Wedding Booth (Part 6)

(Photo credit: kasal.com)
(Photo credit: kasal.com)
(Photo credit: kasal.com)

Hindi ko namamalayan ang mga araw; sinulit talaga namin ni Kim ang bakasyon namin. Bonding kasama ng aming pamilya at mga kaibigan. Wednesday ngayon, bukas ay magiging busy kami ni Kim dahil dadalaw kami sa school, naisipan ko siyang tawagan.

“Kim, punta tayo sa mall. Bilhan natin ng gift si Sir Dela Cruz.”

“Sorry, Charie, busy ako ngayon. May date kasi kami ni Nathan.”

“Ganun ba, sige, kay Cheska na lang ako magpasasama, enjoy na lang sa date ninyo. Sulit talaga ha?” biro kong sagot.

“Sorry, Kim, oo alam mo naman ‘di ba? Madalang lang kami magkita, kaya dapat lang na sulitin.”

“O, siya, sige na, baka istorbo na ako sa inyo ni Nathan,” may himig panunukso kong tugon.

“Baliw ka, Charie, nandito lang kami sa bahay ng lola nila Rye.”

“Ha? Bakit nandiyan kayo, anong mayroon?”

“Wa-wala lang, para maku-makumusta ko naman si Lola.”

“Hmmmp! Para kang si Papa, parang may itinatago. Sige na, ikumusta mo ako kay Lola at kay Tita.”

Nakapagtataka na talaga ang mga kilos nilang lahat; parang may itinatago sila sa akin. Katulad noong isang araw, nahuli ko si Mama at Papa na seryosong nag-uusap; nang tanungin ko naman ay nagkukuwentuhan lamang daw. Kagabi naman ay kausap ni Mama iyong Mama ni Rye, sa telepono mukhang kami ang topic.

Inisip ko na lang na baka alam na ng magulang ko na may tampuhan kami ni Rye, at baka gumagawa sila ng way ni Tita para magkaayos kami.

 “Hay! Ito talagang mga oldies, mas affected pa sa amin ni Rye, kailangan ko na talagang makipag-ayos kay Rye,” nasabi ko na lamang sa sarili ko. “At kung bakit naman kasi itong si Rye, ay hindi na tumatawag? Hala! Baka napagod na ang mokong na iyon ah, paano na?”

Sinundo ko si Kim kinabukasan sa kanilang bahay. Parang aligagang-aligaga na naman ang hitsura niya.

“Kim, bakit ba mukhang tensyonado ka, may problema ba?”

“Ha?! Ano ka ba naman, Charie, wala ito. Ewan ko ba, parang kinakabahan lang ako sa mangyayari mamaya.”

“OA ka naman! Dadalaw lang tayo sa school, halika na nga at nang marami pa tayong magawa.”

“Oo, halika ka na, naghihintay na sila.”

“Naghihintay? Sila? Sinong sila” sunod-sunod kong tanong sa kanya.

“Mga teachers natin, si Sir Dela Cruz, iyong school, isama mo na ang principal at mga estudyante.”

“Ewan ko sa iyo, Kim, may sakit ka ba? Wala ka sa sarili mo eh?” sabay haplos sa noo niya.

Ang dami mo kasing tanong, halika na nga lang.”

“Oh, tignan mo ito, siya na nga lang ang inaalala, siya pa galit.  Sige na, halika ka na nga at baka mauwi lang tayo sa pagtatalo.”

Habang sakay kami ng tricycle ay panay ang sulyap ni Kim sa akin, hindi tumitigil ang message tone ng mobile niya sa pagtunog. Ayaw ko na lang tanungin, baka nagkatampuhan sila ni Nathan , kaya mainit ang ulo. Pagkababa namin sa tricyle ay bigla niya akong niyakap.

Ano ba, Kim, kanina ka pa ha? ang weird mo,” naiiyak kong sabi.

“Wala lang, Charie, baka kasi na-offend kita kanina, tara na sa loob.”

Isang taon lang naman mula nang huli kaming nakadalaw sa school, pero bakit tila iba yata ang aura nito ngayon? Parang ang saya ng buong paligid, kahit nga kanina si Manong Guard na hindi ngumingiti rati ay mukhang nasapian ng clown; sagad na sagad kasi ang smile niya.

“Bakit parang ang daming walang klase ngayon, may program ba?” tanong ko habang naglalakad kami papunta sa Department Office nila Sir Dela Cruz.  Naging favorite teacher kasi namin siya mula nang mangyari iyong kasal namin ni Rye. Hindi ko tuloy naiwasang balikan ang araw na iyon; the most unforgettable moment naming dalawa. Umamin na rin kasi si Rye, noong maging kami na, na gusto nga raw niya iyong set-up na iyon, ang mokong at may crush na rin pala sa akin dati.

Nang bigla na lamang may isang estudyante ang nagbigay sa akin ng bulalak! Laking gulat at pagtataka ko, hindi ko na tuloy natanong iyong nagbigay sa akin. Nilingon ko si Kim, para lang makita na nasa likuran ko na rin si Nathan at pipiringan ang aking mga mata.

“Ano ba ito, Kim, Nathan, hindi naman Valentine’s Day ngayon, ano ba ang nangyayari?”  kinakabahan kong tanong.

“Katulad noon, Kim, sumunod ka na lang sa agos,”  Sagot ni Nathan.

“Kim, ano ba ito? Kanina pa ako naguguluhan , bakit ba?”

At habang inaalalayan ako ng dalawa sa paglalakad ay unti-unti kong naririnig ang “From This Moment” na pangarap kong kantahin kapag ako ay ikinasal na. Hindi lang alam ni Nathan at Kim, pero gusto ko nang umiyak at himatayin nang mga sandaling iyon! At bakit ba parang huminto na ang pag-ikot ng mundo, tila ang bagal ng mga pangyayari.

Ano ba ang naghihintay na sorpresa sa akin, bakit parang todo effort naman; may mga effects  pang ganito?”  tanong ko na lamang sa aking sarili.

Hinayaan ko na lamang si Nathan at Kim; sumunod na lamang ako sa agos….

Itutuloy…..

About kambal

Simple lang ako. At naniniwala sa kasabihang " Ang pagiging masaya ay hindi ang pagkakaroon ng mga bagay na gusto mo, kundi pagiging kuntento sa kung anong pinag kaloob sa iyo."