Traysikol o Traysikel?

Maayang Bunt..Maayon Buntag..arghhh. I don’t understand why your language is different when it’s only an hour flight away.”  – Mo Twister, (opening spiel mula sa GTWM na ngayon ay isa nang podcast)

Kung iisiping mabuti, tama nga ang sentimyento ng DJ. ‘Yan e, kung nasa Luzon ka. Malinaw ring ang tinutukoy niyang “guys” ay ang mga kababayan nating nasa Visayas at Mindanao na ang ginagamit na wika ay Cebuano o mas kilala bilang Bisaya.

Pero narinig ko ang spiel na ‘yon noong 2008 habang nagmamaneho papasok  isang umaga, sa University of San Carlos. Sa Cebu.

Doon ako nalinawan.

Magsasalita ako para sa mga kababayan kong Tagalog. Ipinanganak ako sa Maynila, at lumaki sa probinsiya ng Bulacan ng halos labing-apat na taon. Magsasalita rin ako para sa mga kaibigan kong Bisaya dahil sa Cebu ako tumira at nagbinata nang halos isang dekada.

At dahil nasilip ko sa dalawang lente ang Luzon at Visayas nang mahabang mga taon, naintindihan ko ang pinagmumulan ng mga isyung tahimik na nabuo at hindi matapos-tapos. Sa tinagal-tagal, naintindihan ko ring wala naman talagang silent giyera na tinatawag na “Manilenos vs. Cebuanos”.

Narito ang isang halimbawang pag-uusap ng magkaibigang  nag-away  dahil sa paglalaro ng basketbol. Isang tubong Maynila at isang tubong Cebu.

Tagalog: Ang ‘bisaya’ mo talaga maglaro.

Bisaya: Ano ibig mong sabihin? (Unsay imong pasabot?)

Sa mata ng Tagalog, isa lang ang ibig sabihin nito. Hindi ito isang positibong konotasyon para sa identidad ng mga Bisaya; ibig sabihin, bano o walang class ang paglalaro; na siya namang hindi naintindihan ng Bisaya. Akala niya ay pinupuri pa siya. Mali ito brad. Sayup.

Image
Hanggang ngayo’y lito pa rin ang mga tao kung ano ang pinagkaiba ng Tagalog at Filipino

Tagalog: A, wala. tara nga kain na lang tayo ng nudels. (noodles).

Bisaya: Nudels ka diyan! Nudols! (noodles)

Tagalog: Pareho lang yun.

Bisaya: Kayo talagang mga Tagalog, kung tutuusin mas magaling kami sa inyo kasi tatlo ang sinasalita naming language. Bisaya, Tagalog at English. Kayo dalawa lang, Tagalog at English, mali pa!

Nagyabang ang Bisaya sa kakayahan ng mga Tagalog . Totoong tatlong wika ang alam ng mga Bisaya, pero hindi rin ba maaaring sabihin na ang isang dahilan nito ay wala namang Cebuano subject sa paaralan bilang bahagi ng kurikulum? Mali brad. Sayup na sad.

Tagalog: E, wala naman kasing Cebuano na subject.

Bisaya: Kahit na, Bai, Dapat nga bisaya na ang National Language natin e. Mas maraming nagsasalita nito. Isa pa, kami ang nag-aadjust sa inyo. Unfair, bai.

Tagalog: Pare, ang wika ng mga movie stars ng Pilipinas ay Tagalog. Maski sa pulitika. Lahat. Wag ka nang umangal.

Nagiging buntungan tuloy na sisihan ang paggamit ng Filipino bilang wikang pambansa na nakabatay naman sa wikang Tagalog. Tama si Bisaya na mas marami ang gumagamit ng wikang ito kaysa sa Tagalog. This time, sino kaya ang dapat sisihin? Di ko alam. Pero, Mali pa rin brad. Sayup gihapon.

Tagalog: O, kayo, ‘di ba dito rin naman kayo nagtatrabaho? May nakita ka na bang taga-luzon na gustong magtrabaho sa Dumaguete o Leyte? Wala. Kayo ang pumupunta dito.

Bisaya: Ah, talaga? Sino ba ang nagdadala ng karangalan ngayon sa bansa? Si Pacquiao. Bai, ayaw pag inana, bisaya yun. Pastilan. (umiinit na ang ulo)

Image
Si Pacquiao, ang ipinagmamalaki ng kabisayaan na siyang nagbigay-karangalan para sa bansa

Ang tinumbok ng usapin ay ang pagkasiyudad ng Maynila bilang sentro ng trabaho sa bansa. Bakit hindi nga naman sa Visayas o Mindanao ang puntahan ng mga taga Luzon? Bakit si Inday na ang ibig sabihin ay ‘dalaga’, ay nagiging konotasyon sa buong Pilipinas ng isang maid o katulong? Hindi kaya isa rin itong epekto ng kaguluhang ito? Mas gumulo na. Nakalilito. Naglibog nako.

Dahil sa pagtatalong ito, kahit sa kulturang popular tulad ng musika at telebisyon, nagiging medium na rin ng rivalry ng Luzon at Visayas nang hindi natin napapansin. Hindi ko maaaring sabihing mas nakataaas ang mga Tagalog dahil kung usaping ekonomiya, di-hamak na malakas ang turismo sa Cebu. Hindi ko rin maaaring sabihing mas mataas ang Cebu dahil kahit na anong mangyari, ang kabisera ng bansa ay nasa Maynila dahil sa angking yaman nito para sa urbanidad at kalakalan.

E, sino tama at sino ang mali? Wala.

Walang dapat pagtalunan.

May pagkakaiba pa ba sa piping pinanganak sa Luzon at piping pinanganak sa Visayas?

Palagay ko, wala.

Dito pinakamasarap isipin na iisa tayo. At dahil wika ang ugat ng munting kaguluhan, bakit hindi ito ang gawing simulain ng kaayusan? Para sa akin, ang kailangan ng dalawang bayang ito ay ang konsepto ng pagtanggap.

Sa puti, pagtanggap na ang Maynila at wikang Filipino na nakabatay sa Tagalog ay mananatiling tatak ng iyong pagka-Pilipino. I.D. yan, suot-suot kapag papasok sa paaralan. Kapag nasa bahay, edi tanggalin mo na. Pero, nakatago palagi. Handang gamitin.

Image
Isinusulong ng mga Cebuano ang “Proud Bisaya” shirt bilang isang resulta ng pagnanais maiangat ang sarili dahil na rin sa konotasyon ng mga Tagalog na sila ay nakabababa.

Sa pula, pagtanggap na hindi lang sa Maynila umiikot ang Pilipinas. Hindi ka nakatataas kaysa sa mga kapatid mong Cebuano dahil marunong ka mag Tagalog o dahil lumaki ka sa Luzon. Tanggapin mo na iba-iba ang wika pero iisa pa rin ang lahi.

Kung nasa Cebu, huwag piliting mag “para” sa jeep. “lugar lang!” dapat.  Huwag pandirihan ang puso, sa Cebu lang may ganyan. Huwag ding masyadong mag-angas dahil hindi ka nakatataas. Pareho lang kayo. Alalahanin ang analogy ng pipi.

Kung nasa Maynila, sikaping mag-Filipino kahit nahihirapan. Ayaw’g pag English. Try lang gud. (hindi mo kailangang magtunog Manilenyo o tubong Luzon. Walang masama sa bisayang nagpi-Filipino! Tingnan mo si Pacquiao. In the end, sa Ingles pa rin siya tinitira.) Tandaan mo, na kay advantage kasi talagang nag-aral ka ng isa pang wika. Sila hindi.

Traysikol, Traysikel.  Whatever. Pareho lang yan, pampublikong sasakyan sa Pilipinas na mayroong tatlong gulong at kasya ang 7-8 tao. O,  magkaiba na naman ba kayo? Parang hindi. Mura ma’g di.

About Jared Richard Uy

Full-Time Teacher. 66% Humanist. Cultural LDS. INFP. http://maligaligako.wordpress.com