Usapang Mapapel

Human Paper (Photo Credit: wookmark.com)
Human Paper (Photo Credit: wookmark.com)
Human Paper (Photo Credit: wookmark.com)

Isa ako sa mga estudyante na halos araw-araw dati eh, naki-usap sa mga kaklase para sa isang piraso ng papel. Lalo na tuwing magkakaroon ng mahaba o maikling pagsusulit. Ewan ko ba, basta hindi ako yung tipo ng estudyante na mag-iipon para bumili ng isang buong pad ng papel. Mas gugustuhin ko pang ipambili na lang iyon ng “kisses” (‘yung maliliit na parang kendi na mabango at nanganganak) tapos ikulong sila sa lalagyanan ng pulbos. Kaysa ma-expose sa lahat at mabansagang tindera ng papel. Ma-discover pa ‘ko, aba, madami pa akong mas matataas na pangarap noon. Mas mataas pa kaysa maging barbero.

Siguro sinabi na rin ng utak ko na “Aba teka, bibili ka pa eh hindi rin ikaw ang gagamit, wag na uy!” (madamot kasi ako). Ano rin naman kasi ang gagawin ko sa isang pad ng papel kung puro ZERO naman ang nakalagay doon? Baka itapon ko lang rin iyon, magsawa pa akong sumagot sa pagsusulit. O kaya naman eh, may makapulot lang na pasaway na kaklase ko at ipangbato pa sa crush ko noon, bawas ganda points pa. Mas mabuti nang isang piraso lang ngunit karapat-dapat na itago, ipa-frame mo pa kung gusto mo. Kaysa naman sa isang buong pad na halos kainin mo na, ‘wag lang makita ng magulang ang laman.

Teka, bakit nga ba napunta dito ang usapan?

Ah, kanina kasi nangangati ‘yung kamay kong magsulat kaso wala akong mahagilap na papel na blangko. Kaya ayon, naisip ko na esensyal din pala ang papel sa buhay. Tapos, biglang naglakbay yung isip ko at bumalik sa nakaraan (Sa wakas, naisipan ko rin na mag-isip).

Ilang taon na rin pala akong ganito, saka lang maghahanap ng papel kapag kailangan. Pero, tingin ko okay na rin ‘yun eh. Kung ako lang siguro mag-isa sa mundo, ilang puno rin ang maliligtas sa “pagtitipid” ko, kuno.

Noong college ako, nakasanayan ko nang manghiram ng ball pen sa katabi, at oo, pati isang buong yellow paper, kung hindi naman eh isang pirasong bond paper. Ginagawa ko ‘yun para may pagsulatan ako ng lecture namin. Kaya lang isang araw, hindi ko alam kung anong sumapi sa reviewer namin at bigla na lang nag-appreciate ng mga big notebooks ng mga kaklase ko. Literal na BIG ah, ‘yung may mga sikat na tatak at halatang pinag-ipunan pa ng magulang.

Sabi niya:

“Ayy, naalala ko lang yung college life ko sa inyo, ganiyang ganiyan din ako. Mayroon pa nga ako noong ballpen na iba’t iba ang kulay eh. Para kapag binasa ko yung notebook, nakaka-inspire kasi makulay.”

“OMG, notebook appreciation day ba ngayon?” tanong ko sa sarili ko.

Hihiram sana ako ng extra notebook sa kaklase ko kaya lang huli na. Napatitig na siya sa akin at sa isang pirasong bond paper na nasa desk ko. Na hinati sa gitna at maliliit ang sulat para lang magkasya.

“Huli ka balbon!” hindi niya iyon sinabi. Pero sa nanlalaking mata at ngiti niya, halos mabasa ko na ‘yung laman ng utak niya. Parang batang uhaw na uhaw sa pasalubong ng magulang.

“Oh, anyare sa’yo? saan mo ‘to nakuha?” sabay dampot sa papel ko. “Parang napulot mo lang yata ito sa tapat ng xerox machine sa baba ah,” sabay tawa. Tawanan din naman yung mga kaklase ko, ang galing nga eh, parang echo.

Parang feeling ko noon, ino-okray ako ng isang stand-up comedian sa isang comedy bar. Kailan pa naging krimen ang magsulat sa bond paper? Hindi man lang niya napansin na lahat ng sinasabi niya eh nakasulat doon. Ilalabas ko pa nga sana yung isang bulto ng mga bond paper sa bag ko eh. Baka maawa pa at bigyan niya pa ako ng pang-softbound. Ma-realize niya pa na, mas “makulay” ang bondpaper na putol-putol na tita ng ballpen ang pinangsulat. Kaysa sa big notebooks, na maala-signages ang peg sa lettering at kulay. Kumusta naman yung mga natuwa sa joke? Ayun, hindi yata nila na-review yung mga sinulat nila, sayang lang yung pages ng notebook at tinta ng ball pen. Kung pagkain sana, nabusog pa sila.

Buti pa ang computer may notepad, ako wala nang NOTE, wala pang PAD. Buti pa ang cellphone may organizer, buti pa siya organized. Siguro nga okay na ‘to, yung taong walang papel, kaysa naman yung taong mapapel. Aba, mas mahirap kaya yung taong mapapel. Kahit tanggalan mo ng papel eh papapel talaga. Talo pa gunting sa jack-en-poy, pramis!

Saan kamo sila makikita? Labas-labas din kapag may time. Uso sila ngayong mag-eeleksiyon eh. Oo, uso, parang Gentleman lang ni Psy. Hayun at nagkalat na naman ang mga naglalakihang posters nila, para raw sa oras ng paghuhusga eh, hindi mo makalimutan yung bawat letra ng “sagrado” nilang pangalan na markahan sa “aklat ng buhay”. Goodluck din pagkatapos ng eleksiyon sa pakikipagpatintero sa “busy” schedule nila. Kaya kung ako sa iyo itabi mo lang yung posters at flyers nila. Tapos, after “paghuhusga” gawin mong bangkang papel, paanod mo sa ilog. Baka makarating pa sa likod ng mga opisina nila, mapansin ka pa (mga guwapo/magagandang mukha kasi nila ‘yung nakalagay doon kaya, yari ka.)

O kaya naman eh kung may carinderia kayo, pambalot mo sa mga ulam. O kaya naman eh pambalot mo sa notebook mo, lalo na malapit na naman ang bagong school year. Nakatipid ka na, environmental friendly pa. Kung ayaw mo naman dahil diyahe, ano pang gagawin mo dyan? Gawin mo na lang pataba. Nakapagbigay pag-asa ka pa sa kalikasan na magpatubo na naman ng isang puno. Para gawing papel na magagamit ng mga bata sa pag-aaral nila.

Ang problema nga lang eh kung ipaputol na naman ‘yan ng mga magagaling pumapel nating mga kababayan. Para ibida ang mga malalaking establisyementong pagmamay-ari nila. Hindi pinakikialaman ang paligid nila, basta’t makahawak lang ng mga iba’t ibang kulay na papel na iba’t iba rin ang halaga.

Tapos tayong halos hindi man lang makapaghagilap ng pambili ng papel, ang iiwanang sumasayaw ng Paper Dance. Kung saan eh, pahihirapan tayong mag-isip kung papaanong pagkakasiyahin ang ating mga sarili sa isang papaliit na papaliit na papel. Sa oras na hindi na kayo magkasya ng partner mo, buhatin mo na rin. Tapos kapag hindi n’yo na talaga kaya, mag-uusap na lang kayo ng partner mo na magpakahulog na lang para mataya, para wala nang problema. At sila? panunuorin lang ang buong laro hanggang sa makapili kung sinong panalo. Tapos kung sinong nakapagtiis hanggang huli ang may consolation prize, pampalubag loob.

Teka, ang layo na pala ng napuntahan natin, dahil lamang sa isang papel. Parang love letter lang, na kahit sa ibayong dagat eh nakararating. Parang eroplanong papel na kapag ang bata ang humagis, kahit sa pagkain na nasa plato ng kapit-bahay eh luma-landing. Parang isang gunita na kapag naisulat sa papel, maaari nang mabasa ng marami. Makapagbigay katuwaan, kaalaman, inspirasyon o simpleng ngiti.

Kaya lang ingat-ingat din sa paggamit ng papel. Dahil dalawa lang ang pwedeng paglagyan niyan. Una, sa utak ng  bumabasa. Pangalawa, sa tambakan ng basura. Sigurado namang ayaw mo sa ikalawa, wala na ngang mapaglagyan ng kalat sa buong Pilipinas, dadagdag ka pa.

Basta, ikaw na ang humusga. Ako naman eh, may susulatin pa. Papel pa nga po please!

2 Comments

  1. pwede ba dito iloveyou? ILOVEYOU! 🙂 :thumbsup: sumakit mata ko sa kababasa sa sulat mo..pero worth it naman talaga Uu.. :)keep up Miss Anne

    • Halaaa.. Haha. Naku, salamat @animelover_manga. Pasensya na at mahaba, pero thank you at nagustuhan mo. God bless ^_^

Leave a Reply

Your email address will not be published.