Tips Para Makapag-ipon

Photo Credit: www.dreamstime.com
Photo Credit: www.dreamstime.com
Photo Credit: www.dreamstime.com

Masasabi kong kasanayan ang pag-iipon. Ang ugaling ito ay produkto ng magandang disiplina sa sarili. Lahat ng tao ay kailangang mag-impok, sang-ayon nga sa kasabihan ay “Kapag may isinuksok ay may madudukot. “Pamosa din ang kawikaan na “Mag-ipon para sa tag-ulan” na ang ibig sabihin ay mag-impok para may magamit sa panahon ng pangangailangan.

Ano ba ang iipunin, siempre pera he he. Ang pera kasi ang ginagamit sa panahong ito sa anumang aspeto ng kalakalan. Sa economics, tinatawag itong universal passport. Kapag may pera ka ay talagang maalwan ang iyong pamumuhay. Mabibili mo ang iyong mga kailangan pati na rin ang iyong mga kagustuhan. Maibibigay din sa iyo ang pinakamagandang serbisyo at makararating ka sa kahit saan mo balaking pumunta.

Paano bang mag-ipon ng pera? Magandang tanong ano? Maraming tao ngayon na talagang inaamin nila na sila ay gastador, in other words walang naiipon. Para bang kapag nagkapera ay ubos agad, maaring napunta ito sa mga pangangailangan sa buhay. Puwede ring ginastos sa luho, kung saan man napunta iyan ay hindi ito ang pakikialaman natin. Pag-aralan natin ngayon kung paano makapag-ipon. Ito kasi ang pinakamahalaga sa lahat, lalo na sa mga OFW. Simulan natin, basahin lamang po ang mga sumusunod.

1. Trabaho- Dapat lamang na kung plano mong mag-ipon ay mayroon kang iipunin. Kapag walang trabaho at walang income, natural kahit anong pagsisikap mong mag-ipon ay talagang walang maiipon he he. Maghanap ng disenteng trabaho, maaring mahirap ito sa kasalukuyan. Kaya nga payo ko sa mga mag-aaral, magsikap kayong mag-aral at pagbutihin ninyo ito. Kapag kasi may natapos kayong kurso ay magiging malaki ang inyong oportunidad na magkaroon ng magandang trabaho. Kung hindi ka natapos ng pag-aaral, maaring mag-inquire sa TESDA, may mga crash course kasi sila na maaring pag-aralan. Mga skills iyon na in demand sa local man o sa ibang bansa, gaya na lamang ng automotive, computer courses, appliance repair at iba pang kasanayan. Kapag wala talagang oportunidad sa bansa natin, subukang mag-abroad.
2. Live within your means- He he, ano bang tagalog niyan? Mabuhay daw tayo sang-ayon sa ating kita. Huwag umastang one day millionaire. I-apply ang kasabihang” Habang maikli ang kumot ay magtiyagang mamaluktot. Kapag humaba na ito saka magpainot-inot.” Ibig sabihin nito na maging matipid. Kung hindi pa kayang bilhin ang isang bagay ay huwag muna itong bilhin. May mga bagay naman na makapaghihintay.. Halimbawa, ang kita mo ay walong libong piso sa isang buwan. Matuto itong budgetin ng maayos. Tandaan na ang budget, pinakamalaki ang nauukol sa pagkain, bills at sa pag-aaral ng mga bata. Planuhing mabuti ang pag-gasta at huwag kalimutang magtabi ng kahit na kaunti. Kung sa walong libo na iyon ay magtatabi ka ng 100 pesos bawat buwan. Sa loob ng isang taon ay may 1,200 pesos ka hindi ba? Not bad, kesa naman ubos lagi.
3. Huwag kuha nang kuha ng mga hulugan- Maraming tao ang hindi makatanggi sa mga sales agent. Maganda rin naman na nakapagpupundar tayo ng mga gamit at kasangkapan. Pero, pansinin ninyo. Napakalaki ng patong sa mga hulugan, minsan higit kalahati ang tubo.
4. Pag-aralang mabuti ang wants at needs- Ang needs, kailangan talaga iyan, iyon bang mga bagay na hindi ka mabubuhay nang wala iyan he he. Ito ang tatlong pangunahing pangangailangan ng tao;pagkain, tirahan at damit. Siguraduhing matugunan ang mga iyan. Ang ibang bagay na wants naman ay iyon bang pampakomportable at pampasarap lamang sa buhay. Mas i-prioritize ang needs kaysa sa wants.
5. Huwag maging shopaholic- He he, naka-aadik ang pagsho-shopping. Kapag iyan ang naging bisyo mo ay talagang wala kang maiipon. Hindi nauubusan nang magagandang bagay sa pamilihan. Habang namimili ka ay mas lalong nag-iibayo ang kagustuhan mong makuhang lahat ang magustuhan ng iyong mga mata. Bago magpunta sa mall o grocery stores, siguraduhing may listahan ka na ng mga bibilhin. Huwag bilhin ang mga bagay na wala sa listahan. Huwag ding magdala ng labis na pera, ang tendency kasi kapag nabili mo na ang mga kailangan mo at nakita mong marami pang natira. More likely babalik ka at bibilhin pati ang hindi nakaplano. Huwag maging impulsive buyer, hindi porket mayroon niyon ang kumare mo ay bibili ka rin. Hindi porket magaling mag-promo ang salesman ay kukuhanin mo na. Iwasang sumama sa mga kaibigan mong shopaholic, ok lang sana iyon kung marami kang pera. Paano kung hindi ganoon kalaki ang sweldo mo?
6. Magkaroon ng alkansya- Isang uri ng pag-iimpok ang pagkakaroon ng alkansya. Maganda ring ehemplo iyan sa mga bata.
7. No to Luho- siempre nag-iipon ka nga eh, kaya dapat huwag maluho. Instead na kumain sa mamahaling restaurant, magluto na lamang sa bahay para makatipid. Imbes na bilhin ang bag na 300 pesos, makabubuting bilhin ang tig 100 pesos hindi ba? Pareho din namang bag iyon. Mas magandang mag-shopping sa bagsakan, o sa Divisoria, pwede rin sa wagwagan at ukay-ukay para mas lalong makatipid.
8. Iwasan ang mga magagastos na bisyo gaya ng paninigarilyo, pag-inom ng alak, pambababae at pagsusugal. Ipunin na lamang ang pera na gagastusin sa mga bisyong iyan, at the end of the year malaki ang naimpok mo he he.
9. Spend wisely, invest wisely- Maging matalino sa pag-gasta, gayundin sa pag-iinvest ha.
10. Huwag ipadalang lahat ang sweldo- OFW ka ba? Makinig ka, magtabi ka para sa sarili at huwag ipadalang lahat sa Pinas, ok. Alam mo na kung bakit.

Mahalaga ang pag-iipon, kailangan natin iyan para na rin sa ating magandang bukas. Mahalaga rin na iyan ay ituro sa ating mga anak.Good luck, sana simulan mo ang pag-iipon ngayong taong ito.

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.