You Made Me Live Again ( Part 4 )

You Made Me Live Again ( Photo Credit: Photobucket )
You Made Me Live Again ( Photo Credit: Photobucket )

Dumaan sila sa mall at bumili ng iba’t ibang prutas ang dalaga at inaakala niyang may sakit nga si Miguel. Hindi niya alam na plano lahat ni Miguel ang mga pangyayari ng araw na yun. Inutusan din niya si Alex na dalhin si Angela sa bahay nila.
Nang dumating sila sa bahay ni Miguel, pinagmamasdan ni Ara ang paligid. Malawak na garden, may swimming pool at isang malaking mansiyon ang bahay ni Miguel. Kaya’t sabi ni Angela, “kaya pala ganun ang ugali ni Miguel, mayaman pala ito. Siguro spoiled yun.”
Lumabas si Miguel. Bagong gising ito. Namumugto ang mga mata. Inakala ni Angela na may sakit nga siya. Mukhang puyat ang itsura.
“Hi Princess Angela! Wow, thank you at dumalaw ka. Na-miss mo talaga ako?”

“ Hmm, Miguel. Ikaw talaga.” May sakit na nga palabiro pa rin ito.

“ Ibinili kita ng prutas nang gumaling ka agad.”

“ Thank you. Ang sweet mo naman kaya mahal kita. Hehehe.”

” Miguel, yan. Dinala ko na ang prinsesa mo. Ginawa ko ang lahat. Kung hindi lang kita kaibigan, hindi ko gagawin ito.” Sabi ni Alex na may halong paniningil sa kaibigan.
“Salamat pare, pwede ka nang umuwi .”

“Huh? Huwag! Eh sino ang maghahatid sa akin kung uuwi si Alex?” Tanong ni Angela kay Miguel.
“Eh, di ako. ”

“Huwag na, may sakit ka. Baka mamaya ma paano ka pa.”
Sa unang pagkakataon, naisip ni Miguel na may babae pa palang sweet at nag-aala sa kanya kahit na kunwaring sakit lang ito. Lalo siyang na in-love kay Angela at sinabi niya sa sarili na kailangan niyang mag- seryoso na sa panliligaw nito kay Angela.
Masayang nag-uusap ang tatlo sa garden, sa tabi ng swimming pool nang dumating ang Mommy ni Miguel. Ramdam ni Miguel na hindi nito nagustuhan ang pagpunta ni Angela sa bahay nila. Lumapit ito sa kanila at tiningnan si Angela mula ulo hanggang paa.Tumayo si Angela at Alex at nagsabi ng

“Good evening po.”

“Hmm, Mommy, si Angela, kaklase namin ni Alex.”

”Ah, ikaw pala si Angela. Ang madalas na pinag-uusapan ni Miguel at Alex.”Sagot ng Mommy ni Miguel nang may pagdududa sa anak, kung seryoso ito o pinaglalaruan lang ang dalaga dahil alam niyang chickboy ang anak at hindi ito basta-bastang nagpapapunta ng babae sa bahay. Sa natatandaan niya, matagal na mula ng nagdala ito ng babae sa bahay nila. Si Carla ang una nitong girlfriend at si Marian ang pangalawang girlfriend ni Miguel. Pagkatapos noon, puro babaeng napupulot lang sa tabi ang pinagtitripan ni Miguel.
Umalis ang Mommy ni Miguel at nagpaalam na rin sa anak.
“ Okay anak, maiwan ko na ka yo at may meeting pa ako.”

“Okay Mom.”

“Ok Tita, uuwi na rin kami ni Angela.”

Nang makaalis na ang Mommy ni Miguel, nagpaalam na si Angela at Alex.
”Miguel, uuwi na kami, gabi na hinahanap ako ng pinsan kong si Jane.”

”Ah ganun ba? Dapat dito na kayo mag dinner.”

“No, thanks sa bahay na lang Pare.”
Nag-uusap ng mata sa mata si Alex at Miguel. Kumikindat ito tila nagsasabing mauna itong lumabas at iwan na muna sila ni Angela sa garden. Lumabas si Alex at naiwan ang dalawa.

”’Angela, thank you sa pag-aalala mo.”

” Wala yun Miguel . Na-miss din naman kita.” Sagot ni Angela.

“Huh talaga? Sabi ko na nga ba ma-mimiss mo ako. Kung hindi pa ako nagkasakit di mo ako na-miss.”

Biglang lumapit si Miguel at tinitigan niya si Ara ng malagkit niyang mga mata at sinabing ”Ang ganda mo talaga Angela kung wala lang akong sakit, sarap halikan ng lips mo.” Pabulong nasabi nito.
Narinig ito ni Angela. Kilig na kilig ang dalaga. Halos magkalapit na ang kanilang mga labi at maghahalikan na ang dalawa. Hinawakan ni Miguel ang kamay ni Angela ng biglang sumigaw si Alex, “Miguel, Pare, uuwi na kami!!! “
Habang naglalakad, hinatid ni Miguel si Angela sa labas ng gate at binuksan ang pinto ng kotse ni Alex.

”Bye, Angela. Pare ingatan mo si Princess ko. Dahan-dahan lang sa pag drive.” Bilin ni Miguel sa kaibigan.

“Oo, Pare.”

Habang papalayo ang kotse, pikit matang inaalala ni Miguel ang mga pangyayari.

”Wooo, kung hindi ka sumigaw Alex, natikman ko na sana ang mapulang lips ni Angela. Oh, my Princess ang ganda mo talaga!” Sinabi ni Miguel sa kanyang sarili.
Pumasok na ng bahay si Miguel. Nagtext ito agad-agad kay Angela.

“Hi my Princess, text me pag dumating ka na ng bahay. Sabihin mo kung okay ba mag-drive si Alex o hindi, at kung hindi, humanda siya sa kin, hindi na kita pasasakayin sa kotse niya.”
Natawa si Angela sa text ni Miguel. Kilig na kilig ito dahil my sense of humor ang binata kabaliktaran ito sa ugali ng ex-boyfriend na seryoso at palaging galit. Pagdating ng bahay, nagtext siya agad kay Miguel at ng gabing yon ipinagtapat niya sa pinsan na may nanliligaw sa kanya at mukhang mabait naman at matinong lalake.

”Oh talaga pinsan? Gwapo ba? Sino ang kumukha??”
”Kamukha ni Sam Milby.”

”Talaga? Gwapo nga. Pag naging kayo pakilala mo naman sa akin si Miguel.”

“Jane, hindi ko alam kung kailan magiging kami, pero alam naman niya na gusto ko rin siya. Gusto niya rin ako.”

Buong gabing pinag-uusapan ng mag-pinsan si Miguel .Hindi alam ni Angela na siya rin ang pinag-uusapan ni Miguel at Alex. Pagkatapos ng araw na yun, pinlano na rin ni Miguel ang susunod na hakbang upang mapa-sagot si Angela.
“Hello Alex! Basta bukas maaga akong papasok. Naka-set na ang lahat. Pakisabi nalang kay Dan at Dino ang plano ko bukas.
”Ok, Pareng Miguel. Ikaw talaga, iba na ang trip natin ngayon. Daming plano. Ah, adik ka na sa pag-ibig!”

Natulog na si Miguel at excited na naman ito sa planong gagawin niya, kasabwat ang mga kaibigan niya. Tila hindi ito nauubusan ng plano para lang mapasagot ang pinakamamahal nitong si Angela na tinatawag niyang My Princess. Tila tinamaan ito ng lintik at napa-ibig ng husto sa babae. Wala nang dahilan para hindi niya itodo ang panliligaw nito kay Angela.

Kinabukasan, maagang nagising si Miguel para kausapin ang Mommy nito.

“Good morning, Mom.”

“Miguel, himala. Ang aga mo yatang nagising. Ano na naman ba ang nakain mo?” Tanong ng nito sa anak.

“ Hmm, wala naman Mom. May itatanong lang ako sa yo.”
” Ano yun Miguel?” Napapaisip ang mommy niya kung ano ba ang itatanong nito. Kadalasan kasi ang Daddy niya ang kinakausap niya at hindi ang Mommy niya.
“ Miguel, anu yun?”
“Mom, anung tingin mo kay Angela, maganda ba?” Biglang natahimik ang ina sa tanong nito. Pinagmamasdan siya nang mabuti at binasa ang mukha nito. Alam ng Mommy niya na in-love siya kay Angela kaya nagkaroon ito ng lakas ng loob tungkol sa mga bagay na yun.
”Mom, bakit ang tagal ng sagot niyo? Siguro ayaw niyo kay Angela? ”

“Anak, okay naman. Maganda naman siya, kaya lang bakit siya pa yata ang nanliligaw sa yo? Pinuntahan ka pa dito kahapon?”

”Mom, dumalaw lang sila ni Alex.”

“Pero, Miguel. Seryoso ka yata sa Angela na yun. Mukhang nakikita ko in-love ka na naman.”

“Mom, sana magustuhan mo si Angela. Alam mo, okay siya at masarap kausap. Higit sa lahat matalino.”
Sa pagkakataong ito, gusto ni Miguel na magustuhan ng Mommy niya si Angela. Ang mga dati niya kasing naging girlfriend, ayaw ng Mom niya.

”Hay naku, Miguel ang aga-aga kung ano na naman ang iniisip mo. Mabuti pa maligo ka na mag- breakfast at pumasok.”

Naka ramdam ng lungkot ang binata habang papasok ng toilet upang maligo. Natapos kasi ang usapan nila nang hindi nasagot ng Mom niya ang tanong nito, kaya’t alam niyang ayaw na naman ng Mommy niya si Angela.

“Hay! Bakit lahat na lang ayaw ni Mommy para sa akin? “

Mga salitang gumugulo sa kanyang isipan. Pagkatapos niyang maligo, nag breakfast ito at nagmamadaling pumasok. Kailangan niyang dumating ng umaga at maunahan si Angela. Tumawag siya kay Dino bago umalis.

“Pare, huwag mong kalimutan dumaan ng flower shop. Ibili mo ako ng maraming maraming roses worth 5,000 pesos. Bilhin mo lahat ng kulay Pare. Babayaran kita.”

“Hay naku, Pare. Ayan ka na naman. Gagastos lang sa babae. Eh paano kung basted ka? Sayang ang bulaklak. Mabuti pa mag-bar na lang tayo at mambabae sa pera mo, makakarami pa tayo.” Pang aasar ni Dino sa kaibigan.

“ Hay Pare! Huwag kanang umangal, basta ibili mo ako. Malapit lang naman diyan sa bahay niyo ang Flower Shop. Pag sinagot ako ni Angela, ililibre kita kahit saang bar mo gusto, Pare.”

“Okay, oo na ibibili kita. Bayaran mo ako agad. Wala na akong pera.”

“No problem, Dino. Babayaran kita. Kahit kailan kuripot ka talaga, joke! “

“Oh sige, bye na. Pupunta na ako ng school.”

Umalis si Miguel papuntang school . Excited ito para sa ihahandang sorpresa kay Angela.
Habang nagmamaneho, tine-text nito si Angela.

“Good morning, My Princess.”
Nag-reply agad si Angela.

“ Hi, Mr.Yabang. Traffic. Late na naman ako nito.”

Napatingin si Miguel sa relo nito. Kailangan niyang magmadali. Dapat nandun na siya bago dumating ang dalaga at nang masimulan na niya ang plano.
Natatawa si Miguel habang kausap ang sarili, “Hmm, Angela Ruiz, tingnan ko lang kung hindi ka bibigay. Sa araw na ito, magiging akin ka.”
Ibang klase si Miguel pagdating sa babae. Kapag nagustuhan nito, ginagawa niya lahat para mapansin siya at mapasagot lang ang babae. Pero sa lahat, si Angela lang ang pinakamatagal niyang pinagtuunan ng pansin. Tatlong buwan na mula ng magkakilala sila. Kadalasan, isang linggo lang o ilang araw pa lang, bumibigay na agad ang babae sa kanya. Kaya lalo itong nabighani kay Angela. Bagama’t laking Canada ito, hindi agad bumigay. Sexy lang ang pananamit, pero kahit paano may pagka-dalagang pilipina pa rin ang ugali ng dalaga.

Inis na inis si Angela sa traffic kaya kinausap niya ang driver ng taxi, “ Ah, Manong, wala na bang ibang daan dyan? Ma-late na kasi ako. Mag-aalas-nueve na.”
”Ah miss, huwag ka mag-alala at malapit na rin naman tayo” Tumunog na naman ang cell phone nito at si Miguel na naman.

“Angela. Papunta ka na ba ng school?” Takang taka si Angela at panay ang tanong nito sa kanya.

“Hay! Ang kulit naman ni Mr. Yabang. Masyado akong na miss ni Miguel ah.” Sabi niya sa sarili niya.
Ang hindi alam ni Angela, habang papunta ng school, si Alex, Dan at Dino ay kasama naman si Miguel. Sinasagawa na ang plano nito, kaya ito ang dahilan kung bakit tanong ito ng tanong kung papunta na ito ng school.

“Pare, bilisan niyo. Kailangan pag nandiyan na si Angela, nasa loob na tayo ng kwarto. Pare, walang kokontra.” Utos ni Miguel sa mga kaibigan ng biglang sumingit ang dating babae na pinag tripan ni Miguel na si Tricia “Oh Mr.Madrigal, may new victim kana na man!?”
Sinabihan siya ni Miguel ng “Walang basagan ng trip, Tricia, Pumasok ka na sa klase mo. Ma- late ka pa sa pangingialam mo.”
Pagpasok ni Angela sa school habang naglalakad ito napansin nitong may mga rose petals sa kanyang dinadaanan papunta sa kanilang kwarto. Nagtataka si Angela at nakatingin ang lahat ng estudyante. Nakita niyang punong puno ng mga bulaklak ang kanilang kwarto. Pinuno ito ni Miguel. At nang pumasok siya nakita niya si Miguel na may hawak na gitara at kinantahan siya ng ”It Might Be You.”
Titig na titig sa kanya ang binata. Napangiti si Angela sa ginawa ni Miguel. Lumapit sa kanya ang binata at may hawak na singsing. Hinawakan ang kanyang kamay at tinitigan ang kanyang mga mata at nagsabi si Miguel ng,
“Angela, I love you. Ikaw ang dahilan kung bakit ako masaya mula ng makilala kita. Naging masaya ako. Pangako, sagutin mo lang ako, hinding hindi kita sasaktan. Ikaw ang babaeng gusto kong pakasalan at makasama habang buhay. You’re the best thing that ever happened to me.”
Isinuot ni Miguel kay Angela ang diamond ring.
Ito ang unang pagkakataon na nagmahal siya ng ganito kaya’t ginawa niya lahat para sagutin siya ni Angela. Halos matunaw si Angela sa kinatatayuan nito sa sobrang saya at kilig na kanyang naramdaman. Sa mga sandaling yon, kilig na kilig din ang kanilang mga kaklase lalo na ang barkada ni Miguel.
“Oh ano Angela, sagutin mo na baka magpakamatay pa si Miguel pag binasted mo.”Pabirong sabi ni Dan.

Napangiti si Angela at pinakita ang singsing na sinuot ni Miguel,
“Eh, isinuot ko na ang ring, kaya alam na Miguel ang ibig sabihin nito.”

“Ibig sabihin, pwede mo nang isanla!? Hehehe.” Mga nakakatawang hirit ng barkada ni Miguel.

Tinitigan ni Angela si Miguel at sinabi niyang,
”Yes, Mr. Miguel Madrigal, sinasagot na kita magmula ngayon girlfriend mo na ako. I love you, too.”

Tuwang tuwa si Miguel sa narinig hindi na pigilan ang sarili niyakap niya si Angela ng mahigpit sabay kindat sa mga kaklase nito.

“I love you, Miss Angela Ruiz.” Sabi ni Miguel.

“Sa harap ng mga kaklase natin pinapangako ko mamahalin kita habang buhay.”
Nagsisigawan ang mga kaklase nila at nagsasabi ng “ Kiss naman diyan!”
Nang mga oras na yon para silang mga artista na nasa harap ng kanilang fans.
Naglapat ang kanilang mga labi sa unang pagkakataon. Kinilig ang lahat ng kanilang mga kaklase at umapaw naman ang kaligayahan nina Miguel at Angela.
Pagkatapos ng klase nila nang araw na yun, niyaya ni Miguel si Angela na mag dinner sa labas.

”Let’s go, Angela, mag dinner tayo. Ito ang first date natin.”

“Ok, Miguel . Sige sasama ako sa yo kahit saan mo gusto.”

Binuksan ni Miguel ang pinto. Tanda ng pagiging gentleman nito, inalalayan niya ang dalaga. Halos lahat ng mga estudyante, nakatingin sa kanila. Biglang sumikat si Angela sa campus ng malaman ng lahat ang ginawang gimik ni Miguel. Bago sila umalis sa parking lot, tinawag ni Miguel ang janitor at inabutan ng pera.
”Mang Jose, ito para sa yo. Salamat sa pagligpit ng kalat ko kanina.”

“Sir Miguel , salamat. Kung kasing ganda naman ni Miss Angela ang liligawan ko, malamang gagawin ko rin yun.”

“Talagang maganda si Angela. Ito ang pinakamagandang babae na nakilala ko, Mang Jose.”

Bilang sumabat si Angela sa usapan ng dalawa.

“Hmm, bolero ka talaga Miguel. ”

Sinuntok niya ang binata sa balikat at nagkulitan ang dalawa sa loob ng kotse. Hinawakan ni Miguel ang kamay nito at hinalikan. Si Mang Jose na janitor ng school ay tila kinikilig din sa sobrang sweet ng dalawa.

”Mang Jose, alis na kami.” Umalis na ang dalawa, papunta sa mamahaling restaurant at doon sila nag dinner. Sobrang saya ng dalawa habang kumakain. Si Miguel naman ay maya’t maya, pinaghahalikan ang makinis at malambot na kamay ng dalaga.
”My Princess, ngayong girlfriend na kita, Babe na ang itatawag mo sa akin.”
“Hmm, bakit ayaw mo tawagin kitang Mr. Yabang? Hehehe.”

”Huwag na. Hindi naman ako mayabang. Pasalamat ka, maganda ka, kaya hinahayaan kita na tawagin akong yabang. Kung hindi, lagot ka sa akin. Hahaha.”

Tumawa si Miguel ng malakas. Dinig na dinig ito sa loob ng restaurant, tila naabot niya ang langit ng mga oras na yun. Siya na yata ang pinakamasayang lalake sa mundo.

”Oh, bakit asar ka pag tinatawag kita na Yabang? Hehehe. Mayabang ka naman talaga. Unang kita ko lang sa yo, yabang mo na.”

“Oh, talaga? Tawang-tawa naman ako sa yo ng nagkanda-hulog ang gamit mo. Pasalamat ka at sinauli ko sa yo ang phone mo.” Napag-usapan ng dalawa ang unang araw ng pagkikita nila sa school. Tuwang tuwa si Angela sa mga hirit ni Miguel.
Masayang masaya ito habang pinagmamasdan ang boyfriend.
“Babe, naalala mo ba noong tumawag ka?” Tanong nito sa dalaga.

“Oo bakit? Kabang-kaba ako noon at kinikilig sa napakaganda mong boses.”
”Talaga!? Ako naman natakot. Malaki kasi ang boses mo, pero alam mo, alam ko na ikaw nakakuha ng phone ko.”

“Oh paano mo nalaman?”

“Siyempre bumalik ako sa parking lot. Sinabi ko na sa yo yun, nakalimutan mo.” Tumawa si Miguel at hinawakan na naman ang kamay ni Angela at sinabi nitong, ”Babe promise me kahit anong mangyari hinding hindi tayo maghihiwalay. Huwag mo akong iiwan.” Seryoso ang boses nito, habang tinititigan ang girlfriend.

”Miguel, bakit kita iiwan? Promise, hindi kita iiwan.”

“Oh talaga huh? Bakit hindi mo ako tinatawag na Babe?’ Hehehe.”

“ Ok, Babe I love you! Uwi na tayo late na.”

Tiningnan ni Angela ang relo nito at sinabing umuwi na. 10 pm na, siguradong mag-aalala ang pinsan nitong si Jane.

“’Ok, Babe. Uwi na tayo.”
Hanggang sa loob ng kotse, tuloy parin ang kulitan ng dalawa. Kumakanta si Miguel ng “It Might Be You.”

“ Babe, palitan mo na ang kanta na yan. Gusto ko ang theme song natin “I Will Always Love You” Mr. Yabang, Hehehe.”

“Hmm, Babe, wag mo na nga akong tawaging Yabang. Halikan kita diyan. Hehehe.”

Sinabi ni Angela na mag focus ito sa pag drive baka mabangga sila. ”Babe ipapakilala kita sa pinsan ko si Jane.”

“Ah, si Jane pala pinsan mo. Siya ang may-ari ng bahay?”

”Hindi nag rent lang kami doon. Sa probinsiya ang bahay nila.”

Dumating na sila sa bahay. Nakita ni Angela na nasa labas si Jane.

“Good evening. ikaw pala ang pinsan ni Angela. Maganda din pala ang pinsan mo,Hehehe.” Biro ni Miguel.

“Pinsan, siya si Miguel. Boyfriend ko na siya.”

“Hmm, tama ka pinsan. Gwapo nga.” Nakangiti si Miguel sa sinabi ng pinsan nito dahil naisip niya malamang madalas siyang ikinukwento ni Angela sa pinsan. Nagkukunwari lang ito at pakipot noong una pero talagang gusto siya ni Angela.

”Thank you, Miguel. Salamat sa paghatid mo sa pinsan ko.”

“Ah actually, matagal ko na siyang hinahatid, pero madalas kang wala dito.”

“Ah, oo nga. Nabanggit ni pinsan. Gabi kasi ang duty ko noong mga nakaraan.”

“Saan ka nag duty?’

“Sa hospital. Nurse ako.”

”Ah ganun ba? Paano, uuwi na ako. Gabi na rin. Hinatid ko lang si Angela.”
Hinatid ni Angela si Miguel. Sinamahan niya ito sa gate. Hinalikan si ni Miguel sa lips at nagpaalam ito.

”Goodnight, Babe. Mami-miss na naman kita.”

” Hmm, ikaw talaga. Magkikita naman tayo bukas. O.A. ka!” Natatawang sagot ni Angela.
“Sige na. Umalis ka na. Mag-ingat ka sa pag-drive. Babe I love you”

Dumungaw sa bintana ng kotse si Miguel. Nagsabi ito ng “I love u too.” At nag-flying kiss pa sa dalaga.

Nang pumasok si Angela sa bahay, napagkwentuhan na naman nila ang nangyari kanina. Ang mga ginawa ni Miguel kaya niya ito sinagot.

”Ito Jane, bigay ni Miguel.”Pinakita niya ang diamond ring na binigay ng boyfriend kanina.

“Wow, pinsan, ang ganda ah. Galante ang boyfriend mo. Mayaman.”

“Hehehe, oo mayaman sila. Marami silang mga business pag-aari ng parents niya.”

“Ah ganun pala. Sana nga magkatuluyan kayo. Tumagal at ng sa ganun, makita ko ang mga pamangkin ko sa yo.”
“Hahaha. Ikaw talaga Jane. Hindi pa ako mag-aasawa. Matagal pa yun. Gusto ko pang makapagtapos ng pag-aaral. Pero umaaso ako na si Miguel na yung lalakeng makakasama ko habang buhay. Alam mo Jane, ang sweet niya talaga at ang bait pa.”’

“Oh mabuti kung ganun. Hindi kaya mabait lang yan sa umpisa? Wala bang bad record yan?”

“Huh!? Anung bad record? Sa pagkakaalam ko, wala siyang girlfriend. Oo, maraming nagkakagusto sa kanya,. pero hindi naman daw niya gusto.”

“Pinsan, masaya ako para sa yo. Alam ko, ramdam ko kung gaano ka kasaya now.”
Pagkatapos ng usapang yun ng magpinsan, natulog na rin sila at sa paglipas ng panahon lalong napalapit ang mag boyfriend sa isa’t isa. Lagi silang namamasyal sa kung saan saan dinala ni Miguel si Angela. Sa Tagaytay, Batangas at Baguio. Maging sa Boracay, ipinasyal na rin siya ni Miguel. Napansin ng pinsan ang madalas nilang paglabas ng boyfriend. Kinausap siya at pinaaalahanan ng pinsan ayon na rin sa utos ng Daddy nito at Mommy, sa tuwing tumatawag ito.

”Angela pansin ko, madalas kang namamasyal kasama si Miguel. Baka naman mapabayaan mo ang pag-aaral.”

“Hindi naman Jane, nag-aaral naman kami ni Miguel.’

“Ah okay, so paano yan kung mabuntis ka bigla?”

“ Huh!? Jane hindi mangyayari yan.”,sagot ni Angela sa pinsan na may halong pambobola sa tono ng boses nito.
Nakatingin ang pinsan niya sa kanya at biniro siya ng ”Hmm pinapaalala ko lang sayo pinsan. Angela, alam ko may nangyari na sa inyo, ramdam ko yun.”

“Jane wala. Wala pang nangyayari. Ikaw talaga. Hehehe.” Nagtatawanan ang dalawa ng biglang dumating si Miguel,
”Hi Jane hiramin ko muna ang pinsan mo. Mamasyal lang kami.” Nagulat si Angela sa biglang pagdalaw ni Miguel ng walang pasabi sa tuwing pumupunta kasi ito nag-tetext ito sa girlfriend.

”Tara babe, sumama ka sa akin. May sasabihin ako sa yo.”
Sumama narin si Angela sa paanyaya ng boyfriend. Pumunta sila sa bahay ni Miguel at doon sa garden, malapit sa swimming pool, sinabi ni Miguel ang pakay nito kay Angela.

”Oh Babe, anong sasabihin mo? Importante ba yan o what?” Lumapit si Miguel. Nilambing ang girlfriend sa pamamagitan ng pagyakap at paghalik nito sa batok.
”Babe oh bakit? Makita tayo ng Mommy mo at ng maid sa ginagawa mo.”

”Babe I love you. Ayoko nang magkahiwalay pa tayo, tara pakasal na tayo.” Nagulat si Angela sa sinabi ng boyfriend. Kumawala ito sa mahigpit nayakap ng boyfriend.

“Babe seryoso ka? Bakit ang bilis naman, ayoko pa magpakasal.”

”Babe, kung ayaw mo magpakasal pumayag ka na mag live-in na muna tayo?”
Tinititigan na naman ni Miguel si Angela ng malagkit para kumbinsihin ito na pumayag na makipag live-in sa kanya. Dahil sa pagmamahal nito sa boyfriend, walang pag-alinlangan na sagot ang binigay nito sa boyfriend.

”Ok, sige, papayag ako mag live-in tayo, basta huwag muna tayo magpakasal babe.”

“Yes, thank you at pumayag ka. Dito ka titira sa bahay.”

“Babe, ayoko dito sa bahay niyo. Nakakahiya sa Mom mo. Doon na lang sa amin, doon ka tumira.”

”Huh!? Mas lalong nakakahiya sa pinsan mo.”

“ Oh yan, nagyaya ka mag live-in. Wala naman pala tayong titirhan.” Nakangiting pinagmamasdan ni Angela si Miguel. Kunot noo at nag-iisip na naman ng panibagong plano.
“Okay Babe, huwag ka mag-alala hihingi ako sa Dad ko ng matitirhan natin. Magpapabili ako ng condo malapit sa school.”
”Oh, ewan ko sa yo Miguel, wala kang alam gawin kundi humingi. Hingi ka ng hingi, masyado kang spoiled,” Pang-aasar ni Angela.
”Babe, bibigyan ako ng Dad ko. Lahat ng hinihingi ko, binibigay niya.” Pagyayabang naman nito sa girlfriend.

”Babe, baka naman pag magkasama na tayo, sasaktan mo lang ako.”

”Babe hindi ko gagawin yun. Kung anu-ano ang iniisip mo diyan. Basta pumayag ka na. Wala nang bawian yan huh!? Ok tara mag swimming na tayo.”
Masayang nag swimming ang dalawa. Hindi nila alam, ang Mommy pala ni Miguel ay kanina pang naka masid sa kanilang dalawa. Ginising nito ang asawa niyang si Don Ferdinand.

”Halika pagmasdan mo yang anak mo, kasama ang Angela na yan.”

”Saan? ”

“Yan naliligo sa swimming pool.” Hay naku, ang himbing ng tulog ko, ginising mo ako para lang diyan. Walang masama alam mo naman na nagmamahalan ang dalawa.”

”Oo , Ferdinand. Walang masama. Ang kinakatakot ko lang baka masaktan na naman ang anak mo dahil sa babae. Alam mo naman kung paano nagwawala yan pag iniwanan ng babae.”
“Hay naku, hayaan mo na. Basta’t masaya ang anak mo sa piling ni Angela. Ngayon, huwag ka nang kumontra pa.”
Pagkatapos mag swimming ang dalawa, kumain ito ng mga paboritong pagkain ni Miguel na ipinaluto niya para kay Angela. Nag-mistulang piyesta sa dami ng pagkain na ipinaluto ni Miguel. Pagkatapos nilang kumain, sa harap ng mesa nabanggit ni Miguel ang paglipat nito ng . Kailangan niya ng condo malapit sa school. Hindi niya muna sinabi sa Dad nito ang planong pakikipag live-in dahil alam niyang magagalit ang Mommy nito., na kasama din nilang nag-dinner. Pagkatapos nilang kumain hinatid na ni Miguel si Angela.

”Anu Miguel? Sigurado ka ba talaga gusto mong mag live-in na tayo?”

“Oo naman, Babe. Mukha ba akong nagbibiro?”

“Kapag sinabi ko, gagawin ko talaga yun. bakit takot ka? Huwag kang matakot. Mahal mo ako di ba kaya kailangan sundin mo lahat ng sasabihin ko.”
Umastang boss si Miguel, tila yata maangas ito habang kinakausap si Angela.

”Ah ganun ka ba sa lahat talaga Miguel ? Alalahanin mo, girlfriend mo ako. Hindi ako Dad mo na nauuto mo!!”

Tumaas ang boses ni Angela tila naasar ito sa sinabi ni Miguel. Si Miguel naman ay nakaramdam ng inis kaya’t pinili niyang amuhin ang girlfriend.

”Babe, sorry. Nagbibiro lang ako okay? Huwag ka na magalit, magmula ngayon, ikaw na ang masusunod . Ikaw ang boss.”

Tumawa si Angela sa sinabi ng boyfriend. ”Oh takot ka sa akin noh!? Hindi ako galit. Napagtaasan lang kita ng boses, takot kana agad.”

Hinalikan niya si Miguel at nagsabi ng “Umuwi ka na at matulog. Huwag ka nang pumunta kung saan, baka mamaya malaman ko, sasama kana naman kanila. Kina Dino, mag-bar at maghanap ng babae.”
Hindi na ako nambabae Babe, dahil ikaw lang ang pinakamagandang babae sa buhay ko.

”Hmm, bolero ka talaga. Sige na Babe, bye.”

Umalis si Miguel at dumaan ito sa bar kung saan naroon sina Dan at Dino.

”Oh Pare, buti dumating ka. Akala ko tulad ka ni Alex na nagpapak- baliw sa girlfriend.”
”Hahaha. Sige mag- order ka na at mag-inuman tayo. Bakit wala si Alex, Dino? Gusto mo tawagan ko? Pupunta yan agad.”
”Huwag na Miguel. Tinawagan ko na kanina yun.”

Habang nag-iinuman ang tatlo, napag-usapan nila ang mga magagandang babae sa bar.

”Pareng Miguel,nakakapanibago ka naman. Wala ka nang gana sa mga nag-gagandahan na yan. Tingnan mo yong isa. Ang ganda pare.”
”Hay naku, Dino. Alam mo naman na loyal yan kay Angela. Takot nga kay Angela yan haha!” Biro ni Dan.

“Dan, pumunta ako dito para samahan kayo uminom. Hindi kasama ang pambabae dito. Kung gusto niyo lapitan kayo ng mga chicks, wag niyo na ako isali, alam niyo naman na mahal ko si Angela.”
Nagtatawanan lang ang magkaibigang Dan at Dino sa mga sinabi ni Miguel, tila nanibago ito sa kaibigan sa tuwing pumupunta kasi sila sa bar dati, si Miguel ang unang lumalapit sa mga babae, pero ngayon tumino na ito at wala ng pakialam sa mga dumadaan na babae sa harapan niya. Tumunog ang cellphone niya at nabasa ang text ni Angela.

”Good night, Babe. Matutulog na ako.”

Ramdam niya ang pag-aalala ng girlfriend. Nagpaalam na si Miguel sa mga kaibigan niya at agad na umuwi. Hindi niya kasi nabanggit kay Angela na dadaan ito sa Bar.
”Oh, pare. Ang aga-aga pa, 11pm pa lang, uuwi ka na? Para ka namang may asawa na naghihintay.”
“Maiwan ko na muna kayo. Uuwi na ako. Kailangan ko na sanayin ang uwi ng may asawa dahil malapit na ako magpapakasal, Hahaha.”

Biro nito sa mga kaibigang kinukulit siya na huwag muna umuwi.Hindi na nagpapigil si Miguel,umuwi na ito at pagdating ng bahay, natulog narin ito agad.
Kinabukasan sa school, nagkita ang magkaklase at panay ang biro ni Dan at Dino kay Miguel. Biro na may halong kantiyaw.

”Oh, Pare. Aga mo umuwi. Oh ano pinagalitan ka ng asawa mo? Hahaha.”

“Dino huwag mo na asarin si Pareng . Magpapakasal na yan, kaya tumino na. Ayaw mo bang nakikita siyang matino? ”

“Kayong dalawa, pinagtulungan niyo na naman ako.”

Narinig ni Angela ang usapan nila kaya nainis ito kay Miguel at hindi niya ito pinapansin. Nang magpunta na sila sa canteen para kumain, tahimik lang si Angela at walang kibo.
”Babe bakit ang tahimik mo? May sakit ka ba? Oh ano? Sige mag-order ka lang.”

Alalang-alala si Miguel sa pananahimik ni Angela. Nag-iisip ito kung ano ba ang nagawa niya at biglang tahmik ang girlfriend.

“Wala akong sakit. Nagtatampo ako sa yo.”
”Huh? Bakit naman?”

“Anung bakit ? Hindi ka naman umuwi agad kagabi. Hindi ka nagpaalam. Nag-bar ka noh??”

“Huh? Eh napadaan lang ako doon.”

“Anong napadaan? Kung hindi ko pa narinig ang usapan niyo ni Dan at Dino, di ko pa malalaman. Siguro nambabae ka.”

Parang imbestigador si Angela sa mga tanong nito sa . Si Miguel naman, imbes mainis, kinikilig ito sa pagseselos ni Angela.

”Babe, hindi ako nambabae. Pinagtatawanan nga nila ako kasi ang aga ko umuwi para daw akong may asawa.”

“Oh talaga? Hindi ka nambabae? Nagseselos kasi ako.”

“Hahaha. Nagseselos ka kasi patay na patay ka sa akin. Sobrang mahal mo ako at mababaliw ka pag nawala ako.”

“Hay Mr. Yabang! Kapal ng mukha mo talaga!!”
Nagkaayos na ang dalawa at nawala na ang tampo ng dalaga sa mga biro ng boyfriend nito.

”Babe,promise me pag nagsama na tayo, umuwi ka ng maaga. Huwag ka nang mag-bar huh!?”
“Yes, Babe, sabay tayong aalis at uuwi ng bahay. Papaligayahin kita at aalagaan. Ang kaligayahan na naramdaman mo ngayon, dodoblehin ko pa. Mas magiging masaya pa tayo.”

Halos pagtinginan na sila ng tao sa sobrang lakas ng tawa ni Angela sa pagyayabang na naman ni Miguel.Pagkatapos nilang kumain, pumunta na sila sa kanilang klase.
Sa pag-uwi nila, dumaan sila sa mall at namasyal. Halos lahat ng gusto ni Angela binibili ni Miguel.Pag-uwi ng bahay naabutan ni Angela si Jane at boyfriend nito na nag-aaway kaya pumasok ito sa kwarto at doon niya napagtanto ang mga bagay bagay.
”Kung magsasama na kami ni Miguel ,hindi kaya ganyan din ang mangyayari? Mag-aaway din kami ,magsisigawan at lahat? Hay, nakakapagod na. Sana naman hindi ganyan. Sana hindi ako sasaktan ni Miguel.”
Dinig na dinig niya ang pag aaway ng pinsan at boyfriend nito. Matagal naring magka-relasyon ang dalawa. Halos limang taon na at sa katunayan ,malapit na silang magpakasal. Hindi makapaniwala si Angela sa narinig na may babae pala ang boyfriend ng pinsan nito. Ang masakit nito,kasama din nila sa hospital isang baguhang nurse.
Nakatulog na rin si Angela at sa haba ng pag-aaway ng pinsan nito at ng boyfriend niya. Natapos din ito at nagkabati narin ang dalawa.Kinabukasan nakwento rin ni Jane sa pinsan niya ang nangyari.

“Angela, mahal na mahal ko talaga siya, kaya kahit nalaman ko na nakipaglandian siya sa nurse na yun ,napatawad ko pa rin.”
”So paano yan Jane? Magkasama pa rin kayo sa hospital ,magkikita pa rin sila doon.”

“Hindi na, dahil nahiya ang babae na yun kaya lumipat na siya ng hospital.”

”Ah mabuti naman kung ganun. Bakit ba mahal na mahal mo talaga siya? ”
“Eh siyempre. Mabait naman siya, ang mahalaga hindi niya ako sinasaktan at binubogbog pero kung makatagpo ako ng lalaking nanakit hay naku! Papatayin ko talaga yon.”

”Ah parang yong ex ko na si Carlo. Nambabae na nga, sinaktan pa ako kaya nga masakit talaga ang makatagpo ng lalake na mga ganun. Mabuti na lang si Miguel ang bait bait niya.So tuloy ang kasal next year?”

“Oo naman. Tuloy na tuloy pinsan. Ikaw ang brides maid ko kaya huwag ka mawawala.”
Binanggit narin ni Angela sa pinsan ang plano nitong pakikipag live-in sa boyfriend.
“Ah Jane, mayroon din kaming plano ni Miguel.”
“Huh ano? Magpapakasal ka na rin pinsan?”
“ Mag-live in muna kami, Jane. Ayoko pa naman magpakasal.”
”Huh paano yan baka magalit ang Daddy mo?”

“Kaya nga huwag mo muna sabihin, Jane. Ako na lang ang magsasabi.”

“Pero Angela, masyado namang nagmamadali ang Miguel na yan naibahay ka agad-agad.”

“Hayaan mo na pinsan, pumayag na rin ako sa gusto niya. Wala namang masama di ba?”

“Pero pinsan, nasa Pinas ka. Ang pangit tingnan. Ang bata mo pa tapos makikipag live-in ka na? Wala ka sa Canada!”

“Eh yun ang gusto ni Miguel eh. Tsaka mahal na mahal ko si Miguel kaya pumayag na rin ako. Magpapakasal din naman kami.”

“Hay, ikaw ang bahala pinsan, basta kung ako ikaw, hindi ako papayag na makipag live-in. Tingnan mo kami, mag-limang taon na rin. Tumatagal din naman kami kahit hindi kami magkasama sa isang bahay. Siguro kung magkasama na kami, malamang, marami na rin akong anak ngayon. Pagsasawaan ka lang ng Miguel na yan.” Pang-aasar nito sa pinsan.
“Basta Jane, huwag mo muna sabihin kay Dad at Mom, huh!?”

Lingid sa kaalaman ni Angela, dahil mas matanda ang pinsan nitong si Jane, hindi niya ito inilihim sa Daddy ni Angela. Binanggit niya ito ng minsang tumawag ito. Galit na galit ang Dad ni Angela.

“Thank you, Jane at binanggit mo sa akin ang plano ni Angela. Lagot sa akin yan. Hindi nga niya nasabi na may boyfriend na pala ngayon. Malalaman ko makikipag live-in pa.”

“Ah Tito, pwede ba tsaka mo nalang sasabihin sa kanya yan? Hindi pa naman niya nasabi kung kailan siya aalis dito. Yun lang nabanggit lang niya.”

“Okay Jane, basta hindi ako papayag sa kagustuhan niya na makipag live-in.”

“Okay, mag-ingat kayo diyan. Tatawag na lang ako ulit.”

“Okay Tito. Kumusta mo ako kay Tita, bye.”
Panatag na ang loob ni Jane at nasabi na rin niya ang plano ni Angela sa Tito nito na Ama ni Angela.
Si Miguel naman ay busy sa paghahanap ng condo na malapit sa University. Naghahanap ito ng pinakamagandang condo at ipapabili niya sa Daddy niya ng sa ganun makalipat na sila ni Angela sa lalong madaling panahon.
Nagsabi si Miguel sa Dad niya namagbubukod na ito. Kukuha ng condo malapit sa school at sinabi nito na mag li-live-in na sila ni Angela.

“Thanks Dad. Ang ganda ng condo na regalo mo sa akin, siguradong matutuwa si Angela pag nakita niya yon.”

“Basta ikaw, Miguel, no problem.”
Nakasimangot na naman ang mommy ni Miguel dahil pinagbigyan na naman ng asawa niya ang hiling ng anak.

“Miguel ,ayusin mo ang buhay mo baka mamaya hindi ka makatapos dahil sa pakikipag live-in mo kay Angela.” Sabi ni Madame Cecilia sa anak na may halong concern.
“No, mom. Makakatapos ako. Wag ka mag-alala okey?”
Hindi kasi boto ang Mommy niya kay Angela. Galing kasi ito sa Amerika at may pagka-liberated. Pero dahil mahal niya si Miguel, napapayag na rin ito dahil nakikita niyang mahal na mahal ni Miguel si Angela.
Lingid sa kaalaman ng parents ni Angela ang pakikipag live-in nito kay Miguel. Kung hindi dahil sa pinsan na si Jane, hindi nila malalaman ang nangyayari sa buhay ni Angela. Isang araw galit na galit ang Daddy nito na si Antonio Ruiz .
Isang araw, tumawag ang Daddy ni Angela sa cell phone nito.
“Dad, I’m sorry. Sasabihin ko din naman sa inyo. Wag ka mag-alala. Mabait si Miguel.”
“Sasabihin? Kung hindi pa sinabi ng pinsan mo wala kaming alam ng mommy mo!”

“Dad, nag-aaral naman ako ng mabuti at magpapakasal din kami ni Miguel.”
“Magpapakasal? Bakit ka nakipag live-in masyado kang nagmamadali baka masaktan ka na naman Angela.”

“Dad, mahal ko si Miguel. Iba siya kay Carlo, huwag mo siyang i-kumpara basta masaya ako sa kanya. I want to share my life with him.”
Natapos ang pag-uusap ng mag-ama. Umiiyak si Angela dahil ramdam niyang hindi ito masaya para sa kanya at hindi siya sang-ayon sa pakikipag-live in nito.
Nakita siya ni Miguel na umiiyak. Sinabi ni Angela ang mga nangyari.
“Everything’s gonna be alright. Your Dad will understand you, in due time.”
Nilapitan at niyakap niya ng mahigpit si Angela at hinalikan sa labi.

“Angela, I love you babe. Magpapakasal tayo pag nakatapos na tayo ng pag-aaral. Pupunta tayo ng Canada. Makikilala ko rin ang Dad mo.”
“I love you too Babe. Masayang masaya ako at nakilala kita.”
Magkayakap ang dalawa at ramdam nila ang init ng pagmamahal nila sa isa’t isa. Nang gabi ding yun may nangyari sa kanilang dalawa. Sobrang saya ang pagsasama nilang dalawa. Abot langit at wala nang hahanapin pa si Angela.
Pero ang lahat ng yon ay nangyari lang sa umpisa ng kanilang pagsasama. May mga pagsubok na haharapin si Angela hinggil sa pagkatao ni Miguel.

(Itutuloy)

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.