Tinder. Love. And Dare. (Chapter 21)

“HINDI SASAMA SI KUYA?”

“Sasama. Medyo may distance lang siya sa ’tin. Utos ko ‘yun. Wag masyado malapit sa ’kin ‘pag nasa galaan ako. Hindi kasi ako sanay ng may bumubuntot-buntot. Naiilang ako. Hindi ko ma-enjoy ‘yung lakad.”

“A okey. Kala ko dahil gusto mo kong masolo, nakanaman…” sabay mahinang bangga sa kanya. Wala siyang reaction. Inulit ko. Huminto siya sa paglalakad saka umambang susuntukin ako. Bumelat ako sabay pa-cute na ngiti. Umirap lang siya. Nagpatuloy ang walkathon.

“Dapat nga di ka na naiilang na may bantay ka. Para sa’yo din naman ‘yun. Ayaw mo ba nun, may bodyguard ka? May re-rescue agad sa’yo ‘pag may nang-harass?”

Sinenyasan niya kong hinaan ang boses saka tumingin-tingin sa paligid. “Edi obvious naman ako? Nagtatago nga ‘di ba? Timang ka pala e.”

Well, sabagay. “Timang nga ako e, sabi ko nga e…”

Papunta na kami ng Echo Valley. Ang akala ko nga hindi na sasama si Kuya Dino, hindi kasi siya bumaba sa kotse kanina pagka-park. Ayun, didistansiya lang pala. Maaga kami lumarga kanina mula sa usapang eleven. Wala pang ten-thirty nakagayak na kami. Nagtanggal antok lang naman ako kanina. Quarter to ten gising na ko, hindi lang bumangon agad. Nakapikit lang ako. Nung nag-CR ako nagising na din si Kaeley. Tapos, yun na. Konting hilamos at retouch lumarga na kami.

Magulo talaga weather dito. Kanina pagkagising namin umaambon-ambon. Panay na nga ‘tsk’ nung kasama ko kanina. Tapos pagkababa ng kotse umaraw. Ngayon naman, maulap. Parang every other hour uulan. Pero astig. Tatamarin lumabas pawis mo dito sa gulo ng weather.

Saglit lang din kami bumiyahe, wala pa atang ten minutes. Akala ko malayo-layo ‘yung babyahiin, medyo malapit lang pala. Matao ‘yung lugar pagpasok namin sa simbahan (Church of St. Mary the Virgin). Dun kasi ‘yung daan papuntang Echo Valley. Ganun din ang eksena pagkapasok, ang daming tao. Halo-halo na ‘yung mga kakasimba lang sa nagbabakasyon dito. Parang tulirong-ewan na naman nga etong kasama ko. Binulungan kong kung hindi siya magre-relax e lalo siyang paghihinalaan. Ayun, feeling taga-Sagada na kung umasta. Saka ko lang din naalala na Linggo nga pala ngayon. Sana lang walang makakilala kay Kaeley dito. Pag nagkataon para kaming Resident Evil dito kakatakbo. Daming iiwasan.

“Matanong ko lang. Kahit ba dito sa kabundukan e marami ka pa ring fans?” bulong ko sa kanya.

“Siguro. Hindi sa pagyayabang or what, pero kahit sa’n province ata ako magpunta may nakakakilala sa’ken. Minsan nagugulat na lang ako may biglang hahablot sa’ken para magpa-picture. Sunod-sunod. You know, kahit ayaw mo kasi gusto mo lang naman maggala-gala e hindi ka pwede huminde kasi baka MAY MASABI sa’yo. Smile lang kahit naiirita ka na. Smile pa rin kahit gutom ka na pero hindi mo magawang kumain kasi ang daming phone na nakatutok sa’yo. Smile lang ng smile. Kaya natuto na ko mag-disguise. So far, effective naman,”

“Price of fame,”

“I know right…”

Sementeryo na pala ‘yung nilalakaran namin. Hindi ko pansin na mga puntod na pala ‘yung mga nadadaanan namin, nalibang kasi sa pa-sight-sight-seeing sa view at sa mga nagkalat na sunflowers. Tama nga si Kaeley, natural therapy ang lugar na ‘to. Kaya siguro dito naisipan pumunta ni Angelica Panganiban para mag-move on. Na ending hindi rin naman talaga siya naka-move on. Saklap.

“Naisip ko lang, sabi mo pangatlong beses mo na dito. So meaning, pangatlong beses mo na din pupuntahan ‘to, pero this time hindi ka na solo, right?” hindi siya nag-react. “Anong feeling na mag-isa lang dito? Nae-enjoy mo ba? Hindi ba weird?”

“Weird? Why? Is it illegal to travel alone? Is it against the law to walk here all alone?”

“No, not like that. I mean, don’t english-english me ‘cause I don’t have tissue to punas my dugo in my not so tangos na ilong,”

Nangiti siya. “What I’m saying is that pwede ko naman i-enjoy ang pagpunta dito nang walang kasama, ‘di ba? Its not a big deal. And besides, hindi lang naman ako ang solo dito no?”

Lumingon-lingon ako sa paligid. Tiningnan-tingnan kung may naglalakad na solo.

“Well, as of now wala akong makitang naglalakad ng solo,”

“Does it matter to you? O gusto mo lang talaga i-proved na mali ako kaya naghahanap ka ng nagsosolo?”

“Ganun ba ‘yun?”

“Well that’s what you’re implying…”

“Ha?”

“Geez, nevermind,”

Gulo. Imply-implying pa kasing nalalaman. Dapat talaga nag-download na ko ng dictionary e. Baka minumura o sinusumpa na ko neto hindi ko pa alam.

Medyo makitid ‘yung daan pababa ng bundok. Two lanes. Hindi puwede um-overtake at panigurado mababangga ka ng mga balikat na pagod. Hindi rin puwede maglakad ng mabilis at mauubos agad ang energy. Nakita ko nga ‘yung lalakarin naman, ang lalim. Tapos mamaya paakyat naman, putsa. Buti may railing at patag ‘yung daan. May hahawakan ‘pag napagod at bumigay ang tuhod.

“Layo pala. Kala ko malapit lang,” sabi ko. Dito okey lang mapagod, makaka-recover agad sa lamig.

“As I said, puro lakad ang gagawin natin ngayon. Warm up pa lang ‘yan. Pagpunta natin ng falls dun mas nakakapagod,”

“Warm up pa lang ‘to? Grabe a,”

“Seryoso nga. Mukha ba kong nagdyo-joke?”

“Ang tanong, marunong ka ba mag-joke?”

“Tanong ba ‘yan o dare?”

“Either way. Or should I say, it’s a celebrity challenge,” ngiting aso.

Napahinto siya sa paglalakad. Huminto din ako. Tiningnan niya ko saglit, ngumiti. Nginitan ko din siya.

“Abangan mo mamaya, magi-isip ako ng joke,” saka siya lumakad ulit. Hanep, may preparation pa talaga. Pwede namang lumang joke na lang ‘di ba?

“Bakit mamaya pa? Ba’t ‘di pa ngayon? Di mo kaya?”

“E gusto ko mamaya e?”

“Hindi na nakakatawa ‘yan mamaya kasi masyadong prepared,”

“Kelangan ba agad-agad? Hindi puwedeng mag-isip muna?”

“Hindi na nga witty kung mamaya pa. Mamaya pagod na ko, baka pagtawa hindi ko na magawa, sige ka.”

“Wheew, fine,” binagalan niya onti ‘yung lakad niya. Ewan ko, pero hindi pa man siya nagbibitaw ng joke natatawa na ko, pinipigilan ko lang. If I know lumang joke o pang-Going Bulilit lang naman banat neto.

“Ba’t natatawa ka?”

“Ako? Hindi a?”

“Ba’t mo ko tinatawanan, ha?”

“Hindi kita tinatawanan baliw,” hindi ko na ata kaya magpigil. Sasabog na ang tawa ko.

“Ayan, ayan, natatawa ka!”

At sumabog na nga tawa ko. “Nyahahaha. Ang cute mo kasi, nyahahaha!”

Sinuntok-suntok niya ‘yung balikat ko. “Nakakatawa ba maging cute, ha? Ano? Ano nakakatawa dun?”

Lalo akong natatawa sa itsura niya. Hindi ko alam kung galit ‘to o nagpapanggap na galit. “E sa natatawa ako sa’yo e anong magagawa ko?”

“Ano nga nakakatawa?”

“Wala nga! Natatawa lang,” pinapahupa ko na tawa ko. Mahirap na at baka may mag-walkout.

“Ano nga? Ba’t ka nga natatawa?”

Huminga muna ko ng malalim. Hindi na ko gano natatawa pero stuck pa rin ‘yung labi kong nakangiti. “Natatawa ako sa’yo kasi seryosong-seryoso ka mag-isip ng joke. Pwede namang kahit korning joke lang. Hindi ko naman sinabing marunong ka bang mag-joke ng bago at sobrang nakakatawa talaga. Ang sabi ko lang e marunong ka bang mag-joke. Simpleng-simple e,”

“What? That’s it? Natatawa ka na dun?”

“E ano naman?”

“You’re so timang,”

“You too,”

“No I’m not. You’re so crazy, weird and timang,”

“And you’re so…”

“WHAT?” hinawakan niya ‘yung hood ng jacket ko sabay pinandilatan ako ng mata.

“You’re so maganda and pretty like the heaven gave me a perfect guardian angel…”

Pinitik niya ko sa ilong. Putsa medyo masakit. “Bolero!” sabay lakad ng mabilis. Sira-ulo talaga.

“Ano na? Haba ng intro wala pa din ‘yung joke, sus.” Sasabihin ko sanang masakit ‘yung pitik niya kaso baka ulitin pa. Hinimas-himas ko ‘yung ilong ko. Medyo naluha nga ako kanina. Pasimple na rin akong nangulangot, baka nabulabog ‘yung mga kulangot ko nung pinitik niya. Wala naman. Negative.

“Bakit ginawa ang airplane?”

“Ha?” nagbingi-bingihan. Gusto ko kasing bawiin niya ‘yung baon niyang joke. Baka kasi mas may ‘luma’ pa.

“BAKIT GINAWA ANG AIRPLANE?”

Tsk, sabi na e. Pero for the sake of not being a KJ-gentleman-in-shining-armor e papatulan ko ‘to. Hindi naman ako ganun ka-harsh. “O bakit?”

“Kasi sira!” sabay tawa. ‘Yung tawa na naipon ng isang linggo. Tuwang-tuwa ang loka! Napahawak pa siya sa railing habang nakatingala. Napapatingin na lang ‘yung mga nakakakita sa kanya. Humarang din naman ako agad at baka mamukhaan ‘yung kasama ko. Tawang-plastic naman ang ginawa ko pagtapos, sinabayan siya. Kunwari natawa din sa uboood ng fresh na joke. Tsaka nag-joke e, so obligado akong tumawa. Baka kasi ‘pag hindi ako tumawa maiwan ako mag-isa dito sa bundok.

“Grabe naman, sobrang nakakatawa ‘yung joke mo!” tinatakpan ko pa ‘yung bibig ko na kunwari tumatawa. Napapahampas din sa railing. “Isa pa, joker ka pala e…”

“No no no. Ikaw muna. If matawa ako, then magdyo-joke ako ulit,” natatawa pa din siya. Lumakad na ulit.

“E pano kung hindi ka matawa?”

“That’s it. No more jokes from me,”

“A ganun? Sige,” nagpalakad-lakad muna kami. Nag-isip ako ng malupit na joke. ‘Yung tipong sa sobrang witty e uutot siya kakatawa. Pag nagkataon laughtrip ‘to kahit hindi pa siya nagdyo-joke, haha!

“Ang tagal. Ano? Panis ka pala e,”

“Nagmamadali? Nagmamadali? May lakad? May lakad?”

“You’re weak. Ako nga nakaisip agad e,”

Yabang a? O sige, ano mas matalim? Puwet o ngipin?”

“That’s easy. Ngipin for sure,”

“Nope, mali ka,”

“At bakit?”

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.