With Great Power comes Great Responsibility

Peter Parker. Spider-man. Isa sa mga pinakasikat na superhero sa mundo. Minsan, naiintriga talaga ko sa superhero na ito. Bakit hindi walo ang paa niya?

“Why do we fall, Bruce?”

Bakit nga ba?

“To learn to pick ourselves up.”

Kapag darating sa puntong wala ka nang magawa, dead end, ‘ika nga nila, bahala na si BATMAN. Kaya sila tinawag na superheroes. Dumadating kung kailangan at mayroon silang superpowers na sila lang ang meron tulad mo na may kili kili powers na mas malakas pa sa kamehame wave ni Gokou, 6x longer pa.

Pero hindi mo na kailangang maging bayani para malaman na ito’y kathang isip lamang ng mga taong walang magawa sa buhay kundi suminghot ng katol.

Hindi mo kailangang magpakagat sa mga gagambang bahay, pwera na lang kung engot ka. Hindi mo kailangang maging mayaman tulad ni Batman o Iron Man na sa sobrang yaman ee ikaw na lang ang hindi niya nabibili. No need for speed tulad ni Flash. Di mo na rin kailangang gumamit este lumunok ng bato at sumigaw ng Darna, kung iyon ee hindi bumara sa lalamunan mo ang batong nilunok mo. At kung payat ka pero gwapo namang tulad ko, wag kang mag assume mag Captain Barbel. Bukod sa maliit lang ang muscles mo, maikli lang ang buhay. Wag mo nang samahan ng kakarampot na kaengotan.

Hindi na natin kailangan ng superpowers para maging angat dahil bilang tao, meron tayong built-in authority. Sabi nga ng pilosopong nabuhay bago pa man mauso ang AIDS at milktea, ang tao ay nabuhay at nabubuhay dahil meron tayong tinatawag na leaders. Hindi mabubuo ang daong ng wala si Noe. Hindi matatayo ang toreng Babel ng wala si Nimrod. Walang Greece kung wala si Alexander the Great. Walang World War II pag wala si Hitler.

“We are born leaders”

Mahalaga ang leaders. Sila ang taga push ng group. Parang pedal ng bike. Pag hindi ‘yan pumadyak, tutumba ka.

“Because we live by power, we will fight for power, we will kill for power.”

Minsan, pag masyado tayong magaling, hindi na tayo nagiging leaders, we treat ourselves like a boss. Dahil meron silang alam na certain things, iniisip ng tao na mas angat siya sa iba at madalas, umaakyat sa ulo. Nabubura yung pag-ibig sa kapwa at pagiging humble. Napapalitan ng sobrang pagpapahalaga sa sarili at kahambugan. Binababa ang iba, inaangat ang sarili niya.

Totoo, nakakatuwang isipin na may mga bagay tayong nagagawa na hindi kayang gawin ng iba. Pumapalakpak ang tenga natin at unti-unti tayong umaangat sa lupa. Hindi naman masama yun dahil mahirap pigilan ang ating emosyon. Hayaan mong lumipad muna.

PANANDALIAN.

Dapat matuto kang bumaba dahil habang umaangat ka, napapalayo ka sa kanila. Hindi mo na sila kapantay. Napapalayo ka sa ibang tao at dahil malayo ka na, sinisigawan mo na sila hanggang sa dumating sa puntong hindi mo na sila masyadong makita at minamaliit mo na. Nakalimutan mo ba na tao ka lang din, hindi mo ba napansin, na kahit anong taas mo na, titingala ka pa rin?

Tandaan mo, na kahit ang pinakadakilang taong nabuhay sa mundo, na puwedeng maging superhero, hindi hinangad na paglingkuran ng maraming tao.

“Just as the Son of man came, not to be ministered, but to minister”

About LegenderElaine

Wannabe na kulang sa tulog, kulang sa kain, kulang sa isip at kulang-kulang. Kailangan ko lang nang konting inspirasyon.