ng isang basong tubig at pinainom sa pinsan.

Hindi pa rin ito tumitigil sa pag-iyak, Napaiyak din si Jane habang nakikinig sa kuwento ng pinsan.

“Jane, hindi ko alam na matagal na pala akong niloloko ni Miguel. Mayroon siyang ibang babae at nahuli ko silang dalawa sa kuwarto namin. Sobrang sakit ng ginawa niya; sinasaktan niya ako sa tuwing umuuwi siyang lasing,” kuwento ni Angela sa pinsan.

”Napakahayop pala ng Miguel na yun! Akala mo kung sinong mabait! Ang amu-amo ng mukha, demonyo pala!” Galit na sagot ni Jane sa pinsan.

“Angela, matagal ka na bang sinasaktan ng lalakeng yon?”

“Mag-pipitong buwan na mula nang una niya akong pinagbuhatan ng kamay. Mula noon paulit-ulit na niya  akong sinasaktan, Jane.”

“Ganun!? Bakit hindi mo sinabi sa akin? Kaya pala nang huling dalaw ko sa yo, napansin kong maputla ka at ang payat-payat mo na.”

“Hindi ko na sinabi sa yo. Alam ko kasi na magsusumbong ka kay Daddy kapag nalaman mo. Jane, umasa ako na magbabago pa si Miguel, pero sa pagkakataong ito, buo na ang desisyon ko. Makikipaghiwalay na ako sa kanya dahil hindi ko na talaga kaya.”

Madamdamin ang pag-uusap ng magpinsan. Nang mga oras na iyon, nasabi din ni Jane na magre-report ito sa police para hindi na siya malapitan pa ni Miguel. Pero sinabi ni Angela na huwag na nitong gawin pa dahil babalik na lamang ito sa Canada.

Kinabukasan maagang nagising si Angela. Nakita siya ng pinsan habang nagsusuka ito sa kusina.

”Angela, maputlang-maputla ka; buntis ka ba?” tanong ni Jane.

“Yes, Jane. I’m two months pregnant. Hindi ko pa ito nasabi kay Miguel. Dahil sa mga nangyari, mas gugustohin kong ilihim na lamang sa kanya ang pagbubuntis ko. Kailangan ko nang makabalik ng Canada bago lumaki ang tiyan ko para hindi na malaman pa ni Miguel ang kondisyon ko.”

“Mabuti pa nga, Angela, huwag mo nang sabihin pa, baka makikipagbalikan pa sa yo yun at saktan ka na naman. Baka mapaano pa ang batang iyong dinadala.” Sumang-ayon si Jane sa lahat ng plano ng pinsan nito dahil galit na galit ito sa ginawa sa kanya ni Miguel.

“Jane, pakiusap ko sa ‘yo kung puwede bang lumipat ka na rin ng tinitirhan para hindi ka matunton ni Miguel.  Hindi ko alam kung ano ang puwede niyang gawin. Ayokong madamay ka, Jane,” pakiusap ni Angela sa pinsan. Alam niya kasi na hahanapin siya ni Miguel.

Tumawag si Angela sa Daddy niya at sinabi nitong babalik na siya ng Canada.

“Anak, paano kasi hindi ka nakinig sa akin. Hindi mo pa masyadong kilala ang taong yan, sumama ka na agad. Hindi ako nagkulang ng paalala sa ‘yo.” Umiiyak ang Ama ni Angela habang nag-uusap ang dalawa sa telepono.

”Dad, I’m sorry hindi ako nakinig sa inyo. Pangako ko sa inyo ni Mommy, aayusin ko na ang buhay ko pagbalik ko diyan, Dad.”

“Angela, mahal na mahal ka namin ng Mom mo. Nangyari na ang mga nangyari. Ang mahalaga makabalik ka na dito nang makaiwas sa walang kuwentang Miguel na yan!!”

Gumaan ang loob ni Angela at tinanggap pa rin ito ng Ama sa kabila ng pagsuway nito noon .

Pagkatapos ng isang linggo, tumatawag si Miguel kay Angela at panay din ang text nito. Pumunta din siya sa bahay ni Jane at hinanap si Angela.

Umaasa si Miguel na magkakabalikan pa sila ni Angela dahil tiwala siya sa sarili niya na mahal na mahal siya ni Angela. Dahil sa dami ng mga away nila at nagawa niya, palagi siyang napapatawad ni Angela. Pero sa pagkakataong ito hindi na nagparamdam si Angela. Umuwi ito sa Canada at doon itinuloy ang pagbubuntis. Inilihim niya ito kay Miguel at hindi ipinaalam ang kanyang kondisyon dahil sa sobrang sama ng loob niya kay Miguel. Sa pananakit na naranasan niya sa binata.

Pinagsisihan man ni Miguel ang mga nagawa, huli na ang lahat dahil wala na si Angela. Ang babaeng minsan niyang minahal at ang babaeng nagmahal sa kanya nang tunay at tapat.

Nawala na si Angela dahil sa paggamit niya ng droga at sa pambababae nito. Nanghihinayang ang mga barkada niyang sina Alex, Dan at Dino sa nangyari sa relasyon ng dalawa. Nasaksihan kasi ng mga kaibigan kung paano nagsimula ang relasyon ng dalawa. Nakita nilang masaya ang barkadang si Miguel sa piling ni Angela. Nasira lang ito dahil sa kanyang mga masamang bisyo.

Pero nawalan na rin sila ng pag-asa na magbabago pa si Miguel dahil tuloy pa rin ang pambabae nito at paglalasing nang mawala si Angela. Nasira na rin ang pag-aaral niya. Maging ang parents nito ay hindi alam kung ano ang gagawin sa anak nilang si Miguel.

Gustuhin man nilang hanapin si Angela para magbago na si Miguel at makapagsimula muli, wala silang magawa dahil hindi matunton kung saan ito. Inilihim ni Angela ang kanyang kinaroroonan at nagbago na rin ito ng cell phone number. Lumipat na rin ng bahay si Jane, ang pinsan ni Angela.

Kaya wala silang alam sa nangyari kay Angela. Hindi nila alam na buntis pala ito.

( Itutuloy )

1 Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.