White whale nagsauli ng nahulog na cellphone sa dagat

Image from Isa Opdahl Larsson and misterwhale via Instagram

Kinaaaliwan ngayon sa social media ang Instagram video na nagpapakita ng isang white whale na nagbalik sa may-ari ng nahulog nitong iphone sa dagat.

Ang good samaritan na ito ay isang Beluga whale na nabibilang sa pamilya ng mga white whales.

Ayon sa Business Insider, ang naturang beluga whale ay namataang paikot-ikot sa Norwegian port city sa Hammerfest.

Sa ulat ng The Washington Post, sinasabing napansin umano ng mga mangingisda ang beluga whale dahil palagi raw itong nagpapakita at umaali-aligid sa kanilang mga bangka.

Image from Isa Opdahl Larsson via Instagram

Unang napagkamalang Russian spy ang beluga whale na diumano ay parang sumailalim sa isang Russian Navy training. Ngunit tiniyak naman ng Norway’s Police Security Service na hindi suspek ang white whale sa anumang imbestigasyon.

Ayon naman kay Catherine Kinsman, co-founder ng Canadian Whale Stewardship Project, ang Beluga whale na ito ay mukhang lumaki sa pangangalaga ng isang tao at sumailalim sa human training.

Kakaiba ang beluga whale na ito, pagkat ayon sa pag-aaral, ang mga beluga whale ay natural na takot sa tao at hindi madaling malapitan.

Kaya naman tinaguriang “Hammerfest celebrity” ang beluga whale na ito na hinahayaan ang mga residente na siya ay pakainin, hawakan, at makipag-selfie.


Image from Isa Opdahl Larssonvia Instagram

Ayon sa isang website na The Dodo, isa si Ina Mansika at ang kaniyang mga kaibigan ang pinuntahan ang Hammerfest celebrity upang personal na makita ito.

Noong hahawakan na raw ni Mansika ang beluga whale ay aksidenteng nahulog ang kaniyang iphone mula sa nakabukas niyang jacket.

Inakala raw niya na tuluyan na itong nawala. Ngunit nagulat sila nang sumisid sa ilalim ang beluga whale at nang umahon ay dala-dala na ang iphone na nakaipit sa kaniyang bibig upang isauli sa dalaga!

I love animals! The whale is so kind,” sabi umano ni Mansika.

Sa ngayon ay naghahanap ng paraan ang Norwegian officials upang mapangalagaan at maprotektahan ang beluga whale na napamahal na sa napakaraming tao sa iba’t ibang parte ng mundo.