Tinder. Love. And Dare. (Final Chapter)

NAGISING AKO SA LAMIG. Halos masilaw ako sa liwanag pagmulat ko. Hindi ko matagalan yung ilaw kaya pinatagilid ko ang ulo ko pa-kaliwa habang pumipikit-pikit, pinipilit kong i-adjust ang paningin. Haharangan ko sana ng kamay ko yung ilaw kaso mahapdi at parang namamanhid etong kaliwang kamay ko. Pagtingin ko, may nakatusok na karayom. Saka ko lang napansin na naka-dextrose ako. Kaya pala mahapdi at namamanhid. At, may nakasalpak sa ilong ko. Oxygen?

So…nasa ospital ako? Bakit ako nandito? Anong nangyari sa’ken? 

Hinila ko hanggang leeg yung kumot gamit ang kanang kamay. Hindi ko kasi maitaas at magalaw ng maayos yung kaliwa. Masakit pag ginagalaw, parang nahuhugot yung karayom. Dun ko lang din napansing naka-patient gown lang ako (di ako sure sa term na gown). Kaya pala ang ginaw. Kala ko nga wala akong brief. Kinapa ko pa etits ko. Safe naman. Naka-six-thirty sa lamig.

Asan mga damit ko?

Saglit akong pumikit. Pinilit paganahin ang utak. Isipin ang huling nangyari, ang mga huling eksena. Bakit ako napunta dito. Ano-ano ang mga nangyari. At kung bakit ako nakahilata dito.

Ano ba huling ginawa ko?

Isip. Isip. Paganahin ang utak. Halukayin ang memory. San galing. Sinong kasama. Anong araw. Anong oras. Anong ginagawa.

Urrrr…ayaw gumana!

Wheeew. Wala. Wala akong maalala. Wala akong mapiga. Hindi ko na alam kung anong huling ginawa ko.

Relax. Kalma. Hingang malalim. Babalik din ang lahat after ng ilang minutes. Baka after-schock pa. Kakagising lang. Naalimpungatan lang diwa ko.

Nilibot ko ang tingin sa paligid. Walang kahit anong kolorte o design ang kuwarto. Puting pader at light blue na kisame. May ceiling fan na ewan kung bakit nakabukas pa sa lamig ng kwarto. Sa ulunan ko bandang kanan may pinto. Nandito din malapit yung oxygen tank. Sa kaliwa ko yung dextrose, may machine o apparatus na hindi ko alam kung ano at para san. Sa bandang paanan ko sa dulong pader may parang maliit na kuwarto. Baka CR. Hindi naman ganun kalayo, mga tatlong metro lang siguro mula dito sa duluhan ng kama. Sa kaliwa bago yung pinto ng CR (na hindi ko pa rin sure kung CR) malapit mismo sa paanan ng kama may maliit na cabinet na sa ibabaw e may pagkaing nakalagay sa tray na nakabalot pa ng plastic, malaking container ng mineral water at mga plastic na hindi ko alam ang laman. Hula ko, nasa private room ako ng sosyal na ospital. May sariling CR e, solo pa, tapos naka-aircon.

Hindi ko gano maaninag yung lapag bandang kanan dun sa tapat ng pinto ng CR. Nakaharang yung kama. Nung pinilit kong silipin, may nakita akong foam sa lapag. Kulay maroon. O violet, hindi ko sure. May isang unan, nakabalumbon na puting kumot at isang backpack. Kulay black at yellow. So may kasama ako dito, pero wala naman akong nakitang ulo o paa. Parang ako lang nandito.

Teka, bakit nga pala ako lang nandito? Asan mga kasama ko?

Nasan si…si…

Sh*t. Bakit…bakit…bakit wala akong maalalang kamag-anak ko o kakilala? Nasan si…si…ano…si…

Put*ng in*, ano ‘to?! Bakit wala akong maalala?!

Nagkarambola ang mga daga sa dibdib ko. Naririnig ko ang paghinga ko, bumibilis. Para akong nagpa-panic ng wala sa oras. Nagpa-panic ng hindi alam ang rason. O yung rason e wala akong kasama tapos mag-isa lang ako dito. O kaya bakit nandito ako ng hindi ko alam. O kaya yung rason na bakit wala akong maalalang kakilala kahit kamag-anak. O kahit sino. Kahit isa, wala!

Babangon sana ako kaso napahiga ulit sa sobrang hilo. Para akong nanlalatang nanghihinang ewan. Nauuhaw. Nagugutom. Unti-unting sumasakit ang ulo. Feeling ko isan-linggo na kong hindi kumakain. Binasa ko ng dila ang labi ko. Dried na. Mahapding nagbibitak-bitak. Hindi pa man ako nagsasalita pero pakiramdam ko amoy bituka na hininga ko sa gutom.

Dahan-dahan ko ginalaw ang paa ko. Tiniklop-tiklop, inunat-unat. Sa sakit ng tuhod ko parang ilang araw na kong nakahiga. O ilang araw na kong natutulog. Ewan. Hindi ko rin nga maalala. Nagpatagilid-tagilid ako, ang sakit na kasi ng puwet at balakang ko. Pagkabalik ko sa una kong puwesto sunod-sunod na ubo. Tuyot at makating lalamunan.

Anong ginagawa ko dito. Bakit ako nandito. Anong nangyari sa’ken. Nasa’n mga kasama ko. AT BAKIT WALA AKONG MAALALA. Paulit-ulit na tumatakbo sa isip ko. Hindi ko magawang magsalita. Gusto kong sumigaw pero hindi ko alam isisigaw ko.

AT HINDI KO ALAM KUNG SINO AKO.

Sino ako. 

Sino ako? 

Sino….sino nga?

P*tsa, anong pangalan ko???

Hindi ko matawag ang sarili kong pangalan para kumalma. Lalong lumalalim at nagsusunod-sunod ang paghinga ko. Hinawakan ko ang dibdib ko, parang nagpa-palpitate sa bilis ng tibok. Kapag hindi ko nakontrol ‘to, baka madeds ako ng wala sa oras. Ni hindi ko pa nga alam kung bakit ako nandito. At kung sino ako.

P*ta naman, sino ba talaga ako?

man crying photo
Photo by LeandroDeCarvalho (Pixabay)

Hindi ako makapag-isip ng maayos. Nauuhaw na talaga ako. At feeling ko, tubig lang maglilinis ng utak ko sa ngayon. Baka maraming nakabara kaya kelangang hugasan. Dahan-dahan akong bumangon, inalis ang kumot, hinakbang pababa ang puwet habang nakaalalay ang dalawang kamay, saka ako nag-decide na ‘wag na ituloy. Ramdam ko ang pagka-groggy. Tantiya ko tutumba din ako agad pag pinilit kong tumayo.

Pero gusto ko talagang uminom. Gustong-gusto ng utak ko buhusan at hilamusan ang bungaga ko ng tubig. Para kasing wala ng laway sa lalamunan ko. Ang problema ayaw ng katawan ko kumilos. Hindi kakayanin.

Nahihilo talaga ako. Ihihiga ko muna ‘to. Bumalik ako sa dati kong posisyon. Kanang kamay sa dibdib, yung kaliwa nasa tagiliran lang. May parang tumagas ng konting dugo dun sa daluyan ng dextrose. Parang lalong humapdi tuloy yung pagkakatusok.

Pikit ulit. Pinagana ang utak. Hinalukay ng hinalukay ang lahat ng sulok ng utak, piniga-piga at puwersahang pina-process lahat ng pwede kong maaalala nitong mga nakaraan. Lahat ng pwede kong maalala, bini-visualize ko sa utak ko kahit gawa-gawa lang. Basta lang may ma-picture ako sa utak kong may nakaraan ako at baka may nangyari ngang magpapabalik ng alaala ko. Pero wala. Walang kahit ano. Ni hindi ko alam kung ano ang huling nangyari sa’ken. As in wala. Alam ko lang buhay ako, na tao ako. Pero hindi ko alam kung sino ako, ano ako at bakit ako nandito. Kahit isang tao, wala akong kilala. Kahit isa wala akong maalala.

Ano lang ba naalala ko?

Wala. Kahit ano. WALA.

Nagulat ako ng marinig kong bumukas yung pinto. May pumasok, isang nurse at isang babaeng mas matanda lang ata sa’ken ng isa o dalawang taon. Morena, medyo mahaba ang buhok at payat. Nang makita ako ng nurse, bigla siyang napatakbo palabas. Yung naiwang babae naluluhang nangingiti naman. Weird. Pero mukhang kilala niya ko. At mukhang kilala ko din naman siya. Pamilyar. Hindi ko lang alam talaga pangalan niya.

Pero gaga yung nurse na yun a? Lakas ng trip.

“Gising ka na pala…” bati niya sa’ken. Dahan-dahan siyang lumapit sa’ken saka ako niyakap. Ang bango, amoy cologne. Hassle nga lang may mga buhok pang sumakto sa labi ko.

Syota ko kaya ‘to? Biglang yakap e? 

“Aaah…medyo. Kani-kanina lang…” pasimple pa kong dumura-dumura. Mga tatlong buhok ata yun.

Nakayakap pa rin siya sa’ken pero unti-unti ng lumuluwag yung pagkakayakap.

“Nauuhaw ako…” bago pa man magkaron ng mahabang paliwanagan at drama. Tubig muna, please lang.

“S-sige, sige…saglit lang…” mabilis na pumiglas si ateng saka siya pumunta dun sa cabinet. May kinuhang disposable na baso sa loob ng cabinet, sinalinan ng tubig saka nilagyan ng straw. Para siyang aligaga kumilos. Sa bandang kaliwa ko na siya dumaan saka mabilis na ipinasubo ang straw. Sunod-sunod ang higop, malalaking higop. Na-straight ko yung baso hanggang maubos. Okey na ko. Tinanong niya kung gusto ko pa, umiling lang ako.

“Salamat…”

Saglit niyang ipinatong yung baso sa ibabaw ng cabinet saka siya naupo sa kaliwang tagiliran ng kama. Hinawakan niya yung kamay ko, bandang itaas kung saan nakatusok yung dextrose. Nakangiti siya, minsan pasinghot-singhot. Mga dalawang beses may pumatak na luha na sinalo naman agad ng kanang kamay. At dahil medyo awkward, kelangang may magsalita sa’min.

“Nagugutom ako…” gising na din kasi sikmura ko. Naramdaman kong nalangisan na ang makina ko sa tiyan. Kelangan na ng mga vitamins at carbohydrates. Ang problema hindi ko alam kung ano ang kakainin. Ang masarap kainin. Parang sira kasi appetite ko kahit nagugutom ako. Mapakla ang panlasa.

“Aaah…wait lang a? Antayin natin si dok kung ano pwede mo kainin. Sabi niya kasi ‘wag ka daw muna kakain basta…kung magising ka daw e tawagin daw siya agad…” yun lang nasabi niya saka siya pumunta dun sa may tapat ng CR. May kinuha ata. Pagbalik may hawak-hawak na hindi ko alam kung camera ba yun o malaking calculator. Pero mukhang camera. Ewan. Basta yun, parang nagpipindot-pindot siya sa hawak niya.

“Bakit pala tumakbo yung nurse?” tanong ko. Umupo siya sa bandang paanan ko sa kanan.

“Aaah…ano…b-baka tatawagin si dok. Tagal mo din kasi hindi nagigising e…” pilit niyang nino-normal yung boses niya pero halata namang naiiyak siya. Nakailang punas na din siya ng luha. Pero kahit ganun nakukuha niyang ngumiti.

“Matagal? Gano katagal?”

“Magi-isang lingo na din…”

Luh? Ano ko, comatose? “Isang linggo? Bakit? Ano bang nangyari sa’ken? Tsaka…sino ka ba?”

Napatigil siya sa pagpipindot. Bigla siyang napatitig sa’ken. Tulalang na-shocked. Pinipilit niyang ngumiti kahit parang yung dating ng tanong sa kanya e alanganin. “S-si Ate Yumi mo ‘to…hindi ba ko…nakikilala?”

Ate Yumi. Ate Yumi. Meaning, may ate ako? So, may kapatid ako? Meaning, meron akong pamilya. “Ate? Kapatid mo ko?”

Hindi siya nakapag-react. Unti-unti ng nawawala yung ngiti niya habang mabagal na tumatango-tango. Dahan-dahan siyang tumayo, ibinulsa ang hawak saka nagpalakad-lakad sa bandang paanan ko habang pinipigilang maiyak.

Sa mga oras na yun, parang masasagot na yung tanong kung bakit ako nandito. At kung bakit wala akong maalala.

May amnesia ako. BAKA may amnesia ako.

man crying photo
Photo by StockSnap (Pixabay)

Hulaan ko. Naaksidente ako tapos nabagok ulo ko kaya ako nagka-amnesia. Kaya ending ko dito sa ospital.

May kumakatok. Pagkabukas ng pinto, may pumasok na doktor at yung nurse na tumakbo kanina. Mabilis binilinan ng doktor ‘yung nurse na aligagang inasikaso ako. Sinimulan yung BP, yung dextrose tapos naglagay ng thermometer sa kili-kili ko. Nakatingin lang sa’ken si dok, nakangiti. Yung ngiti niya parang nag-success siya mag-opera.

“Baste, kamusta ka?” tanong niya. Ako ata yung tinawag niyang ‘Baste’, ako lang din naman dito ang dapat kamustahin. Tsaka pangalang pan-lalake yun. Alangan namang tawagin niyang ‘Baste’ sarili niya habang kinakamusta.

Baste? Mukha bang bagay sa’ken ang Baste?

“O-okey lang po…” alangan yung okey ko. Hindi talaga ako sure kung ako tinatanong niya.

Maya-maya lumapit yung Yumi kay dok, binulungan. Tapos nun, parang automatic ding nawala yung bungad na ngiti kanina.

“Baste…nakikilala mo ba ko?”

Napailing ako. Kung yung ‘ate’ ko nga hindi ko maalala, ikaw pa kaya?

“Okey…okey…medyo bad news pala to…” niyakap niya ng isang kamay yung Yumi, hinimas-himas yung likod saka binulungan. Naupo ulit sa paanan ko si Yumi. Mahinang umiiyak. Huminga ng malalim, nagpamulsa ang kanang kamay saka kumamot-kamot sa noo gamit ang kaliwang kamay si dok. “Ako si Doctor Manlapat. Ako ang doktor mo since nung bata ka pa. Bale matagal-tagal na tayong magkakilala. Eto naman ang ate mo, si Yumi. Alam kong nahihirapan kang i-absorb lahat ng sasabihin ko, kaya no worries. Dahan-dahanin natin lahat mula sa umpisa. Sa ngayon, meron kang amnesia kaya wala kang…” at nagpatuloy na sa pagpapaliwanag si dok, na sa totoo lang e nahihirapan akong intindihan. Mahaba yung explanation, story telling na ang hirap-hirap paniwalaan. Hinayaan ko lang siya magpaliwanag. Deep inside, parang wala naman akong pake sa kwento niya. Parang hindi ako interesado. Mas interesado pa ko sa kung sino ako, na hindi naman maipaliwang ng maayos. Yung sa sakit ko lang nag-focus.

Para tuloy akong bida sa teleserye. Center of attraction. Gusto ko mang intindihin lahat ng mga naririnig ko, e ayaw ng utak ko. Gutom na ko e. At masakit na talaga ulo ko.

Tuloy-tuloy, dahan-dahan at nagsasalitan ang tagalog at english ni dok habang nagkukuwento. Hindi ko naman lahat naintindihan talaga. Dun sa eksena kung bakit parang nabura memorya ko, dun lang parang naagaw atensyon ko. AT, TAMA NGA AKO. May aksidente ngang nangyari, pero matagal na panahon na pala. Six years old pa lang daw ako nun. Tinanong ko kung ilang taon na ko ngayon, bente-uno na daw. So, may nawawalang fifteen years sa’ken. Ay, hindi lang pala fifteen years. Hindi ko kasi maalala kung sino ang pamilya ko pati background. So para akong bagong silang ngayon, walang alam.

Sebastian daw ang tunay kong pangalan. Sabagay, ano pa nga bang puwede ipalayaw sa Sebastian kun’di Baste?

Nakakapagtaka lang, kung maraming taon ang nawala sa memorya ko, bakit may mga bagay pa rin akong naalalang gawin? Bakit may mga bagay pa rin akong kilala gaya ng oxygen tank, ospital, duktor, nurse, yung mga gamit dito? Kung lahat ng bagay hindi ko maalala at hindi ko talaga alam, bakit iilan lang ang kaya kong kilalanin? Kung magsisimula ulit sa bata ang utak ko, bakit meron pa din akong nakatagong memory? At pano ako nakakapagsalita ng english?

Kaya ko rin magmura, p*tang in*. Ibig sabihin, natutunan ko na agad yun nung bata pa lang ako?

Ang gulo-gulo!

Parang gusto ko ulit matulog ng matagal na matagal. Baka sakaling iba na gising ko. May naalala na.

Yung ibang mga detalye parang hindi na ko interesado. Kuwento naman nila patay na raw mga magulang ko. So, parang useless na rin makinig sa ibang part ng istorya. Yung mga last-last year na kwento. Tapos nun hina-highlight na nila yung Kaeley. Basta, madalas nasisingit yung pangalan na Kaeley sa kwento. Tapos may sakit nga daw ako. Tumor, amnesia…mga ganun. Ewan. Sumasakit lang lalo ulo ko kakaisip. Litong-lito na ko at hindi ko alam kung maniniwala ba ko sa kanila o hindi. Ang alam ko lang, nagugutom na ko.

Sa gitna ng pagsasalita ni dok e pinutol ko ang mga scientific explanation niya about sa sakit ko. “Nagugutom ako…”

Dun na sila parang natauhan na may tao nga palang nagugutom at hindi pa kumakain ng ilang araw. Para silang mga aligagang nagbilin-bilin at nagbabanggit ng mga pagkaing hindi puwede at kung alin ang pwede. Mga ilang minutong paliwanagan at kwentuhan, nakakain na rin ako sa wakas (sinusubuan at inaalalayan ako nung Yumi). Lugaw (na madamot sa alat) at nilagang itlog. Pineapple juice. Ngayon pinapapak ko yung ubas. Gutom pa ko pero hindi pa daw ako puwede kumain ng marami. Habang kumakain ako ng ubas nagu-usap si dok at ‘ate’ na maya’t maya din naman akong sinasali sa usapan. Out of nowhere, may kung anong biglang bumulusok sa memorya ko. Isang eksena. Sa bundok. Hindi ko sure. Pero malinaw yung ibang mga eksena na parang totoo.

“Dok…” napaubo ako nang mahina. May kung anong bumara sa lalamunan ko. “Meron akong naaalala…”

Napangiti si dok at yung Yumi. Parang nabuhayan sila ng loob sa narinig. Sa wakas, may naalala na rin ang gago!

“Hindi ako sigurado…pero naalala kong para akong nasa lugar na may bundok at dagat. Aah…tapos may kalaro ako. Parang naglalaro kami…naghahabulan. Tinatawag ko yung pangalan niya, pero hindi ko alam kung ano. Tapos, may isa pang batang babae. Naglalaro kaming tatlo…umakyat sa bundok…tapos…yun lang…”

Saglit akong natigil. Dinudugtungan ko pa yung memorya ko, pero parang hanggang ganun na lang. Kapag pinipilit kong mag-isip, yung mga nasabi ko lang ang naiisip ko. Puro yun at yun. Wala ng madadagdag.

“Sige pa Baste, ikwento mo pa naalala mo…” sabi ni dok.

“W-wala na po dok e…hanggang dun na lang naalala ko…”

Hindi sila nakapagsalita. Natahimik ulit ang kuwarto. Pinagpatuloy ko ang pamimitas ng ubas sa plastic.

Saglit na nagpaalam si dok sa’min. Babalikan niya daw ako agad maya-maya, may mga pasyente lang daw siyang dadalawin. Saka ko lang din nalaman yung oras nung sinabi ni dok na ‘alas-diyes na pala’. E wala pa namang atang isang oras kami nag-uusap. So mga bago mag-alas-nuwebe ako nagising. Buti na lang umaga na. Mas aligaga sila siguro kung mga madaling-araw ako nagkaulirat.

May mga pinainom sa’keng gamot na hindi ko na alam kung para sa’n. Kahit yung mga bilin ng nurse hindi ko na rin natandaan lahat. Hanggang ngayon kasi kinakalkal ko pa rin ang utak ko. Pero wala akong maalala talaga. Puro yung mga eksena sa dagat at bundok lang lagi.

“Naalala ko pa nun, kung pano tayo nagsuntukan kasi inubos ko yung sago sa binili nating palamig…” nagsimula ng magkwento si Yumi. Nakapuwesto siya malapit sa oxygen tank. Kumuha lang ng monoblock. Nakapatong yung kanang kamay niya sa kama malapit sa kanang braso ko. Yung isang kamay nakahawak pa din dun sa camera. “Yun lang ata naging away natin magkapatid nung bata pa tayo. Nung nagbinata ka, nagdalaga ako wala na tayong away. Hindi ka na kasi nakakaramdam ng galit nun. Kahit pinagti-tripan kita okey lang. Kahit inaasar kita hindi ka naasar. Gustong-gusto kita mapaiyak nun, pero ‘di kita mapaiyak. Ewan ko ba, parang wala lang lahat sa’yo. Akala ko normal mo yun…hindi pala. Yung sakit mo, lalo lang lumala. Kaya pala hindi ka marunong magalit. O mapikon…”

Gusto ko matawa, kaso lang baka magpigtal-pigtal lahat ng nakasaksak sa’ken. “Abnormal na pala ako nung bata pa lang ako…”

Nangiti siya. “Sa dami ng pang-aasar ko sa’yo, late ko na na-realized na…na…sana…sana mas inalagaan na lang pala kita nung magkasama pa tayo. Na sana, pinili ko na lang makasama kita…baka sakaling hindi tayo umabot sa ganito…”

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.