Tinder. Love. And Dare. (Chapter 20)

“ANG BAGAL MO NAMAN.” 

“Sakit ng tiyan ko e, anong magagawa ko?”

“Bilisan mo na lang…” 

Ang agang mood swing, pambihira.

Magtu-toothbrush at hilamos lang ako dapat kanina pagkagising kaso naramdaman kong humilab ang tiyan ko kaya dyumerbaks muna ko saglit (na mukang tumagal din). Hindi na kelangan mag-shower, ‘di naman amoy pawis at mukhang hindi naman ako na-alikabukan. Mukhang malinis pa din pagkagising. Nagpalit lang ako ng damit. Mag-a-alas-kuwatro na din kami bumangon. Hindi ko alam kung pareho kaming bingi kaya hindi namin agad narinig ‘yung alarm o napasarap lang talaga ‘yung tulog. Biglang bangon ako nung ginising ako ni Kaeley. Bilisan ko daw kumilos, pero siya rin naman naunang pumasok sa banyo, sumimple tuloy ako ng idlip. Napasarap nga tulog ko sa sobrang lamig paksyet na ‘yan. Bumangon pa nga ako kanina para magdoble ng t-shirt. Hindi umubra ‘yung dalawang kumot e. Bukod sa masakit sa tuhod e para akong fetus na nilalagnat kakabaluktot sa lamig. Parusa talaga.

 

Quarter to five na kami bumiyahe papuntang Kiltepan Peak (natagalan dahil sa pagme-make-up naming dalawa). Kelangan daw maabutan namin ‘yung sunrise para makita ang sea of clouds, na hindi ako sure kung makikita nga namin dahil umaambon. Lalo tuloy maginaw maglakwatsa. Pagsilip ko nga dun sa balcony parang galing sa ref ‘yung hangin sa lamig, dun ko na rin nasilip na nasa kotse na si Kuya Dino. Same seating arrangement pa rin kami sa kotse, nag-iba lang kami ng costume. Naka-full battle gear kami pareho ni Kaeley: bonet, jacket at special effects sa mukha pampaiwas sa mga paparazzi. Parehong naka-tsinelas. Nag-jacket lang si Kuya Dino. Hindi na pinabuksan ‘yung aircon ng kotse, malamig na din naman. Akala ko nga nakabukas ‘yung aircon pagkasakay namin. Nakulob na hamog lang ata ‘yun. Nagmo-moist nga ‘yung mga bintana.

“Tara na kuya,” sabi ni Kaeley kay Kuya Dino. Kanina pa ata naka-start ‘yung makina, pinaandar din kasi agad.

Madami-dami na ring gising ng mga oras na ‘yun, pare-pareho ata ng destinasyon. Daming naka-park na kotse sa kalsada. Ngayon ko na naintindihan kung bakit minamadali ako ni Kaeley. Habang nag-aayos kami sabi niya mahirap daw makahanap ng pagpa-parking-an. Mahirap makahanap ng puwesto. Mahihirapan makipagsiksikan sa tao. Mga ganung reklamo sa madaling-araw. E malay ko ba naman, dayo lang ako dito.

“Gutom ka ba?” tanong ni Kaeley sa’ken.  Binuksan nito bahagya ‘yung bintana, ginaya ko din siya. Nasa biyahe na din kami, wala lang akong clue kung nasa’ng part kami ng Sagada.

“Di pa naman gano. Kaya pa.”

“Sigurado ka?”

“Oo,”

“Tuloy ba ‘yung deal natin? No rice?”

“Oo naman. Bakit? Di mo na trip?”

“Sealed na ‘yung deal e. Nag-shake hands na. Wala ng atrasan.”

“Oo nga…”

Hindi nagbabago ‘yung ambon. Hanggang mamaya ata ‘to. Sana lang hanggang ganyan na lang, ‘wag na lumakas pa. Sayang effort gumising ng maaga.

“Gusto ko sana mag-breakfast dun mismo sa Kiltepan kaso maraming tao,” sabi ni Kaeley habang bumabagal ‘yung takbo namin. Pagtingin ko sa harap, nagta-traffic na. Kaya pala. Uso din pala dito ‘yun. “Kaso ‘wag na lang. Hanap na lang tayo ng kakainan on the road. Gusto ko sana ng ano…ramen or noodles. Basta may sabaw.”

Maginaw is equals to sabaw. “Ako din. Parang ang sarap humigop ng mainit na sabaw’ ‘yung umuusok-usok pa. Sinigang…papaitan…tinola…”

“Gaya-gaya.”

“O? Bawal na naman? Wala namang ganung deal a?”

“Sabaw puwede. Ako lang sa noodles,”

“Nyay, ano ‘yun? Bawal ako mag-noodles?”

“Bawal.”

“Bakit?”

“Gusto ko lang…”

“Luh? Adik lang?”

“Mukha mo adik.”

“Bahala ka,”

Nanahimik na ‘yung bata. Panget nga ata ng gising. Kung ano-ano trip sa madaling-araw.

Feeling ko hindi sulit tulog ko, though nakatulog din naman ako agad kagabi. Nakaka-tatlong hikab na kasi ako mula pa kanina pagkasakay ng kotse. Umabot pa nga hanggang sa panaginip ‘yung ‘babes’. Naglalakad daw kami sa Baguio magka-holding hands. Tapos naglalambingan daw kami, bukambibig na namin ‘yung babes. Paksyet nga parang totoo ‘yung panaginip. Saktong naglalambingan kami nung ginising na ko ni Kaeley.

Medyo lumalakas ‘yung ambon. Kita ko sa bintana ‘yung patak ng ulan sa mga poste pati sa ilaw ng mga nakakasalubong naming kotse. Sinara tuloy ulit naman ‘yung bintana. Napapailing na nga si Kaeley. Nakakatatlong ‘my God’ na siya, sunod-sunod. Napu-frustrate na lalo. Nakakatakot at baka lumala lalo ‘yung mood swing. Ni hindi ko pa nga nakikitang umayos facial expression niya mula pagkagising. Gumatong pa ‘yung panahon.

Baka panget panaginip?

Baka nga.

“Wala nang sea of clouds. What a day…” mahabang buntong-hininga. Kita sa reaction ng katabi ko ang pagka-disappoint. ‘Yung pagkakasandal niya sa upuan parang tamad na tamad na hinaluan ng pagkasira ng mood.

“Okey ka lang?” tanong ko kahit alam ko naman ‘yung sagot.

“Yeah. I’m fine. Sort of.” Sagot niya ng hindi ako nililingon. Mahabang buntong-hininga saka tinanggal ang bonet.

“Malay mo tumigil din.”

“Kahit naman tumigil ‘yan malabo na rin. Last time na nagpunta ako dito ganun din. Third time ko na dito hindi pa ko nagsa-success makita ang sea of clouds. Kulang na lang dito ako tumira matiyambahan ko lang talaga.”

‘Yun lang. No wonder hindi maganda timpla ng mukha.

“Malas ba ko or what?” halos pabulong niyang tanong pero hindi naman nakatingin sa’ken. Sabagay para sa’ken naman ‘yung tanong. Sino lang ba kausap niya dito?

“Gaano ba kaganda ‘yang sea of clouds na ‘yan?” tanong ko din. Hindi ko papatulan ‘yung tanong niya at wala sa vocabulary ng mukha niya ang salitang malas.

Hindi niya ko sinagot. Dinukot niya ang cellphone sa bulsa ng jacket. Nagpipindot. Maya-maya inabot niya sa’ken. Video galing sa youtube. 25 seconds of Sagada’s sea of clouds ‘yung title. Naka-time lapse ‘yung video at putsa, ANG GANDA nga. Parang mga wave ng bulak sa langit. Preview ng heaven, kulang na lang mga angel. ‘Yung sikat ng araw ang nagpaganda lalo sa view.

Paksyet, ang ganda nga talaga. Astig.

“Ganda nga,” inabot ko na ‘yung cellphone sa kanya. Binalik ulit sa bulsa. Binalik din sa pagkakasuot ang bonet. Tumingin ako sa kalangitan: medyo nagbu-blue na. Hindi ako sure kung ulap o hamog nakikita ko. Ang sure lang, a-absent ‘yung sunrise. 5:07 AM. Kahit tumigil ang ambon, malabo na talaga ang sea of clouds.

“Tuloy pa ba tayo ma’am?” tanong ni Kuya Dino kay Kaeley. Hindi naman nakasagot ang kausap. Di ko alam kung sa’n nakatingin. Hindi na rin ata makausap ng maayos. Stuck na kami sa traffic. May five minutes na ata kami nakahinto. ‘Yung iba nga nagbabaan na sa sasakyan, nilakad na lang. Malapit na din ata kami. Ata. Malay.

Lumapit ako bahagya kay Kaeley saka bumulong. “Tuloy pa daw ba tayo?” puta saka ako na-conscious sa hininga ko.

Buntong-hininga. Kibit-balikat. “Nandito na tayo. Baka sakaling maghimala,” malungkot niyang sagot. Kawawa naman.

Lord, tigil po ambon, pwede? Lungkot po ang babes ko e.

“Wag ka na malungkot…” hinawakan ko siya sa balikat saka mahinang niyugyog. “Nababawasan ng five percent ganda mo ‘pag sumisimangot ka e,”

Nangiti siya. Matipid at saglit. Unang ngiti sa araw na ‘to, sa wakas. “Five percent ka diyan,”

“Ayan. Nag-one-hundred percent na ulit. Ganda-ganda na ng Kaeley,” hininaan ko lang. Nao-awkward-an ako sa isa pang kasama namin e. Isang matipid na ngiti ang nakuha ko sa pambobola. Bahagya niyang tinakpan ng dalawang kamay ang mukha niya saka siya tumawa ng mahina.

“Ba’t natatawa ka?”

Nakatakip pa din mukha niya habang mahinang tumatawa. Ang cute ang puta. Nakalimutan ko ng bad mood siya kanina.

“Wuy, ano nakakatawa?”

Tinanggal na niya ‘yung kamay sa mukha saka ako mahinang hinamapas sa hita. Nagulat ako. “Ikaw kasi! Para kang bata…”

“Anong bata dun? Pinapasaya lang kita kasi kanina ka pa nakasimangot. Ayaw tuloy tumigil ng ambon,”

“Ano naman kinalaman ng ambon sa pagsisimangot ko?”

“Haller? Naluluha sila kasi malungkot ‘yung diyosa nila…”

Nagtaas siya ng kilay sabay irap sa’ken. “Puro ka pambobola,”

“Malay mo umepek,”

“Malay mo lang ‘yun,”

Pausad-usad ‘yung andar namin. Wala na atang pag-asa makaandar ng mabilis-bilis. Useless na ata naka-kotse sa part na ‘to. Dapat nilalakad na lang. May nakita nga akong nag-park na kanina sa tabi-tabi. Lalo tuloy sumikip ‘yung daan.

“Daming tao. Pag nalaman nilang nandito idol nila ay naku, paktay ka! Kuyog aabutin mo dito sa bundok,”

“Kaya ‘wag kang maingay diyan at baka may makarinig pa sa’yo,”

Sumandal na ko sa pagkakaupo. Napagod na ang mata kaka-sight-seeing sa paligid. “Hay buhay, hirap talaga may kasamang sikat,”

“Shut up please?”

“Hindi puwede, baliw. Pano tayo mag-uusap?”

“E ang ingay-ingay mo kasi,”

“E ano naman? OA a? As if magkakaron sila agad ng clue na nandito si…”

“SSSSSHHHH! Kulit a?” putol niya.

“Oo na, ‘to naman.”

Naisip ko tuloy, parang mas maganda pang inosente ako sa background nito. Hindi ako nai-stress kakaisip kung pano ko itatago identity ng kasama ko. Kaso wala e, mabilis ang mga paparazzi. Pati tuloy ako damay na.

Tama. Magandang idea. Naisip ko lang.

“Ibahin natin pangalan mo, baka kasi madulas ako, may makarinig pa. ‘Yung mga fans mo kasi, masyadong sensitive. Bantay-sarado ka tuloy. Kahit ata palayaw mo pa lang banggitin ko matutunugan na nila agad,”

“At ano naman itatagaw mo sa’ken, aber? Umayos ka, kotongan kita,”

“Ikaw na mamili. Mangongotong agad e,”

“Sige na ikaw na. Seryoso ‘yan a? Wala ako sa mood makipaglokohan,”

Taray. “Amm, sige. Kung…Marie kaya? Puwede ‘di ba? Common na common. Hindi gaanong sosyal. Simple lang,”

“Hm, puwede. Pero isip ka pa,”

“Ba ‘yan? Ganda ganda na e. Di na gano halata,”

“Next name please,”

Whatever. “Okey po. Hmmm…Melody?”

“Bakit melody?”

“Wala lang. Katunog ng moody e,”

“A ganun? Moody pala a?” akma niya kong hahampasin sa hita pero nakaiwas agad ako sabay salag ng hampas niya. “Next!” natatawang naiinis siya.

“Oo na, oo na. Sus. Korni neto e,”

“Mukha mo korni. Next, ang tagal naman mag-isip,”

“E ayaw mo ng mga suggestion ko e. Ikaw na kaya?”

“Ikaw na, bilis. Next!”

“Opo mam. Saglit lang po at nagpo-process pa utak ko,” sabay hawak sa noo. Kunwari seryosong nag-iisip.

“Ang tagal a?” reklamo niya. Natuwa sa trip ko.

“Kittie? Mahilig ka naman sa pusa e,”

“Nope,” sabay iling.

“Jenny?”

Iling.

“Annie?”

Iling.

“Putsa ang hirap a. Umm…Gandeysyus?”

“Haha, funny. Next!”

“Wheew. Teka…hmm…Rainy?”

Iling.

“Cloudy?”

Iling.

“Lonely?”

Iling.

“Moody?”

Iling. Sabay hampas sa hita ko, di ako nakailag. Mahina lang naman.

“Hungry?”

Iling.

“Princess…” singit ni Kuya Dino. Nagulat at nagkatinginan kami ni Kaeley. Nangit siya. May ilang saglit din kaming speechless.

“Tama, Princess,”  ‘yun na lang nasabi ko sabay dahan-dahan kong kinuha ‘yung kanang kamay ni Kaeley saka mahinang dinampihan ng labi ang malambot niyang kamay. “Okey na ba ‘yun, Princess?”

Ngumiti siya sabay bawi ng kamay. “Sure. Princess na lang,”

Ganda ng ngiti niya. Parang may halong kilig. Kung may kilig nga siya sa katawan.

“Galing mo Kuya,” sabay apir ko kay Kuya Dino. Kala ko nga hindi ako papansinin, medyo matagal din naka-hang ‘yung kamay ko.

Hindi na ata kami umuusad. Na-stuck na. Sinilip ko ‘yung labas, haba ng pila. Sayang oras namin dito kung dito lang kami aabutin ng umaga.

“Lakarin na lang kaya natin?” tanong ko. Sinilip ko naman ‘yung langit, maulap pa din. Humihina na ‘yung ambon. Baka nga magmilagro pa.

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.