Turon, Lumpia, at Kwek-kwek (OFW Kuwento ng Buhay)

Araw ng off dito sa Riyadh, at madalas na puntahan ng mga Pinoy ang “Batha” upang palipasin ang buong maghapon sa iba’t ibang kinakailangang gawin; padala ng pera, mamili ng mga personal na pangangailangan.  Dito rin nagkakaroon ng pagkakataon na makisalamuha sa mga kababayan.

Nakatatawag pansin ang “kwek-kwek”, pagkaing Pinoy na siyang ikinagulat ko na mayroon pala dito.

At hindi lang yun; sa isang simpleng lamesahan ay may turon at lumpiang toge pa.

Kaya naman kahit ako ay nagmamadali dahil maiiwanan ako ng service, hindi ko napigilan ang bumili. Jackpot pa na Pinoy din ang tindero, sapagka’t karaniwan ay ibang lahi.

Ako ay nakipagkuwentuhan at dito ko nalaman ang kanyang kuwento. Kuwento ng Pagpupunyagi at Tagumpay.

Si kabayang Mr. Ricky ay 45 years old at mula sa San Fernando, Cebu, Philippines at may mga anak.

Nagsimula ang buhay niya dito sa Gitnang Silangan simula pa noong 1991. Namamasukan sa isang Construction Company sa loob ng sampung taon. Taong 2001, pagkatapos maglabas-masok dito sa Gitnang Silangan, naisipan niyang magbago ng karera sa buhay. Huminto siya sa pagtatrabaho sa kumpanya at sumubok ng iba’t ibang paraan ng pagkakakitaan.

Taong 2005, siya ay naging Lecturer sa Islamic Center sa Batha.

Bukod doon ay isa siyang freelancer; namamasukan bilang tubero, electrician, tile installer at iba pa.

Ikinuwento niya na ang itinitinda niya ay consignment basis. Sapagkat siya ay tagabenta lamang at ang kanyang source ay ang taga- luto na si Mariam na kanyang may-bahay.

Ang banana turon ay ibenebenta ng 2 piraso sa halagang 5 Riyals, ang lumpiang gulay naman ay 5 Riyals at ang Kwek- kwek ay : piraso sa halagang 5 Riyals.

Sa mga ordinaryong araw tulad ng Sabado hanggang Miyerkules, ang kita ng buong linggo ay 500 Riyals. Ngunit kapag Huwebes at Biyernes, ang kinikita ay 1000 Riyals. Hindi man kalakihan, ngunit hindi naman patatalo sa kita mula sa nangangamuhan.

Silang mag-asawa ang isa rin sa mga mag-asawang nagtutulungan sa paghahanapbuhay. Sadyang nakaiinspire ang kanilang pagtutulungan at pagsusumikap.

happy couple photo
Photo by Kamal Zharif

Kaya ang masasabi ko na lamang…
Masarap, kabayan, ang inyong mga binebenta, sarap na nakagagaan sa pakiramdam- na may mga katulad ninyo.

At habang ako ay naglalakad palayo, tandang-tanda ko pa ang sinabi niya: “Hindi ko ikahihiya kung ako man ay nakikita ng mga kababayan natin na nagtitinda ng ganito dito. Ipinagmamalaki ko ang masasarap nating “Pagkaing Pinoy” –  walang katulad, sabi ng mga ibang lahing suki. At tayo ang gumagawa ng kapalaran natin, nasa kamay natin kung pagbubutihin natin ang ating buhay. Kahit ilang dagok o kamalasan noon ang nangyari sa akin dito sa Gitnang Silangan, hindi ako nagpatalo sa takot at kahinaan.

“Kabayan, bili kayo ng kwek-kwek, turon at lumpia diyan!”

[Kuwentong padala mula sa isang sender na nasa Riyadh.]

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.