Tinder. Love. And Dare. (Chapter 26)

HINDI KO NA ALAM GAGAWIN.

Magda-dalawang linggo ko nang napapanood sarili ko sa TV. Mga paulit-ulit na clip mula sa Puerto Gallera at Greenbelt. Iba-iba lang ng version. May amateur video at ‘yung galing sa mga makukulit na reporter (dun ko na-realize na mukha akong tanga sa tv). Kasabay nun yung viral video ni Kaeley. In two days, nakaka-two million views na sa FB yung video niya. Ako, hindi ko na matandaan kung ilang beses kong pinanood. Hindi ko rin kasi alam kung maa-amazed ba ko o maaawa sa kanya. O baka napa-plastikan. Artista nga pala siya, normal lang minsan na mag-drama o umiyak-iyak. Ewan. Bukod dun, ang dami na ring lumabas na meme sa ’ken. Laugh trip na nga lang ako pag nakikita ko sa newsfeed ko.

Ang nakakaawa talaga si Kaeley. Dami kong nabasang negative comments at mga bashers. Mga story teller pa. Gusto ko nga sila patulan sa comment box kaso baka kuyugin naman account ko. Napa-change name na nga ako ng account nang wala sa oras. Dami-dami kasi nag-a-add at nagme-message na hindi ko naman kilala. Kala ko tuloy pinutakte na ng virus account ko.

Speaking of account, yung mga dati kong classmate mula elementary hanggang college mine-message na ko. Yung iba nga halos ngayon-ngayon ko lang nalaman na dati ko pala siyang classmate. Puro tungkol lang naman kay Kaeley tanong nila. I-intro-han ako ng ‘musta’ tapos ending makikitsismis tungkol kay Kaeley. Flooded tuloy notif ko kaya minsan ayoko na rin mag-check ng FB. Puro ganun na kasi. Kaya ang ginawa ko, pinagmu-mute ko sila sa messenger. Sinuper privacy ko na rin account ko. Istorbo.

Ever since nangyari yung habulan sa mall, hindi na muna ako pumapasok sa shop. Nakiusap ako kay Kuya Dino, naintindihan naman niya. Hindi na rin naman ako nanghinayang sa kikitain dahil meron nga pala kaming nakukuhang ‘tulong’ galing sa nanay ni Kaeley. Naalala ko kasi nung isang beses sinamahan ni Ate Yumi si nanay na mag-remit ng padala sa Western Union. Si nanay na mismo nagsabi na galing nga daw yun kila Kaeley. Monthly allowance. O donation. Puwede ring palubag-loob. At dun nga kinukuha ni nanay yung pambayad sa renta at bills. Yung kinikita naman niya sa pagtitinda yung pang-kain namin.

Kung tutuusin wala na din kami ganong problema financially kasi nakakatulong na rin naman si Ate Yumi. Pagkakadinig ko sa kwentuhan nila, halos kalahati ng sahod ni Ate inaabot niya kay nanay. Hindi na rin naman na ko nangingialam sa ganung usapin, lalo pa ngayon na palamunin ako. Bale ang silbi ko na lang dito e tulungan si nanay magtinda sa umaga at gumawa ng mga gawaing bahay. Kahit papano may savings naman ako (hindi alam ni nanay) kaya kung may gusto man akong kainin o bilin e sumisimple na lang ako.

Hindi lahat ng savings ko galing sa ipon. Yung iba galing dun sa paala-allowance ni Kaeley.

Hindi na rin ako gaano naglalalabas. Malas ko, o namin, napapaligiran kami ng mga tsismoso’t tsismosang kapitbahay. Naaawa nga ako kay nanay kasi madalas siya yung makuyog ng mga tanong tungkol sa ’ken. Parang mga tanga nga yung iba, pa-autograph at pa-picture daw. Nag-suggest akong lumipat na ng upahan para makaiwas na rin. Ayaw naman ni nanay at nandito na raw kasi mga suki niya. No comment na. Inisip ko na lang na siguro, sana, lumipas agad ‘yung issue. Ang hirap pala ma-showbiz. Nakakatanga.

Minsan naisip ko, nakakapansisi na rin bakit nagtagpo pa landas namin ni Kaeley. Nag-times-two yung complicated life ko. At out of nowhere, nagamit ko yung salitang ‘tagpo’ at ‘landas’ dahil lang sa kakornihan ko. What the hell, di ba? Required ba talagang maging korni para lang masabing romantic?

Putsa, ngayon naman romantic.

Teka, bakit nasali ang salitang romantic?

*              *              *

Magta-tatlong buwan na ‘kong palamunin. Feeling ko ang taba-taba ko na dahil sa kain-tulog-cellphone-tv routine. Ang pangit pala ng gantong lifestyle, very unproductive. Pakiramdam ko wala akong kakwenta-kwentang tao sa earth. Taga-konsumo lang ng oxygen.

Mantakin mo, kahit yung mga teleserye mula umaga hanggang gabi nasundan ko na lahat ng istorya. At out of nowhere, naging parang interesting at ewan na parang inaantabayanan ko na sila araw-araw kahit alam ko namang ginagago lang ako ng mga writer nun. Bukod sa very predictable na yung mga scene at plot, ang korni-korni ng mga lines na sa totoong buhay e hindi naman talaga ganun mag-usap ang dalawang tangang babae na nagpapaloko sa lalakeng two timer.

Sa gitna ng panunuod ko ng mga ganun, saka ko naisip na sana nagpakabit na rin kami ng cable. Baka sakaling mapasaya ako ng mga cartoons o mga movies, kahit hindi English. Papatusin ko na talaga. Nagpapalabas man ng movie ang mga free channel, tagalize na. Hindi naman ako spokening-dollar, pero parang mas okey na manood ng english movies na english din ang salita. Nakokornihan ako pag nata-translate sa Filipino yung dapat sanang english na script.

Wala e, ginusto ko ‘to.

Nauubos ang pera ko kaka-load. Buti binibigyan ako minsan ni ate ng allowance. Every week nagpapa-load ako para lang mag-register sa Globe. Yung promo na two gig data plus two gig sa mga Youtube, etc. Pang-one week ko na yun. Pag boring at walang magandang palabas sa tv, saka lang ako nagyu-Youtube. Madalas yun bago matulog. Wala, kung ano-ano lang pinapanuod ko. Sa sobrang pagkaburyong ko nga pati yung mga dating teleserye ni Kaeley pinanuod ko na. Pati mga movies. Maganda talaga siya, mapa-personal o sa tv. At infairness naman sa kanya, may acting skill. Compare sa mga celebrity ngayon? Tsss. Iba ang KC Fabella. Dalawang beses nang nanalo, best child star at best supporting actress. Nung child actress pa lang siya cute na siya. Tapos nung tinamaan ng puberty, parang pinagpala ng mga diyosa at diwata ang puta. Siguro, palubag loob ng langit sa kasalanan ng pamilya niya sa ’min.

Nga pala, kahapon nilalagnat na naman ako. Sinabing kong ‘na naman’ kasi nung mga nakaraang linggo pa ko madalas nilalagnat. O pakiramdam ko lang. Ewan. Yung feeling na ang bigat-bigat ng pakiramdam ko, wala akong ganang kumain, bigla na lang magtsi-chill sa madaling-araw. Mga ganung symptoms. Sinabi ko na yun kay nanay, kulang lang daw ako sa gala. Hindi ko alam kung matatawa ako o maiinis.

Pero baka nga may point siya.

Basta ganun. Mga two o three times akong lalagnatin sa isang linggo. Parang ngayon. Mainit singaw ng mata ko at ang pangit ng panlasa ko. Gusto ko nga sana dalawin si dok, sabi niya kasi pag may naramdaman daw akong kakaiba magpa-consult daw ako agad sa kanya. Libre naman daw kaya ‘wag na daw ako mag-hesitate. Okey sana na libre, kaso hindi ko naman magawang lumabas. Nadudumog ako nang wala sa oras e. Kahapon nga lang paglabas ko dinumog na ko ng mga tsismoso’t tsismosa. Feeling close ang mga putsa. Para tuloy akong tangang napapatakbo na lang bigla. May zombie apocalypse.

Dahil din nga sa ganung mga eksena e madalas kong nauutusan si Ate Yumi lalo na kung may ipabibili ako. Okey lang naman daw, naintindihan niya. Kesa naman daw magkagulo lalo. Sa kanya okey. Ako parang nabaon na sa kahihiyan. Wala na ngang silbi, abala pa.

Si Emily. Madalas ko rin siyang hinihingan ng pabor. Madalas din naman kasi siyang magawi dito kaya minsan sinasabay ko na kung may ipapabili man ako (na madalas e pagkain lang naman). Linggo-linggo nandito naman siya, mga twice a week. Tamang dalaw. Tamang kwentuhan. Food trip. Movie trip na sa I-Pad pinapanuod. Binigay niya sa ’kin ‘yung pinaglumaan niyang laptop, gamitin ko raw para mag-freelancer. Hindi ko alam kung maiinis na matatawa ako. Wala naman kaming internet, pano ko kukuha ng client online? Hindi ko naman mabanggit sa kanya ‘yun tungkol dun, baka lalong kumapal ang mukha ko. Kaya dahil dun, naisipan ni ate na bilhan ako ng pocket wifi next week, sa sahod niya. Wala pa daw siyang sobrang pera ngayon kaya next week na lang. Di ko naman siya pinipilit. Kahit nga wala okey lang. Pero siyempre mas okey kung matuloy nga. Para may magawa naman ako dito at magkaron ng silbi. Makatulong naman sa ekonomiya. Tsaka baka kinakalawang na ko sa graphic designing, mahirap na. Kelangan ko mag-practice ulit.

Hala, tatlong buwan na pala akong hindi nagta-trabaho! Kamote na ata ako sa design a?

 

*              *              *

“Baste, gumising ka na diyan at nandito si dok…” sinipa-sipa ni nanay ‘yung paa ko. Mahihina lang naman. Kala ko panaginip. Nananaginip kasi akong naglalaro ng soccer. Saglit akong napatingin kay nanay na kunot ang noo at may ‘naalimpungatan’ effects sa mukha. Pagtingin ko sa orasan maga-alas-nuwebe pa lang.

Si dok? Bakit?

Babangon na sana ako pero bigla akong nakaramdam ng hilo. Ang init at ang bigat ng pakiramdam ko. Lumala yung lagnat ko kagabi. Iba na ‘to, di na siya gaya nung mga nakaraan. Para akong tina-trangkaso na ewan. Wala pa naman akong gamot.

Anong araw ba ngayon? Sabado?

Kinapa ko yung cellphone sa ilalim ng unan. Lowbat, 14%. Ch-i-narge ko muna saglit saka ako pilit bumangon at inayos ang higaan. Nahihirapan akong mag-balance, para akong hinihila ng sahig. Nag-doble ako ng t-shirt para mapawisan. Pagkasilip ko sa kusina, andun si dok. Kausap si ate at nanay. Sabado nga ata, walang pasok si ate e. Sinenyasan ako ni ate na lumapit. Sumenyas naman akong saglit lang at iche-check ko lang mukha ko kung may design ng muta at panis na laway. Wala naman, nag-o-oily lang. Binati ko ng magandang umaga si dok (na alanganin ang tango at ngiti) bago ako dumiretso ng banyo para umihi at maghilamos saglit. Punyemas, ang lamig ng tubig! Nagdalawang-isip pa tuloy ako maghilamos. Nakakahiya naman sa bisita kaya kahit manginig-nginig ako e naghilamos na din. Pagbalik ko saka ko lang napansin na hindi ‘gaanong’ pormal yung porma ni dok. Naka-polo shirt lang siya at shorts, na very unusual pag nagkikita kami. Kahit sa bahay nila naka-pormal siyang pumorma. Ngayon, parang may something. Ni wala ngang wax o gel yung buhok niya. Parang madaliang suklay lang.

“Magkape ka na muna…” sabi ni nanay pagkaupo ko sa mesa. Para akong robot na agad-agad din tumayo saka kumuha ng mug at kutsarita, diretso timpla ng kape, balik sa upuan. Pandesal at scrambled egg lang ang menu. Okey lang, ‘di pa naman gising sikmura ko. Magkatabi kami ni Ate Yumi, nasa kabilang side naman si dok at nanay na parehong seryoso ang itsura.

Hulaan ko, may bad news. Ngayon ko pa lang kasi nakita si dok na parang natalo sa sugal ang facial expression. Si nanay at Ate Yumi, ganun din. Mga nalugi sa negosyo.

“Kumusta ka naman, Baste?” tanong ni dok sa mahina at pilit na masayang boses. Alanganin pa rin yung ngiti niya. Hindi gaya nung mga nakaraan ‘pag dumadalaw siya e laging parang ang cool-cool lang ng buhay.

“Medyo nilalagnat po…” yun lang nasabi ko. Nakatitig ako sa kalahating sunny-side up. Parang tinatawag niya ko, kainin ko daw siya. E kaso wala pa kong gana kumain. Kaya yung kapeng umuusok ko na lang tinitigan ko. Paminsan-minsan napapatingin kay nanay at dok. Mabilisan lang. Maya-maya hinipo ni dok yung noo pati sa leeg. Saka siya may dinukot sa bag. Thermometer pang-kilikili. Hinipo din ni ate yung batok ko.

“Ang init mo…” sabi ni ate. “May gamot ka pa?” umiling lang ako. Nung isang araw pa naubos yung gamot. Malay ko namang magpapabalik-balik ‘to kaya hindi na ko nagpabili ulit. Walang’ya isang banig na ng paracetamol nauubos ko e.

“Hindi ka kumain kagabi no? Naiwan yung tinabi kong ulam e.” si nanay. Hindi naman galit.

“Inantok na ko agad kagabi. Wala din naman gana kaya tinulog ko na lang.” Hindi na umimik si nanay. Expect ko may kasunod yung sermon pero wala. Malungkot talaga siya. At nababahala na ko lalo.

“Ipit mo lang diyan…” sabi ni dok pagkaipit niya ng thermometer sa kilikili ko. “Kelan pa masama pakiramdam mo?”

“Kagabi pa po. Pero actually nitong mga nakaraan parang napapadalas yung lagnat ko. Basta bigla-bigla na lang giginawin. Mabigat yung pakiramdam.”

Napatango siya. Sunod-sunod na tango pero matipid. Tumingin sa relo. May dinukot ulit siya sa bag. Yung pansilip sa tenga na may flashlight. Tapos chineck pati yung mata ko. Maya-maya yung stethoscope naman. Hinga-hingang malalim session, mga tatlong ganun. Nahiya tuloy ako sa hininga ko.

“Nagsusuka ka ba?”

(Click here to continue reading…)

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.