Typikal Pamilyang OFW

Marami na akong naririnig na “horror” and “success” stories ng mga OFW.  Ako bilang isang OFW, di ko maiwasang mainis at mairita sa paulit ulit na kwento. At ang mga kwentong ito ay galing sa lahat ng kakilala namin. Di rin kami nakaligtas dito.

Tatay ko ang unang OFW na nakilala ko.  Matagal syang nagtrabaho abroad.  Di na nga nya kami nakitang lumaki. Ang alam lang namin, nasa abroad sya, nagtatrabaho para suportahan kaming lahat – at pag sinabing lahat, meaning lahat – kabilang ang extended family.

Syempre, sino pa nga ba naman ang tutulong sa kanila kundi yung may “kaya”, di ba? Di ko rin sila masisi. Ito ang kwento ng lahat ng OFW.  Sabihin na nating di lahat, pero sila ang mas malaki ang suportang binibigay.

Karamihan sa OFW, sila ang sumusuporta at kumakayod para sa buong pamilya, ang magulang, asawa, anak, kapatid, pamangkin, atbp. Mula sa pagpapaaral, gamit sa eskuwela, sa paospital – sabihin mo na kung ano pa ang kelangan, ang takbuhan si OFW.

Gayun pa man, kayod pa rin si OFW. Walang naipon, walang naitabi. Pag bakasyon naman, eto… mala-fiesta naman kung magpahanda. Magarbo. Para bang walang katapusan. Pagbalik sa trabaho, utang muna, kasi wala pang sweldo.

Pano ba mababago ito? Di na tuloy malaman kung sino ba talaga ang puno’t dulo. Si OFW ba dahil di nya magawang sabihin sa pamilya na kelangan din nyang gumastos sa abroad? O ang pamilya na minsa’y di maintindihan si OFW pag tumatanggi sa pagtulong dahil kinukulang na sya?

It takes two to tango. Ano ba talaga ang dahilan bakit ka nagpunta sa ibang bansa? Oo, para makatulong sa pamilya… pero ang nasa isip naman talaga ng lahat, para sa magandang buhay, di ba? Pano gaganda ang buhay kung walang priority, walang goal?

Nalaman ko, at isa na rin ako dun, na karamihan sa OFW gustong makabili ng sariling bahay, magkasasakyan, magkaron ng pampuhunan para sa negosyo. Masakit mang isipin, pero kadalasan, ni isa dun, walang natupad.  Araykopo! Kabilang ako dun.

Let’s set our priorities straight. Being an OFW is not a lifetime career.  We grow old, we cannot stay in the country we work for too long, and the worst, there is no future.  For career-oriented people, there’s no challenge abroad. They prioritize of course their citizens and favor them more.

Siguro mas maganda kung isaalang-alang natin ang mga prayoridad natin sa buhay at magtulungan ang pamilya. Tama lang na tumulong, walang masama dun… katunayan, dapat ngang tumulong. Wag din masyadong magarbo sa pasalubong at papiyesta.  Di naman kelangan yun.  Kung si OFW lang ang gagawa, di naman kakayanin. Kaya nga kelangan ng suporta ng pamilya.

Pamilya, wag naman nating abusuhin si OFW.  Me mga pangarap din sya na gustong maabot, tulungan natin, kasi para din sa atin yun. Syempre, isipin na lang natin… ang tagumpay nya, tagumpay din natin.

About bebekoh

A typical day would compose of a never-ending internet surfing. I am still trying my best to be creative, so I write. And pray that someday... it will be appreciated. http://panobamagblog.wordpress.com