Tukso

1017170_502610153145949_960635892_nKANINA ka pa di mapakali sa’yong kinatatayuan. Nagtatalo ang iyong isip kung tutuloy ka ba o aalis na lang mula sa nakapinid na pinto. Kanina ka pa nakatayo roon, saklot ng magkakahalong damdamin. Ngunit kalauna’y naglakas-loob ka ring katukin ang nakapinid na pintuan na malakas ang sasal ng dibdib.

Ilang minuto lang, bumukas ang pinto. Tumambad sa harapan mo ang nakakunot-noong mukha ng iyong Misis na si Rosalie. Bahagya itong nagulat pagkakita sa’yo.

“R-Rosalie, pu…wede ba kitang makausap?” Nagsusumamo ka.

“Wala na tayong dapat pang pag-usapan, Gener. Makakaalis ka na!” Matigas na taboy ni Rosalie sa’yo. Nakarehistro sa mukha nito ang galit. Tiim-bagang.

“P-parang awa mo na…alang-alang sa mga bata,” pagsusumamo mo. “M-mahal na mahal ko kayo ng mga anak natin, Rosalie. Parang awa mo na!”

“Mahal?” pasarkastikong pakli ni Rosalie. “Dyan mo sabihin sa kabet mo ang katagang yan! Dahil hinding hindi na ako maniniwala sa’yo. Kaya umalis ka na. Hindi ka namin kailangan. At hindi namin kailangan ng isang ama na manloloko!”

Wala kang nagawa kundi umalis na laylay ang balikat. Lumong-lumo ka dahil sa pinakita sayo ng iyong asawa. Sabagay, hindi mo masisisi si Rosalie kung bakit abot hanggang langit ang galit ng asawa mo sayo.
Bigla mong binalikan ang tagpong iyon…….

Anim na taon na kayong kasal ni Rosalie. May dalawa kayong anak. Si Patrick, anim na taon at si Charise, apat na taon. Masaya ang naging pagsasama ninyo ni Rosalie. Na bagamat may mga di na mabilang na away at alitan sainyong dalawa ng misis mo, pero agad din ninyong naaayos. Isa kang huwarang ama. Walang bisyo, at lahat ng oras at atensiyon mo ay ginugugol mo sayong pamilya. Lalo na sa dalawa ninyong anak ni Rosalie. Katunayan, marami kang pangarap para sayong mga anak. Kaya naman puspusan ang iyong paghahanapbuhay at pagkayod para mabigyan mo ng magandang kinabukasan ang iyong pamilya. Noon, isang simpleng empleyado ka lamang sa isang kumpanya. Pero dahil sa didekasyon at sipag sa trabaho, napromote ka bilang Supervisor.

“Ma, may good-news ako sa ‘yo,” masayang masaya ka nang gabing iyon pag-uwi mo ng bahay. May maganda kasing nangyari nang araw na iyon.

“Ano yun, Pa?” Nakangiting tanong ng iyong misis pagkatapos mo itong hagkan sa labi.

“Na-promote ako as Supervisor. Nagbunga rin ang anim na taon na paglilingkod ko sa kumpanya at nakita nila yung effort at dedication ko sa work!” Buong kagalakang balita mo sa tuwang-tuwa rin na misis mo.

“I’m proud of you, Pa. You deserve it!” Mangiyak-ngiyak sa tuwa si misis na niyakap ka niya nang mahigpit.

“Unti-unti na nating matutupad ang mga pangarap natin para sa mga anak natin, Ma. I’m doing all of this for our kids and for this family. Kahit mapagod ako sa katatrabaho, kaya ko tiisin lahat ng iyon. I want to be the best dad to our kids and best husband to you, Ma!” mahabang litanya mo.

Nang mga sumunod na araw ay talaga ngang mas triple pa ang ginawa mong sipag sa trabaho at sinisiguro mo na nagagampanan mo ng maayos ang iyong tungkulin bilang Supervisor. At sa kabila ng promotion na binigay sayo, hindi ka kailanman nakitaan ng pagbabago ng ugali. Hindi lumaki ang ulo mo at ikaw pa rin ang Gener na kilala ng lahat sa kumpanyang iyon. Kaya nga hanga sila sayo at marami ang nagsasabi that you deserve the position as Supervisor.

Pero nagkaroon ng problema nang makilala mo ang isa sa mga HR sa inyong kumpanya, si Donna. Batang-bata sa edad na 27. Single at hindi maikakaila na malakas ang dating nito sayo. Kaya nga nung una mo siyang makilala, dahil bago pa lamang ito sa inyong kumpanya, ay agad nitong napukaw ang iyong atensiyon. Alam mong kasal ka na at may dalawang anak. Pero hindi mo basta basta kayang pigilan ang tukso. Lalo na’t araw araw kayong nagkikita sa trabaho ni Donna. At sa tuwing nginingitian ka ng dalaga, lalong lumalakas ang atraksiyon na nararamdman mo rito. Atraksiyon na kahit anung pilit mong iwasan at balewalain, ay hindi ganun kadali sayo na gawin. Oo. Maganda si Donna. Maganda rin pati hubog ng katawan. Katunayan, maraming kalalakihan sainyong kumpanya ang nagbibigay ng motibo sa dalaga. Mapa-binata o may asawa. At di nagtagal, isa ka na roon na hindi napigilan ang sarili. Gumawa ka ng paraan para makuha ang phone number ni Donna.

“Your Donna Renoso, right?” Lakas-loob mong saad nang makadaupang-palad mo ito isang araw sa loob ng iyong opisina. Gumawa ka kuno ng alibi para puntahan ka ng dalaga sayong opisina.

“Yes, sir. Miss Santos asked me a favor to give this papers to you, sir,” sagot ni Donna sabay lapag sa mga folders na hawak nito. Walang kamuwang-muwang ang dalaga pati ang kanilang Coordinator na plano mo lang ang lahat ng ito.

Ngumit ka. “Thanks, Miss Renoso. Have a sit, please.”

Nagtataka na napatitig sa ‘yo ang dalaga. Napansin mo iyon. “I know this is not the right place to tell you this, Donna. But I also noticed this past few days that there is something in your glimpse that made me think that you were also attracted to me,” walang patumpik-tumpik na turan mo.

Inaasahan mong magugulat ito sa mga sinabi mo. Pero lalo pang lumawak ang pagkakangiti sa ‘yo ng dalaga. Ngiting alam mo na kung ano ang pahiwatig. Jackpot!

Walang kahirap-hirap na nakuha mo ang phone number ni Donna. At nang araw ding iyon, bumili ka ng panibagong Sim para hindi ka mahuli ng iyong asawa. Alam na rin ni Donna na may asawa’t anak ka na. Pero okay lang iyon sa dalaga. Mula noon, madalas na ang palitan ninyo ng text messages ni Donna. Madalas mo rin itong tawagan. At siyempre, pasekreto ang lahat ng iyon. Maingat ang bawat kilos at galaw mo.

Hanggang sa magkaroon kayo ng SECRET AFFAIR ni Donna. Bagay na hindi ka nahirapang mapapayag ang dalaga. Ayon rito, okay lang daw na maging kerida mo siya.

Dumating ang araw na nagkasarilinan kayo ni Donna. Dinala mo siya sa isang Motel. Bagay na sinang-ayunan naman agad ng dalaga. Ni hindi ito tumutol.

“Sigurado ka ba na hindi mo pagsisisihan ang gagawin natin?” Paniniyak mo kay Donna nang nasa loob na kayo ng magarbong silid na iyon sa Motel. Yakap-yakap mo siya habang nakahiga kayo sa malambot na king-size bed na iyon. Naaamoy mo ang mabangong amoy nito. Lalong nag-init ang iyong katawan.

Tinitigan ka ni Donna. “Mahal kita, Gener. Sumama ako sayo rito nang walang pag-aalinlangan. Kaya anuman ang gagawin natin, hinding-hindi ko pagsisisihan. Gawin mo lahat ng gusto mong gawin sa ‘kin,” prangka ni Donna.

Dahil sa tinuran ng dalaga, hindi ka na nag-atubili na tanggalin isa-isa ang suot na saplot ng dalaga habang hinahalikan mo ito. Nakaliliyo ang paraan ng paghalik ni Donna na lalo mong kinasabikan. Wala nang laman ang isip mo nang mga oras na iyon kundi ang makamundong pagnanasa. Heto ngayon sa tabi mo  ang isang masarap na putahe na nakahain sa ‘yo. At sino ka para tanggihan ang masarap na putaheng ito?

Kapwa kayo pawisan at hinihingal nang matapos ang paglalaro ninyo ng apoy ni Donna. Bilib ka sa husay makipaglaro ni Donna sa kama. Alam mong hindi ikaw ang nakauna rito. Kaya hindi ka na nagtaka nang matanto kung gaano ito kagaling sa SEX. Bagay na hindi mo nakita o naramdaman sa iyong Misis.

Pagkatapos niyon, nagpatuloy ang bawal na relasyon ninyo ni Donna. Makailang beses na ring may nangyari sa inyo at lahat nang iyon ay lingid sa kaalaman ng iyong misis. Magaling kang magtago kaya umabot rin ng isang taon ang relasyon ninyo ni Donna. Relasyon na siya palang wawasak sa dati ay masaya mong pamilya.

At gaya ng kasabihan….walang sikreto na hindi nabubunyag. Dumating ang araw na natuklasan ni Rosalie ang iyong kataksilan.

“Sino si Donna?” Mahinahon, ngunit halatang may galit na wika ni Rosalie.

“K-katrabaho ko….Ma. B-bakit?” pagsisinungaling mo. Hindi ka makatingin nang tuwid sa mukha ng iyong misis.

“Huwag ka nang magsinugaling, Gener! Sukol na sukol na kita at marami na rin akong pruweba sa mga kalokohan mo kaya huwag ka nang magpalusot! Bakit mo nagawa sa akin to, sa mga anak natin?” umiiyak na turan ni Rosalie.

Napayuko ka. Hindi mo alam kung paano nalaman ni Rosalie ang tungkol sa inyo ni Donna. Pero hindi na iyon importante sa ‘yo. At wala ka na rin puwedeng ipalusot sa iyong asawa. Lalo’t alam nito ang araw kung kailan kayo huling pumunta sa hotel ng dalaga at sa kuwintas na regalo mo rito nung kaarawan niya. Marahil ay isa sa mga kaibigan mo sa opisina na nakakaalam ng affair n’yo ni Donna ang nagsabi sa iyong misis. Pero iisang tao lang naman ang nakakaalam nito. Si Ted. Ang iyong Assistant Supervisor.

Hindi mo na nagawang ipagtanggol ang sarili mo kay Rosalie. Napaupo ka habang hinahayaan mong sumbatan at magalit sa ‘yo si Rosalie. Bakit tila ngayon mo lang narealize kung gaano kalaki ng kasalanang nagawa mo sa iyong asawa? Kung kailan huli na ang lahat.

Nasaan na ang huwarang padre de pamilya? Nasaan na ang dating mapagmahal na asawa’t ama? At nasaan na ang mga pangakong binitawan mo noon kay Rosalie na hinding-hindi mo sasaktan at paiiyakin? Bakit kay-dali mong matukso? At bakit mo hinayaang sirain ng TUKSONG ito ang iyong pamilya?

Nang sumunod na araw, umalis ng tahanan ninyo si Rosalie kasama ang dalawa ninyong anak. Hindi mo ito naawat. Dala-dala rin ng iyong misis ang mga gamit nito at ng dalawa ninyong anak. Doon sila sa mga magulang ni Rosalie tumuloy ngayon. Ilang araw ka na ring nagmamakaawa sa iyong misis at humihingi ng tawad sa kanya. Pero nagmamatigas pa ito sa ngayon. At dahil natauhan ka na sa ginawa mong kasalanan, sising-sisi ka ngayon. Ngayon mo napatunayan sa sarili mo na mas mahalaga pa rin sa iyo ang iyong pamilya. Ang iyong dalawang anak at si Rosalie. At sa kaibuturan ng iyong puso, alam mong si Rosalie lang ang nag-iisang babaeng mahal mo. At ayaw mong mawala ito nang tuluyan sa ‘yo. Kaya naman pinangako mo sa ‘yong sarili na hinding-hindi ka na titikim ng ibang putahe at padadala sa TUKSO.

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!