TO BE OR NOT TO BE ANA MANALASTAS ……KUHA MO?

Natapos na rin sa wakas ang isa sa mga teleserye na matimtiman kong sinusubaybayan sa TFC. Para siguro sa iba, kababawan, pero para sa aming nasa ibang lupalop ng mundo, isang magandang libangan at isang paraan ng koneksyon sa Pilipinas kahit milya-milya ang layo namin. Sa una, libangan nga lang, pero habang tumatagal,unti-unting bumabaon sa aking puso ang bawat kataga at pangyayari sa “100 Days to Heaven”. Kung tutuusin, may napanood na rin akong isang “indi” film na halos kapareho nito, iyong si Mylene Dizon ang bida, “100” ang pamagat. Tungkol sa isang babaeng na-diagnose na may cancer at meron na lamang tatlong buwan para mabuhay. Gumawa sya ng mahabang listahan ng mga bagay na gusto niyang gawin bago siya mamatay at sa bawat araw na natitira sa kanya ay tinutupag niya ito. May hawig sa istorya ni Ana Manalastas sa “100 Days to Heaven”. Ang kaibahan lang, si Ana, namatay na muna bago binigyan ng 100 days para baguhin ang lahat ng mga kasalanan at pagkakamali na nagawa niya nung siya ay nabubuhay pa.

At sa lahat ng mga nangyari sa binalikang buhay ni Ana Manalastas na nag-anyong bata, lahat iyon, kumurot sa aking puso at nagbigay aral sa aking buhay. Tungkol sa pagpapahalaga sa pangarap. Pagmamahal sa pamilya. Ang pag-aalay ng tulong o pagmamahal kahit na sa taong di mo pa lubusang kilala. Lahat nang iyon, nag-uugat sa pagmamahal at pagpapatawad. Bawat luha at hinagpìs na pinaramdam sa teleseryeng ito, nakiluha rin ako bilang isang kaibigan, anak at ina.

Di makatotohan, oo. Imposibleng merong ganito. Likhang isip nga lang siguro. Pero bawat sitwasyon at istoryang tinalakay ay hango sa tunay na buhay na malamang ay istorya ng kahit sino sa mundong ito. Dapat nga bang malagay ang isang tao sa bingit ng kamatayan o tulad nga ng nangyari kay Madam Ana, mamatay muna para ma-realize ang lahat ng mga pagkakamali sa buhay? Kailangan pa bang mabigyan ka ng 100 days para mabuhay muli para baguhin lahat ng mga dapat ay hindi mo ginawa o sinabi? Papaano kung di ka kasing suwerte ni Ana Manalastas? Papaano kung sa isang iglap, mawala na lang tayo sa mundo at di na mabigyan ng isa pang pagkakataon? Dahil iyon naman ang totoo. Pag namatay na tayo, iyon na ang “game over” sa buhay natin, wala nang take 2!

Bigla tuloy akong napaisip, ako mismo, maraming “hang-ups” sa buhay, marami rin akong ala-Ana Manalastas moments sa araw-araw na binibigay sa akin ng Diyos. Di nga siguro kasing grabe ni Madam, pero guilty din ang inyong lingkod sa maraming kasalanan. Saka ko naisip na mas masuwerte ako kay Ana, kasi di lang 100 days ang hahabulin ko para magbago o gumawa ng kabutihan. Meron akong “indefinite time” para baguhin ang dapat baguhin, patawarin ang dapat patawarin, tanggapin ang dapat tanggapin at mahalin ang dapat mahalin.

Kung di pa huli sa akin ang lahat. Malamang sa inyo rin. Wag na nating hintayin na nagbibilang na tayo ng araw para mapatawad at magpatawad. Kuha nyo?

About Joy Rebanal-Laygo

Residente ng ibang bansa, Pilipino pa rin sa puso at diwa. Isang anak, kapatid, asawa at ina. Walang pakialam sa sasabihin ng iba.