‘Yah Walleth’ [K-16]

yah walethKabanata 16 – ‘Si Samir’

“Roh roh roh agami akil” sabi ni Rowel sa tatlong driver ni Hambal na nakaupo sa living room ng kanilang accomodation.

Ang upuan ay pasadyang kutson na walang frame kundi kutson lang talaga na kulay dark blue, kaya kung titignan ay parang Japanese style.

Nakasuot ng manipis na plain white pajama at white t-shirt ang tatlo na akala mo ay mga karatista at nanonood ng lumang movie na banyaga ang salita.

Ang una ay si Arif; isang matangkad na negrong sa unang tingin ay parang masungit pero napakabait na Sudanese.

Ikalawa ay ang Syrian na si Saad na talo pa ang buntis sa laki ng tiyan at walang ginawa kundi kumain ng kubos oras oras.

Kaya ikaw diyan sa abroad na nagbabasa nito ngayon, kung ayaw mong lumaki ang iyong tiyan ay alalay ka lang sa pagkain ng kubos.

O ha, me writer bang ganyan?

Ako lang yun.

Kaya nga Mr. Clown ako, eh. Hek! Hek!

At ang ikatlo ay ang matandang si Samir na nasa idad 60 na, malaki din ang tiyan at kakuwarto ng binata ang Lebanese.

Mababait ang tatlo at lahat ay hindi natutuwa kay Hambal sa ginagawa nito sa mga Pilipino na hindi nalilingid sa kanila ang palaging pagbabawas nito ng sahod sa salang ibinibintang ng Huli.

Magaganda ang sahod ng tatlo pero madalas ding mabulwayan sa walang kadahilanan at ayos lang sana sa kanila iyon dahil alam nilang nais lang ni Hambal na ipakilalang siya ang Diyos sa palasyo kaya dapat walang loloko-loko.

Subalit ang pinakaayaw nila ay ang pagkaing inilaan sa kanila araw-araw at sawang-sawa na sila sa walang kamatayang brown beans o foul.

Nagreklamo sila, pero ayun nga at nabulyawan pa.

Mga nagtitiis lang din ang tatlo dahil sa mahirap din ang buhay nila sa kanilang bansa.

Sa tatlo ay si Samir lamang ang naikaintindi ng english, kaya sa kanya nagpapa-translate ang binata kapag nais niyang magpatawa sa mga ito o magkuwento.

“Walah, Rowel inta kuwais gidan,” sagot ni Arif.

“La illah illa Allah. Mohammad rasulala. La hawla wala quata illa billah. Alhamdulilah,” ani ni Rowel na nakaturo pa ang daliri sa kisame.

Tuwang-tuwang nag-usap ang tatlo pero sa pagkakaintindi ni Rowel ay tuwang-tuwa sa kanya ang mga kasamahang ibang lahi.

‘Yung pasok niyang Roh Roh Agimi Akil, ibig sabihin ay: “Oh, Biles baka maubusan kayo ng pagkain, magsitayo na d’yan”

Sa tuwing matatapos ang dinner ni Hambal at ng mga kaibigan nito kapag araw ng Party ay kanya-kanya nang tago o tabi ang mga Yah Walleth ng kakainin habang nagliligpit sapagkat iyon lang ang pagkakataon nilang makakain ng masarap.

Sa almusal kasi ay laging nilagang itlog at kubos ang nasa dining room ng mga Pinoy at sa tangahali ay chicken curry ng india na nung una ay nasuka ang binata sa amoy at sa gabi ay motton na maanghang.

Paulit-ulit na ganun.

Ikaw ba dyan uy, na nagbabasa ngayon, eh, hindi magsasawa kapag palaging ganu’n araw araw?

Magpakatotoo ka ha, baka sabihin mo sa akin, okey lang alang-alang sa pamilya.

Eh, lumang style na ‘yan. Hehehehe!

Kaya naman kapag may party ay itinatabi na agad ng mga Yah walleth ang mga masasarap.

Gaya ng Fried Chicken na pinalamanan ng rice with mixed nuts.

Sugpo na singlaki ng Tilapya, nakakita ka ba nun? Ay naku, ulo pa lang ulam na.

Lobster.
Grilled Beef T-bone.
Pasta with shrimps.
Mga barbeque,
Kebab,
Lamb chop,
Vegetable salad at marami pa.

Ang pinakagusto na pinakaayaw naman ng mga Yah Walleth ay yung inoven na buong Karup o ang kanilang kambing.

Dahil kapag tinignan ay parang nakakatakot dahil kasama pati ulo ahehehe!

Parang binanlian lang ang itsura kaya mukhang malansa.

Pero ha! sarap na sarap ‘dun ang tatlo kaya pagkatapos ng dinner ay agad na itinatakbo iyon ni Rowel sa living room kung saan umaasa na at naghihintay na ang mga kaibigan niyang driver, bale kasama na rin ang iba pang tirang pagkain.

Nagsitayo ang tatlo para abutin ang iba pang mga dala o bigay ng mga yah walleth.

Para sa tatlo ang araw ng party ay Fiesta nila.

Nang maialis na sa dining table ang lahat ng pagkain ay nilinis na ng binata ang lamesa at tinanggal ang mga placemat, cover, pinunasan at ibinalik sa gitna ang mamahaling flower vase na may artificial na mamahaling orchids na nakadisplay dito kapag walang kainan.

Pagkalinis ay umistambay na siya sa bar kung saan nandoon ang lahat ng kasamahang abala sa paggawa ng mga inorder na mainit na inumin ng mga katatapos lang kumain na mga nakaupo na sa malaki at magarang living room.

Kumuha ng isang bagong ash tray si Rowel, inilagay sa maliit na tray at rumampa sa living room upang ipakita kay Hambal na tapos na siyang magligpit at ayun nga, tuloy na sa trabaho.

Isa-isa niyang tinignan kung may ash tray doon na may upos ng sigarilyo at eksakto namang nagpatay si Sheek Naveed, kaya dinampot niya ito at pinalitan ng bago.

“Please, give me Turkish coffee, Yah Walleth.”

“Yes, Sir.”

Nang araw na iyon ay maagang nagsiuwi ang mga barkada ni Hambal.

Laging kapag may isang tumayo at magpaalam ay magisisigaya na ang lahat na umuwi.

Kaya laking tuwa ng mga Yah Walleth nang makitang nagbebeso-beso na ang mga bisita nang maaga pa.

Mabilis na lumapit si Michael kay Hambal at kinuha nito ang sigarilyo, mga natangap na regalo at sumunod na kay Hambal na lumabas para bumalik sa kanyang Palasyo.

Alas dose lang ng hating gabi ay tapos na ang okasyon.

Kaya naman ala-una lang ay tapos na rin sila sa pagliligpit ng kalat at paglilinis ng Main Diwana.

Dahil nasanay na ang lahat na laging alas kuarto natutulog ay kanya-kanya muna ng mga gagawing libangan.

Si Gary ay nagbukas ng computer, nag-online sa kanyang YM (wala pa kasing Facebook noon) at nakipag-cam to cam sa kanyang magandang nobya sa Pinas na teller sa BDO.

Hindi alam ni Glenda ang bagay na iyon at ang alam lang ay walang nobya ang lalaki na kanyang nobyo sa palasyo.

Naniniwala ang loka na pag-uwi ay pakakasalan siya.

Minsan nga habang ka-chat si BDO ay kasabay namang kausap si Glenda sa telephone at madalas natatawa na lang ang mga kasamahan.

Si Randy ay tinawagan sa phone si Pinky.

Si Domeng ay lumabas para dalhin kay Rio ang paborito nitong ice cream cake na tira sa Party.

Si Roger ay nagjogging paikot-ikot sa palasyo.

Si Michael ay nasa loob pa ng palasyo ni Hambal at marahil sa kasalukuyan ay nagmamasahe na kay Hambal kasama si Jheny at Apple.

Kay Rowena ay wala pa siyang bagong balita kung ginawa na ding masahista o pumayag nang makahawak ng imported na kuwan.

Ang huli niyang narinig ay nananatili pa ito sa kanyang kuwarto at marahil ay pinapasarap muna ni Hambal ang buhay.

Si Rowel ay nagpunta sa tree house at doon inalala niya ang huling pag-uusap nila ni Valerie bago ito tumakas kinabukasan.

Naalala niyang parehong pumatak ang kanilang mga luha nang maglapat ang kanilang mga labi bilang tanda ng kanilang pagmamahalan at halik paalam.

“Psstt… Kuyaaaaa! sino’ng iniimagine mong kahalikan dyan?” si Mayvel kasama si Jheny.

Bagamat nagulat ang binata ay: “Wala noh! Inaantok lang ako.”

“Sus! Kita ka namin, nag-iimagin ka ng kising kising ‘dyan. Me paembrace-embrace ka pa habang nakapikit.” panunukso ni Jheny.

“Ba’t lumabas pa kayo? Ba’t ‘di pa kayo matulog? Ang tibay n’yo rin ah. Hataw na trabaho n’yo sa maghapon, eh, nagpupuyat pa kayo?” kunwa’y galit na binata.

“Wehh! Palusot pa, eh, nagpapahangin kami. Nalulunod na kami sa aircon, ” labi ni Mayvel.

“Siguro nagpapraktis ‘yang humalik. Turuan kita gusto mo?” biro ni Jheny.

“Abah! Pag hinalikan ka niyan, dapat ako din. Tagal ko nang tinutukso ‘yan,” ani Mayvel na namaywang pa.

“Hoy! Magsitulog na kayo. Baka patulan ko pa kayo,” pananakot ng binata pero siya rin ang biglang natakot.

“Go! Go! Go! Konting hamon pa. Hihihi!” kalabit ni Mayvel kay Jheny.

“Hindi ako nagbibiro,” seryosong sabi ng binata.

“Magpapamisa kami,” duet ng dalawa.

“Sige na, kuya, para ma-recharge kami. Tigang na eh,” si Mayvel.

“Ano kayo, cellphone?”

“Sige na! Ang damot!” si Jheny.

“Kapag hindi mo kami hinalikan, sisigaw kaming dalawa dito ng rape,” pananakot ni Mayvel.

“Okey, siya, akyat na tayo sa taas,” sabi ng binata.

“Yehey, uy, una ako ha. Para pagdating sa iyo, expert na siya,” baling ni Jheny sa kasama na halatang pinatatamaan ang binata.

Sa loob ng tree house habang nakadungaw si Jheny sa bintana ay patuloy ang paghahabol niya ng hininga gawa ng pakiramdam niya ay siya ang tinuruan ng binata nang halikan siya nito.

Hawak-hawak na ni Rowel ang pisngi ni Mayvel habang nakapikit nang madiin ang dalagang dumadagundong ang dibdib sa kaba at naghihintay sa pagdampi ng halik ng binata nang..

“P’reeee!” yugyog ni Michael na kanyang ikinagising.

Nakatulog pala siya sa ibaba ng hagdan ng tree house habang nakaupo na marahil ay dala ng pagod.

“Baka abutan ka ng sikat ng araw diyan. Alas tres media na,” sabi nito.

“Buti nakita mo ako dito, P’re,” aantok antok na saad ng binata

“Panay tawag ni Mayvel, pabalik-balik ako sa kwarto mo, wala ka, kaya hinanap kita. Lika na,” yaya ni Michael.

“Kuya, saan ka galing?” tanong ni Mayvel na nasa kabilang linya ng telepono.

“Nagpahangin lang,” sagot ng binata.

“Baka me kalaro ka na ng taguan ha?” anang dalaga

“Bad ‘yun. Goodboy ang kuya mo,” tanggi ni Rowel.

“Ah. Baka lang naman. Bahala ka, malatigo ka, sige.”

“Good boy nga po. Una na akong matulog. Matulog ka na rin at umaga na.”

“Sige, Goodnight, kuya. I love you.”

“Goodnight,” tugon ng binata.

Hindi siya puwedeng makipag-i love yuhan dahil baka iba ang isipin ng kaibigang si Michael kung madinig.

“Kamusta si Mam Rowena ‘dun, P’re?” tanong niya sa kaibigan.

“May kakaibang nangyayari, P’re. Bukas ko na ikuwento sa iyo, P’re. Madams day bukas ni Hambal. Antok na antok na ako.”

“Ah. Sige. Alis na ‘ko.”

Pagkahiga niya sa kama ay: “Ba’t gan’un ang panaginip ko? Ibig bang sabihin ay bibigay ako kay Jheny at kay Mayvel ay hindi?”

Pumikit na ang binata at hinanap sa dilim ang loob ng tree house pero nakalimutan na niya ang laman ng isip hanggang sa lumalim na ang kanyang tulog.

“Patawarin mo ko, Rowel.” ang lumuluhang sabi ni Valerie.

“Akala ko ba… hihintayin mo ako?” malungkot na tanong ng binata.

“Nagbalik siya sa akin at mahal ko pa pala siya,” sagot nitong humahagulgol habang nakasapo ang dalawang kamay sa mukha.

Blaggg!!!

Ingay ng nasirang kama ni Samir ang pumutol sa panaginip ng binata.

Itutuloy po…

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.