Toni Gonzaga at Paul Soriano – Isang wagas na pagmamahalan

(Photo Credit:  Fanpix)
(Photo Credit: Fanpix)

May kasabihang; “Sa hinaba haba man ng prusisyon ay sa Simbahan din ang tuloy” Ang sarap panoorin sa telebisyon nung aminin ng dalawang taong lumaki na sa larangan ng “showbiz” na pwede pala na tumagal ang relasyon ng magkasintahan at hanggang sa huli ay makikita mo na talagang sila hanggang sa hulihan. Ito ang tungkol sa pag-iibigan ng isang kilalang artista na si Toni Gonzaga at si batikang director na si Paul Soriano. Hindi ako isang taong mahilig sa usapang showbiz pero sa pagkakataon nung ako ay nagbukas ng telebisyon at napanood ang isang segment ng isang palabas ang tungkol sa kanilang relasyon, na marami ka palang matututunan. Ito ang ilan sa mga binitawang salita na pumukaw sa aking damdamin.

Kung mahal ka ng tao ay maghihintay iyan sa iyo. Sa panahon ngayon ay halos lahat ay instant, nagmamadali, walang oras, o baka mawala ng panahon. Sa samahan ng dalawang nilalang na halos pitong taon na sila ay magkasintahan sa isang mundong magulo na tulad ng showbiz ay hindi mo akalain na tatagal sila. Isang artistang kung sino sino ang nagiging ka love team pero walang naging problema na hindi nila naayos. Karamihan ng mga nababasa natin na artista ay parang nagpapalit lang ng damit, pag nag break na ay ilang buwan lang ay may kapalit na agad. Kahit sa ating ordinaryong mundo ay mukhang mahirap maghintay ng matagal. Natatakot tayo nab aka mawala o baka may iba pa tayong makita. Yun nga ang kagandahan nito dahil sa panahong iyon ay malalaman ninyo kung masaya ka na sa kaniya at handa ka bang maghintay para sa takdang panahon para sa kanya. Ang masarap ay kung ito ay napagtibay ng panahon ay siguradong magandang kinabukasan ang inyong makakamtan.

Respeto sa magulang. Nung naguumpisa pa lang ang isang relasyon na kinausap na ang lalaki ng mga magulang ni Toni at sinabi nila ang kanilang mga kondisyon. Tulad ng dalaw ay hanggang 12 ng hatinggabi lamang, kung kaya kapag pumupunta si Paul sa bahay nila ay sinisigurado niyang tutuparin niya iyan. Sa loob ng pitong taon ay ni minsan ay hindi niya nilabag ito. Maging ang kanilang paglabas ng bahay ay umuuwi sila sa tamang oras. Sasabihin naman ng iba,matandang kaugalian na yan. Tama kayo pero masama ba yung kinaugaliang yan? Ito lamang ay tanda ng pag respeto sa magulang ng babae. Kung isipin ninyo ay edad 24 hanggang 31 na si Toni nung mga panahon na iyon pero napanatili nila ang pagiging tapat sa magulang niya. Sa panahong ito malamang ay nag asawa na ang taong nasa gulang na iyan. At nung magpropose na ng engagement ay nagpaalam muna sa magulang na siyang nagbibigay galang sa buong pamilya.

Hindi isyu ang pera – Sinabi ni Paul na si Toni ay mga 10 beses ang laki ng sahod kumpara sa kanya pero hindi niya ito inisip bagkus ay sinabi pa nga niya na ibigay na lang sa magulag niya dahil kaya nga niya inayang magpakasal si Toni ay handa na siyang magtaguyod ng kanilang pamilya. Dito mo masusukat na ang isang lalaki ay handa na at hindi inaasa kung kahit kanino. Wala sa halaga o laki ng kita ang naging basehan niya, wika nga ni Paul, simple lang naman silang dalawa at sigurado naman na ang kanilang naipon ay sapat sa kanila. Ilan sa atin ang pag pumapasok sa kasal ay nagsasabing bahala na. Sa loob ng 7 taon ay pinaghandaan niya ang kinabukasan nila.

Respeto sa pagkababae – Kung makikita mo sa kanilang mga kilos ay walang intimacy na sekswal na mapapansin sa kanilang dalawa. Sa paghalik sa pisngi, sa pagyakap at sa galaw ng kanilang mga mata ay halatang buo ang kanilang mga pagkatao at pagrespeto sa kaniyang pagkababae. Nabanggit nga ni Paul na sa wakas ay maipadadama na niya ang lahat sa isang pribadong lugar matapos na silang ikasal. Nabanggit nga ni Toni, may pera naman siya at nasa hustong gulang pero never silang nag overnight man lang. Siguro ay dahil umiiwas din sila sa tukso at nangako sila na sa kanilang pag-iisang dibdib ay buong buo sila sa bawat isa.

Tiwala sa Diyos – ito rin ang naging sentro ng kanilang pagmamahalan na isinama nila ang Diyos sa kanilang buhay. Nangako sila na magiging isang mabuting Kristiyano sila hindi lamang sa salita maging sa gawa. Ito ay kanilang sinunod ng walang pagdadalawang isip. Dahil ang kanilang pag-ibig ay lalong tumibay dahil nasa kanilang ang Panginoon.

Kung susumahin natin ang kanilang relasyon ay masasabi nating matibay, sa aspeto ng respeto sa magulang, paggalang sa babae, sa tugon ng paghahanda sa pinansyal na bagay at sa ispiritual na kung saan ay lalong mapapanday ang isang kinabukasang walang hanggang pagmamahalan.

About da_professor

Masasabi kong ako ay jack of all trades, master of nothing. Simula noong bata ako ay marami na akong nasalihan at nainvolved na activities..choir, theater, cubs scout, boys scout; senior scout. Karate, taekwando, arnis. Sali sa legion of Mary, block rosary , youth organization, sumasali sa mga tournament ng basketball, volleyball, bowling, tennis, chess, pingpong at kung ano ano pa. Hanggang ako ay nagkatrabaho, nagkapamilya ay nawala na ang mga aktibidades ko. Ang hindi lang nawala sa akin ay ang hilig ko sa pagsusulat. Siguro bunsod na rin ito ng hilig ko magbasa at magobserba ng mga bagay bagay kung kaya ang aking creative juices ay buhay na buhay pa. Sa kasalukuyan ay nasa gitnang silangan ako na araw araw ay nakikihalubilo sa mga manggagawa dito para siguraduhin ang kanilang kapakanan (human resource) Biniyayaan ako ng limang anak at isa na lang ang nagaaral sa kolehiyo.