Why You Get Married?

Image credit to owner

 

(photo credit: google)
(Photo Credit: google)

“Why You Get Married?”

Ito ang seryosong tanong sa akin ng kapatid ng amo ko na isang Lebanese; isang tanong na mabilis kong nasagot:

Dahil in love ako!

Dahil gusto kong magkaroon ng sariling pamilya.

Dahil gusto kong magkaanak.

Isang sagot na kinontra, kaya umupo ako sa isang sofa at itinigil ko ang paglilinis sa sala.

“Bakit gusto mong magkaanak?” seryoso niyang tanong.

“Aba, siyempre, dahil gusto kong makita ng anak ko ang mundo at para pag tanda ko may mag-aalaga sa akin,” seryoso ko rin na sagot. Naging interesante ang pag-uusap namin dahil kami lang dalawa ang naiwan sa bahay.

“Gusto mo lang ang anak mo ang magsakrapisyo sa pagtanda mo! Anong klaseng mundo ang ipapakita mo sa anak mo? Mundo na halos giyera? Mundo na araw-araw may patayan? Mundo na maraming namamatay sa gutom at kahirapan?”

“Kaya hindi ka nag-asawa dahil takot ka?” seryoso kong balik-tanong sa kanya.

Ito ang una naming usapan na dalawa. Apat na taon na akong katulong sa kapatid niya, pero, ngayon lang kami nag-usap ng seryosong paksa talaga. Nagtaka ako kung bakit, kaya sinabayan ko na rin.

“Hindi ako takot! Tiningnan ko lang ang realidad sa buhay may asawa. Para kayong nakagapos sa kadena, pero maraming ginagampanan,” diretsang sagot niya.

“Nasabi mo lang ‘yan dahil ‘di mo pa nasubukang magmahal nang totoo,” pagtutol ko na sabi.

“Bakit? Dahil ba pag mahal mo na ang isang tao, pag-aasawa na ba talaga ang hantungan? Tatanungin kita, MASAYA KA BA SA PAG-AASAWA MO?” walang gatol na tanong nang direktahan.

“Oo, naman!”

“Hindi ba dumating sa punto mo ang pagsisi? Yaong kumakayod ka pa rin hanggang ngayon para sa kinabukasan ng mga anak mo at atensyon sa asawa mo? At ang sarili mo? Hindi ka ba napapagod?” sunod-sunod niyang tanong sabay inom sa orange juice.

“Pag gusto at ginusto mo ang bagay na pinasukan mo, masaya ka pa rin kahit hirap ka na. Hindi mo iintindihin ang pagod basta ang mahalaga, masaya ang mga taong importante sa buhay mo,” sagot ko na medyo napangiti na rin.

“Kabaliwan! Pinaparausan mo lang ang sarili mo! P’wede kang maging masaya kahit single ka lang,” kontrang sagot niya.

“Masaya at malaya ka nga sa pagiging single, pero may puwang sa buhay mo! Iba pa rin yaong may sarili kang pamilya; isang pamilya na binuo mo sa taong mahal mo. Ikaw, bakit hindi ka nag-asawa?”

“Wala sa kategorya ko ang salitang pag-aasawa! Kuntento na ako sa buhay dalaga ko. Kung papasukin ko ang buhay na ‘yan? Para ko na rin pinapatay ang sarili ko. Gusto kong magkaanak, pero ayaw ko! Dahil para ko na ring itinali sa isang responsibilidad ang anak ko sa pagtanda ko. Ayaw kong maranasan niya ang mga pasakit dito sa mundo! Lalaki? Para ano? Ang may makatabi gabi-gabi? Ang may katuwang sa paghahanapbuhay? At pagkatapos? Sasaktan ka at pagtataksilan? Aapurahin ka kung ano ang lulutuin mo? Aasikasuhin siya araw o gabi? Kahibangan ‘yan!” seryosong sagot niya na medyo napataas ang boses.

“Talagang takot ka?” pamimilit kong tanong.

“Hindi ako takot, ayaw ko lang maging kagaya ninyo na hinahabol lagi ang oras!”

“Hay, naku! Balang araw kakainin mo rin ‘yang sinasabi mo. Darating ang araw, masasabi mo rin na tama ako. Pag natagpuan mo na ang tao na para sa iyo,” nakangiti kong sagot.

“Hindi ko matatagpuan ang sinasabi mo. Alam mo kung bakit?” taas kilay niyang sagot.

“Bakit?” tanong ko naman.

“Dahil ‘di naman ako naghahanap at wala akong balak na hanapin. Ganyan kasimple!” punto sa punto na sagot niya.

“Ay, naku! Kusang darating ‘yan nang ‘di mo mamamalayan at malalaman.” “

“Kung tama ka, isa lang ang sagot ko. Ang pagpapakasal ay wala sa isip ko! Isang kabaliwang sakrapisyo sa puso at sarili ‘yan.”

“Bahala ka! Sige, enjoy your life bilang dalaga at matandang dalaga. Hahaha!

Hindi ko lubos maisip, bakit ganun na lang ang mga linyang binitiwan niya. Successfull naman ang pag-aasawa ng mga kapatid niya. Pero, siya na bunso ay takot sa tinatawag na responsibilidad gayong may magandang career na siya.

Siguro, dahil hindi pa talaga tumitibok ang puso niya. Kung tumibok man, umiiwas din siguro siyang magmahal. Tama, naalala ko nga minsan pala niyang nasabi sa akin. Minsan siyang sumubok sa isang relasyon, pero siya ang lumayo dahil ayaw niyang mapasubo sa tinatawag na seryosong relasyon! Ayaw niyang masaktan at ayaw niyang makasakit ng damdamin ng iba. Bakit nga ba daw aabalahin ang sariling masaktan at mabigo, kung maraming bagay ang mapagtutuunan mo ng pansin sa buhay.

Naisip ko rin, siguro dahil sa nakikita at nababalitaan niya sa mga nangyayaring hiwalayan at taksilan sa pag-aasawa. May punto din siya, bakit nga ba nawawala minsan ang tinatawag na magic touch at magic words pag may asawa na?

Ikaw, bakit ka nga ba nag-asawa? Kung sa tingin mo masasaktan ka lang pala sa bandang huli, bakit nga ba?

Why you get married?

Nasagot ko na! Ikaw naman, baka may ideya kang maibahagi at makatulong sa pananaw ng iba.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.