UTANG NA LOOB NAMAN !

(Photo Credit: raflesia101.blogspot.com)
(Photo Credit: raflesia101.blogspot.com)

Sino ba ang tao na hindi nagkaroon ng utang na loob kahit na kanino?

Ganito na lang, padadaliin ko ang tanong ko, “Sino ba ang hindi nangailangan ng tulong ng kapwa niya?”

Kaya nga siguro may kasabihan na, “No man is an island”, kasi aminin man natin o hindi, hindi natin kayang mabuhay nang hindi humihingi ng tulong kahit kaunti o kahit  na maliit sa kapwa natin. Ang susunod kong katanungan, “Eh, paano ka ba makakabayad ng utang na loob?” Parang ang hirap naman sagutin nang katanungan na iyan! Parang walang katapusang bayaran at singilan naman yata ang pinag-uusapan diyan. Parang habambuhay, kailangan mong pagbayaran ang utang na loob na iyan!

Parang nakakarindi lang naman sa pandinig  sa  tuwing may maririnig kang, “Walang utang na loob ang taong iyan!” Hindi lang mapagbigyan sa isang kahilingan, wala na kaagad utang na loob ang isang tao. Hindi lang mapahiram ng pera, wala nang utang na loob. Di ba pwedeng gipit din siya tulad mo?

Masarap tumulong sa kapwa pero kung pagkatapos nito ay maniningil ka ng utang na loob, parang hindi yata pagtulong ang ginagawa mo, mas magandang tawagin na namumuhunan ka, para balang araw, may sisingilin ka. Ang pagtulong, dapat ay taos-puso. Bukal sa puso. Hindi naghihintay ng kapalit. Okay kung  maalala ka, ok lang din kung makalimutan ka. Basta’t ang alam mo, nakatulong ka.

Kung tutulong ka lang para may maipagyabang ka sa kapwa mo, kaibigan, pumasok ka na lang sa pulitika para sa tuwing may gagawin ka, pupuwede kang magpagawa ng tarpaulin o billboard para ipagsigawan ang “kabutihan “ kuno na nagawa mo sa kapwa mo. Peke. Kaplastikan ang tawag dito.

Iyong iba, nabayaran na ang inutang sa kanila na pera, hindi lang sila nangitian nang makasalubong sila, wagas na kung makapagsabi ng “walang utang na loob” sa kapwa nila. Oo, natulungan naman talaga ninyo sa oras ng kagipitan, pero hindi naman ibig sabihin, isinanla na nila sa inyo ang buhay nila. Kapag dumating ang oras na nagkasamaan na kayo ng loob, parang bala ng baril na ninyong ibabato sa kanila na wala silang utang na loob. Sa lagay, wala na silang karapatan na magalit o sumama din ang loob sa inyo? Dapat ba, kayo lang ang pwedeng maghinanakit dahil minsan, isang araw, nakatulong kayo?

Eh, papaano na lang iyong natulungan na makapag-abroad o magka-trabaho? Aba, eh malaking utang na loob na ang pinag-uusapan dyan! Kahit siguro magtututuwad sa kalsada at ipagsigawan mo ang utang na loob mo sa taong nakatulong sa iyo ay hindi sapat. Isang beses mo lang na hindi mapagbigyan o hindi maibigay ang hinihiling sa iyo, ikaw na ang pinakawalang utang na loob na tao sa balat ng lupa. Mayabang ka na. Hindi na marunong lumingon at anu-ano pa! Dapat pala, bago kayo nagkatulungan, nasabi sa iyo, na pagkatapos kang tulungan, eh, alipin ka na niya at lahat ng iutos niya, dapat gawin at sundin mo.

Ang pagtulong ay ibinibigay ng bukal sa puso. Hindi sapilitan para masarap sa pakiramdam. Iyong makita mo lamang na ang taong tinulungan mo ay guminhawa at umunlad ay higit pa sa kung anong materyal na bagay na maaring ibayad sa iyo. Tumanaw man o hindi nang utang na loob ang mga taong natulungan mo ay hindi mo na problema. Diyos na ang saksi sa kabutihan na nagawa mo. Hindi na kailangang malaman ng buong mundo. Mas pinagpapala ang mga taong tahimik kapag tumutulong.

 

About Joy Rebanal-Laygo

Residente ng ibang bansa, Pilipino pa rin sa puso at diwa. Isang anak, kapatid, asawa at ina. Walang pakialam sa sasabihin ng iba.