Tinder. Love. And Dare. (Chapter 19)

“COFFEE? BEER?”

“Para sa’n?”

“Pampainit. Tingnan mo itsura mo o? Namumuti na labi mo…” sabay tawa. Pinitik niya pa ‘yung kamay ko na nakapatong malapit sa kamay niya (hindi naman masakit). Nakasandal lang ako sa upuan. Bloated. Bumawi ako sa mabilisang kain kanina sa biyahe. Kaya eto, paralyzed na naman ang bibig sa pagkabusog.Hirap magsalita.

“Busog na ko. Hindi ko alam kung kaya ko pa uminom ng beer. Baka masuka lang ako,”

“Well, hindi mo naman iinumin ng diretso. Im just helping you. Giniginaw ka na diyan. Kanina nga parang wala lang sa’yo ‘yung sabaw ng sinigang. Umuusok pa ‘yun pero higop ka ng higop,”

Ni hindi ko nga alam kung mainit na ba ‘yun. Alam ko lang umuusok. Pero sa sobrang lamig dito, hindi ko na naramdaman kung sobrang init ng sabaw pagkahain kanina.

“Gutom lang ako,”

“Yes, I know. Naka-tatlong rice ka nga e, magtataka pa ba ko?”

“Hanep. Parang siya hindi. Parang ‘di chicks e,”

“Why? Bawal ba ko mag-tatlong rice?”

“Whatever,”

Inayos ko ‘yung bonet ko sa ulo pati ‘yung hood ng jacket. Ramdam ko kasi sa tenga ang lamig. Ang malupit pa dito, umaambon. ‘Yung ambon na parang sprinkle lang ‘yung lakas, pero pag tumama sa balat e para ka na ring nakaranas ng unang buhos sa madaling-araw tuwing February. Walang sinabi ang Tagaytay sa lamig. Talagang malamig. Maginaw. May nagtodo ata ng aircon dito kaya sobrang lamig.

Pa’no ko ba ide-describe lamig dito?

‘Pag February, halos mamaluktot na ko sa lamig tuwing madaling-araw sa sobrang lamig sa bahay. ‘Yung kahit number one lang ‘yung electric fan, hindi pa nakatutok sa’ken, maginaw na. Naka-t-shirt na, nakakumot na. Nilalamig pa din ako. Pahirapan nga maligo pagkagising nun. Mag-i-init pa ko ng tubig para lang makaligo. Sa Manila ‘yun. Dito? Parang dalawang beses nag-madaling-araw sa February. Apat na beses ang lamig sa Tagaytay. Dalawang beses sa Baguio. Hindi ko alam kung kasalanan ng katawan ko kung bakit kulang ako sa muscle kaya ginawin, o talagang hindi lang sanay ang slap-soil sa malamig na weather.

Isa. Dalawang singhot. Putsa, sinipon na ko.

Komedi nga kanina, nagtataka pa ko bakit walang aircon ‘yung nakuhang kuwarto. Tapos todo sarado pa ‘yung mga bintana. E kung tutuusin sinagot na ‘yung tanong ko kanina pagbaba namin ng sasakyan. Napaghahalataan tuloy bagong salta ng bundok.

“Hindi uso aircon dito. Malalaman mo mamayang midnight kung bakit,” sabi ni Kaeley kanina.

Spoiler alert. Dalawa ‘yung kama ng kuwarto.

Tapos na kami kumain ng hapunan. Sa malapit na restaurant-slash-eatery kami kumain, walking distance mula sa hotel. May mga bakanteng mesa sa labas ng resto kaya dun na kami pumwesto. Matao na rin kasi sa loob. Iisang bumbilya lang ang liwanag sa labas kaya hindi kami makikilala sa malayo. Kami lang dalawa ni Kaeley sa mesa, nasa kabilang mesa si Kuya Dino na hindi naman gano malayo sa’min (kanina ko lang din nalaman pangalan niya), nagyoyosi habang nakatitig sa cellphone.

Kakaunti ang mga taong naglalakad sa kalsada. Iilang tindahan na lang din ang bukas. Maaga nga ata nagpapahinga ang mga tao dito. Walang night life. Wala nga akong nabasang mga bar sa mga nadaanan namin kanina. Puro kainan.

“Tell me, turn-off ba sa’yo ang babaeng malakas kumain?” tanong niya. Sumandal na rin siya sa pagkakaupo.

“Kung ibalik ko kaya sa’yo ‘yung tanong, mate-turn-off ka rin ba kung malakas kumain ang lalake?”

“Well, normal naman ata sa mga guy ‘yun. Laging may extra rice,”

“E sa inyo?”

“Depende kung nasa mood kumain. ‘Pag meron ako wala akong gana kumain. Minsan isang beses lang ako kakain sa isang araw, konti pa,”

“Hindi din naman ako malakas kumain. Minsan nga kaya ko walang rice maghapon e. Kahit puro tinapay lang tsaka pansit okey na ko,”

“Kaya ko din kaya ‘yun,”

“Weh?”

“Oo nga. Kaya nga ‘di ba karamihan sa mga artistang babae magaganda katawan? Kasi kelangan i-maintain ang body figure. Hindi pwede kumain ng marami lalo na ‘yung stress eating. ‘Yung iba nga nagdyi-gym pa para lang ma-maintain ‘yung katawan. May kasama pang diet ‘yun. As in sobrang strict diet,”

Buti pa sila strict diet. Kami strict ulam. Minsan lang maging sosyal. “E ikaw? Nagdyi-gym din?”

Umiling siya. “Thankful ako na hindi naman ako tabain. Kahit anong lakas ko kumain hindi ako tumataba. Sabagay minsan kasi tamad din ako kumain. Minsan sa sobrang pagod at puyat ko sa taping hindi na ko kumakain. Puro tulog lang. Kinabukasan na babawi,”

Napaisip ako bigla. Tutal adventure ang trip namin ngayon, dagdagan natin ng challenge para mas exciting. “Hm, gusto mo ‘wag tayo mag-rice bukas maghapon, ano?”

Inabot niya ‘yung kamay niya sa’ken. Nakikipag-kamay. “Deal!” kinamayan ko din naman siya agad. “Ako pa hahamunin mo a? Huh! Baka sumuko ka kaagad?”

“Kanin lang ang bawal. Hindi sinabing bawal kumain. Haller?”

“Sige, sabi mo e. Tommorow is no rice day!” tinaas pa nito ‘yung dalawang kamay.

Sinilip ko ‘yung oras sa cellphone, magse-seven na rin pala. Nalibang na sa usapan. 

Kung tutuusin magandang suggestion ang beer lalo pa napapasarap na ang kwentuhan. Bukod sa maiinitan na katawan ko e maaga ako aantukin. Gusto ko matulog ng mahaba. ‘Yung sobra-sobra sa muta. Natagtag utak at katawan ko sa biyahe. Hindi pa ko nakaka-recover sa ‘car lag’. Feeling ko nga kanina habang naglalakad zigzag pa din ang daan.

“You know the best thing here in Sagada is always cold kahit tanghali especially ‘pag wet season,” iniba na niya ‘yung topic. “Mahihirapan kang pagpawisan dito. And kung pagpapawisan ka man, matutuyo agad. Also, what weird is that every now and then aambon or uulan. Its not just because of maulap, mahamog kasi. At nasa taas tayo ng bundok, if you don’t noticed…”

“If I DON’T noticed? You mean, DUH? Halos anim na oras tayong gumegewang sa zigzag? Ni hindi ko na nga mabilang kung ilang beses tayo nagtaas-baba sa bundok,” inusog ko ‘yung plato sa harap ko, pinuwesto ko bandang gitna ng mesa. “Tsaka alam mo na palang sobrang lamig dito hindi mo pa ko sinabihan. Sana dalawang jacket na pala sinuot ko,”

“Dalawa? Ano na itsura mo nun? Mukha ka ng engot nun. And what do you mean hindi sinabihan? Sabi ko ‘di ba warm clothes ang baunin mo?”

Sinabi ba niya ‘yun? “Edi sige. Tsaka, okey lang magmukhang engot kesa magmukhang kulangot,”

“Kulangot? Anong connect?” nagtatakang nakangiting reaction niya.

“Matigas na. ‘Yung pinahid sa pader kagabi,” sabay tawa ko. Natawa rin siya.

“Buwiset ka! Ang kadiri mo talaga!” binato niya sa’ken ‘yung tissue na nakalagay sa plato niya. Hindi naman tumama sa’ken. Tawa pa rin siya ng tawa.

“Order ka na beer. Putsa na ‘yan para na kong kulangot dito,” sabi ko nung naka-recover na siya kakatawa kaso natawa ulit. Tinawag na nito si Kuya Dino, inutusan umorder ng beer, isang bucket. Maya-maya pumunta na sa loob si kuya.

“Don’t worry, hindi tayo magpapakalasing. Tig-two bottles tayong tatlo ni kuya. Tsaka maaga rin tayo aalis bukas. Madami tayo pupuntahan. So we need to rest early. Mag-shower ka na rin bago matulog. I swear to you, hindi mo gugustuhin mag-shower sa madaling-araw,” tuloy-tuloy ‘yung pagkakasabi niya. Parang hindi galing sa nakakahingal na tawa.

Mag-shower ka bago matulog kasi magla-loving-loving tayo after, hehe. “Kahit ngayon naman tinatamad na ko mag-shower. Isang buhos pa lang ata ng tubig magyeyelo na ko,”

“Wag kang OA no? May hot water naman ‘yung shower dun,”

“Alam ko, patola. Tsaka ‘yung amoy ko galing pa ng Makati. Nakakahiya naman nasa Sagada na ko ganun pa din amoy ko,”

Dumating na ‘yung beer. Pagbukas ng bote, mabilisang ‘toast’, sabay inom. Iba talaga pasok ng beer sa katawan ‘pag malamig. Parang nakiki-ayon sa dugo. Feeling ko ang cool-cool ko at swabeng-swabe. Bagay na bagay sa lugar, sa porma at weather. Pang-malakasan ‘yung bonet ko tsaka jacket. May kasama pang malupit na chicks.

Putsa, wala e. Iba talaga kaming rich kid.

“Alam mo, maganda sana dito kaso parang ang boring. May mall ba dito?”

Umiling siya. “Not that I know. I mean, really? We’re here in the mountain and yet mall pa rin hinahanap mo?”

“O? Anong masama dun? Tinatanong ko lang naman. Baka kasi walang ibang pinupuntahan ‘yung mga tao dito. Kita mo,” tinuro ko ‘yung paligid. “Tahimik. Iilang tao lang naglalakad. Wala na nga atang bukas na tindahan. Wala nga akong nabasang bar o disco kanina pagdating natin dito,”

“Who cares, e ganto talaga community dito? They can live their life without malls. They even survive without bars,” uminom siya, mabilisan. “You know what? Why don’t you just enjoy our vacation here and feel the nature? Malayo na tayo sa nakaka-stress na city. This is something na once in a lifetime experience to indulge with. Walang traffic. Clean air. Napaka-peaceful. Its like a Zen to me, you know what I’m saying?”

“No. You know why?”

“Why?”

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.