Walang Forever: Sampung Bagay na Mami-miss mo sa Eskuwela

Larawan mula sa Pexels

Marso na naman. Panahon na naman ng kaliwa’t kanang patunay na walang forever—ang graduation.

Ang araw ng pagtatapos sa paaralan ay umpisa pa lamang ng mas marami pang pagsubok sa buhay. Ang paglabas sa apat na sulok ng klasrum ay tiyak na susubok sa tatag mo bilang tao. Kung akala mong naharap mo na lahat ng challenges sa school, patikim pa lang iyan ng buhay!

Kaya naman sa oras na lisanin mo na ang estado ng pagiging mag-aaral, o ‘di kaya naman ay tumungtong ka na sa ibang antas, tiyak akong mami-miss mo ang lilisanin mong eskuwelahan. Kung natapos mo naman ang kolehiyo at magtatrabaho ka, sisiguruhin kong matapos ang ilang buwan o taon, sasabihn mong sana ay estudyante ka na lang ulit.

Narito ang sampung dahilan kung bakit marami sa atin ay nami-miss ang paaralan.

1. Sa school, mas madaling makakuha ng kaibigan. Hindi ko naman sinasabing hindi ka na makahahanap ng friends sa office o trabaho, pero mas madaling makakuha ng friends kapag mas bata ka. Kapag tumatanda kasi tayo at naiiba ang goal sa buhay, nahihirapan na tayong bumuo ng company na totoong masasandalan natin. Hindi rin matatawaran ang mga alaala kasama ang school friends. Iba ang adventure ng mga estudyanteng wala pang budget. Iniraraos lang, pero habambuhay na babaunin ang masasayang alaala. Kaya naman lahat tayo ay may best friends mula sa school.

2. Sa school, superman tayong lahat. Hindi ko rin maipaliwanag kung bakit. Pero kapag estudyante tayo, kaya nating pagsabay-sabayin ang maraming bagay: mag-aral, gumawa ng assignments at projects, mag-practice ng role play at kung ano-ano pang presentations, sumali sa iba’t ibang contest at events, mag-social media, manood ng primetime series at isports, tumambay kasama ng mga kaibigan, at iba pa. Pero kapag nagtrabaho ka, sigurado akong ang otso oras mo ay sapat na para hapuin ka at ma-miss mo ang pahinga.

3. Bibihira o walang cancellation ng pasok kapag nagta-trabaho ka na. Umulan, bumagyo, may strike, walang aayaw. Ganito ang motto ng maraming kompanya. Kung sinasabing kailangang waterproof ka pag college, disaster proof ka naman kapag trabahador ka na. Kung noon ay nae-excite kang makita si Mang Tani o Kuya Kim na i-announce na baha na sa ganitong lugar at kasunod nito ay wala na kayong pasok, kapag empleyado ka na, tatawagin mo na lahat ng santong kilala mo o sana nasa iyo na lang ang brilyante ng tubig para kayanin ang pagsubok ng pagpasok sa gitna ng kalamidad.

4. Mami-miss mo ang matuto nang may katuwang. Marami ka namang matututunan sa opisina. Iyon nga lang, karamihan ay ayon na sa experiences mo madalas. Kahit ‘di mo alam o ‘di ka sigurado sa gagawin mo, susugod ka at tataya. Minsan pa ay kailangan mong mapahiya. Hindi katulad noong nasa school pa tayo. Panigurado, sa maraming pagkakataon, gagabayan ka muna ng mga guro at kamag-aral mo bago ka maisalang sa isang bagay na ‘di mo pa nagagawa o ‘di ka sanay gawin.

5. Sa school, madali kang makabawi nang ‘di ka masyadong mahuhusgahan. Maraming pagkakataong bumangon agad pag nadapa sa school. Kapag bumagsak ka sa isang exam, laging may next grading o semester para bumawi. Kapag ‘di nakasagot sa recitation, laging may next recitation para bumawi. At ito ang konsepto ng paaralan. Lagi siyang nariyan para sabihin sa iyong ang pagkalugmok mo sa araw na ito ay maaaring itama bukas. Madalas kasi sa mga opisina, kailangang best shot mo na bawat araw dahil malaking salapi ang nakataya. At ang pagbawi, mahirap gawin dahil sa isang mali mo lamang, posibleng malaki ang mawawala.

6. Mas madaling makahanap ng “achievements” sa school. Dahil simple ka pa, at wala pa masyadong expectations sa iyo ang mundo, nakapadaling humanap ng rason para sabihing naka-achieve ka ng bagay para sa iyong sarili. Ang maging 83 ang dating 81 mo sa Math ay achievement na. Ang makasagot ka sa recitation ay achievement na. Pero kapag naging empleyado ka na, mag-iiba na ang depinisyon mo ng achievement. Mas mape-pressure kang patunayan ang sarili mo kahit hindi naman dapat dahil iyan ang akala mong sukatan ng iyong halaga.

7. Mami-miss mo si Teacher. Sa workplace, paniguradong magkakaroon ka ng mentor na huhubog sa iyong galing. Gayunman, minsan, ang mentor na ito ay “kalaban” mo rin sa isang posisyon. Maaaring gabayan ka niya sa ilang hakbang sa opisina, pero ‘di pa rin maiiwasang bandang huli ay mayroong kompitensiya. Ito ang kinaibahan ng pag-aalaga ni teacher. Makatatagpo ka ng guro na tunay mong magiging mentor. At ang mentor na ito ay tunay na magiging proud sa lahat ng mararating mo sa buhay!

8. Best in extra-curricular activities ka sa school. Dahil hindi ka na bumabata kapag nasa opisina at trabaho ka na, limitado na ang mga bagay na gagawin mo. Kailangan mo na ng iba’t ibang panghaplas sa kaunting galaw. Gayundin ang hirap sa paghati ng oras. Madalas, kapag may libre tayong oras, imbes na gawin ang gusto natin ay mas pipiliin na lang nating magpahinga o makasama ang mga taong mahalaga sa atin.

Larawan mula sa Pexels

9. Best in budgeting ka sa school. Kapag estudyante ka, limitado talaga ang budget. Pero ewan ko ba? Kinakaya mong budgetin ang kakarampot mong baon para sa maghapon. At iyong iba nga, mayroon pang naiipon. Kapag nagtrabaho ka, oo, totoong may pera. Pero dahil sa iba’t ibang gastusin, unti-unting mawawala ang best budgeting skills mo.

10. Grades LANG ang PROBLEMA. Oo, mari-realize mo na pagtapos mo sa school, GRADES lang ‘yan kompara sa mas malalaking problema ng isang adult. Ang grades na problema natin ay kayang isalba ng pagmamahal ng isang guro. Ang grades na problema natin ay kayang ibangon sa kaunting aral. Ang grades na problema mo at ng nanay mo ay maaaring idaan sa pakiusap. Pero ang ibang problema ng mundo, hindi kayang solusyunan ng aral, pagmamahal, at pakiusap.

Kasama talaga sa paglaki ang pag-alis sa paaralan. Hindi habang buhay ay estudyante tayo. Darating at darating ang panahon na ang minsan mong hiniling na mabilis mong matapos na pag-aaral, ay siyang gugustuhin mong balikan.

Ang ikalawang tahanan na minsan mong inakalang nagpahirap sa iyo, ay siyang tunay na ikalawang tahanan pala na magbibigay ng mga ‘di malilimot na aral sa iyo.

Kaya sa mga estudyante pa rin diyan, sulitin ninyo ang mga panahong ito dahil kailanman, hindi n’yo na ito maibabalik. 🙂

Like: www.faebook.com/imbornaldyornal
www.imbornaldyornal.wordpress.com

About jeromusic

Si Jerome Vitug ay nagtapos ng Bachelor in Journalism sa Polytechnic University of the Philippines - Manila at kasalukuyang kumukuha ng Certificate in Professional Teaching sa AMA Online University. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho bilang Development Editor ng mga aklat at magasin ng Vibal Publishing. Pinarangalan din ang sanaysay sa kaniyang blog na Imbornal Dyornal sa Saranggola Blog Awards sa loob ng dalawang magkasunod na taon. Nakatanggap din siya ng President Gloria Macapagal Arroyo Outstanding Achievement Award for Science Technology dahil sa kaniyang naging panalo sa Intel Science Fair Essay Writing Contest. Simula Grade 6, lumalahok na siya sa Press Conference at taon-taong nag-uuwi ng parangal, partikular na sa Pagsulat ng Balita at Pagsulat ng Pangulong Tudling. Naging editorial assistant din siya sa Flora de Filipinas, isang aklat tungkol sa Flora at Fauna sa bansa. Kasalukuyan din niyang isinusulat ang kaniyang unang aklat sa akdang pampanitikan kasama ang ibang manunulat. Noong kolehiyo naman, naging reporter siya ng PUP News, ang opisyal na pahayagan ng buong PUP at naging bahagi rin ng The Catalyst, ang opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng PUP. Naiimbitahan rin siya bilang guest speaker/ trainer ng campus journalism. Ang pinakahuli ay ang serye ng journalism workshop para sa District 11 ng Quezon City. I-like: www.facebook.com/imbornaldyornal