Wedding Booth

(Photo credit: kasal.com)
(Photo credit: kasal.com)
(Photo credit: kasal.com)

Tinatanggap mo ba, Rye, si Charie upang maging kabiyak sa loob ng 24-oras?”  tanong ng lalaki sa aming harapan.

Pagtingin ko kay Rye, napakaseryoso niya at hindi man lamang kakikitaan ng ngiti o ano mang saya sa kanyang mukha.

Rye, sagot na!”  panabayang sabat ng mga tao sa aming paligid, ang mga kaibigan kong siyang may kagagawan ng lahat ng ito.

“Opo,”  labas sa ilong na sagot ni Rye.

“ Ikaw, Charie, tinatanngap mo ba si Rye, na maging kabiyak sa loob ng 24-oras?”  May halong ngiti ang pagtatanong ni Sir Dela Cruz.

“Sir, 24-oras po ba talaga?”  paiwas kong sagot.

“Puwede namang habang buhay, pero sa ngayon sumagot ka na muna, Charie.”

“Charie, sagot na dali!”  mas excited pang sabat muli ng aking mga kaibigan.

“Opo,”  kiming sagot ko na lamang; kung puwede lang hilingin na kainin na lamang ako ng lupa sa sobrang kahihiyan nang mga oras na iyon.

“Sige, isuot ang mga singsing bilang tanda nang inyong pagmamahalan.”

Mukhang pinaghandaan talaga ng aking mga kaibigan ang araw na ito, may singsing silang dala para sa amin ni Rye!

“Ngayon, kayo ay ganap nang magkabiyak na sa loob ng 24-oras. Rye, ibigay mo kay Charie ang bulaklak, Congratulations!”

Isang masigabong palakpakan at tilian buhat sa aking mga kaibigan at ilang saksi na nasa wedding booth na iyon ang aking narinig. Tapos na rin sa wakas!  Dali-dali akong tumayo at tumalikod; gayundin si Rye.

“Rye!  Charie!  Wala man lamang bang kainan?”

“Congrats, Rye and Charie.”  Ito ang mga nasasalubong naming bati sa amin ng mga kapwa naming estudyante.

“Araw nga pala ng mga puso ngayon, bakit hindi ko naisip na may mga ganitong gimik pala tuwing sasapit ang ganitong araw? “ Ang tanging nasabi ko na lamang sa aking sarili.

“Rye, sorry ha. Nadamay ka pa tuloy sa kalokohan ng mga kaibigan ko.”

“Okay lang, Charie. Sige mauna na ako sa iyo.” Tipid niyang sagot.

2nd year high pa lamang ako ay crush ko na si Rye. Hindi iyon lingid sa kaalaman ng aking mga kaibigan. Kaya siguro naisip nilang i-setup kami para sa wedding booth. Nakakikilig sana, ngunit alam kong hindi ito nagustuhan ni Rye.

“Charie! Nasaan na si Rye? Bakit ba ang bilis ninyong umalis?”

“Hindi ako, natutuwa sa ginawa ninyo ha?” Sino ang nagplano nito? Galit si Rye at nakahihiya.”

“Sorry, Charie, araw naman ng mga puso ngayon, tiyak na naiintindihan na ni Rye. Katuwaan lang naman kumbaga.”

“Naku! Diyan na nga kayo, uuwi na ako.”

“Charie….” sabay-sabay nilang tawag sa akin.

Okay lang ako, alam ko namang wala kayong masamang intensyon.”

Naging tampulan kami ng tukso sa aming paaralan. Lumipas ang mga araw, balik kami sa dati ni Rye. Walang pansinan at sibil sa isa’t isa. Ang hindi alam ng lahat, itinago ko ang singsing na tanda ng minsan ay naikasal ako sa lalaking mahal ko, kahit sa kunwaring paraan man lamang.

Pagkatapos ng aming graduation, hindi na kami muling nagkita ni Rye. Balita ko, lumuwas na sa Manila ang buo nilang pamilya at doon na maninirahan.

Nagsimula ang bagong mundo sa aking buhay, at siyempre, kasama ko pa rin ang aking mga kaibigan. Maraming pagbabago, maraming nakilala; ngunit tanging si Rye lang talaga ang nilalaman ng puso ko.

Magtatapos na naman kami sa kolehiyo at nagbabalak kaming lumuwas sa Mayanila para maghanap ng trabaho. Alam kong napakalawak ng lugar na iyon, ngunit nais kong umasa na magtatagpong muli ang landas namin ni Rye. Sa kung paanong paraan, bahala na lamang ang tadhana na magpasiya.

 

Itutuloy…..

 

About kambal

Simple lang ako. At naniniwala sa kasabihang " Ang pagiging masaya ay hindi ang pagkakaroon ng mga bagay na gusto mo, kundi pagiging kuntento sa kung anong pinag kaloob sa iyo."