You Made Me Live Again ( Part 2 )

You Made Me Live Again ( Photo Credit: Photobucket )
You Made Me Live Again ( Photo Credit: Photobucket )

Kinabukasan excited itong pumasok sa school at hindi na nakuha pang mag-breakfast.

Nakaabang ito sa parking lot at hinihintay si Angela.

Nakita niyang naglalakad ito papunta sa kanya. Mabilis ang pintig ng kanyang puso at nakangiti ito habang tinititigan si Angela.

“Hi Miss! Ito na pala ang cell phone mo. Promise. hindi ko binuksan yan. Wala akong tiningnan na kahit ano, kahit inbox.”

Napatitig si Angela at ngumiti. Sa isip niya, ang daldal naman ng lalaking to.

“Thank you!” Kinuha niya ang cell phone, sabay abot ng kamay niya kay Miguel.

“I’m Angela Ruiz. Nice meeting you, Miguel Madrigal.”

Kilala mo ako?”Nagulat si Miguel at alam nito ang pangalan niya.

“Yeah, sikat ka sa campus, di ba? Kilala ka nga ng janitor dito eh.”Ngumiti si Angela kay Miguel.

“Oh talaga? Anong sabi sa yo? Hindi totoo na Chickboy ako ah, wag kang maniwala dun.”

“Hmmm, wala naman siyang sinabing ganun, wag kang mag-alala.”

“Huh? Wala ba?” Napakamot ito sa noo at nakangiting titig na titig kay Angela.

Kinuha nito ang bag ng dalaga at siya na ang nagdala papunta sa room.

Nagtatawanan ang kaniyang mga barkada na sina Alex, Dan at Dino nang makita siyang bitbit ang bag ng dalaga. Tila nagsasabing “May bagong biktima na naman si Miguel!”

Magmula nang araw na yun, lagi nang magkasama sina Miguel at Angela. Nagkapalagayan sila ng loob at masayang masaya sa piling ng isa’t-isa.

Nagdaan ang tatlong buwan. Nagkakilala si Miguel at Angela nang husto sa school at palaging magkatabi sa upuan sa klase. Naging matalik silang magkaibigan. Di man nila aminin, parang nagkakaintindihan na sila. Parang may mutual understanding na sila, pero wala pa silang pormal na relasyon.

Sa mga araw na nagdaan, maraming pagkakataon na si Miguel ay nagpaparamdam kay Angela. Dinadaan niya ito sa biro. Subalit inakala niyang makukuha niya si Angela nang madalian lang. Hindi niya ito magawa. Dahil ang dalaga ay seryoso sa kanyang pag-aaral at nasa isip nito ang magtapos at hindi handa sa panibagong relasyon.

Sa kadahilanang bagong lipat lang siya sa University at si Miguel naman ay sikat campus crush at maraming alam na pasikut-sikot dito, kaya hinayaan na lamang ni Angela na umasta itong parang syota niya. Pero hindi siya kumbinsido sa mga pasaring ni Miguel dahil maraming nagkakagusto sa binata. Sanay ito na nakukuha ang mga kababaihan nang madalian lamang, kaya’t napapaisip si Miguel kung anong diskarte ang gagawin nito upang makuha ang matamis na “Oo” ni Angela

Isang araw, nag-uusap ang magbarkada sa isang bar at ang topic ay si Angela.

”Oh ano, pare, kayo na ba ni Angela? Tanong ni Dan

”Hindi pa Pare, pero nagtataka ako. Kung ayaw niya sa akin, bakit pinapansin naman ako? Sweet naman niya sa akin,’‘ sagot ni Miguel.

”Pero, pare, dapat kasi ligawan mo na. Bakit, hindi mo ba kayang gawin yun? Puntahan mo sa bahay? ”

“Alex, alam mo naman na si Miguel, hindi naman nanliligaw yan. Sabi niya, baduy ang nanliligaw. Di ba, Miguel?”

”Oo, tama ka, Dino. Sa guwapo kong ito, kailangan pang manligaw?

“Oo nga pare, guwapo ka. Ang problema, hindi ka makaporma kay Angela dahil malamang sawa na yan sa mga guwapo sa Canada,”  sabi ni Dan sabay tawa.

“Matanong kita, Miguel Madrigal. Seryoso ka ba talaga kay Angela? O isasama mo lang siya sa listahan ng mga pinaiyak mong chicks? Hahaha,” biro ni Dino kay Miguel.

”Alam mo, Dino, ang tao nagbabago rin pagdaan ng panahon. Malay mo, nagbago na si Pareng Miguel ,” tugon naman ni Alex.

“Hay naku! Kayo talaga, wala na ba akong karapatan mag seryoso sa babae?” Natahimik ang tatlo sa sinabi ni Miguel. Nagtitigan sabay sagot ng

”Himala!!”

“Anong himala?” Tanong ng binata sa mga kaibigan.

Sumagot si Dino ng, “Himala lang ang makakapagpabago sa yo pare, Hahaha!!!” Napakamot ng ulo si Miguel at sinabing mag-order na.

“ Pero sinasabi ko sa inyo, Pare. Malapit ko nang mapasagot si Angela. Hindi ako susuko. Alam n’yo naman si Miguel Madrigal, walang babae ang hindi mapapasa-aking mga kamay!!”

Tumawa si Dino at sinabing, ” Baka si Angela ang hindi mapapasa-kamay mo dahil ako ang gusto niya.”

Binatukan ni Miguel si Dino at sinabing ”Huwag ka ng mangarap, Pare. Walang agawan ng chicks. Ituloy mo na lang ang panliligaw sa babaeng nagtitinda ng suman sa labas ng school.” Biro nito sa kaibigan.

“Hay, naku! Kayong dalawa mamaya, magkapikunan na naman kayo. Ubusin na natin ang mga inumin nang makauwi na tayo. Bukas maaga pa ang pasok natin,” sabi ni Alex nang matigil ang biruan at kulitan nila. Napatawa si Miguel nang biglang pumasok sa isip niya ang idea ng pagiging pilyo nito.

“Oh pare, bakit anong naisip mo? Ah, Dan, Dino, Alex, naisip ko lang, bukas hindi ako papasok. Sabihin n’yo kay Angela, may sakit ako.

“Oh tapos ano pa?”

Eh kung talagang may malasakit siya, hahanapin ako at mamimiss ako, di ba.”

“Ikaw talaga Pare. Kung anu-ano ang nasa isip mo. Idadamay mo pa kami sa kalokohan.”

“Sige na, Alex. Pumayag na kayo. Basta bukas sabihin n’yo kay Angela yun.

“Ok, sige na nga, Miguel. Sigurado ka bang sa ganitong paraan, sasagutin ka ni Angela?

“ Malay natin, Dino. Kaya nga susubukan eh, para malaman.” Walang humpay ang tawanan ng magbabarkada sa naisip ni Miguel na idea, para mapasa-kanya lang si Angela.

Pagkatapos ng inuman nila, umuwi silang lasing kaya’t pinagalitan si Miguel ng Mommy nito. Madaling araw na kasi nang umuwi siya ng bahay at amoy na amoy ng Mommy niya na naka-inom ito.

”Good evening Mom!” bati ni Miguel.”

Kunot-noo at salubong ang kilay na Mommy niya.

“Good evening!? Ang sabihin mo Good morning na. Hindi mo ba alam na umaga na, Miguel?!”

“Naglalasing ka na naman? Amoy alak ka, ikaw talagang bata ka, kung ano na naman ang ginagawa mong kalokohan!!” Galit na galit ito sa anak.

“Mom, please antok na ako. Gusto kong matulog at saka hindi na ako bata !” Sagot ni Miguel sa Mommy niya.

“Yan,wala kang alam gawin kundi maglustay ng pera. Inuubos mo lang kakainom at kakapunta kung saan-saan!”

Tandaan mo, Miguel. Hindi pinupulot ang pera. Pinaghihirapan namin ng Dad mo ang pinapakain sa yo at pinapaaral. Nag-drive ka na naman nang nakainom. Paano kung mabangga ka na naman? Problema na naman!?” Mga sermon ng ina sa anak nito. Pero si Miguel ay parang walang naririnig. Ganito ang gawain ng binata sa tuwing sinesermonan siya ng ina.

Nagising ang Daddy niya nang marinig ang sigaw ng asawa nito.

”O,  pinapagalitan mo na naman ang anak mo? Kay aga-aga, galit ka na na man?”

“Paano kasi yang anak mo, umaga na umuwi. Lasing, kung anu-ano ang ginagawa sa buhay. Lagi mo kasing kinukunsinti, kaya nagkaka-ganyan.”

“Cecilia, hayaan mo ang anak natin. Lalake yan! Walang mawawala kahit umuwi nang umaga yan. Huwag kang mag-alala. Kayang-kaya niya ang sarili niya.”

“O, Mom, buti pa si Daddy naiintindihan ako. Sana, ikaw din,” sabi ng binata sa M0mmy nito at pumasok na sa kuwarto.

”Dad, matutulog na ako. Ikaw na bahala kay Mommy.”

Natapos ang pangaral ng ina sa anak. Tila walang pupuntahan ang usapan nila, dahil sa tuwing pinapagalitan nito si Miguel, laging nandiyan ang Daddy niya na nagtatanggol sa kanya. Paboritong anak kasi si Miguel dahil siya na lamang ang natitirang anak ng Dad niya na naiwan dito sa Pilipinas. Ang dalawa na sina Manuel at Samantha ay nasa ibang bansa na at may kanya-kanya nang pamilya.

Kinabukasan, tinutoo ni Miguel ang plano nito. Hindi nga siya pumasok at nag kunwaring may sakit. Pagka-gising tumawag ito kay Alex.

“Hello, Pare. Oh ano na? Nandiyan na ba si Angela?” Tanong nito sa kaibigan.

”Pare pambihira! Akala ko nagbibiro ka lang. Hindi ka talaga papasok?

“Alex, sagutin mo tanong ko, nakita mo ba? “

“Pare, hindi pa. Ang aga pa. Mamaya pag nakita ko itetext kita.

“Okey, pare, basta tandaan mo. Sabihin mo may sakit ako. Malala. May lagnat!” Tumawa si Miguel sa kasinungalingan nito.

”Nakakatawa ka talaga Pare. Malala. Lagnat! Sabihin mo na lang Cancer, Hahaha.”

”Alex huwag naman, baka lalo akong ayawan ni Angela kung may Cancer ako. Ikaw talaga. Text mo ako mamaya okay?” Pagkatapos ng usapan, natulog ulit si Miguel at naghihintay ng text ni Alex.

Papunta na si Angela sa school. Habang naglalakad ito, nagtataka siya nang dumaan sa parking lot.

“Hmmm, himala! Wala yata ang kotse ni Miguel. Hay salamat ! Wala na munang mangungulit sa akin,” sabi ni Angela na may pagka-pilya.

Habang naglalakad papunta sa kuwarto nila, nanibago at walang Miguel na nangungulit sa kanya, nagdadala ng bag niya at nagpapa-cute sa loob ng kuwarto. Patingin-tingin ito sa paligid nang biglang sinabi ng kaklase niyang si Karen sa kanya na, “Absent yata ang boyfriend mo, Angela,huh?”

“ Boyfriend, sino? ‘

“Hmm, kunwari ka pa. Si Miguel. Hahaha.”

“ Karen, hindi ko boyfriend yun, feeling lang!”

“Owws, talaga!?”

“ Oo, bakit ba ayaw mong maniwala?”

Nagtatawanan ang dalawa habang nag-uusap. Lumapit si Dino na crush ni Karen. Nanlamig ito at namutla.

“ Oh, Hi Karen!”

“ Hi Dino!” Nagkatitigan ang magkaklase. Tinanong ni Karen si Dino kung saan si Miguel, sinagot ni Alex ang tanong ni Karen.

Si Miguel? Absent yun. May sakit. Taas ng lagnat.” Nagkatitigan ang magbarkada dahil alam nila na hindi ito totoo. Isa ito sa mga gimik ng pilyong si Miguel.

Sumagot si Angela ng “Ah ganun pala! Tinatalaban din pala ng sakit si Yabang! Hahaha!”

Natatawa si Alex, Dan at Dino sa hirit ng dalaga. Lingid sa kaalaman nila, si Angela pala ay apektado sa narinig. Nakaramdam ito ng pag-aalala sa binatang si Miguel, dahil aminin man niya o hindi, talagang nakakamiss ang kapilyuhan ng binata. Parang may kulang sa araw ni Angela nang araw na yun at hindi ito mabubuo kung hindi niya makikita ang binata. Kumain sa canteen si Angela. Sinamahan siya ni Karen at ni Alex. Nakaramdam ng lungkot si Angela habang pinagmamasdan ang table kung saan sila madalas kumakain at nagtatawanan ni Miguel. Hindi alam ni Angela na ti-ni-text pala ni Alex kay Miguel ang mga kilos nito at galaw.

(Itutuloy)

2 Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published.