Tinder. Love. And Dare. (Chapter 25)

NAGPAIKOT-IKOT KAMI SA LOOB NG MALL. Hindi ko alam pasikot-sikot dito kaya sumusunod lang ako kay Emily. Para kaming mga tangang takbo ng takbo. Akyat, baba, kanan, kaliwa. Lahat ng puwede naming lusutan na hindi kami mahahabol ginawa namin. Ni hindi ko na nga alam kung saang building kami. Basta nakakailang entrance at exit na kami. Dalawang guard na sumisita sa’min, bawal ‘daw’ tumakbo. Puro sorry lang sinabi namin. Kaya pag nakakakita kami ng guard, walkathon na kami. Nung parang wala ng sumusunod sa’min, saka kami nagpahinga. Dito papasok sa tagong CR kami naghabol ng hininga. Nagkatawanan pa ng magkatinginan kami.

“Hiningal ako, p**a…” sabi ko. Malamig ‘yung likod ko dahil sa pawis.

“Ako din, grabe tinakbo natin.” Kita ko ‘yung mamawis-mawis na noo ni Emily. Gusto ko sanang punasan kaso parang awkward na.

“Ba’t nga pala tayo tumakbo?”

“Eee natakot ako e. Parang susugurin nila tayo. Tsaka ganun nangyari sa ’kin sa school. Hindi nila ako tinigilan hanggat di nila ako na-interview.”

Hindi ako agad nakapag-react. Pambihira, ni minsan hindi sumagi sa utak kong isang araw bigla na lang akong hahabulin ng mga reporter para lang interview-hin! Side effect ‘ata talaga ni Kaeley. At hindi nakakatuwa. Ngayon ako napapaisip kung hanggang kailan may ganitong eksena.

Image via Pixabay

“Parang tanga…” halos pabulong kong sabi.

“Ha?”

“Wala.”

“Ano nga? May sinabi ka e.”

“Wala. Kako parang tanga.”

“Yung alin?”

“Eto. Takbuhan. Habulan.”

Hind na siya nag-react.

Nagpaalam akong magsi-CR para makapaghilamos at makapagpunas-punas ng pawis. Balak ko rin tumambay muna dun ng mga ilang minuto para mailigaw ang mga bwisit na yun. For sure nakaabang yung mga yun sa mga exit. Kaya lalo akong nabuwisit kasi hindi ko alam kung paano ako — o kami makakalabas dito ng hindi nai-interview

Para san? E ‘yung isa nga hindi na nagpaparamdam?

At ang matindi, nabubuwisit ako kahit hindi ko naman alam kung pano mabuwisit. Ang gulo, p**a.

Walang tao sa CR pagkapasok ko. Nag-rolyo muna ako ng tissue, sinuksok sa bulsa saka naghilamos. Inayos ang medyo mamawis-mawis na buhok saka pumasok sa gitnang cubicle. Madalas kasi yung una o dulong cubicle yung nakakatok pag may dye-dyebs. Buti Etong gitna hindi gano. Buti nga may cover seat yung inidoro, hindi masakit umupo.

Kung contact-in ko kaya siya?

Hmm. P’wede. Malay natin.

Dinukot ko ‘yung cellphone sa kanang bulsa. Dinial ang number ni Kaeley. Eeeeenk. Unattended daw sabi ni ateng operator. Wala na kong ibang way para kontakin siya. Hindi na ma-view ‘yung profile niya sa Tinder. Hindi ko siya mahagilap sa FB. Puro mga fan page na gawa-gawa lang, walang personal account. Pinipiga ko ‘yung utak ko, baka sakaling may nakalimutan lang akong ibang contact niya.

Isip. Isip. Isip. Bumukas ‘yung pinto ng CR. Medyo umingay. Boses ng batang natatae at tatay na aligagang inaasikaso ang anak. Parang may kapatid pa ata kasi nag-i-english na niloloko ‘yung kapatid. Maya-maya binuksan ‘yun unang cubicle saka dun pinapuwesto ‘yung bata. Feeling ko hindi ni-lock ‘yung pinto kasi naaaninag kong dalawa ‘yung anino sa loob.

Ba’t ba pati ‘tong mga ‘to pinoproblema ko pa?

Nag-text si Emily. Hinahanap na ko. ‘Di na ko nag-reply, lumabas na rin ako agad.

“Tagal mo naman? Anong nangyari sa ’yo?” bungad niya sa ’kin. Parang kakatapos lang din mag-retouch. Nakatali na ang buhok. Hindi na rin gaanong oily ang mukha.

“Sorry, sakit ng tiyan ko e. Nag-dyebs pa,” palusot ko.

Medyo nangiti siya. “Ninerbyos ba?”

“Di naman…” pasimple akong sumilip-silip sa labas (nasa loob kami ng parang eskinita papuntang CR), chineck kung may mga paparazzi. Big word. Paparazzi. Artistahin.

“Feeling ko hindi tayo agad makakalabas dito,” sabi ko. Patingin-tingin pa rin ako sa mga taong dumadaan. Baka mamaya nagdi-disguise lang sila tapos biglang bubulaga sa ’min. “Feeling ko aabutin tayo ng gabi dito.”

“Hindi naman siguro.”

“Kung ikaw nga kun’di pa na-interview nang sapilitan hindi ka rin makakauwi. Ikaw pa ‘yan, pa’no pa ko na talagang hinahabol nila?”

“Sabagay…” dinukot niya ‘yung cellphone sa bag na binalik din naman agad. “Sorry…”

Saglit akong napatingin sa kanya. Sumandal sa kabilang pader. Magkaharap na kami ngayon. “Saan?”

“Eto. Takbuhan. Dapat tamang usap at kain lang tayo tapos ngayon, may ganito pa.”

Hindi ako agad nakapag-react. May dumaan kasi, pinalagpas ko muna. “Yaan mo na. Di mo rin naman ginusto ‘to.”

“Baka lang kasi magalit ka sa ’kin…”

Nangiti ako. “Seryoso ba yan o joke lang? As if marunong akong magalit.”

“Alam ko. Malay mo bigla ka na lang matutong magalit, ‘di ba?”

“Ay naku, himala na lang ‘yun kung sakali…” Sumilip-silip ulit ako sa labas. Nung parang wala naman nang sumusunod sa ’min at mukhang normal naman na ang paligid e inaya ko na siya maglakad-lakad ulit. Hindi ko nga lang alam kung san na kami papunta.

“Tanong lang…” bumagal saglit ‘yung lakad namin. “What if, marunong ka ng magalit? Ano sa tingin mo ang worth na reason para magalit ka?”

Wow. Medyo out-of-the box yung tanungan portion a? “Hm…sa totoo lang…hindi ko alam. As in wala. Mahirap imagine-in. Normal sa tao ‘yun pero ako ni clue o idea wala.” Sumampa kami ng escalator pataas. Ewan ko, gusto ko lang umakyat. ‘Di naman na nagtanong si Emily.“Ikaw, ano yung reason na nagalit ka sa ’kin nang matindi? ‘Yung as in nagalit ka?”

“Hmm…’di ko sure pero…”

“Teka lang, nagalit ka na ba talaga sa ’kin nang grabe?”

“Um…well…oo.”

“Anong rason?”

“Hmm…nahihiya ako e.”

“Sabihin mo na…”

“Iiii, wag na lang. Mababaw lang naman kasi. Tsaka for me understood na kasi nga, ‘yung condition mo…”

“A ganun? Hulaan ko, may kinalaman yan sa nakalimutan kong celebration o date?”

Nangiti siya. “Medyo…”

“So ano nga?”

“Wala naman. Nakalimutan mo lang yung first anniversary natin…”

Napatigil ako sa paglalakad saka siya hinarap. “Oww, seryoso?” tumango lang siya. Tuloy ang lakad.

“Nainis ako sa’yo nun kasi maghapon tayong magkasama pero wala kang idea na first anniv natin yun. At first siyempre hindi ko naman alam na may something sa ’yo, ‘di ba? Hindi mo naman ako masisisi kung magalit ako. Kahit sino naman atang…”

“Sorry…” putol ko. Hindi ko man alam yung ganung feeling pero tingin ko kelangan ko nga mag-sorry. “Sorry kung hindi ko naalala that time. Sorry kasi, alam mo na, abnormal ako.”

“Yaan na, grabe ka naman. Tapos naman na ‘yun. Ang nakakainis lang kasi kinabukasan mo pa na-realize na anniv natin, kun’di pa tayo inasar ng mga classmate natin.”

Eto na naman dilemma ko. Maghalungkat ng memories sa utak. Buti pa FB may ganung features.

Wala, hindi ko na maalala yung mga ganung eksena, tsk. “Tapos? Anong ginawa mo?”

“E ‘di syempre inintindi ka na lang. Tapos na e. Nakakasama lang ng loob kasi kumain tayo sa labas, nanuod ng movie pero hindi ka man lang na-curious kung anong meron that day, di ba? Parang, hello? Dapat curious ka?”

“E bakit nga ba hindi ako nagtanong?”

“Busy sa pag-aaral. Lapit na kasi midterm nun. Puro tayo review, to the point na pati ako hindi mo na gano nabibigyan ng time.”

“Teka, halos maghapon naman tayo magkasama nun di ba?”

Tumango siya. “E syempre iba pa rin yung first anniv. First yun, hello? Buti sana kung mga five, or six years anniv maiintindihan ko pa.”

“Nag-sorry ba ko nun?”

“Oo. Tapos binilan mo ko ng white Toblerone, peace offering mo kamo.”

“Yun naman pala e. End of the story…”

Hindi na siya nag-react.

Lakad, lakad at walang kamatayang lakad. Kunwari window shopping pero ang totoo nagmamasid pa rin ako sa mga nakakasalubong namin. Tamang hinala maglakad. Panay-panay din ang lingon ko sa likod, baka mamaya nasa likod na pala hindi pa namin alam.

Image by MabelAmber via Pixabay

“Balik tayo sa galit. Ano-ano pa mga reason na nagalit ka sa’ken?” tanong ko. Isa pang escalator.

“Hm, yung iba kasi minor lang naman na issue e.”

“Define minor.”

“Ano, tulad ng pag late ka dumadating sa usapan natin, which is eventually nasanay na ko. Pag gusto kita i-treat pero ayaw mo, kesyo nahihiya ka. Pag ano, pag nakakalimutan mo yung tawagan natin…”

“Tawagan? Tinatawagan ba kita?”

“Haha, hindi yun. I mean, endearment.”

“Ahhh…okey. Sorry naman.”

“Mas madalas mo kasi ako tawagin sa pangalan kesa sa endearment natin.”

“Ano ba tawagan natin?”

“Hindi mo maalala?”

Umiling ako. “Hindi na e, sorry talaga.”

“Almost three years tayo hindi mo talaga maalala?”

“Di ka pa ba sanay? Maraming bagay ang hindi ko na maalala.”

Natahimik siya. Natahimik din ako. Dinaan na lang namin sa window shopping ang awkwardness. Hindi ko nga alam kung may nasabi akong mali o ewan.

Pumasok kami sa book store. Hindi ko alam kung bakit, basta sumunod lang ako. Lakad, hinto, basa ng title ng libro, lakad. Medyo maraming tao sa loob kaya hindi rin gaanong makakilos ng maayos.

Alam ko, nawala sa mood ‘tong kasama ko. Biglang tahimik e. Biglang iba rin ng mood. Hindi ko na lang gano pinatulan at baka kung saan pa mapunta usapan.

“Babes…babes ang tawagan natin…” sabi ng kasama ko nang pareho kaming nagtitingin ng libro sa art section. “At ikaw rin ang nag-suggest nun nung time na tinanong kita about nga sa endearment. Kasi gusto mo madaling sabihin. One syllable. At ayaw mo ng masyadong sweet na endearment dahil hindi pa naman tayo mag-asawa…”

Babes. Alaala ng babes, tsk.

Siya naalala niya yung araw na yun. Ako ibang tao ko naalala kung kanino ko ginamit ang ‘babes’. Hinahanap ko nga siya. “Hindi ka man lang ba nag-suggest ng iba nun? Basta pumayag ka na lang na babes?”

“Actually ang gusto ko nga nun mahal kaso sabi mo nga mas gusto mo yung one syllable lang…”

“Mahal? Bakit mahal? Parang ang baduy naman…”

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.