WAR? No No No!

Photo credit:quotespictures.com
Photo credit:  quotespictures.com

Sa tulad ko na stressed sa pagpapatakbo ng family business, libangan ko ang magbasa ng kahit na ano sa internet, newspaper and other informative reading materials. Pero, nitong mga nakaraang araw, instead na ma- de-stress ako, mas lalo pa akong nai-stress.

Sometimes, nakapapagod na ring magbasa ng mga news, lalo na kung paulit-ulit na lang ang aking mga nababasa, napapanood sa tv or naririnig sa radio. Nakapapagod na makabasa sa social media ng mga away o pasaring na nadadamay na pati ang relihiyon.

Bakit nga kaya kapag usapang relihiyon at politika ay masyadong mainit na topic ito? Kaya madalas nagkakasakitan na rin. Minsan, parang gusto ko sisihin bakit hi-tech na tayo ngayon. Parang gusto ko pa noong uso pa ang telegram at radio. Noong hindi pa abot ang bundok ng kuryente at umaasa pa sa gasera. Parang hindi pa kasi noon masalimuot ang buhay ano?

Pero, umiyak ako noong nakita ko ang mga SAF44. Bigla tuloy bumalik sa aking alaala ang dalawang beses ko na paninirahan sa Jolo Sulu noon. Kung paano makasalamuha ang mga sundalo na mga kababayan, kamag-anak at mga kakilala. Kung paano ko rin iyakan noon ang isa sa kanila kung nakikita ko na may nakapatong na bandila sa ibabaw ng kanilang huling sasakyan pauwi sa kanilang pamilya. Pero, mas gusto kong sariwain ang alaala na masayang mamuhay sa Mindanao dahil sa mga sariwang isda, prutas at gulay na mabibili mo lang sa napakamurang halaga. Kasama na riyan ang masasarap na pagkaing Tausug, kesa alalahanin ang barilan o pagputok ng bomba at ang clan war.

Oo nga pala, nakapag-asawa kasi ang tiyahin ko ng isang Tausug na may katungkulan sa gobyerno ng Sulu doon. Kilala rin ang tiyahin ko sa Jolo noon bilang mananahi ng magagandang wedding gowns at dealer ng Avon products. Actually, nakapag-aral pa nga ako doon ng college, pero hindi nga lang natapos at bumalik na ako ng Maynila kung saan ipinagpatuloy ko ang aking pag-aaral.

During my stay in Jolo, I must say na marami akong kaibigang muslim. Mababait sila at mahilig silang magpaganda hehehe. Actually, karamihan sa kanila ay mga mestisa. Isa pang obserbasyon ko sa kanila, mababait sila kapag mabait ka rin at marunong ka makitungo sa kanila. Natuto nga ako kaagad noon ng salitang Tausug dahil hindi maramot magturo ang aking mga classmates. Sabi ko noon, someday babalik ako sa lugar na iyon para muling matikman ang mga original na lutong Tausug.

Naputol ang aking pagsasariwa sa mga alaala nang…

ALL OUT WAR!

Iyan ang nabasa ko sa social media. Naitanong ko tuloy sa sarili ko, alam kaya nila ang kanilang sinasabi? Kung ako nga noon naranasan ko ang umihi sa aking salawal sa sobrang takot dahil sa mga putukan doon. Hindi mo alam kung saan ka magtatago o anong takbo ang iyong gagawin kapag nagkaputukan na. Lalo na kung may makita kang nakahandusay na at duguan habang tumatakbo ka. Sabi ko nga, hindi iyon ang solusyon, dahil hindi naman talaga sila nauubos. Kung may mamatay man ay mayroon ding pumapalit dahil sa kanilang pinaglalaban at pinaniniwalaan. Sa WAR, walang winner lahat ay knockdown. Sa computer games lang ang alam ko na may winner, pero in real life? Wala!

PEACE? Hangad ng lahat ng tao kahit saang lugar, lalong lalo na sa Mindanao. Walang kasing sarap at saya na matutulog ka nang mahimbing at walang kinatatakutan. Masayang makita na lahat ng kabataan ay nag-aaral at hindi takbo nang takbo para umiwas na maipit sa putukan.

PERO, paano nga kaya makakamtam ang tunay na kapayapaan?

Ako rin, hindi ko alam ang sagot. Basta ang alam ko lang ay tuwing gabi bago matulog at pagkagising ay hindi ko nakalilimutang mag-alay o isama sa aking dasal ang kaligtasan at kapayapaan ng lahat.