Transition Generation, mga batang 90’s.

(Photo Credit:  axlppi.blogspot.com)
(Photo Credit: axlppi.blogspot.com)

Napakasuwerte nga naman nating mga batang 90’s dahil tayo ay ipinanganak sa maituturing nating transition period ng makabago at makalumang henerasyon, dahil sa henerasyon natin naranasan ang mga huling masasayang panahon ng paglalaro sa labas pati na rin ang pagdating sa ating buhay ng teknolohiya.

Noong bata tayo, uso pa ang mga larong Text, Pogs, Tumbang Preso, Agawan Base, Patintero. Tayo ay naglalaro bago pumasok, pati narin pag uwi galing eskwelahan. Tuwang-tuwa din tayo sa paglalaro ng Lego noon, samantalang ngayon ay Minecraft na ang nilalaro ng mga bata. Naranasan
din natin ang panonood ng mga magagandang palabas tulad ng Sara ang Munting Prinsesa, Heidi, Cedi, Tom Sawyer, pati na rin ang orihinal na Bananas in Pajamas, at syempre pati na rin ang Sineskwela.

Sa mga panahong iyon, naguumpisa na ang pagdating ng teknolohiya sa ating buhay, nag umpisa ito sa pagkakaroon ng family computer na madalas ay pinagmumulan ng away ng mga magkakapatid. Simula sa super mario hanggang sa paglalaro ng contra, hanggang sa nakalimutan na gumawa ng homework. Matapos mauso ang family computer ay nagsimula na rin ang paglabas ng mga handheld gaming consoles tulad ng Gameboy. Astig ka na sa klase kapag mayroon kang pokemon sa gameboy mo. Sa mga panahong ito nagsisimula nang mawala ang paglalaro sa labas at napapalitan na rin ito ng paglalaro ng video games.

Taong 2004 lumabas ang larong Ragnarok at nagsimula na ang pagka-adik ng mga kabataan sa mga games. Sunod-sunod na ang paglabas ng iba’t-ibang uri ng laro hanggang ngayon.

Masasabi ko rin na tayong mga batang 90’s ang huling henerasyon na may baby picture na kinunan gamit ang camera na may film, dahil ngayon ay puro digital copy na lamang ang mga baby picture, at imbes na sa photobook ay sa facebook na nakapost.Tayo ay isa sa mga huling nakaranas nga mga masasayang panahon bago pa dumating ang teknolohiya sa ating buhay, tayo rin ay isa sa mga pinakaunang nakaranas ng mga bagay na dala ng teknolohiya. Napakaswerte nga talaga nating mga batang 90’s.

About Bisukemar

I am an aspiring blogger, graphic artist, web developer, jedi master and a catechist.