Tinder. Love. And Dare. (Chapter 18)

“SAGADA? Ang layo nun a?” 

“Malayo nga. Lagpas pa ng Baguio. Benguet na,”

“Ano ba talaga trabaho mo? Tourist guide? Body guard ng artista? Aba, panay-panay naman ata ‘yan. Hindi ka na napipirmi dito ‘pag wala kang pasok. Dati-rati ‘pag wala kang pasok nandito ka lang. Nagkukulong sa kwarto. Ngayon hindi ka na naman mapakali sa lakad niyo,”

“Ma, bayad naman ‘to. Isa pa, libreng gala naman ‘to. Kayo na rin nagsabi nagkukulong lang din ako dito ‘pag walang pasok. Tsaka, hindi naman ako gala, alam niyo ‘yan. Kahit nung nag-aaral ako bihira ako gumala,”

“Ayun! Libre kasi at bayad kaya ‘yang paa mo aligaga na naman. At nung nalaman mong artista e hindi na mapakali ‘yang tumbong mo,”

Putsa, first time ko marinig kay mama ‘yung salitang ‘tumbong’. “E malay ko namang artista pala ‘yun. Hindi ko nga kilala ‘yun. Kahit ‘yung mga palabas niya hindi rin ako pamilyar,”

Saglit na natigil si mama. Tinitigan niya ko. ‘Yung titig na inaalam niya kung may mali ba sa’ken o kung may sakit ako. “Baste, okey ka lang ba? ‘Yang pagsasama-sama mo ba diyan sa…babaeng ‘yan e okey lang sa’yo?”

Kumunot ang noo ko. Hindi dahil sa nakakapagtaka ‘yung tanong kun’di parang hindi siya makapaniwala na nangyari na ang hindi kapani-paniwala. “Bakit naman hindi magiging okey? Nakakagala na ko, kumikita pa ko. At sino bang mag-a-akala na artista pala ‘yung sinasamahan ko? Siyempre kahit papano feeling pogi na ko ngayon alam ko ng sikat pala siya. ‘Ba, ni minsan hindi ko naisip na magkakaron ako ng tropang artista. Kahit nga magandang chicks e hindi ko rin naman ine-expect na magkakaron ako,”

Bumuntong-hininga si mama bago ulit nakapag-salita. “Baste, umamin ka nga sa’ken. Ano ba talaga trabaho mo sa kanya?”

‘Yan na. Nakakahalata na nga siya. Hindi ko na rin kaya mag-sinungaling. Simula ng ma-tv ako e parang hindi ko na kaya pang magtago kay mama. “Ang totoo niyan…hindi naman talaga siya nagpapagawa sa’ken ng kahit ano. Ang totoo…e…ano…am…gusto niya lang may makasama. Magkaron ng kaibigang hindi taga-showbiz. ‘Yung hindi artista. Kasi sabi niya, sawa na daw siya dun. Ayaw na daw niya ‘yung mga ginagawa niya kaya tumigil siya sa pag-a-artista. Aksidente lang naman pagkakakilala namin. Sa internet lang,” kahit naman banggitin ko ‘yung tungkol sa Tinder e for sure lalo lang lalabo ‘yung gawa-gawa kong kuwento. Siyempre hindi ko puwedeng sabihin ‘yung tungkol sa contract at baka mabatukan pa ko ng wala sa oras. Sabihin na naman ni mama abnormal kami.

“Nililigawan mo ba? Nagde-date-date ba kayo? ‘Yung totoo?”

Parehong oo. Pero siyempre bawal umamin. Ika nga sa showbiz, ‘we’re just friends’. “Ma, wish ko lang. Hindi papatol sa slap-soil ‘yun,”

“Ano kamo?”

“Slap-soil. Hampas-lupas,” sabay tawa ko. Muntik pa tumalsik laway ko.

Nangiti si mama. Kala ko babatukan ako e. “Alam mo Baste…mula pagkabata, hanggang ngayon, hindi ka talaga marunong magsinungaling. KAHIT anong gawin mong kuwento, hindi ka marunong gumawa ng kuwento. Kaya alam na alam ko kung nagsisinungaling ka o nagsasabi ka ng totoo,”

Tsk, mind-reader nga pala si mama. Wa-epek.

“Baste, hindi kita pinipigilan sa mga ganyang gimik o raket mo. Kilala kita, alam kong hindi ka basta-basta nagdi-desisyon ng alanganin. Ang sa ’kin lang, gamitin mo utak mo. Mag-iingat ka at ‘wag ka basta-basta magtitiwala agad lalo pa kung magandang babae na binabayaran ang oras mo para lang samahan sila. Walang ganung kwento sa totoong buhay, maniwala ka sa ’kin. Kahit kanino mo ikuwento ‘yang kwento mo e mahihirapan silang maniwala. Tsaka isa pa, lalo kang kabahan kapag ang magandang babae na mayaman e biglang nagka-interes sa’yo. Artista pa. Hindi ka ba nagtataka? O talagang nabulag ka na lang sa pera at sa magandang babaeng ‘yun?”

“Ma, hindi naman sa ganun. Kaso…wala e. Kahit naman ako hindi makapaniwala e. Nung una kinabahan ako kasi, ikaw ba naman ilibre-libre tapos binabayaran ka pa? Akala ko nga nung una sindikato e. Pero nung nakilala ko na siya, okey na ko,”

“Nakilala na? Bakit? Ga’no na ba kayo katagal magkakilala?”

Napaisip ako. Hindi ako sure kung magta-tatlong buwan na o dalawa pa lang. “Dalawang buwan? Tatlo? Basta. Medyo matagal na rin.”

“Sus, akala ko naman isang taon na kayong magkakilala kung makapagsalita ka.”

“Yaan mo na ‘ma.”

“Yaan ka diyan. Simula nang makita ka sa tv e pati mga suki ko kinukulit ako. Akala tuloy nila nobya mo na ‘yun. Tapos nanghihingi ng picture, papirma ng ganto. Pabati din daw. Ano ba ‘yan? Pati tuloy ako nadadamay diyan sa kalokohan mo.”

Natawa ako. Dinaig pa namin nanalo ng lotto kakabusisi ng mga kapit-bahay. Totoo naman sinabi ni mama. Nung isang araw may naghahanap daw sa ’king reporter. I-interview-hin daw ako kahit saglit lang. Malaki bayad. E nasa shop ako nun, tinext lang ako ni mama na ‘wag muna daw uuwi at may makukulit na tao daw sa bahay. Kaya sa shop ako natulog nun. Mahirap na. Buti nga ‘di ako binenta ng mga kapitbahay. Buti na lang din hindi na bumalik kinabukasan. ‘Pag nagkataon e sa shop ako titira.

Si Maki naman biglang daldal. Feeling close na kami agad. As usual, puro Kaeley bukambibig. Kinukulit nga ako dun sa number, bigay ko daw sa kanya libre niya ko Mcdo. Gunggong nga, akala naman niya ibibgay ko. Dinahilan ko na lang na private number niya ‘yun at hindi basta-basta puwede ipamigay. Pero makulit. Hindi ko na lang pinapansin minsan.

Pumasok na rin ako ng kuwarto nang maramdaman kong tapos na ang usapan (at feeling ko pumayag naman na siya, wala na siyang choice). Ang totoo niyan e, nagsimula lang naman ang diskusyon namin nung nagpaalam akong aalis bukas at sa Sagada nga pupunta. Ayaw ni mama kasi nga, alam mo na, birthday. Baka raw may mangyaring masama sa ’kin at kung ano-ano pang pamahiin. Buti nakuha sa pa-drama-drama at ‘red tape’ (putsa salamat sa tatlong-libong allowance ni Kaeley, may pang-suhol na ko).

Birthday ko sa Linggo. Magbebente-uno na ko. Debut na ng putsang Baste. Ayoko sanang isiping magbe-bente-uno na ko, kaso wala e. Nakakainis lang kasi dapat ngayon may matinong trabaho na  ko, kung naka-graduate lang ako.

Self-pity na naman ang mokong.

Pero totoo. Kung naka-graduate lang ako last year baka ngayon may maayos na trabaho na ko. Wala na ko sa shop. Office na talaga. Legit na empleyado. Sabagay, hindi rin naman ako sure kung makahahanap ako agad ng trabaho. ‘Yung mga classmate kong fresh graduate ni isa wala pa kong nakikita sa FB na may trabaho na. Puro mga tambay din.

Speaking of classmate. Ang mga loko, niratrat ang messenger ko tungkol kay Kaeley. Inulan ako ng mga ‘lodi’ at ‘petmalu’ ng mga manyak. Ang daming tanong tungkol kay Kaeley. Kung kami na daw ba. Kung nililigawan ko na. Anong amoy. Anong itsura sa personal. ‘Yung iba pang-manyak na tanong. Kahit ‘yung mga classmate kong babae na hindi ko naman naging ka-close e in-add ako sabay message. Wala nang intro-intro, puro tungkol kay Kaeley agad ‘yung tanong. Ni hindi man lang nga ako kinamusta. Kaeley. Kaeley. Kaeley. Puro Kaeley ‘yung tanong. Buti pa ‘yung isa, nagyaya mag-coffee. Kaso networking pala pakay. Werpa.

Ang pinagtataka ko, si Emily. Wala siyang reaction. Ine-expect ko may message siya sa ’kin. Bubungaran ako ng sandmakmak na tanong tungkol kay Kaeley. Ganun kasi pagkakakilala ko sa kanya. Malabo namang hindi niya mabalitaan ‘yun, mahilig din manood ng teleserye ‘yun e. Hindi ko alam kung busy lang siya o hindi lang siya interesado sa nangyari sa ’kin. Highlight ng buhay ko ‘to pero wala man lang siyang reaction? Madalas naman niya ko kinakamusta, pero bakit parang nag-iba ata ihip ng hangin?

Weird. Yaan na nga. 

Ilang beses ko pinanuod sa YouTube ‘yung balita. Wala lang, gusto ko lang panoorin sarili ko. Nakakatawa e, parang tanga lang. ‘Yung itsura ko talaga ‘yung komedi dun. Parang naalimpungatang praning na hindi alam kung ano nangyayari sa mundo. Nung isang araw inulit ‘yung balita tungkol kay Kaeley. Wala naman kwenta, puro tsismis lang. Kahit legit na interview wala silang maipakita. Puro ‘ayon sa source’ tsaka kuwentong barbero. Napaghalalataang may maibalita lang.

Kanina pa ‘yung text ni Kaeley na nagbilin tungkol sa mga dadalin pa-Sagada, pero hanggang ngayon paulit-ulit pa ring tumatakbo sa isip ko. Sobrang excited kasi. Sabi pa niya dadaan din daw kami ng Baguio pauwi. Kakain at bibili ng pasalubong. ‘Yung jacket na gagamitin ko e bukas na lang din daw bibilhin. Dadaan muna ng mall. Basta magdala daw ako ng damit pang-tatlong araw.

Putsa, sa’n ka pa.

Eto pa ang nakaka-putsa talaga. Pinayagan ako ni Kuya Doms na um-absent ng tatlong araw. Hinala ko, binayaran na naman ni Kaeley si kuya kaya ganun. Nung nakaraan nga, tinawagan niya lang si kuya, okey na lahat. Wala nang deba-debate. Approved agad. Medyo mukhang pera din pala boss ko, hindi halata.

Magkikita kami dun sa tapat ulit ng coffee shop malapit sa city hall, 6 AM. ‘Yun ang kabilin-bilinan niya bago din kami maghiwalay nung nakaraan. Almost twelve hours daw kasi ang biyahe kaya ganun kaaga kami aalis. So, mga seven or eight ng gabi nandun na kami. Bale ‘yung maghapon namin e kakainin lang ng biyahe.

Syet, alas-otso na pala.

Makapag-impake na nga.

 

*              *              *

“Let me guess, hindi ka natulog ‘no?” tanong ni Kaeley. Nasa NLEX na kami, 7 AM.

“Medyo,” ‘yun na lang nasabi ko.

“Excited?”

“Medyo.”

“Gutom?”

“Medyo din.”

“Sapak gusto mo?” sabay amba ng suntok sa mukha ko. Nangiti lang ako. Tulog pa diwa ko kaya hindi ko kaya makipagharutan. Tsaka hindi ako gano nakikipagkulitan ‘pag andiyan si kuyang driver. Wala lang, awkward lang. Baka kung ano-ano na kasi iniisip niya sa ’kin, bukod sa makapal ang mukha at feeling pogi.

Ibang kotse ‘yung gamit namin ngayon, maliit ng kaunti dun sa ginagamit niya. Kung hindi ako nagkakamali Mazda ‘to (kulay midnight blue), hindi lang ako sure kung anong model. Magkatabi kami sa likod, solo si kuyang driver (ang bango ni Kaeley). Legit na Kaeley ang katabi ko ngayon: walang wig, make-up o kahit anong pantaboy ng paparazzi. ‘Yung ganda niya pwede ko nang i-captiong ‘woke up like this’. Bagong-gising-beauty. Mapungay-pungay pa ‘yung mata. Fresh na fresh. Parang gusto ko tuloy magpa-autograph at selfie. Aamuyin ko nga sana ‘yung hininga para malaman ko kung bumabaho din hininga ng mga artista pagkagising. Pero siyempre parang timang naman ako nun kung seseryosohin ko ‘yun.

Amoy kape sa kotse, galing Mcdo. Binili daw nila bago ako sunduin. Sa stopover na lang daw kami mag-almusal para hindi ma-traffic. Kung saan-saan nga kami lumusot makalabas lang ng Metro Manila. Gulat ako nasa NLEX na pala kami.

Oo, puyat ako.  At halata naman sa pagkaksandal ko sa upuan. Alas-kwatro kasi gising na ko. Tantiya ko, dalawang oras lang yata ako nakatulog. Sobrang excited yata kaya hindi dinalaw ng antok. Daming iniisip. Lumawak nang lumawak ‘yung imagination sa kunwaring eksena sa Sagada kaya hindi ko napansing mag-a-alas dos na. Nung natapos ako maligo at magbihis, saka ko naramdaman ‘yung antok. Past 5 AM ako umalis ng bahay. Nilakad ko lang hanggang coffee shop. Tulog pa si mama at Ate Yumi nung umalis ako. Sabado nga pala kaya hindi magtitinda si mama. Wala din pasok si Ate Yumi.

Five minutes before six nasundo na ko. Akala ko nga mali ako ng masasakyan kasi ibang kotse ‘yung gamit. Kun’di pa ko tatawagin ni Kaeley hindi ko mapapansing ako pala ‘yung binubusinahan.

“Magra-rice ka ba?” tanong niya ulit. Nagbukas ng radyo si kuyang driver, saktong lakas lang ‘yung volume na parang background music lang namin.

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.