Where to Go?

Ang sabi sa mga nabasa ko, dapat ko raw ulitin ang pagsusulat para muling masanay ang aking sarili sa larangang ito. Hmmm.. nakalimutan ko na nga, noon nakakapagsulat pa ako ng mga mabibigat na salita pero ngayon, mga echos echos na lang ang lumalabas sa bibig ko. So ano ba ang dapat isulat ko? Pano ako makakapagsulat kung ang mismong pag-iisip ko e magulo. Sabi nila sa ingles, para mas soysal, ‘listless’, ‘restless’, ‘anxious’. Nag-research pa nga ako sa internet, may mga tawag pala at pwede palang uri ng sakit ang ganitong klase ng pakiramdam. Sa kawatingan ng utak ko, sigurado mapapansin mong may dinadala ako.

Tsura ko! Ang daming taong mas maraming problema sa akin. Mga ina na nag-iisip kung ano ang ipapakain sa mga anak nila, o mga ama na nag-iisip kung saan isisilong ang mag-anak niya sa ulan o init o kahit na anong delubyo. Alam ko naman ang mga iyon. Maraming mga taong mas mabigat ang problema sa akin. Pero tama rin naman siguro ako na isipin na kanya-kanya lang yan. Kumbaga sa moment na ito, ako muna ang bida hindi man kasimbigat ng problema ko ang problema nila.

Sa edad ko – wag mo ng itanong kung ilan – hanggang sa ngayon ay pakiramdam kong hindi ko pa nahahanap ang aking sarili. Hindi ko pa alam kung ano ba talaga ang gusto kong gawin sa buhay ko. At dahil may mga bagay na inaasahan ang sosyedad sa akin, umaakto ako ng ayon sa kung ano ang sa palagay nila ay dapat kong gawin. Hindi ko na dapat isipin kung iyon ba ang gusto ko o hindi.

Pero nakarating na yata ako sa puntong napapagod ako, gusto ko munang magpahinga, hindi ko muna iisipin ang iba kesehodang wala akong pera sa mga susunod na araw o pangit ang magiging tingin ng ibang tao sa akin. Kung marami ang kagaya ko, mabuti na lang. May kakampi naman pala ako. Kung walang aamin, siguro e di ako muna ang promotor, ang Pioneer – kahit duda ako sa huli.

Minsan, dahil sa nagkaganito na ako, napapaisip ako kung nagmana lang ba ako sa tatay ko na tamad at walang ambisyon. Pero kung tatanungin ko ang sarili ko ng ganoon, ibig ngang sabihin ay hindi ko pa talaga kilala ang sarili ko. Dahil bakit kailangan ko pang itanong at hindi ko agad masagot ang sarili ko? Bakit walang kasiguraduhan? Ano ba talaga ang gusto kong gawin? Saan ba ako magaling? Ano ba ang bagay na pwedeng magbigay sa akin ng kasiyahan kahit hindi ganoong malaki ang kapalit.

Maswerte ang iba kung sa simula pa lang ay alam na nila kung saan sila magtatagal. Kung saan sila pupunta. Kung ano ang mga gagawin nila sa buhay nila.

Pero gusto kong isipin na marami ring katulad ko na hanggang sa ngayon ay naghahanap pa rin. Na kadalasan ay naglalakad na parang batang naka-piring at nakaasa na lang sa pag-aakay ng iba. At nang mawala ang piring nila ay parang nanibago sila sa mundo. O mas tama sigurong sabihin na mga matatandang parang bata na katulad ko na matagal ng natanggal ang piring ngunit hindi pa rin makagalaw, naka-asa pa rin sa akay ng sosyedad, takot alamin kung ano ang mundo kapag wala na ang kasiguraduhan.

Magulo hindi ba? Kasasabi ko lang na pagod na ako sa ganoong sistema. Pero siguro, sa mga binitawan kong salita, malalaman mong hindi naman talaga ako magulo. Takot lang ako. Dahil hanggang ngayon, hindi ko pa rin mapagdesisyunan kung dapat ko na bang bitiwan ang umaakay sa aking kamay at hayaan ko ang sarili ko na mag-dive sa dagat ng walang kasiguraduhan. Pwede akong matutong lumangoy, pwede rin akong malunod.

Hindi ako risk taker. Duwag ako sa madaling salita. Pero kung mananatili akong ganito, hindi ko malalaman kung may tsansa pa ako sa satispaksyong hinahanap ko para sa sarili ko. Chance ko para maging masaya para sa kung anumang adventure na mayroon doon sa mundong hindi ko alam.

Kita mo na. Sa isang paragraph pa lang ay nailahad ko na ang kaguluhan ng aking pag-iisip, naghahati sa kung magda-dive ba ako o hindi ako magda-dive? Parang iyong komersyal sa TV, ‘take the plunge!’. Pero ang bottom line, ay sarili ko rin ang sasagot kung haharapin ko ba ang takot ko. Sa bahaging ito, hindi ko na matatapos ang kathang ito. Dahil andoon pa lang ako sa magulo at waiting na pag-iisip. Hindi pa ako nagte-take the plunge!

Photo credit: thelegacybuilder.wordpress.com

About ibyang