Today’s Lesson: Forever is a Lie

 

 

Isa sa mga pinakaiinisan ko maliban sa nakakaiyak na bokabularyo ng mga jejemon ay ang linyang “Forever.”

Kamakailan lamang, habang nakatambay ako sa aking Facebook account, nabasa ko ang upgrade ng salitang iyon. “Umaygawd! I love Lee Min Ho 5ever!” ani ng Facebook friend ko na sa buong buhay ko ay hindi ko pa nakikilala ng personal.

Pero aminin mo. Matindi ang salita na iyon.

5EVER.forever_is_over_by_destinyblue-d6yel96

Mabuburyong sa kanilang libingan ang sikat na mga mathematician tulad ni Rene Descartes. At ni Rene Descartes. Wala na akong kakilalang mga henyo sa Math kaya ipagpaumanhin ang redundancy. Hindi naman counted ang mga nagpapakopya tuwing College Algrebra exam diba?

Madako muli tayo sa usapan.

Forever.

Magpakailanman.

Habambuhay.

Automatic na linya na yan’ ng mga kabataang nagmamahal. Lalo na sa mga Wattpad stories na tagalog na lang ay sablay pa ang balarila.

Sinasambit din iyan sa mga niresiklong mga pelikula na aantig sa puso mo kung saan maitatanong mo sa sarili ang “Anak ng hinayupak, bakit ko ba pinagaksayahang panuorin itong My Little Bossings? Yung totoo, isang mahabang patalastas ba ito na nagpapanggap na pelikula?!”

Nakakaiyak.

Forever.

Walang Hanggan.

Hindi naman isang kasalanan na hilingin na sana’y kayo na nga magpakailanman. Isa ito sa mga pinakamabigat na desisyon na pagdaraanan ng bawat isa sa atin- ang pumili ng taong makakapiling natin habanmbuhay kahit ayokong aminin.

Ika nga ng tatay ko, ang isang misyon ng tao sa mundo ay ang hanapin ang ating “life partner” kapag may time. Mas sikat ang tawag na “soul mate,” ang nawawalang parte ng iyong lutang na sarili.

Maraming paraan para tuluyang mag-mission accomplish ka sa larangan ng pakikipagpatintero kay Kupido. Kung ano man ang iyong pinaniniwalaan, hala’t hep hep hooray ka dyan.

Pero para sa lahat ng mga human being ages 12-19, makinig ka. Basahin ninyo pa rin ito mga naenderthals ages 20 and above. At saka inyong pakatandaan. Isuot sa inyong kokote.

FOREVER IS A LIE.

Lahat tayo ay mamatay rin. Saglit lang tayong gagala sa MOA ng buhay. Kahit naman kindergarten student ay alam ang simpleng katotohanan na ito.

Huwag kang magpapalinlang sa konsepto ng habambuhay na pagmamahal. Kaya’t nauso ang Twilight at iba pang vampire love stories na nakakaantok na ang daloy ng kwento.

Kaya nga’t Till death do us apart ang pamosong linya sa mga kasalang naka-photo coverage sa Instagram. Isang matamis na paalala sa mga pusong may diabetes na lahat ay may hangganan. Kaya’t lubusin mo ang mga panahong tatakbo sa malikot na laro ng tadhana.

At ihanda ang sarili sa pinaka-expected pero animo’y unexpected na plot twist: ang THE END.

Ang masaklap nga lang, walang crash course na pwedeng kunin upang ihanda ang ating mga sarili sa dulo ng kwento, ang THE END. Dahil lagi tayong pinagtritripan ng tadhana. Darating ito sa mga panahon na hindi mo inaasahan. Tulad nga ng isang berso sa Bibliya na nakalimutan ko kung Old o New Testament. Basta ang konsepto ay darating daw ang THE END tulad ng isang magnanakaw habang nagpupuyat ka sa kakalaro ng League of Legends sa gabi.

Kaya nga’t isulong natin ang kampanya laban sa mga magsyotang basta-basta gumagamit ng salitang ito. Kasi kadalasan, ang durasyon ng “forever” ay aabot lang ng dalawang buwan. Ay sus.

Naniniwala ako sa gawa-gawa kong teorya na kapag sinambit mo ang salitang “forever,” nagtatakda ito ng isang mindset sa ating consciousness. Wala akong matinong psychological foundation dito. Nagmamagaling lang ako.

Pero isipin mo, mahiwaga ang nilalaman ng “forever.” Magmamarka ito sa mga naguumapaw mong nararamdaman. Gagawa ito ng isang mapagkunwaring pag-asa na wala nang hahadlang sa inyo, kahit kamatayan.

Minsan nga, magbibigay ito ng panandaliang fireworks at sparks. May bonus pang unicorns kung minsan.

Ingat ka, baka kaladkarin ka nito sa isang love story na iikot sa konsepto ng “holding on” kahit na bugbog ka na sa sakit at kailangan mo nang mag-let it go. Ipakanta yan kay Elsa.

Uulitin ko. Huwag kang maging panatiko ng salitang “5EVER.” Pramis, masasapak ka nila Descartes at iba pang henyo sa Matematika kahit hindi sila nagpapakopya tuwing exam.

Uulitin ko. Huwag maging biktima sa sanga-sangang epekto ng isang salita.

Forever.

Habambuhay.

Magpakailanman.

Walang Hanggan.

Pero meron.

Puwedeng ngayon o kaya bukas. O di kaya’y sa susunod na buwan.

Forever.

Walang Hanggan.

Pero meron nga.

 

 

About bangsoverload

Lutang. Bisyo ang uminom ng Nestea, lalo na yung Red. Madalas nakatunganga sa loob ng kwarto, naghihintay ng himala. May guni-guning sinta. Tambay na dito: https://www.facebook.com/bangsoverload