Yosi Tayo, Pre!

Natuto akong manigarilyo isang taon matapos akong gumradweyt ng college. Mga 21 years old ako noon at Oo, medyo late na ako natuto ng mga bisyo katulad ng pag-inum ng alak na palagi ko namang sinusuka, pagtambay sa kanto sa kalagitnaan ng gabi kasama ang mga tropapips at ang pakikipaglandian at pakikipagharutan sa mga tropapis din na nakilala ko lang sa campus at mga party party. Ang lahat naman ng bisyong natututunan ko noon ay mabilis ko naman naitigil maliban na lamang sa lintek na sigarilyong ito. Hindi ko na yata maaalis ang bisyong ito hanggang sa magkasakit na lang ako at mamatay.

Marami nang brand ng yosi akong (tinambutso) tinikman. Lahat na yata ng brand mula sa pinakamura hanggang sa pinakamahal ay nasubukan ko pero sa ngayon, sa isang brand na lang talaga umiikot ang mundo ko, yung “medyo mahal” lang kasi middle class naman ang status ko sa lipunan. Char!

Noong una akala ko may dahilan talaga ang mga kabataan kung bakit sila nalululong sa mga bisyo tulad ng paninigarilyo. Ako kasi yung tipo ng kabataan noon na sobrang kinamumuhian ang mga katulad kong kabataan na nagyoyosi. Yun bang tipong gusto ko silang sapakin kapag naaamoy ko ang usok ng yosi lalo na kapag nakakasabay ko sila sa tricycle o sa jeep.

Akala ko noon mga papansin lang ang mga kabataan dahil mayroon silang gustong patunayan sa mga tao. Yun bang tipong “lalaking-lalaki ako” kaya magyoyosi ako para “in” ako sa tropa. Shoot talaga. Hate na hate ko yang mga ganyan noon lalo na kapag mga sobrang musmos pa lang eh nagyoyosi na. Hindi ko naman talaga alam kung ano ang dahilan nila pero kasi ako, wala naman talaga dahilan kung bakit ako nalulong sa tabako. Wala lang talaga. I just found myself suddenly bored and I had the need to do something else aside from just doing my regular errands. Basta ganun. Bigla ko na lang naisipan magyosi. Mali ang desisyon kong iyon noon. Akala ko naman kasi madali ko kaagad matitigil dahil sabi ko may kontrol naman ako sa sarili ko. Akala ko naman hindi na masusundan ng ikalawang stick ang una kong paghit-hit. Akala ko naman kasi hindi ko hahanap-hanapin ang “Tama” ng nicotine sa katawan ko. Maraming maling akala na ngayon naman ay unti-unting sumusunog sa baga ko.

Aaminin ko, nakaka isa hanggang dalawang kaha ako ng sigarilyo bawat araw. I mean sa loob ng 24 hours. At nadadagdagan pa yan ng isa hanggang dalawa pang kaha kapag nag-iinom (na minsan lang naman mangyari), at kapag nagpapalipas ng oras lalong lalo na kapag naghihintay. Yosi bago kumain, pagkatapos kumain, pag-jumejerbs, pagkatapos jumerbs, bago maligo, bago matulog at pagkagising na pagkagising. Yan ang bahagi ng yosi sa buhay ko araw-araw na lang na ginawa ni Papa God.

And you know what makes it more addicting? Each puff feels so good! Basta alam ko naiintindihan din ako ng mga nagyoyosi ring tropapis natin dyan. Kaadik talaga at hindi ko alam kung papaano ko lulusutan ang “deep sh*t” na ito sa aking buhay.

Sobrang aware naman ako sa mga sakit na maaari kong makuha sa paninigarilyo. Alam na alam ko na ang mangyayari sa akin pag hindi ko ito naagapan. Alam kong pahihirapan ako ng mga sakit pagdating ng araw na sisingilin na ako ng aking katawan dahil sa ginagawa kong pang-aabuso dito. Natatakot na ako para sa araw na iyon pero hangga’t hindi pa buo ang loob ko para tigilan ang adiksyong ito, siguro mamamatay na lang ako, humihithit pa rin ako ng sigarilyo.

Sinubukan ko na rin lahat ata ng posibleng paraan para tumigil sa pagyoyosi eh. Na-try ko na ang Herbal Cigarette, Electric Cigarette, Nicotine Patch, ang iba’t-ibang mga books on how to stop smoking at kung anik-anik pang mga naimbentong ka-chorvahan para tumigil magyosi. Lahat walang epekto. Lalabas pa rin ako ng bahay para magyosi.

Disiplinadong smoker naman ako at sa maniwala ka o sa hindi, nagsisigarilyo lang ako sa tamang smoking area. Never ako nagyosi sa loob ng pampublikong jeep at bus, never sa tricycle at lalong-lalo na, never na never sa harapan nina Mama at Papa. Although alam ko namang alam na nila na nagyoyosi ako, pero bilang respeto never ko pang pinakita sa kanila. Nakakahiya din kasi.

But don’t worry, hindi ako Yosi kadiri. Maputi pa rin naman ang ngipin ko and I brush my teeth each and every smoking session. Mabango pa rin naman ang hininga ko. hahaha. 😀

Kung may suggestions kayo on how to stop smoking, sabihin nyo lang at ita-try ko. Pero para sa akin, it really takes courage to stop this bisyo. And I’m not that strong enough I guess. It’s all psychological after all. :\

Kaya ikaw, kahit tikim wag na wag mo gagawin. Umiwas hangga’t maaari. Dahil kapag na-trap ka na ni yosi, you’ll never know how to stop.

About DF Community

This article was submitted by the author above. All articles posted in this blog are views of their respective authors. All commentaries, letters or opinions submitted by the Definitely Filipino community are presented here unedited, except for formatting and minor typographical corrections.