Trust Issues

Photo by Pixabay

Sa mainit na araw, sa ilalim ng iisang bubong, handa na sana akong magpalit ng damit ngunit…

“Ann, nasaan ka?”

“Nasa taas po.”

Tunog ng pag-akyat.

“Teka, nagbibihis ako!”

Patuloy pa rin sa pag-akyat.

“Sabi ko nagbibi-…”

Naramdaman ko ang kanyang balbas na nasa aking balikat, mukhang may tinititigan ngunit wala akong magawa. Gusto kong sumampal sa mukha niyang pamilyar ngunit alam kong ‘di ako paniniwalaan kung ilalathala ko ang kanyang pakay.

Ngunit ‘di ko napigilan.

Pumiglas ako, tinulak ko siya’t sinampal.

Huwag kayong mag-alala, pitong taong gulang lang naman ako noong nawari iyon. Tila nga ba wala lamang sa akin ang mga nangyari ngunit sa paglipas ng panahon ay ngayon ko lang napagtatanto na hindi ito ‘paglalambing’ o ‘panghihikayat ng atensyon’ (ayon sa aking lola), kundi isang bagay na magdudulot ng pOot sa aking isipan.

Ilang taon ang lumipas, mulat pa rin sa aking isipan kung ano ang nais niya matapos ang mga pangbabastos, ay este pagtingin sa akin ng mga kalalakihan na para bang may ipinararating. Nasa utak ko pa rin ang mga nangyari at sa tingin ko ay gumagawa na ng komosyon sa aking sitwasyon ngayon.

Dumating ang aking ama, ngunit hindi ko alam kung paano ko ito sasalubungin noon sa airport. Niyakap niya ako ngunit ‘di ko man lang idinampi ang aking braso sa kanyang likod. Sa tuwing lalapit siya, ako naman ay lalayo. Sa tuwing may sinasambit siya ay hindi ko siya tinitignan sa mata. Hindi ko kaya e. Dahil hindi ko siya kilala. Natatakot ako na baka mangyari muli ang nakaraan at mas malala ngayon. Natatakot ako.

Natatakot ako sa ginawa ng aking pinsan…

At nagigimbal ako sa hinaharap kasama ang ama ko.

Eto bagong taon n anaman. May yakapan, may harutan kasama ang mga kapatid, at mayroong batian. Ngunit paano nga pala ako babati sa ama ko?

Sa tuwing naghahanap siya ng yakap, lalapit ba ako?

Sa mga paghawak niya sa braso ko kapag ako’y nakasimangot, ngingitian ko ba siya o iiwasan?

Sa tuwing lalapit siya kapag ako’y nahihirapan, manghihingi ba ako ng tulong o itataboy ko siya?

Hindi ko alam, marahil may bakas pa rin ng takot at kaunting tiwala sa aking isipan.

Nanlulumo ako kapag nagkikita ko silang dalawa ng aking ina na magkasama.

Hindi ko alam kung bakit, at hindi ko rin alam kung anong nangyayari sa akin.

Gusto kong kumawala, ngunit ‘di nanaman yata kaya.

Kaya ngayong bagong taon, pipilitin kong maglaho ang mga alaalang nanggigimbal sa aking sitwasyon.

Ngunit bagong taon na naman, baka makita na naman kita, pinsan.

Photo by Pixabay
Photo by Pixabay

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.