Utol

Friendship more than brotherhood
Friendship more than brotherhood
Friendship more than brotherhood

“Isusumbong kita mamaya kay Mame!!!”

“Bheee… Eh ‘di magsumbong ka! Weeeeh…”

Hindi ko alam kung ilang beses kami nagsigawan ng kapatid kong iyun. Hindi ko alam kung ilang beses ko siyang napaiyak, o ilang beses akong umiyak sa tuwing mag-aaway kami. Ilang beses nga ba kaming nagsuntukan noong bata kami? Ilang beses kaming nagwrestling sa kama? Ilang beses kaming sabay na napadapa ng tatay namin? Nangingiti na lang ako.

Naalala ko pa ang pinakamatinding nangyari sa kanya; ako yata ang may kasalanan. Ang tanda ko, wala pa siyang dalawang taon noon, ako naman ay  halos pitong taon, nang madapa siya at ma-crack ang bungo. Hinahabol kasi niya ako, nanghihingi siya ng mani. Ako naman si pang-inis, nagpahabol pa talaga. Dahil sa hindi pa matatag ang binti niya sa pagtakbo, nadapa siya at humampas ang ulo sa kanto ng pinto.Ending, tinahi ang ulo niya sa hospital. Nagwawala siya sa kakaiyak, habang ako ay guilty; halos hindi mailulon yung huling butil ng mani na isinubo ko sa bibig ko.

Ilang buwan lang pagkatapos noon, gumawa na naman ako ng kalokohan. May bago akong bisikleta noon. Dahil excited sa paglalaro, inutusan ko siyang itulak ako.  Mahirap umusad noon dahil hindi pa sementado yung harap ng bahay namin. Hirap na hirap siya sa pagtutulak habang ako ay tawa nang tawa. Nagreklamo siya, at pabulol na sinabing “.’.yaw aman andar ih.. ‘yaw na.”

Tinakot ko siya noon, at sinabing, “bahala ka, hindi na kita bate, lakasan mo kasi.” 

Nakabalaho yung gulong ng bike noon sa isang malaking bato na nakalubog sa lupa. Matalas ang mga gilid, wari ay nabasag matapos mabagsakan ng isang mabigat na bagay, o  kaya ay sa dahilang nadaanan ng isang sasakyan. Sa pangungulit ko, napilit ko rin siyang itulak ulit ang bike. Bigla niya itong itinulak, biglang andar ng bike kaya nawalan siya ng balanse. Paharap siyang sumubsob sa lupa, eksakto sa nakausling bato. Humampas yung mukha niya sa bato, biyak ang labi niya, hati sa gitna. Umiiyak siya nang marahan, hindi malakas, kahit na napakaraming dugo ang tumutulo sa nahiwa niyang labi. Ending, tinahi ang nguso niya. Ako naman, guilty ulit.

Inaamin ko naman, lagi talaga kaming magkaaway ng kapatid ko na yun dati. Lalo na nung kami pa lang dalawa at hindi pa dumarating si bunso sa pamilya. Ewan ko ba kung sadya lang akong mapang-asar habang siya naman eh sadyang pikon, kaya madalas, nagkakapisikalan talaga kaming dalawa. Wrestling, suntukan, sipaan, may mga oras pa nga na bigla na lang may kakalabog sa kama at mabubukulan. Pero walang pakialam, iiyak saglit, pero bati na naman pagkalipas ng ilang oras.

Naalala ko pa dati, iniwan kami ng magulang namin para sa mas magandang oportunidad.  Ako ay edad katorse nun, at siya ay  siyam na taon.  Namuhay kaming dalawa sa isang bahay, at regular kaming umuuwi tuwing katapusan ng linggo sa lugar na kinaroroonan ng magulang namin at ni bunso. Tumayo akong nanay at tatay niya noon; tagaluto, tagalaba, at madalas ding  tagalinis ng bahay. Pero alam ko naman na nag-eeffort din siya, tumutulong siya noon sa abot ng makakaya niya. Pero madalas, masungit talaga ko, maaga kasing nabigyan ng responsibilidad, tuloy ay naging istriktong kuya. Namamalo pa nga ako noon (feelingero kasi?), habang siya, umiiyak na lang.

Pero wala naman siguro akong pinagsisihan sa mga ginawa ko noon. Kahit paano, naging mabuti naman siguro akong kuya sa kanila. Yun nga lang, talagang napakarami naming pagkakaiba.  Mahilig siya sa Dota, ako naman, mas gugustuhin ko pang manood ng maraming pelikula.  Matiyaga akong magpuyat basta maganda ang palabas; siya, wala kang aasahan.

Mahilig akong magluto; siya, aasahan mo lang sa kainan.  Minsan, pinagluto siya ni mommy ng embutido; ang ending, wala kaming ulam. Hinihintay daw kasi niyang maging golden brown yung aluminum foil na balot ng embutido kaya higit 30 minutes niyang niluto yung pagkain. Ending, sagad sa gitna ang kawawang embutido, uling na uling. Ayaw ko sa Math, bestfriend niya ang numero. Ayaw niya ng reaction papers at term papers, doon naman ako maaasahan. Mahilig akong sumakay sa mga rides na aalogsa kaluluwa ko at sandaling magpaiikot sa katinuan ko; siya naman ay sapat na ang caterpillar. Hilig kong magbasa, hilig niyang ipakuwento ang binasa ko.

Mahilig siyang gumawa ng kahit anong bagay na may wire at electric current; mahilig akong manira at ma-“ground” (yung bigla ka makukuryente tapos biglang isang daang porsyento mong aalisin yung kamay mo) sa bagay na may wire at kuryente.   Mahilig siya sa mani, ako sa cornicks.  Ikamamatay ko ang pagsasayaw, samantalang siya, naging member pa ng dance troupe.

Pero sa kabila noon, hindi naman siguro mawawala ang pagkakatulad namin bilang kapatid.

Kung miyembro ako ng MASA (masandal tulog), siya ay miyembro ng MAHI (Mahipan ng Hangin Tulog). Pareho kaming lumaki na hindi mabubuhay kapag hindi mang-aasar.  Pareho kaming mahilig sa anime at zombies.  Pareho kaming mahilig sa mga kanta na swabe na handang manlatigo ng antok at pagkahimbing.

Pareho naming ayaw ng okra. Parehong madalang lumabas o pumunta sa okasyon na maraming tao. Parehong mahilig magstroll sa motor, parehong makulit kung minsan. Hindi ko nga maintindihan kung paano kami kinakaya ni mommy, idagdag pa si bunso na natututo na ring maging makulit.

Iba yata talaga ang turingan ng magkapatid. Sa kabila ng bawat aspeto ng pagkakaiba, sila ang taong magiging isa sa pinakamalapit sa ’yo.

Sila yung kaaway mo ngayon, pero bukas hindi na. Sila yung kaagaw mo sa barbecue ngayon, pero mamaya, hahanapin mo para may kahati ka sa ginisang ampalayang pilit pinakakain ng tatay mo.  Sila yung kaasaran mo ngayon dahil broken-hearted ka, pero maya-maya tumatapik na sa balikat mo kapag nagsimula ka nang umiyak. Sila yung kaagaw mo sa playstation o sa computer, o sa internet para sa tetris at  candy crush, pero palihim mong hahanapin kapag mag-isa ka na lang naglalaro.

Sila yung kakampi mo kapag inaway ka ng kalaro mo.

Sila yung unang mang-aasar sa ’yo sa kaklaseng inirereto sa ’yo.

Sila yung kaagaw mo sa upuan sa harapan ng sasakyan kapag magbibiyahe kayo.

Sila yung makulit na manghihingi ng pasalubong kapag pauwi ka na sa bahay ninyo.

Sila yung namimiss mo habang binabasa mo ito. ^_^

Masuwerte daw ang tao na may pamilya at kaibigan. Sila yung mga tao na alam kung paano maging totoong masaya sa kabila ng lahat ng pagdaraanan mo habang nabubuhay ka sa mundo. Pero para sa akin, mas masuwerte ang mga taong may kaibigan na parang tunay na pamilya, kasabay ng may pamilya na parang tunay na kaibigan ang turingan. Dahil saan man makaratingang bawat miyembro ng  nabuong pamilya, mananatili silang bahagi noon, at kailanman ay hindi na mabubura.

*Ngayon, Engineer na siya.  Kahit na lagi niya akong niloloko dahil naging nurse ako sa halip na doktor o abogado, hindi ko itatangging, “proud ako sa ’yo, brad! ^_^”.  Walang magbabago, kahit pa isa ka nang inhinyero.

About Mga-sulat-kamay

Hindi ko sasabihin ako ang ideal na tao... nagkamali, nadapa, nasugatan, dumugo, umiyak.. tumahan, naghilom, nagpeklat at sinubukang muli... ganyan ako, hindi perpekto... pero at least totoo... mga sulatin na may konting amag, pero 100 % biodegradable at consumable... safe but with little side effects.. ^_^