When The Right One Comes Along

Holding Hands (Photo Credit: rapgenius)
Holding Hands (Photo Credit: rapgenius)
Holding Hands (Photo Credit: rapgenius)

NBSB ka ba? Yung tipong nasa late 20s na, pero (sabi nga nila) wala pa ring nagkakamali?

Ikaw ba yung tipo ng taong naiinip at hindi mapakali, lalo na kapag naubusan na ng araw-araw na ka-text at katawagan. Walang palitan ng ma-ala “I CARE FOR YOU” na linya. Nalilito ka pa ba hanggang ngayon sa mga gusto mo? Kaya naman mapakanan o kaliwa eh may kaakbayan ka – yung isa ka-on, yung isa ka-M.U.

Isa ka ba sa mga taong araw-araw na nag-aabang sa bagong labas na HOROSCOPE sa dyaryo? Hoping na (sa pamamagitan ng lucky numbers and colors) may magbabago sa takbo ng love life mo. Yung taong lahat ng makitang cellphone number ise-save sa phonebook, saka mag-dyi-GM ng “Hi, can you be my textmate?”.

Naniniwala ka pa ba sa kasabihan na “Patience is a Virtue” o nagpapanggap na lang? Dahil ang totoo eh, pinipilit mo na lang maghintay kahit na sa tingin mo, wala namang patutunguhan yang WAITING status mo.

Eh bakit ka naman kasi nagmamadali?

Napapagod ka na siguro sa pagiging EMO tuwing nakaririnig ng mga pamatay na love songs. Yung tipong ang bawat lyrics eh humahalukay sa bawat veins and arteries ng puso mo. Bawat tugtog eh mistulang gravity na humihila pababa sa mga tubig sa mata. Ito na nga rin siguro yung masakit na parte ng paghihintay sa tamang tao para sa iyo. Dahil kahit wala kang sakit sa puso, nakapaninikip ng dibdib, hanggang sa mahirapan ka nang huminga. Lalo na kung makikita mo na yung gusto mo eh, may iba nang katabi.

Ngunit sapat na nga ba ang lahat ng ito upang magmadali?

Siguro, pakiramdam mo napag-iiwanan ka na. Yung tipong kahit saan ka lumingon may couple’s t-shirt na, ikaw na lang ang wala. Yung iba may mga pre-nuptial photos na, ikaw kahit isang pirasong pinitas na bulaklak sa tabi wala pang natatanggap. Lumagpas ka na siguro sa mga edad kung saan, normal na nagkakaroon ng special someone ang isang tao. Napag-iwanan na sa byahe ika nga nila, kaya naman hindi ka na mapakali.

Ito ba ang mga dahilan kaya ka nagmamadali?

Ito ba ang mga dahilan kaya naman hinahanap mo si RIGHT ONE sa internet? Kaya hinahanap mo siya sa pamamagitan ng pakikipag-textmate? Ito ba ang mga dahilan kung bakit wala nang ligaw-ligaw at I LOVE YOU (3 seconds) OO na lang ang labanan?

Minsan kasi nagtatakda tayo ng sarili nating imaginary deadline para dumating si RIGHT ONE. Tapos kapag hindi nagpakita, magbibigay ng magbibigay ng extension. Hanggang sa mapapagod na kahihintay tapos parang batang maghahanap ng kataguan. Ayan tuloy, sa huli ikaw pa rin ang taya.

Bakit kaya hindi mo nalang hayaan ang pagkakataon na pagtagpuin kayo? Siyempre mas masaya pa rin yung kuwentong ka-seatmate mo siya, tapos nawalan ka ng ballpen, binigay niya yung sa kaniya kahit mawalan na siya. Tapos madadala mo sa bahay ninyo ng hindi sinasadya, tapos kukunin niya, sasabihin mo “sorry” tapos sasabihin niya “okay lang”. Tapos magkakangitian kayo, at dun na magsisimula ang lahat.

O, di kaya eh, mas maganda pa dyan sa naisip kong kuwento ang maging love story ninyo.

Nakakikilig hindi ba? Mas masarap pa rin na makinig sa kuwentong hindi gawa-gawa. Mas masayang ngumiti ng totoo, mas okay pa rin ang original kaysa pirated. Mahuli ka pa ng mga taga-Optical Media Board, yari.

Kailan? Aba, hindi yan minamadali. Kaya nga maghintay eh. Malay mo pagkatapos mong magbasa nito makita mo na siya. Nandyan lang pala sa likuran mo. Naghihintay lang din sa RIGHT ONE niya – naghihintay lang din sa iyo.

There’s a season for all things. Tag-init, taglagas, taglamig at tagsibol. Kaya lang, sa Pilipinas dalawa lang eh, tag-init at tag-ulan. Samantala, kumain muna ng sandamakmak na ice cream sa tag-init saka magtampisaw sa tubig tuwing tag-ulan. Enjoy the moment! Make the most out of it!

Kaysa naman isang araw magsisi ka kapag nalaman mong sumama ka pala sa maling tao. Hindi mo alam parating na pala si RIGHT ONE, nagkasalisi lang kayo.

(Background music: “Yes, its sad to belong to someone else, when the right one comes along.”)

3 Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published.