Wedding Booth Part 2

(Photo credit: kasal.com)
(Photo credit: kasal.com)
(Photo credit: kasal.com)

“Rye, anak, wala ka bang balak sumamang magbakasyon sa Nueva Ecija?”  tanong ng aking ina.

“Ma, wala naman akong babalikan doon eh, ang mga kaibigan ko’y mga nagsilipat na rin dito.  Sila Lola naman madalas din tayong dalawin dito,” sagot ko.

“Si Charie, hindi mo na ba siya naalala?” may halong panunuksong sagot niya.

“Nagpapatawa ka, Ma, hanggang ngayon pala naaalala mo pa rin si Charie?”

“Oo naman anak, hindi ba siya ang unang babaeng minahal mo?”

Si Charie, ang babaeng pinakasalan ko, maglilimang taon na ang nakalilipas. Hindi ko alam kung ano ang dapat na maging reaksyon ko noon; matutuwa ba sa kunwaring kasal o maiinis dahil sa sitwasyon?  Pinili ko na lamang na maging sibil kay Charie, dahil hindi pa ako handa noon na ipagtapat sa kanya ang nararamdaman ko. Masyado pa kaming bata para sa pakikipag relasyon.

“Kung sumama na lang kaya ako sa probinsiya?” tanong ko sa aking sarili.

“Nandoon pa kaya si Charie; sana naman,” umaasang sagot ko rin.

“Sumama ka na, Rye, matagal tagal na rin naman tayong hindi nakauuwi sa Nueva Ecija.”  gamit ang pinal na tinig na turan ni Mama.

Humigit kumulang na limang oras din ang biyahe namin, parang kailan lamang nang umalis kami sa lugar na ito. Piniling manirahan sa magulong lugar ng Maynila. Maraming nabago, marami rin akong nakilalang bagong kaibigan, nagkaroon ng kasintahan ngunit si Charie pa rin ang laman ng puso ko.

Pagbaba ko sa sasakyan, sumalubong agad ang aking Lola.

“Nay, mano po,”  salubong ko sa kanya.

“Naku! Rye,lalo kaya yatang gumwapo!” at niyakap niya ako nang mahigpit.

“Siya, pasok na at ng makapananghalian na kayo. Niluto lahat ng Tiya mo  ang mga paborito mo,” may sigla sa boses ni Lola.

“Rye, bukas mamasyal tayo!” si Nathan, pinsan ko.

“Oo, ba! Saan naman tayo pupunta?” tanong ko.

“Sa Araullo, graduation kasi ng nililigawan ko,” nahihiya niyang sagot.

“Sige, walang problema, anong oras ba.”

“Hapon pa naman iyon, kaya makakapagpahinga ka pa,” sagot niyang muli.

Sa Araullo, kung saan ako nag-aral noon, kung saan nakilala ko si Charie at pinakasalan.

“Charie, alam mo na ba ang balita?” tanong ni Kim.

“Anong balita Kim?” may pagtatakang tanong ko.

Sasagot na lamang si Kim ng magsalita na ang MC.

“Graduates and parents be ready, magsisimula na ang program.”

Luminya ang bawat isa at nagsimulang tumugtog ang graduation march.

“Rye, ayun si Kim oh! tanda mo pa ba siya?” si Nathan.

“Oo naman, Nathan, isa sa makulit na kaibigan yan ni Charie hindi ba?”

“Ayun si Charie, Rye, isa yata siya sa cumlaude ng batch nila.”

“Lalo siyang gumanda,” bulong ko sa aking sarli.

Anong sabi mo, Rye?”

“Ah! Wala sabi ko ang ganda ng ayos ng stage,” natatawa ko na lamang na sagot.

Mahaba-haba rin ang program, halos inabot na nga ng gabi. Magpapaalam na sana ako kay Nathan na uuwi na ako ng marinig ko ang boses ni Charie.

“Rye, ikaw ba ba iyan?”

“Ah..eh.. Charie, oo. Kamusta na? Congrats pala,” tipid kong sagot.

Salamat, Rye! Punta kayo sa bahay bukas may konting salo-salo.” sabay ng ngiti niya.

“Charie, Rye, iwanan ko muna kayo ha? Pupuntahan ko si Kim,” si Nathan, sabay alis.

“Tagal mong hindi umuwi dito, Rye, mukhang hiyang sa Maynila ah.”

“Oo nga, kahapon ko lamang din na realized na ang tagal ko na palang hindi nakababalik dito.”

“Nakagraduate ka na rin ba?” tanong niya.

Noong nakaraang linggo lang din, pagbalik ko sa Maynila may trabaho ng naghihintay sa akin.”

“Balak din naman nila Kim, at iba pang kaibigan namin na lumuwas, marami bang puwedeng maging trabaho sa Maynila?”

“Marami naman, lalo at fresh graduate rin kayo.”

“Alam mo naman dito sa atin, napakahirap maghanap. Halika, Rye, puntahan natin sila Kim.”

Natapos ang gabing iyon na sobrang saya ko. Pagkalipas nang napakahabang panahon, nakita ko muli si Charie. Isa lang ang alam ko, nais ko siyang ligawan.

Isang linggo rin akong nagbaksyon sa Nueva Ecija, ito na yata ang pinaka masayang araw sa buhay ko. Parang bumalik lang ako noong high school. Sinulit ko ang bakasyon kasama sina Charie, Nathan, Kim at iba pang kaibigan. Naging mas malapit kami ni Charie sa isa’t isa, natatawa na lamang kami kapag naaalala namin iyong kasal. Katulad na lamang ng minsang mamasyal kami.

“Rye, Charie, naalala ninyo,hindi ba ikinasal kayo?” pagsisimula ni Kim.

Tapos hindi na namansin si Charie, simula noon, ‘diba Rye?” isa pa itong si Nathan.

“Anong ako ang hindi namansin? Ito ngang si Rye, parang galit sa mundo, akala yata ako ang may pakana ng kasal.”

“Hindi naman sa ganun Charie,” pagtatanggol ko sa aking sarili.

“Hindi mo lang tipo si Charie, ganun ba Rye?” si Kim muli.

Bigla akong natahimik sa tanong ni Kim, dahil kung alam lang nila.

“Naku si Rye, hindi type si Charie?” umepal na sagot ni Nathan.

Tinitigan ko siya nang masama para hindi na niya masabi ang hindi dapat niyang sabihin. Ayaw kong sa ganitong sitwasyon iopen ang nararamdaman ko kay Charie.

“Tara na nga! Tiyak na may masarap na merienda sa kanto, libre ko kayo.” sagot ko na lamang.

“Kahit kailan, Rye, napaka torpe mo,” sabad ni Nathan.

Ano ba kayo, baka naman kasi may girlfriend na si Rye, “ si Charie naman.

“Wala akong girlfriend, pero may balak akong ligawan,” tipid kong sagot habang nakatitig sa mata ni Charie. Umaasang sana ay nakuha niya ang ibig kong sabihin.

Araw na ng pagbabalik namin sa Maynila, sa pangalawang pagkakataon iiwanan ko ang puso ko sa probinsya.

“Rye, mag-iingat ka sa Maynila, huwag ka sanang makalilimot,” si Charie.

Oo naman, Charie, basta tawagan ninyo ako kapag natuloy kayo na lumuwas.”

“Sige, Rye, Tita, Tito, ingat po kayo,” sabay sabay na tugon ni Kim, Charie at Nathan.

 

Itutuloy….

 

 

About kambal

Simple lang ako. At naniniwala sa kasabihang " Ang pagiging masaya ay hindi ang pagkakaroon ng mga bagay na gusto mo, kundi pagiging kuntento sa kung anong pinag kaloob sa iyo."