Yakap

Yakap.

Pagkapit nang mahigpit at malapit sa mga braso ng isang tao.

Pinagmamasdan ko ang mga karamihan ng tao sa paliparan. May nagpapaalam. May nasalubong. May naiyak. May nakangiti. May masaya. May malungkot. Iba’t iba at halo halo ang damdamin ng mga tao dito sa paliparan.

Sa may departure area ay may napansin ako. Dalawang tao, babae at lalaki. Mahigpit nilang niyakakap ang isa’t isa. Nararamdaman ko ang tindi ng kanilang yakap. Sobrang higpit, parang ayaw ng babae na bumitaw sa kanyang pagkakayakap dahil alam niyang matagal na ulit sila magkikita.

Habang tinititigan ko sila ay lalong bumabaon sa akin ang matinding kalungkutan. Bumigat bigla ang aking pakiramdam. Nararamdaman ko ang mga luha na lumalabas na aking mga mata. Nalungkot na rin ako bigla. Nadama ko na rin ang kanilang nararamdaman ngayon.

Nakayakap pa rin sila sa isa’t isa. Walang bumibitaw. Walang gumugulo. Walang nakikialam. Basta ngayon, sa sandaling iyon ay sila lang dalawa. Walang kahit sino, basta sila lang.

Dumating rin sa puntong kailangan na rin bumitaw ng isa. Dahan-dahang bumitaw sa pagkakayakap ang lalaki. Sobrang lungkot ng mga sandaling iyon. Makikita mo sa muhka niya ang dalamhati at pighati. Alam niya ang kanyang maiiwan. Ang kanyang ma-mimiss. Ang munting mundo na sila lang dalawa. Ang mundo nilang ginawa sa paglipas ng mga taon.

Dire-diretso ang agos ng luha nilang dalawa. Alam nilang ma-mimiss nila ang lahat ng ito. Ang lahat ng nakagawian nilang gawin. Ang lahat ng mga sandaling kahit kailanman ay hindi maaring palitan. Ang lahat ng meron sila. Lahat.

Dahan-dahang tinalikuran ng lalaki ang babae. Dahan-dahan niyang pinagulong ang mga gulong ng kanyang maleta. Dahan-dahan niyang inilayo ang kanyang sarili sa babae. Ang lungkot. Sobrang lungkot ng mga nakikita ko ngayon. Nakatayo lang ang babae. Nakatitig sa lalaki habang lumalayo sa kanya.

Biglang, tumakbo ang babae. Tumakbo patungo sa lalaki. Niyakap niya ang lalaki mula sa likod. Niyakap niya muli sa huling pagkakataon. Niyakap niya nang mahigpit. Sobrang higpit. Napaluha ang lalaki. Napaluha ang babae. Napaluha ako.

Bumitaw na ang babae sa kanyang pagkakayap. Humarap ang lalaki at nagpaalam na sa kanya. Hinalikan niya ang babae sa noo. Habang papasok sa loob ng paliparan ay kinakawayan nila ang isa’t isa. Nakangiti ang lalaki, nakangiti rin ang babae. Alam kong nagpapanggap lang sila na masaya sila sa mga nangyayari ngayon. Kinawayan nila ang isa’t isa sa huling pagkakataon at pumasok na sa loob ang lalaki. Tumungo na lang ang babae,dahan-dahang tinalikuran ang paliparan. Naglakad na siya palayo sa paliparan.

Dinampot ko ang aking panyo sa bulsa ko. Pinahiran ko ang aking mga luha. Alam kong darating din ang panahon na magkikita muli sila. Magsasama ulit ang mundo nilang dalawa. Alam ko na balang araw ay mayayakap nila ulit ang isa’t isa.

Masaya at mahigpit sa braso ng isa’t isa.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.