‘Yah Walleth’ [Huling Kabanata]

Huling kabanata – ‘Si Bernie’

yah waleth

“Ingatan mong mabuti ang pera mo ha. Paghiwa-hiwalayin mo, huwag sama-sama. Kapag nawala ang pitaka mo, gutom na aabutin mo ‘dun. Konti lang din ang dala ni Randy at Rio,” bilin ni Rowel kay Apple.

Nakasuot na ng itim na damit ang babae at handa na sa pag-alis.

Kahit nakapag-usap na sila kagabi ay sumimple pa rin sila ng pag-uusap habang may inaayos pa si Hambal sa kuwarto.

“Oo. Huwag kang mag-alala, babayaran agad kita kapag nakakita na ako ng trabaho doon,” nakangiting tugon ng babae. “Pag pray mo ko lagi ha.”

“Oo naman. Pero bukod sa dasal ko, dapat ikaw din. Tandaan mo lahat ng binilin ko ha. Kahit sino pang pogi ang dumating ay huwag na huwag munang makipag-relasyon. Tama na ha.”

“Hindi naman ako mahilig sa pogi ah. Nagkataon lang na pogi kayo ni Michael,” nakalabing sagot ni Apple.

Napangiti ang binata bago lumapit, sinadyang magkadikit ang kanilang dibdib upang mapaatras hanggang sa nakasarang pintuan si Apple na naging dahilan upang mapasandal ito doon at pagkuwa’y inilapit ang mukha.

Naunawaan naman ng babae ang nais mangyari ng binata kung kaya ipinikit nito ang mga mata.

Naganap ang maiinit na palitan ng halik at naghiwalay lang nang parehong kapusin ng hininga: “Pabaon ko sa iyo iyan. Para lagi mong maaalala ang mga payo ko,” anang binata bago binigyang muli ng kiss si Apple.

“Oo, salamat sa iyo,” nakangiting anang babae.

Nag-ring ang handy phone at mabilis nang lumabas si Apple upang maunang pumasok sa bar papunta sa kwarto ni Hambal, nagpalipas lang ng isang minuto si Rowel bago sumunod at eksakto naman ang paglabas ni Hambal: “Yalah, Rowel,” anito.

“Pre, Goodluck. Ingat ha,” ani Rowel kay Randy nang magkita sila sa ibaba.

“Oo, ikaw ‘din, goodluck sa pag-uwi mo, kamusta mo na lang ako kay Valerie ha. Basta ‘yung pangako ko sa iyo, kapag nagtagumpay kami ‘dun at nakakita ng magandang trabaho, magsabi ka lang kapag may kailangan ka,” sagot ng kasama.

“Unahin mo anak mo, anak n’yo ni Pinky, P’re,” ani Rowel.

“Ninong ka ha, kahit wala ka sa binyag.”

“Sure,” sagot ni Rowel.

Isang linggo pagkaalis ng amo ay lilipad na rin kasi ang binata pauwi ng Pinas na bakasyon ang pagkakaalam ni Hambal, pero hindi na ito babalik pa sa palasyo.

Hindi na niya kayang magtagal pa na hindi nakikita ang minamahal na katipan kung kaya gumawa siya ng paraan na si Randy ang makasama.

Ilang sandali lang ay lumabas na ang mga kasambahay ni Madam at kasunod na ang huli at ang mga anak nito.

Malungkot na lumingon lang sandali sa kanya si Rio at nagkaunawaan na ang kanilang mga mata bilang paalaman.

Muli ay nakadama ng lungkot ang binata nang mawala na sa kanyang paningin ang mga sasakyan.

Eksaktong araw ng pag-uwi ni Rowel ay nakita niyang may kausap si Kashile na tila parang turumpo itong ‘di mapakali at pabalik-balik ang paglalakad habang nakikinig sa kausap sa telepono.

Puro: “Yes, yes, Sir. Aiwa, Aiwa,” ang maririnig dito.

Nang ibaba nito ang cellphone ay: “Wheww! Problem, Rowel, Randy, Rio and Apple escape,” tulalang anito.

Lihim na natuwa ang binata: “Thank you, Lord, and please huwag mo silang pabayaan,” sa kanyang isipan.

__________________________

Nakapila ang binata sa POEA upang ayusin ang ilang dokumentong kailangan para sa pagbabalik niya sa Palasyo, hinahabol niya ang expiration ng kanyang re-entry visa.

Hindi na niya kayang manatili pa sa Pilipinas.

Naisip niyang kung doon niya nakalimutan si Rhia ay doon din niya makakalimutan si Valerie.

Habang nakaupo at hinihintay na matawag ang kanyang numero ay nakita ang isang babaeng tumayo at lumapit sa booth.

Kahawig ni Valerie ang buhok nito.

Muling niyang nadama ang kirot nang maalala ang pagpunta niya sa katipan matapos ang ilang araw na paghahanap niya sa tinitirhan nito.

Kumatok siya sa pinto ng isang single detach na bungalow na nasa isang maliit na subdivision dala-dala ang isang bag ng mga naiwang gamit ng dalaga sa palasyo na itinago niya nang matagal at maraming mga chocolates na pinabili niya kay Abdul.

Isang lalaking matangkad at may itsura ang nagbukas.

Karga-karga nito ang isang batang lalaki na halatang kagagaling sa pag-iyak.

“Magandang araw po. Kasamahan ako ni Valerie sa Palasyo. Ibibigay ko lang sana itong gamit na naiwan niya doon.”

“Magandang araw din. Wala pa siya, eh. Nagbayad ng amelyar nitong bahay. Kanina pa nga iyak nang iyak itong anak niya.”

Nabigla si Rowel sa narinig at saglit na hindi nakapagsalita.

Nang makabawi ay: “Pakibigay na lang ito sa kanya, hindi na ako magtatagal. May ihahatid pa kasi akong mga padala.”

“Ah, sige, salamat ha. Ako nga pala si Bernie. Ikaw?”

Lalong nabigla ang binata at naalala ang isang sandali na magkahawak kamay sila ni Valerie habang nakaupo sa hagdan ng tree house.

“Ano ba pangalan ng bf mo na ‘yun?” tanong ng binata sa katipan.

“Ba’t mo pa tinatanong?” tila may pangambang tanong ng dalaga.

“Wala lang. Gusto ko lang malaman,” tugon ng binata bago mabilis na hinalikan sa pisngi ang katipan.

“Bernie,” parang hindi interesadong sagot ng dalaga.

“Ano ang itsura?” tanong ulit ng binata.

Tumingin sa kanya si Valerie at: “Naman, mahalaga ba ‘yun?” tila naiinis na sagot nito.

“Nagtatanong lang nga po,” muling sagot ng binata bago muling hinalikan ang katipan sa ilong at dampi sa labi. Ayaw niyang magalit o mag-isip ng masama ang minamahal.

“Tall, dark and handsome na walang kwenta,” anito.

“Paano kung bumalik sa iyo ‘yun pag nandoon ka na?”

Ang dalaga naman ang humalik sa labi ng binata, pagkuway: “Ikaw na ang nandito,” anito na itinapat pa ang kamay sa tapat ng puso.

“Kelan pa?” nakangiting tanong binata.

“Noong unang makita kita sa christmas party,” nakangiting sagot ng dalaga.

“Mas una pala ako sa iyo. Ako nu’ng una kitang makita sa backdoor ng kitchen ni Madam eh.”

“Talaga?” tila naglalambing ang dalaga.

Inilapit ng binata ang bibig sa tenga ni Valerie at “Oo, kahit may black eye ka ay ang ganda ganda mo pa rin,” pabulong na sagot nito.

Kinurot siya ng katipan sa tagiliran, pero hinapit ng binata ang dalaga at nangyari ang halik na punong-puno ng pagmamahalan.

Nakipagkamay ang binata at “Ako si Rowel,” sagot ng binata bago “Sige ha, mauna na ako,” at mabilis na tumalikod upang maitago ang sakit na nararamdaman.

Tumunog ang counter machine at ang hawak na numero ni Rowel ang lumabas.

Mabilis siyang pumunta sa booth para sa proseso ng dokumentong kanyang inaayos.

Pag-uwi niya sa bahay ay nadantnan niyang masayang-masaya ang kanyang mga magulang:

“May bisita ka, anak. Nasa likuran sila.”

Pumunta siya sa likuran at nabigla siya sa kanyang nakita.

Si Bernie na tinutulak ang duyan habang nakasakay ang nakita niyang karga nitong batang lalaki.

Nakatalikod na nakatanaw doon ang isang babaeng alam na alam na niya kung sino.

Tila naramdaman ng babae ang kanyang presensya kaya lumingon ito sa kanya.

Nang makita ang binata ay humarap ito at malungkot na: “Babalik ka raw doon?”

Tumango lang ang binata.

Namula ang mga mata ni Valerie at nagbanta ang mga luha: “Bakit? May iba na ba? Si Jheny ba?”

Umiling si Rowel.

Nalaglag ang luha sa mata ni Valerie: “Hinintay kita.”

Pigil ang damdaming maiyak na sumulyap si Rowel sa kinaroroonan ni Bernie at ng bata.

Lumingon din ang katipan doon at pagkuwa’y humarap sa kanya nang tuloy-tuloy na umaagos ang mga luha: “Hinintay ka namin ng anak mo.”

Natigilan si Rowel.

Naalala niya ang huling gabi na magkasama sila ni Valerie sa loob ng tree house bago ito nakatakas sa palasyo.

Nang tuluyan na niyang maangkin ang katipan ay tinakpan ng kanyang mga labi ang labi nito subalit naramdaman ng pisngi niya ang mga luha ng dalaga nang ganap nang mapag isa ang kanilang mga katawan.

Nangamba siya sa katipan at nais tumigil, pero yumakap ito nang mahigpit sa kanya at sinabing: “I love you, Rowel. I love you so much,” at pagkasabi’y humalik sa kanyang labi.

“I love you, Valerie…” at muling naglapat ang kanilang mga labi habang marahan at punong-puno ng pag-iingat na ipinadadama ng binata ang kanyang pagmamahal sa katipan.

Halos isang oras na lang at sisikat na ang araw nang bumalik si Valerie sa palasyo ni Madam.

Nalito at nagpalipat-lipat ang tingin niya kay Bernie at sa katipan.

“Kapatid ko siya, si Bernie.”

Sapat na ang narinig upang mabilis na lumapit ang binata at niyakap nang mahigpit ang katipan: “Akala ko…” anito bago tinignan ang katipan, hinawakan ng dalawang kamay ang mukha nito: “I’m sorry..” lumuluhang sabi ng binata, pagkuwa’y hinalikan si Valerie na mainit ding tumugon sa kanyang halik.

Muli nilang nadama ang pagmamahal sa isa’t isa.

Nang kapusin ng hininga ay nagyakap nang mahigpit.

At habang yakap niya ang minamahal ay: “Akala ko siya ang nobyo mong sinasabi nang magpakilala siya sa aking si Bernie. Akala ko nagkabalikan kayo. Akala ko anak n’yo…”

Inawat ni Valerie ang tuloy-tuloy na salita ni Rowel: “Ayaw kong pag-usapan natin ang ex ko dahil hindi ko na siya mahal, ikaw na ang mahal ko kaya sinabi kong Bernie ang pangalan niya. Saka tall, dark and hansome yung ex ko. ‘Yang kapatid ko ay tall, pero maputi na handsome o,” nakangiting anang katipan. “Lahi kami ng maputi,” tila pabirong sabi nito.

Tinitigan muli ni Rowel ang katipan at muling hinalikan.

Naawat lang sila ng: “Bayawwwww! Baka naman masundan mo ito agad eh, mag-iisang taon na ito, ni hindi pa nga nabibinyagan,” ani Bernie

Kinuha at kinarga ni Rowel ang anak at noon lang niya napagmasdang kamukha niya.

“Rowrie,” naisip kong pangalan, Rowel at Valerie made in Tree house,” ani Valerie. “Baby, kiss your daddy.”

Humalik ang anak sa pisngi ni Rowel at para namang kilalang-kilala na siya ng batang yumakap nang mahigpit sa kanya.

________________________

Bago bininyagan si Rowrie ay nagpakasal muna sa huwes sina Rowel at Valerie at isang buwan lang ang nakalipas ay ikinasal naman sa simbahan ang dalawa.

Ang perang nakuha ni Valerie sa lagay ni Hambal para huwag nang magsampa ng kaso ay ibinili niya ng maliit na bahay at nang dumating si Rowel ay inilipat niya ito sa pangalan ng binata.

Ayon kay Valerie ang lahat ng nakuha niya ay dahil kay Rowel na kanya nang Mister.

Wakas.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.