Walang Basagan ng Trip!

(Photo Credit: customoko.com)
(Photo Credit:  customoko.com)
(Photo Credit: customoko.com)

Hindi ako yung tipong “sikat” sa Facebook. Wala akong followers, halos lahat ng nag-la-like sa status update ko ay mga personal friends ko lang. Mayroon lang akong approx.200 friends. Pinakamarami na ang 2-3 notifications ko sa bawat pag-log in ko sa social networking site na ito. Ngunit ganun pa man, adik ako sa facebook. Cellphone lang ang gamit ko. Nagloload lang ako ng prepaid para mairegister sa unlisurf o kaya naman yung unlifb na promo ng Smart o Globe. Masasabi kong ako ay “dakilang liker”. Taga-like lang ako ng mga status ng mga fb friends ko o kaya ng mga pina-follow ko. Mahilig din ako mag-like ng ibat-ibang page magmula sa entertainment, sports, news and current affairs hanggang sa mga sikat na personalidad. Tulad ng ilan sa atin dito, mahilig din ako makisawsaw sa anumang isyu mayroon tayo. Mahilig din ako mag post ng comment. Subalit ang article ko na ito ay hindi lang lahat tungkol sa kung ano ang ginagawa ko sa facebook, kundi tungkol sa mga isyung nakikita ko sa news feed ko. Ang facebook din kasi ang aking way upang maging updated sa mga happenings dahil sa wala kaming tv. Sa bawat post, hilig ko ang magbasa ng mga comments, syempre may pros at cons, may negative at positive, may namumuri at nagba-bash.

Ilan sa mga naging big news at trending o laman ng bawat post sa facebook, sa abot ng aking kaalaman, ay ang Claudine/Raymart vs. Tulfo hanggang sa isyu ng una sa kanyang asawa at pamilya, ang tungkol sa Vice Ganda concert; sa kanyang mga jokes tungkol kay Jessica Soho at iba pa, ang Anne Curtis Annebisyosa concert; dahil sa pang-aagaw raw nya ng trabaho ng mga totoong singers, Vic Sotto-Pauleen Luna Affair, Kris Aquino issues, Napoles porkscam, Pork barrel, Vice Ganda versus Nancy Binay, Anne Curtis-John Lloyd Cruz slaps incident, Pacman lost and victory, Marian versus Angel, Vhong Navarro versus Denice/Cedric, ABS-CBN versus GMA at marami pang iba..

Sa kasalukuyan, ang trending topic ay ang PBB All-in Challenge na ‘nude painting’ daw, na nagbigay na nga raw ng komentaryo o ‘pangingialam’ ng ating mga ginagalangang mga senadora, Nancy Binay at Pia Cayetano sa challenge ni kuya sa mga housemates nya sa PBB. Opo, wala namang masama sa ‘pangingialam’ nila dahil sila ay ating mga lawmakers lalo na kung nakikita na nila na naapakan na ang ating moral na paniniwala.

Kalaunan lang ay naging hot topic din ang concert ng One Direction sa Pilipinas na nagkakahalaga ng 17,000 pesos ang pinakamahal na ticket at naging balita rin na ang ilan sa mga kabataan ay pinambili ng ticket ang kanilang pang-tuition. Kasabay ng pagdagsa ng mga supporters ng nasabing boyband ay ang pagdagsa rin ng mga nambabatikos na kesyo dapat daw ipinangtulong na lang daw sa mga mahihirap ang pinambili ng tickets, hindi na raw naawa sa mga magulang at bakit raw sinusuportahan pa ang mag artist na yun. At ito pa, kasabay ng balitang iyun ay ang paglabas rin ng video kung saan nakikita raw ang paghithit ng marijuana ni Zayn Malik, isa sa member ng One Direction. Umapela agad dito ang iilan na kailangang i-ban raw ang nasabing grupo sa ating bansa.

Marahil may mga naging trending pa na hindi ko nabanggit sa article ko na ito, ngunit ganun pa man, iisa lang naman ang aking gutong iparating sa makakabasa nito at marahil dun rin sa mga mahilig mangialam sa isyu. Opo, alam ko naman po na karapatan natin ang magbigay ng opinyon, komento at suggestion sa iisang bagay o pangyayari tulad ko sa paggawa ko nitong blog na ito. Lahat tayo ay tama sa pagbibigay ng ating mga saloobin, nagiging iba lang ito pag nabigyan na ng interpretasyon ng ibang tao.

Ang pangingialam ng iilan sa concert ng One Direction na kailangan i-ban raw ito sa pagsagawa ng concert dito sa atin dahil sa video ng pagma-marijuana ay hindi bat huli na? Hindi pa man sikat ang One Direction, marami na ang nagkalat na kabataan sa lansangan na may bitbit na naka-plastic na rugby, hindi man natin nakikita pero marami na ang sumubok o gumagamit ng marijuana, marami na ang napapariwarang kabataan, marami na ang biktima ng teen pregnancy, marami na ang kabataan na halos magdamag sa inuman at halos nakakailang pakete ng sigarilyo. Para ano pa at kailangan pang i-ban ang grupong ito? May mababago ba sa takbo ng buhay ng kabataang Pilipino?

Pinambili man nila ang “kanilang” pera ng 17,000 pesos halaga ng ticket ay siguro wala na tayong pakialam dun dahil kanila naman yun, pera naman nila diba yun o pera naman ng mga magulang nila yun na may consent naman mula sa kanila. Hindi naman nila ninakaw yun sa kaban ng bayan o sa bulsa ng ibang tao. Ipamigay na lang sa mga mahihirap sabi ng iba. Naku, tinuruan nyo pang maging tamad ang ibang tao. Sa halagang 17,000 pesos ba, maisasalba na ba natin ang buhay ng mga kababayan nating lugmok na lugmok na sa kahirapan? Marahil pwede pero hanggang saan? Kapag hindi ba sila bumili ng ticket, may isang pamilya ba na biglang yayaman? Parang katulad rin yan sa biro ng aking kaibigan ng minsan kumain kami sa Jollibee, napansin ko syang hindi naubos ang chicken joy, sinabihan ko sya na ubusin, sayang, lalo pa at marami ngayon ang hindi kumakain. Sumagot sya ng: “Bakit pag inubos ko ba ito, mabubusog ba sila?”

Nude painting sa PBB, naalarma ang ilang senators?! Di nga? Lutasin nyo muna o bigyan ng karampatang batas o aksyon ang mga pangunahing problema ng bansa natin. Kung ang iinisip nyo na naman ang kapakanan ng mga kabataan at mga bata dahil nagiging masamang impluwensya ito sa kanilang isipan, naku, huli na naman. Umay na ang mga bata at kabataan sa mga pornographic materials. Elementary students pa lang ngayon, may facebook account na, marunong na gumamit ng computers, may android phone na, may laptop at ipad na. Sana noon pa. At dibat may SPG warning naman ang MTRCB bago magsimula ang bawat programang pangtelebisyon? Siguro, responsibilidad na iyun ng mga magulang. At kung ang problema naman ay ang kapakanan ng mga housemates dahil ayon kay Sen. Pia Cayetano, “This is an assault to the dignity of the women housemates. Asking a woman to consider posing nude in such a situation – where her acceptance to perform the challenge is made in exchange for points or benefits for herself or her housemates – is tantamount to coercion. In their desire to challenge and teach the contestants life lessons, they should be conscious of the rights of the housemates and know the limits when assigning tasks that could end up degrading women and trampling on their dignity. In this case, they crossed the line.” Hindi ba’t ‘challenge’ ito? Sinusubok lang sila kung hanggang saan ang kaya nilang gawin o ipaglaban. At natuloy nga ba ang nude painting? Bakit ambilis nating magbigay ng reaksyon sa ganyang mga bagay mga mahal na senadora? Bakit hindi muna ang ibang mahahalagang bagay na kailangang kailangan ng mas nakakaraming Pilipino. Bakit hindi tayo agad makisangkot sa seguridad sa bawat malls, kalye at ibat ibang lugar na may nababalitang patayan at barilan? Bakit hindi natin mabigyan ng karampatang aksyon ang mga nagagahasa at natatagpuang patay sa kung saan saan? Bakit hindi nating masulusyunan ang siksikan sa LRT/MRT, holdapan, mga nagkalat na batang lansangan upang mamalimos.

Aaksyon tayo para lang makitrending. Ano yun? Riding in tandem?

At sa mga mahihilig ding makisasawsaw na wala namang pinupunto o wala namang saysay basta lang may maicomment sana umpisahan muna natin alamin kung may problema ba tayo sa loob ng ating tahanan bago nating pakialaman ang boses ni Daniel Padilla. Alamin muna natin kung may nagagawa ba tayong simpleng kabutihan sa kapwa bago tayo magkomento sa hitsura ni Vice Ganda. Siyasatin muna natin ang ating mga anak kung tama ba ang pagpapalaki natin sa kanila bago tayo makisangkot sa away ng mga Barretttos. Tignan muna natin ang ating mga sarili kung tayo ba ay mabuting anak bago natin awayin si Marian Rivera o Angel Locsin. Dahil kung inuuna muna natin ang ating mga sarili at pamilya marahil wala na tayong oras para sa pagbibigay ng negative cooments at pakikisangkot sa iba.

Makisangkot tayo kung naaapakan na ang ating pagkatao.

Hanggat hindi tayo naaapakan, walang nakikialam sa atin, ginagawa natin ang kung anuman ang tama, namumuhay tayo ng marangal, sapat na yun para wag nating pakialaman ang buhay ng iba.

Pero sabi nga diba, walang basagan ng trip, ano ba pakialam ko kung gusto mo magkomento sa isang isyu, oo nga naman, wala talaga ako pakialam dun, dahil tulad mo rin, ayaw ko rin pinapakialaman ako ng ibang tao. Angulo noh? Tulad rin yan ng sitwasyon na ganito: “May gagawin ka man o wala, may sasabihin at sasabihin parin sayo ang ibang tao”