Wedding Booth (Part 4)

(Photo credit: kasal.com)
(Photo credit: kasal.com)
(Photo credit: kasal.com)

Isang linggo na ang matuling lumipas, ngunit hindi pa rin kami nagkakausap ni Rye. Ilang tawag na rin ng Mama niya, nangungumusta. At isa ang araw na ito sa maraming beses na pangungulit sa akin ni Kim.

“Charie, ano ba, ilang araw ka nang  ganyan. Eh kung kausapin mo kaya si Rye, nang magkaayos kayo?”  mahabang litanya ni Kim.

“Kim, alam mong seryoso ako sa inis ko sa kanya this time,” sinamahan ko na lang ng pagsusumamong tono para hindi na siya mangulit pa.

“Pero, Charie, pati si Tita affected na; ang sarili mo, masyado kang nagpapakapagod sa trabaho, aba! Baka ang akala mo hindi ko alam na panay ang overtime mo ha?”

“Alam mo rin naman na way ko iyon para kahit paano’y malibang ako, hindi ba?”

“Malibang, o magpakamatay? Hindi na makatotohanan iyang pag-iinarte mo ha?”

“Kim! Ano ka ba! Kaibigan kita, dapat naiintindihan mo ako,”  sa nagtatampo ko namang tinig.

“Hay! Ginamitan mo na ako ng tampo effect mo eh, ano pa nga ba ang magagawa ko?”

Niyakap ko na lamang si Kim, buti na lamang at nasa tabi ko siya sa panahong ito; kahit papaano’y  gumagaan ang pakiramdam ko.

“Kim, nag-file nga pala ako ng leave sa office.”

“Ha? Bakit? Saan ka naman pupunta, nakabibigla ka naman. At ilang weeks naman yan?”

“Indefinite, Kim, uuwi muna siguro ako ng probinsiya. Namimiss ko na rin naman sila Mama at Papa at mga kapatid ko.”

“Indefinite?! Iiwan mo ako dito, baka hindi ka na bumalik?”

“Loka! Magagawa ko ba iyon sa ’yo? Babalik din ako, bigyan mo ako ng isang linggo. Baka sakaling sa atin ay makapag-iisip akong mabuti, kung ano ang dapat gawin .”

“Paano si Rye, pag pumunta siya rito, anong sasabihin ko? Kailan mo ba balak magbakasyon?”

“Hindi pa naman puwede next week, marami pa akong trabaho kaya baka sa susunod na linggo na lang.”

“Hay, salamat naman kung ganun. Akala ko agad-agad, hindi pa ready lahat ng inaayos namin,”  pabulong niyang sabi.

“Inaayos? Para saan?”

“Anong inaayos? Bingi ka friend, gutom lang iyan; halika ka na mag-breakfast.”

“Charie, ikaw muna’ng magluto ha, tatawagan ko lang si Nathan.”

“Oh siya! Alam ko namang hindi ka makatitiis na hindi makausap si Nathan, every morning.”

“Tse! Napaka bitter mo!”

At nagsimula nga akong maghanda ng breakfast, samantalang si Kim ay lumayo pa sa akin para lang tumawag, may kalokahan talaga iyong babae na iyon.

“Hello, Rye?”

“Hello, Kim, ano kamusta na si Charie? Naaya mo na bang magbakasyon sa probinsiya?”

“Speaking of vacation, malapit na akong mabuko.”

“Ha? Paano?”

“Ay! Next time ko na itsitsika sa iyo, kailangan na nating magmadali sa mga plano natin, nakapag-file na siya ng leave by next next week.”

“Almost done na rin, Kim, nakausap ko na rin sila Tita, at wala namang problema sa kanila. Pumayag na sila sa wedding proposal na gagawin ko.”

“Good job, Rye! Make sure lang na wala nang palpak sa mga plano mo ha?”

“Oo, Kim, ngayon pa lang nagpapasalamat na ako sa effort ninyo ni Nathan.”

“Hoy! Kim! Sino iyang kausap mo at may pabulong-bulong ka pa? Breakfast is ready!”  panggugulat ko kay Kim!

“Ay! Kalabaw! Ano ka ba naman, Charie, panira ka rin noh?”

“Hon, sige na, babye na at mag-breakfast na kami ni Charie.”

“Ahahaha! Sa pangatlo, Kim, mabubuko ka na niyan.”

“Loko ka naman, hon, huwag ganun. Sige na, babye na.”

“Mag- I Love You, na kasi nang makakain na tayo,” pang-aalaska ko pa sa kanila ni Nathan.

“Bye, hon, I love you. Mwwahh mwwahhh.. tsup tsup…”

“Kadiri ka, Kim, ngayon ko lang nalaman na oa ka pala sa ka-sweetan.”

“Grabe ka naman makakadiri, kung bakit kasi susulpot ka na lang agad, nawala tuloy ako sa moment!”

“Moment ka pa riyan! Hindi bagay sa iyo.”

At napuno ng halakhakan naming dalawa ni Kim, ang buong kabahayan.

Itutuloy…

 

Part 1: http://definitelyfilipino.com/blog/2013/02/14/wedding-booth/

Part 2: http://definitelyfilipino.com/blog/2013/02/16/wedding-booth-part-2/

Part 3: http://definitelyfilipino.com/blog/2013/02/17/wedding-booth-part-3/

About kambal

Simple lang ako. At naniniwala sa kasabihang " Ang pagiging masaya ay hindi ang pagkakaroon ng mga bagay na gusto mo, kundi pagiging kuntento sa kung anong pinag kaloob sa iyo."