Tsismosa man sa inyong paningin, tatlong kurso pala ang kanyang narating

Image from GMA News Affairs via YouTube

Ang tsismis ay walang pinipiling tao, lugar, at oras.

Ang araw-araw na pamumuhay ay nabibigyan ng kulay ng mga tsismis na kumakalat at naririnig natin sa paligid.

Ang salitang tsismis ay hango sa salitang Espanyol na chisme o chismes na direktang salin at kahulugan ng English word na “gossip.”

Ang mga kumakalat na tsismis ay isang klase ng casual na usapan tungkol sa ibang tao ngunit ang mga nilalaman na detalye ay hindi naman kumpirmado o totoo.

Image courtesy of TAPE INC. via YouTube (click image to watch the full video)

Sa isang baryo sa Rosario La Union unang nakilala ang binansagang ‘Pambansang Tsismosa’ na si Gliceria de Leon o mas kilala sa tawag na Manang Hising.

Naitampok si Manang Hising sa isang segment ng Juan For All, All For Juan ng noon time show na Eat Bulaga noong 2014.

Ayon kay Manang Hising, natuwa sa kaniya ang segment direktor ng programa dahil sa kaniyang kadaldalan at mga kuwento o tsismis na kaniyang nalalaman tungkol sa kanilang barangay.

Hindi ako nahihiya kasi ako yun eh. ‘Di ba, be true to yourself. Maprangka ako. Kung ano ang gusto ko ay sinasabi ko,” ani Manang Hising.

Pagkatapos ng halos limang taon, muling nag-viral ang video ni Manang Hising na nagpapakitang gilas at bidang-bida sa Juan For All, All For Juan, na kinagiliwan ng maraming tao lalo na ng mga kababayan natin na nasa ibang bansa.

Image from GMA Public Affairs via YouTube

“Yung mga kababayan namin na nasa ibang bansa, napanood nila yun. Tuwang-tuwa sila, tawa sila nang tawa. Parang naibsan daw yung kalungkutan nila,” kuwento ni Manang Hising.

Dahil din sa viral video na ito kaya naman tumatak na sa nakararami na isa siyang tsismosang kapitbahay.

Paglilinaw ni Manang Hising, ang kaniya raw pagiging madaldal ay dahil nagtrabaho siya bilang volunteer barangay health worker. Siya rin daw ang dating nagbibigay ng lecture sa family planning seminar ng mga ikakasal.

Kuwento pa niya, naging Outstanding Family Planning Motivator siya noong 2007 at siya rin daw ang kinukuhang emcee kapag may programa sila sa kanilang munisipyo.

Para kay Manang Hising, kaniya na raw naging asset ang pagiging madaldal at outspoken.

Hindi man maganda ang motibo ng mga tsismis, hindi naman daw inuubos ni Manang Hising ang kaniyang oras sa pangtsi-tsismis.

Ibinahagi rin niya na siya man ay binansagang tsismosa, ipinagmamalaki naman niya ang tatlong kursong kaniyang tinapos sa kolehiyo.

Bilang dating mag-aaral, consistent honor student daw si Manang Hising.
Nagtapos siya sa mga kursong Bachelor of Science in Business Management, Business Entrepreneurship, at may master’s degree sa Local Administration.

Ipinagmamalaki rin ni Aling Hising ang tatlo niyang mga anak na nagmana umano sa kaniyang galing. Ang mga ito raw ay nagtapos sa high school bilang mga valedictorian. At naging mga cum laude at magna cum laude naman sa kolehiyo.


Image from GMA Public Affairs via YouTube

Para daw sa mga nangungutya sa kaniya sa social media dahil sa kaniyang pagiging tsismosa, hindi raw siya naiinis o naaapektuhan.

Kilala ko kung sino ako. Why should I entertain them? Wala akong pakielam, hindi naman ako nanghihingi ng ikinabubuhay ko sa kanila. This is my life.”

Pag-aamin niya, hindi naman daw maiiwasan ang makasagap ng tsismis. Pero pinipigilan daw niya ang kaniyang sarili na ikuwento ang mga naririnig sa iba.

Sa ngayon, nagtatrabaho si Manang Hising bilang administrative aide ticket collector sa Rosario, La Union public market.

Parte ng kaniyang trabaho ang makipag-usap at makihalubilo sa ibang tao, kaya rin nasasabihang tsismosa si Manang Hising. Pero para sa mga lubos na nakakakilala sa kaniya, siya raw ay sadyang madaldal lang at pala-kaibigan.

Totoo nga ang kasabihang ‘Do not judge a book by its cover’. Hindi natin dapat agad husgahan ang isang bagay dahil lang sa nakikita nating panglabas na kaanyuan.

Katulad ni Manang Hising na sinasabihan mang tsismosa ngunit mayroon namang mataas na narating sa pag-aaral, iwasan natin ang maging mapangutya sa kapuwa at magkalat ng mga kuwento lalo pa’t hindi naman totoo.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.