Two-piece : Leigh at Erin

www.wallpapermi.com
timbomb_front
www.carriejacksonstudios.com

 

00:00:30 – ITO NA LANG!!! Ito na lang ang nalalabing segundo sa time bomb na nakapulupot kay Erin! Ito na lang ang itatagal niya sa mundo. Ito na lang ang itatagal ng hirap niya.. ng takot niya.. ng ambisyon niya.. ng lahat-lahat…..

Hindi siya makawala. Nakagapos kasi siya sa isang upuan. Ang tanging nagsisilbing ilaw sa puwesto niya ay ang kulay dilaw na ilaw sa kisame na dumuduyan-duyan pa sa nilalambitinan nitong kadena.

Sa kanyang tapat nakapuwesto ang liwanag. Kapag lumalayo sa kanya ito, natatanaw ang dingding na tuklap na ang mga pintura at may bitak-bitak pa. Makikita ang may crack na salamin ng mga bintanang sarado at may mga bakal na harang. Natatanaw din ang isang lamesang may mga walang laman na bote ng alak. Pati na rin ang isa pang upuan sa likuran niya, walang nakaupo.

May isang babaeng nakatayo, si Leigh. Dali-dali niyang kinakalas ang maluwag na lubid sa kanyang mga braso. Naririnig niya ang tik-tak ng bomba. Gusto na niyang matapos ang paghihirap na ito, ang takot na nararamdaman niya, lalo ang matupad pa ang pangarap niya. Gusto na niyang tumakbo papalabas para tuluyan nang tumakas at mabuhay pa. Ngunit.. nang makita niya ang kasama na walang magagawa para tulungan ang sarili, umiral ang kanyang konsensya. Ang pag-asa ay biglang naging pangamba. Ang iyak na umaaagaw ng pansin sa kanya ay tila parang lubid pa rin na nakagapos sa kanyang desisyon.

Bukod sa school uniform nilang suot ay magkaibang-magkaiba na talaga ang dalawang babae na ito. Si Leigh ay mahaba ang buhok na color brown at kulot. Matangkad siya at ito’y nadagdagan pa dahil sa high heels niyang suot. Mahaba ang kanyang mga kuko na may nail polish pa na red. Bahagyang bakas pa rin ang buradong eye-liner at lipstick sa mukha niya kahit nabahiran na ng luha. Samantalang si Erin naman ay nakapulupot pa rin ang pony sa kanyang buhok na nagulo na. Ang eyeglasses niya ay wala pa ring damage, pero lumabo na sa kagagawan ng kanyang luha rin. Wala siyang kahit anong make-up sa mukha kung saan kitang-kita ang sariwang tatlong magkakahanay na kalmot.

Natanggal nang lubusan ni Leigh ang lubid sa braso. Humakbang na siya ng mga dalawa patungo sa pintuan ng kalayaan. Naririnig niya pa rin ang tik-tak. Umuugong sa tainga niya. Tumigil siya nang sumandali.

00:00:25 “Umalis ka na! Bilisan mo!” nangagatal na sigaw ni Erin.

Sinimulan ulit niyang maglakad nang mabilisan. Hawak-hawak na niya ang doorknob. Namumuo ang pawis sa kanyang noo. Kahit palayo na siya sa kasama ay naririnig pa rin niya ang lagitik ng tik-tak ng bomba, na parang nagiging tunog na ng tibok ng puso niya.

00:00:20 – “Iwanan mo na ko! Iligtas mo na ang sarili mo!”

Iiikot na niya ang doorknob nang bigla siyang lumingon. Binitawan niya ang hawak-hawak sabay hakbang ng isa pabalik sa kasama. Humakbang pa siya ulit.

00:00:15 – Nasa likuran na siya ni Erin. Hawak niya ang lubid na mahigpit ang pagkakaikot sa kamay nito. Hinihigit niya ang isang buhol.

“Anong ginagawa mo? Sabing umalis ka na.”

00:00:10 “Me’ oras pa. Akong bahala.”

Walang nagbabago sa sitwasyon ng lubid. Mahigpit pa rin. Higit pa rin nang higit si Leigh. Umuuga na ang kinauupuan ng inililigtas pati ang time bomb at dahil dito ay parang lalo pang bumibilis ang andar.

00:00:05 – “Makatatakas din tayo,” nanggigigil na sabi ni Leigh habang hinihigit pa rin ang lubid.

00:00:04 – “Pabayaan mo na ‘ko.”

00:00:03 – Tumigil si Leigh sa pagkalas ng lubid. Humarap siya sa kasama. Bumagal nang sandali ang oras. Walang maririnig na tunog ng bomba, walang ihip ng hangin, walang tunog kahit hininga nilang dalawa.

00:00:02 – Yumakap siya sa kanya. Mahigpit na mahigpit. Natakpan na ang bomba sa gitna nilang dalawa. Nakatigil na ang umuugang ilaw kanina sa tapat nila.

00:00:01 – Nagharap ang mukha nilang dalawa. Ang mga mata ni Erin ay pikit na pikit. Isinara na rin ni Leigh ang talukap ng kanyang mga mata. Inalapat ang kanyang labi sa labi ni Erin.

00:00:00 WAKAS.

1 Comment

  1. tnx sa pag-like nyo ng blog ko sa fb page ng definitely filipino 🙂

    Justine Marvida
    Oming Mananquil
    Ronaldo Estur

Leave a Reply

Your email address will not be published.