Vanessa – Buhay at Pag ibig ng Isang OFW Part 9

jem

SA muling pagmulat ng aking mata, nahulaan ko agad kung saan ako naroroon. Biglang bumukal ang balon ng aking luha. Napahawak ako sa aking tiyan, hindi ko napigil ang aking hikbi.

“Anak, gising ka na pala. Kumusta ang pakiramdam mo?” tanong agad ni Nanay.

Parang gusto kong lumubog mula sa aking higaan, kung puwede lang mabiyak ang sahig para mahulog ako at tuluyang lamunin ng lupa. Pero wala, dapat ko talagang harapin ang katotohanan. Napahagulhol ako, agad akong niyakap ni Nanay.

“Anak, tama na. Nandito namin kami, hindi ka namin pababayaan.”

“Nanay, patawarin n’yo ako.”

“Huwag ka nang umiyak, makakasama pa yan sa inyong mag-ina.” Si nanay habang hinahawi yong buhok na kumalat sa mukha ko. “Ligtas siya.”

Nanlaki iyong mata ko sa pagtatanong. Parang may nabunot na malaking tinik sa aking dibdib.

“Oo anak, mabuti at naagapan. Vanessa, hindi ako magtatanong kung sino at nasaan ang ama niyan. Pero kung handa ka nang magsalita, nandito lang kami para makinig.”

“Nanay, I’m sorry po.”

“Anak, nagkasala ka na, pero bakit dinagdagan mo pa? Hindi maitatama ang pagkakamali ng isa pang pagkakamali. Kasalanang mortal ang pagkitil ng buhay sa sinapupunan, walang kamalay-malay ang bata sa ginawa mong kasalanan kaya hindi mo siya dapat idamay. Wala kang karapatan na pagkaitan siya ng pagkakataon na masilayan ang mundong ibabaw. Paano kung napahamak ka, ‘di dalawa kayo ng apo ko na nawala sa amin?”

“Nanay, patawad. Magulo po ang isip ko, hindi ko na po naisip ang tama.”

“Dahil hinusgahan mo agad kami. Pamilya tayo, sa ganitong pagkakataon, kami dapat unang makaalam kung anong bumabagabag sa iyong kalooban. Anak ka namin, kahit nagkamali kayo ay hindi maiaalis ang katotohang sa akin ka nagbuhat. Kapag nasaktan ka sa mga kabiguan mo, dobleng sakit ang nararamdaman ko dahil isa akong ina. Pag naisilang mo na ang apo ko, mauunawaan mo ang sinasabi ko.” Lumuluha si nanay habang pinagsasabihan ako.

“Gising ka na pala, Vanessa, may masakit pa ba sa ‘yo?” Mula sa pinto ay pumasok si Tatay. Hindi mo kakikitaan ng kahit kaunting bahid ng galit, bagkus ay mababakas mo sa mukha ang pag-aalala.

“Okey na po ako, Tatay, patawarin n’yo ko sa paglilihim ko at sa pagbibigay sa inyo ng kahihiyan.”

“Vanessa, anak ka namin, kami ang iyong karamay sa pagkakadapa mo.” Parang pinipiga ang puso ko, parang gusto ko pa yata na pinatamaan ako ng mag-asawang sampal o dili kaya’y pinagsalitaan ako ng masasakit. Mas madali pa yatang tanggapin ‘yon.

Maya-maya, isa-isang nagdatingan ang mga kapatid ko. Parang walang nangyari, hindi man lang sila nagtanong. Excited lang sila sa paglabas ng anak ko. Kaya nang umuwi sa bahay, ipinagtapat kong lahat ang tungkol sa amin ni Andrew. Sinabi ko rin na wala akong balak ipaalam sa ama ng magiging anak ko ang kalagayan ko. Dahil ayoko nang magkaroon kami ng ugnayan. Iginalang naman nila ang aking pasya.

NOONG una, parang ayaw kong lumabas ng bahay. Natatakot kong makita ng mga tao sa paligid. Iniisip ko na kukutyain nila ako, pagtatawan at pag-uusapan. Pero hindi naman habang buhay ay nasa loob lang ako ng bahay.

Araw ng Linggo, magkasama kami ni Nica para magsimba. Palabas na kami nang makasalubong namin si Anne.

“Oy bruha ka, kumusta na? Kailan pa dumating?”

“Dalawang buwan na ako dito. Ikaw, kumusta ka na?”

“Okey lang, teka babalik ka pa ba?”

“Hindi na.”

“Ah, tamang-tama, kukunin kitang abay. Ikakasal na ako two months from now.”

“Hah? Anne, puwedeng si Nica na lang ang proxy ko?”

“Bakit?” Nakakunot noo niyang tanong. Kaya ibinulong ko sa kanya ang kalagayan ko.

“Buntis ka?” Nabigla niyang sigaw, tapos itinakip ang kamay sa bibig niya. Pero huli na ang lahat, marami nang nakarinig at napatingin sa amin. “Sorry Vanie, ang daldal ko talaga. Sorry.” Yumakap pa siya sa akin.

“Ano ka ba? Okey lang yon,” nakangiti ako sa kanya. “Pasyal ka minsan sa bahay para makapagkuwentuhan tayo,” paanyaya ko.

“Sure, Vanie, basta libre ako basta na lang ako susulpot.” Nagpaalam na siya, naglakad naman kami ni Nica punta sa tindahan ng prutas.

“Mare, buntis daw yong si Vanessa.”

“Kuh, saan mo naman nasagap yan?”.

“Aba, mare, hindi basta sagap, nakita ko kanina sa labas ng simbahan kausap ‘yong kaibigan.”

“Ganon?  ‘Di sa abroad yon nabuntis, kadarating lang non ah.”

“Malamang.”

‘Yon ang narinig naming usapan sa fruit stand. Hinila ako ni Nica palayo. Sigurado headline na ako sa buong barangay mamaya. Kilalang tsismosa pa naman ‘yong dalawa.

Kinabukasan, magkasama ulit kami ni Nica. Nagpunta ako ng karinderya at siya naman ay papasok sa school. Nakita namin ‘yong mga kapitbahay na nakatingin sa amin. Nanunuri ang mga mata, ang iba ay nakaangat ang kilay. Sa tulad kong guilty, kahit ‘di sila magsalita ay parang nahuhulaan ko ang iniisip nila kaya nakayuko akong nagpatuloy sa paglakad.

“Ay naku, ate, huwag mo silang pansinin, bakit ikaw lang ba ang kauna-unahang dalaga na nagbuntis ng wala ang ama? Mahiya ka kung sa kanila ka hihingi ng pambili ng gatas ng anak mo. Hayaan mo silang lumuwa ang mata sa pagtingin sa ‘yo at humaba ang mga dila sa pagtitsismisan. Ngayon lang yan, bukas makalawa, wala na yan,” litanya ni Nica.

Tama naman siya, pero parang hindi ko pa rin kayang salubungin ang panlilibak ng kapwa. Hindi ko pa rin mapigilan ang pagpatak ng aking luha.

Hindi ako maselang magbuntis, pero lumalaki ‘yong ilong ko at umiitim yong leeg at kilikili.

“Vanie, lalaki yang anak mo?”

“At paano mo nalaman?”

“Kasi ang pangit mo,” bago tumawa nang malakas si ate Naida. Nahawa tuloy ako sa kanya. Nawala sa alaala ko iyong mga emote ko kanina. “‘yan, ganyan nga, tumawa ka, hindi ‘yong pasan mo ang mundo. Maawa ka sa anak mo, baka kung anong hitsura niyan paglabas pag laging malungkot ka.”

Nakadama ako ng pananabik, sino kaya ang kamukha niya? Ako ba o si Andrew? “Patawad, anak, kung ‘di mo makikita ang papa mo, balang araw ay maiintindihan mo rin ang lahat,” bulong ko habang hinahaplos ko ang medyo maumbok kong tiyan.

(Itutuloy)

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.