Tinder. Love. And Dare. (Chapter 24)

NAGISING AKO SA MALAKAS NA RINGTONE. Akala ko panaginip. Si Emily, tumatawag.

“Hello…?”

“Hello, Baste?”

“O?”

“San ka?”

“Dito lang bahay. Natutulog. Bakit?”

“Ay, sorry. Nagising pala kita.” May magagawa pa ba ko?

“So bakit nga?”

“Ano…kung…ano…kung puwede sanang ano…yayain ka lumabas.”

Wow. Lumabas. Anong ganap?

Ano na naman kaya trip nito at bigla-bigla na lang nagpaparamdam? Matagal-tagal na rin yung huling kita at usap namin. Nung mga time na gusto ko siya makausap para mag-explain, missing in action naman siya. Tapos ngayon, out of nowhere, biglang ganto. Kung mag-aya akala mo okey-okey lang lahat. Ni hindi pa nga ako nakakapag-toothbrush, tss.

Ano ba ‘tong mga babaeng ‘to? Pati ba araw at oras ng pakikipagusap binabase na rin sa horoscope? My lucky number at lucky day ba ang araw ng pakikipag-usap?

”Tapos? Anong gagawin?”

“Kain tayo. Tapos usap. Kwentuhan. Kamustahan. Kung okey lang sa’yo.”

Yun ang mabigat dun. Kung okey lang sa’ken. Pano kung hindi okey sa’ken? Nganga?

Wala nga siguro magawa ‘to. O baka walang maayang iba kaya last option na ko. “San kakain? San pupunta?”

“Ikaw. Kung sa’n mo gusto.”

Fuck the what? At ako pa dapat mamili ng gusto ko? What is this? Revelation day ulit?

O baka naman may pagka-throwback ‘tong araw na ‘to na dapat i-celebrate kaya bigla-bigla nag-aaya? “Teka, wala bang okasyon ngayon? Wala bang dapat i-celebrate ngayon kaya nag-aaya ka?”

“Hindi. Wala naman. Gusto lang talaga kita makausap. Mag-sorry. Mag-explain.”

Ow, okey. Deep.

“Gusto mo ko makausap? Kasi? Miss mo ko, ganun?” ewan. Hindi ko rin alam ba’t ko natanong ‘yun.

“Haha, sira ka talaga. Siyempre kasama na rin ‘yun.”

See what I mean? “Libre mo ba?” Wala lang, para lang sure. Mahirap na baka mamaya kanya-kanya pala. Wala naman akong budget para dun.

“Siyempre. Ako na nga mang-i-istorbo e.”

Good. Para lang malinaw. “Okey. Sige. Anong oras?”

“Ngayon na sana, kung okey lang…”

Ngayon na. Kung okey lang. Pano pala kung hindi okey? Iyak?

E letse, arte-arte. Choosy, di naman yummy.

Napatingin ako sa oras: mag-a-alas diyes palang pero medyo madilim sa labas pagtingin ko sa bintana. Mukhang uulan pa ata. Pero pwede na. Lunch na rin. “Maliligo pa ko. Mga thirty minutes bago ako makaalis.”

“Okey lang, papunta naman na ko diyan.”

Wow. Bilis a. Pano pala kung hindi ako pumayag? “Sige lang. Papunta ka na pala e. Ligo na ko.”

“Sige. Maya na lang. Bye…”

Linggo nga pala ngayon kaya wala na naman magawa ‘tong isa. Laundry day ko ngayon pero since may gala e mamaya pag-uwi na lang ako maglalaba. For sure ‘di naman kami gagabihin.

Teka, Linggo nga ba?

Ever since nalaman ko nang may sakit ako, naging doubtful at tamang hinala na ko sa petsa. Buti na lang at etong cellphone ko (courtesy of my babes) lagi akong inaalalayan. Pag nalilito ako kung anong araw ngayon, titingin lang ako sa calendar. Kaso nagiging habit ko na to the point na para na kong nasisiraan ng ulo.

Lahat ng mga mahahalagang araw o okasyon naka-save na rin sa calendar. Baka makatulong sa memory. Lahat ng plano, balak gawin at planong hindi sure kung gagawin o matutuloy s-in-ave ko na rin. Nag-download na rin ako ng apps na Daybook (diary). Lahat ng mga magaganda, panget at unusual na nangyari sa’ken sinusulat ko (tina-type pala). Nakakatulong na rin sa’ken tsaka minsan laughtrip pag binabasa ko. Mapapa “puta ginawa ko ‘yun?” na lang ako. E wala, mababa na internal memory ng utak ko.

Nakatulong ‘yung ninety-nine days na contract namin ni Kaeley para maisulat ko yung mga araw na nagkita kami (naalala ko nasa Sagada kami nung birthday ko!). Connect the dots nga lang ako. Tinahi-tahi ko ‘yung mga pagkakasunod-sunod ng mga araw na unang nagkita kami, kung san nagpunta at kung ano-ano ang mga pinaggagawa namin. Buti nga ‘yung mga picture namin ni Kaeley hindi ko pa binubura (wala naman talaga akong balak burahin). Nasa details yung date kung kelan kami nag-picture. Kaso ang problema, hindi ko na maalala ‘yung ibang gala (kung meron pang iba). Gusto ko sana magtanong kay nanay at Kuya Doms kaso awkward na. Baka magkaron lang ulit ng discussion.

Tapos na rin pala ‘yung contract. Kaya nga siguro wala ng chance magkita kami ulit ni Kaeley. Sad naman. Kahit parang hindi ko ma-feel na nasa-sad ako. Kainis. Hindi rin pala maganda maging neutral lang ang feelings. Gusto ko makaramdam ng lungkot, kaso wala e. Hindi daw available sabi ni utak at puso.

Buti na lang, kaya ko tumawa at maging masaya. Yun lang. Pero yung magalit, malungkot o ma-bad trip, negative.

Abnormalization to the highest level.

Bumangon na rin ako matapos ang halos two minutes na muni-muni. Ligpit ang higaan. Lumabas ng kuwarto, nagtimpla ng kape. As usual nasa tapat na naman ng tv si ate at nanay. Sinabihan akong kumain na, ‘di ako kumibo. Sinilip ko yung laman ng mesa: pandesal at malamig na pancit canton. Naguluhan tuloy ako. Parang ang sarap kumain. Paborito ko pa man din ‘tong canton. Ang kaso kakain na kami sa labas, baka masira appetite.

Huwag na nga. Di pa naman gising sikmura ko. Bahala na si kape.

Bitbit ko ang medyo mainit na kape, tuwalya at brief pagpasok ng banyo. Gawain ko nang sa banyo nagkakape para mas mabilis ma-tae. Kaya minsan napapagalitan ako ni nanay kasi umaabot ng halos kalahating oras ang ligo ko. Twenty minutes sa tae at kape, ten minutes sa ligo. May kasama ng toothbrush yun. Kung walang toothbrush-toothbrush mga five minutes lang ligo ko.

Ano naman kaya pag-uusapan namin?

Magso-sorry. Mage-explain. Ending bagsak namin tungkol kay Kaeley.

Halos magda-dalawang buwan na rin yung huling kita namin ni Kaeley. Hindi na talaga siya nagparamdam. Sinilip ko yung Tinder profile niya, deactivated na ata. Di na mahagilap. Sinubukan ko rin i-miss call, unattended na ‘yung number. Mga last-last week ko pa ata tinawagan. Tapos nun, tinanggap ko na sa sarili kong wala na talagang Kaeley.

E wala e, anong gagawin ko?

Nag-text si Emily na sa kanto na mismo kami magkita. Saktong kakatapos ko lang maligo nung mag-text siya. Sige lang reply ko. Okey na rin ‘yun at baka magkaron pa ng discussion dito. Nagpaalam naman akong gagala lang at may bibilin. Huwag na ko tiran ng pagkain at for sure gagabihin na ko (kahit hindi ko sure kung ano talaga ang plano). Wala namang tanong si nanay.

Nag-short at t-shirt lang ako. For sure sa mall lang naman kami pupunta kaya ‘di na kelangang pang-malakasan ang porma. Tsaka tingin ko naman presentable na itsura ko.

“Kanina ka pa?” bungad ko kay Emily pagdating ko sa kanto. Parang isang taon na kaming hindi nagkita sa gulat ko sa kanya. Nakakapanibago. Iba porma niya ngayon. Nag-matured. Umigsi ang buhok (dati hanggang bra-line ‘yung buhok, ngayon hanggang balikat na lang). Hindi na gaya ng dati na parang nasa high school kung pumorma. Basta iba. Nakakapanibago talaga. Dilaw na blouse, skinny jeans at sandals. At infairness ang ganda niya a?

“Di naman, okey lang. Sa’n na tayo?” inilipat niya sa kanang balikat ang shoulder bag, niyakap ako ng isang kamay saka k-um-iss sa kanang pisngi. Casual kiss. Walang-malisya-kiss.

“Ikaw na bahala ikaw naman manlilibre e…”

“Um…wala ka bang gusto kong kainin?”

“Meron. Pero hindi ko alam kung ano.”

“S-Mak tayo?” SM Makati tinutukoy niya. S-Mak na tawag namin dun nung nag-aaral pa ko. Dun kasi kami tumatambay dati pag wala ng klase or class suspended.

“Sige lang.”

Pinara ko na ‘yung parating na jeep. Buti maluwag. Sa likod ng driver kami pumwesto. Nakaka-limang minuto na kaming bumabiyahe ng magsimula ng umulan. Kumulog, malakas. Mahinang ulan tapos maya-maya biglang lakas. Power tripping na naman si Zeus, putsa. Galit na galit yung kulog e.

“Wala kang payong…” sabi ni Emily na amoy kendi sa tamis ng pabango. Walang pagbabago, yun pa rin amoy niya. At ang galing ko, naalala ko pa ‘yun.

“Di naman siguro uulan maghapon. Anong oras ba tayo uuwi?”

“Di pa nga tayo nakakarating dun uwi agad?”

“Tinatanong ko lang.”

“Bahala na.” hindi na ko nag-react. Nakakaramdam na rin ako ng gutom. Sakto may gana na kumain.

Automatic talaga na pag umulan (lalo na kung malakas), may traffic. Kaya eto, usad pagong kami. Maingay na yung buhos ng ulan, maingay pa yung mga busina. Biglang puno nga nitong jeep namin. Sumiksik ako lalo kay Emily pero medyo nakaabante naman ako. Mukhang masusubok ata ang tibay ng sikmura ko hanggang anong oras ko kakayanin ang tom-guts.

“Kung sa Greenbelt na lang kaya tayo?” biglang sabi ng katabi ko.

“So san talaga tayo?”

“Tinatanong ko nga. Baka lang gusto mo dun.”

“Ikaw nga bahala, ikaw naman manlilibre.”

“E baka kasi hindi mo trip.”

“Kahit saan, okey lang ako.” Kahit nag-alangan na ko sa porma ko. Hindi naman sa minamaliit ko itsura ko ngayon kaso, medyo slap-soil datingan ko e!

“Sige dun na lang…”

Nang makalagpas kami ng stop light, pumara si Emily. Hindi na ko nagtanong. Patakbo kaming tumawid sa kabilang kalsada. Hindi kami kasya sa dala niyang payong kaya medyo nabasa yung manggas ng t-shirt ko pati yung short ko. Maya-maya nakasakay na kami ng taxi. Hingal sabay punas sa basang braso. Lang’ya di naman ganun kalayo tinakbo hiningal pa din.

“Baho…” bulong ni Emily. Alam ko na meaning nun, ‘yung air freshener. Nahihilo siya sa ganung amoy.

“Yaan na…” yun na lang nasabi ko.

Inabot ng kalahating oras bago kami nakababa ng taxi. Sa taxi na rin kami nakabuo ng decision na sa Max’s kakain. Nasabi ko kasing parang gusto ko ng kare-kare kaya dun niya ko inaya. Pumayag naman na ko. Ako pa ba aangal?

Daming tao. Parang lahat ng tao sumilong sa mall. At ang lamig! Ramdam ko yung dampi ng aircon sa basang t-shirt. Nagmukha akong slap-soil times two.

“Okey ka lang?” tanong ng kasama ko. Inaayos niya ‘yung payong.

“Ang lamig…”

“Oo nga e. Naiihi ako. CR muna tayo”

“Sige lang. Hindi naman ako naiihi.”

Sa tabi ng National Bookstore may malapit na CR kami pumasok (si Emily lang ang pumasok, nag-antay lang ako sa labas). Patingin-tingin sa paligid, palingon-lingon sa mga dumadaan. Ngayon ko na nararamdaman ang hindi pagka-komportable. Ewan ko bakit pumayag pa kong dito pumunta. Wala naman akong alam dito. At isa pa, hindi nga bagay ‘tong costume ko. Yung ibang nakikita kong naka-short dito naka-alahas at yayamaning I-Phone. Tsaka maputi. Kutis mayaman. Oo, nakapunta na ko dito pero hindi ko pa napasok. Nadaanan lang.

“Tara…” pagkalabas ni Emily sa CR. Nilalamig pa rin ako, parang gusto ko ng mainit na sabaw. Yung tipong mainit na sabaw ng sinigang. Kaso nahihiya naman ako sa kasama ko. Sabi ko kare-kare e, tapos ngayon sinigang naman.

Lakad-lakad, kaliwa’t kanan. Kapag iniwan ako ni Emily dito, for sure maliligaw na ko. Hindi ko na alam kung san-san na kami lumusot. Ang alam ko lang, nilalamig at nagugutom na ko.

Natunton din namin ang Max’s. Daming tao, Linggo nga pala. At mukhang waiting pa kami.

Lumapit si Emily dun sa…errr….service crew na nakatayo sa pinaka-entrance (di ko sure a?). Parang nasa kanya ‘yung password bago ka makapasok sa loob. Siya kasi yung kumakausap at nagga-guide dun sa mga customer ‘pag papasok na. Ewan ko, receptionist ata tawag dun.

“Waiting pa. Pang-apat tayo. Okey lang? Kaya pa ba?”

Yun lang. Kaso andito na rin e. tiis-tiis na lang muna siguro. May matatapos naman na ata diyan maya-maya. “Kaya pa. Nandito na e. Tinatamad na rin ako maglakad-lakad.” Taena napagod ako e.

“Sure ka a? Baka di mo na kaya?”

“Kaya pa.”

Ngumiti na lang siya saka niya inayos yung hawi ng buhok kong Jose-Rizal-look.

May halos kalahating oras muna ata bago kami nakapasok. Ang laki na ng gutom ko. At panigurado, makaka-tatlong rice ako sa gutom. At dahil libre naman ng kasama ko (at hindi na siya ibang tao sa’ken), kakapalan ko na mukha ko. Aba, siya nang-abala, kaya dapat masulit ang pang-aabala.

Alam ko. Matigas mukha ko.

“Ano, kare-kare?” tanong ni Emily pagbigay sa’min ng menu. Si ateng waitress naman, nakangiti lang sa ’min. Waiting si waitress sa order.

“Puwede bang sinigang na lang?”

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.