Utak Talangka

(Photo Credit: Serendipitouswordsmith)
(Photo Credit: Serendipitouswordsmith)
(Photo Credit: Serendipitouswordsmith)

Nakakita ka na ba ng talangka? Napansin mo ba na Habang sila ay nasa pAlanggana o balde ay iisa-isang nag-aakyatan para makaahon sa kanilang kinalalagyan? Pero isa-isa Rin itong maghihilahan para hindi makaakyat ang bawat isa sa kanila?

Ganyan, sa talangka, ko inihahalintulad ang tao, lalo na ang mga OFWs.

Sa lampas na dalawang buwan na pagkakahospital ng aking pasyente dito sa isang pansundalong pagamutan ng Jeddah, kung saan halos lahat ng mga empleyado ay mga kalahi ko. Sa bawat isa sa kanila na aking nakasasalamuha ay iisa lang ang idinaraing.   Hindi ang pagiging mabigat ng trabaho kundi ang mga kasamahang kalahi mismo ang problema ng bawat isa sa kanila.

Walang problema sa dami at bigat ng kanilang trabaho dahil iyon naman ang ipinunta nila dito – ang magtrabaho, kaya inihanda nila ang kanilang mga sarili sa trabahong kanilang susungin.   Ang hindi nila naihanda ay ang mga ugali ng kanilang makakasama sa trabaho.

Hindi nawawala ang seniority pagdating sa trabaho, ‘iyong tipong alam mong matagal ka na sa larangan o sa kumpanya at pakiramdam mo ay may hydrocephalus ka na, tila ang laki na ng iyong ulo, at sa pakiwari mo ay kasing-liit ng mga tipaklong ang mga bago mong kasamahan. Kung maka-chin up ka ‘kala mo ay nabali ang iyong leeg at nilagyan ng cast dahil hindi na marunong yumuko. Masyadong “feeler” kahit pa sabihin nating parehas lang naman ang uri ng trabaho. Hindi naman nagkakalayo ang agwat ng mga suweldo pero akala mo’y ang yaman na.

Bakit kaya tila likas na sa atin ang pagiging maiinggitin?  Sa kahit sinong tao nga ba talaga o sa mga Pinoy Lang?

Kasi po sa aking naobserbahan  dito, ayon sa testimonya ng isang kakilala, limang taon pa lang siya ritong nagtatrabaho sa housekeeping at ginawa na siyang bisor ng kanilang departamento. Sa kagustuhan iyon ng kanilang manager; hindi n’ya inirekomenda ang kanyang sariling gawin s’yang bisor, bagkus ay nakikita ang kanyang ginagawa at sipag sa pagtatrabaho. Pero dalawang buwan lang niyang in-enjoy ang kanyang bagong posisyon, dahil ginawan siya ng istorya na magkasintahan sila ng kanilang manager kaya tumaas ang kanyang posisyon.

Bakit daw nauna pa siyang naging bisor gayung may mga mas matagal pa sa kanya sa trabaho? Ano ba raw ang kanyang ginagawa at napapansin iyon ng kanilang kataas-taasan?

Gabi-gabi niya iyong iniyakan, hindi niya malaman kung sino ang sisisihin kasi wala namang umaamin kung sino ang pasimuno ng tsismis. Nakapagdesisyon siyang bitawan ang bagong posisyon, mas mabuti pa ang isang simple at ordinaryong tagapaglinis, walang tsismis at walang galit na kasamahan.

 Kahit anong uri ng ating trabaho, ito ay nangyayari.  Mapamaliit man na establisyemento o malaking kumpanya, mapapribado man o pang-gobyerno, hindi nawawala ang ganitong mga sitwasyon. Bakit kaya Tayo ganyan? Bakit kaya hindi na lang tayo maging masaya sa tagumpay na tinatamasa ng ating kapwa, bakit natin ito pilit na hihilahing pababa gayun alam naman nating karapat-dapat siya sa kung ano’ng mayroon siya? Bakit?

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.