Tinder. Love. And Dare. (Chapter 15)

NAGKAYAYAAN MUNA UMIDLIP may kalahating oras matapos kaming mananghalian-slash-meryenda. Si Kaeley ang nag-initiate, sinundan ko lang. Halata na rin naman sa kanya ang antok at pagod, sunod-sunod na rin kasi ang hikab. ‘Yung natirang allowance ang pinambayad ko, wala naman one-thousand ‘yung bill namin. After nun, tabla-tabla muna. Nauna na sa hotel si Kaeley. Ako namili pa ng tsinelas. Sa halagang one-hundred komportable na paa ko sa buhangin ng Puerto. Puwede na maglakad-lakad. Puwede na mag-enjoy.

Matapos kong itodo ang lamig ng aircon e dumiretso na rin ako ng banyo para magtanggal ng lagkit. Mas masarap humilata ng malamig ang katawan. Five-minutes na shower okey na. Maya-maya lang nakahilata na ko.

Walang magandang palabas sa TV. Ewan ko at nagka-interes ako sa sabong kaya automatic ko ng binitawan ‘yung remote. Hindi naman ako nagsasabong o nagsusugal. Wala lang, biglang naging interesado lang sa boxing ng mga manok. Naka-tatlong laban muna ata ako bago ako hinila ng liwanag.

Medyo madilim na ng magising ako. Kun’di pa ko maiihi e hindi ako magigising. Iba talaga ‘pag malamig ang tulugan, masarap humilik. Matapos mag-jingle bells kinuha ko ‘yung cp sa ilalim ng unan: 6:03 PM. Ibig sabihin, mahaba-haba nga ang idlip-con-tulog ko. Combination ata ng busog at pagod sa biyahe kaya napahaba.

Gising na kaya si Kaeley?

Wala namang text o kahit anong miscall galing sa kanya. Nag-try ako mag-online para mag-check baka dun siya nag-message, pero kelangan muna ata mag-alay ng manok sa Bathala bago ako makakuha ng signal. May pasulpot-sulpot na isa (minsan dalawa) sa signal bar ko pero mukhang mawawala din ata bawat maling hakbang ko. Lumapit ako sa bintana: ganun pa rin ang signal. Nilabas-labas ko pa kamay ko, ganun din naman.

Confirm, nasa malayong lugar nga ako. Hirap kumuha ng signal e. Or else choosy ang cp ko sa lugar kaya pati signal strength e nangingilala din. O baka naman may kung anong magnetic shield ang isla na ‘to kaya naapektuhan ang signal ng mga network. O puwede ring adik lang ako kaya ganto na naiisip ko.

Putsa kulang lang ako sa oxygen kaya lalabas muna ako.

Saglit akong nagmumog at nag-ayos-ayos bago ako lumabas ng kuwarto. Pinakiramdaman ko din saglit ‘yung kuwarto ni Kaeley kung gising na siya. Tahimik. Mukhang tulog pa. O walang tao.

Dire-diretso akong lumabas ng hotel pagkababa. Dun ko na lang din napansin ang buhay ng isla ‘pag gantong oras. Makulay. Maingay. Matao. Kabi-kabila ang gimikan. Parang tindahan sa Divisoria ‘yung ingay, kanya-kanya ng sounds. May live band, disco-han tsaka tugtugang hindi ko na alam ang genre sa ingay. Bawat ilang metrong hakbang kaliwa’t kanan ang lugar na puwede kang magliwaliw, malasing, mag-food-trip at magastusan. Puwedeng kumain, mag-swimming-swimming, uminom-inom, sumayaw-sayaw o tumunganga habang nakatingala lang sa alapaap. Mas maganda kasi view ng universe dito sa isla, mas kita ang mga constellation. Pero ititigil ko na ang pagtitig sa kalawakan at baka mapagkamalan pa kong sabog dito, mahirap na.

Hindi naman ako lumayo ng hotel. Para kung saka-sakaling lumabas si Kaeley e makita niya rin ako agad. Umupo ako sa buhanginan medyo malapit sa dagat. Ginawa kong upuan ‘yung tsinelas ko. Pinatong ko ang dalawang siko sa tuhod saka ako parang electric fan na palinga-linga sa paligid. Madaming magandang view. As in view. ‘Yung naglalakad at nagtatampisaw. Hindi nature. Basta view. ‘Yung gustong gusto ng mga lalake ‘pag gantong lugar. Mga alagad ni Eba.

Ilang minuto pa kong palinga-linga saka ko lang na-realize: Anong ginagawa ko dito?

Nagtatanong ba ko dahil hindi ako bagay dito, o nagtatanong ako dahil nag-i-isa lang ako dito, ngayon?

Hindi ako nagrereklamo. Hindi rin ako umaangal. Para bang…ano…hindi ako dapat nandito. Destiny? Tsss. Naguguluhan na nga ako kung tama bang nag-Tinder pa ko o hindi na e. Nananahimik na nga lang ako sa shop, tapos ngayon andito ako. Malayo sa bahay at sa trabaho. Malayong-malayo sa ginagawa ko araw-araw. Wala lahat ‘to sa plano simula pa lang ng Day 1. Tapos ngayon, ano? Kung san-san na ko napapadpad. Dahil sa…hmp…ewan ko ba diyan sa abnormal na Kaeley na ‘yan. May pa-contract-contract pang nalalaman. Puta, marami kasing budget kaya kung ano-ano na naiisip. Baka nga nagda-drugs na ‘yun kaya ganun mag-isip. Out of this world. Pati puso out of this world dun. E ‘yung gusto lang naman niyang makatuluyan e ‘yung batang nagligtas sa kanya. Ano pa silbi ng panliligaw ko? ‘Di ba? Para sa’n pa effort ng panliligaw ko kung ang ending e ‘yung nagligtas lang pala sa kanya ang magpapa-in-love sa kanya?

Gago ko talaga. Ba’t ngayon ko lang naisip ‘yun?

Ayawan na kaya? 

Teka, teka, teka. I have some better brilliant mother-fucking idea!

Tama! Double contract. Mas maangas ‘yun!

Natigil ang kalokohan ko nang mag-text si Kaeley. Tinanong kung nasa’n ako. Sinabi kong lumabas lang siya ng hotel, lumakad ng diretso at makikita niya rin ako agad bago pa siya makarating ng dagat.

“Anong trip mo ba’t nandito ka?” tanong niya sa’ken pagkalapit niya. Sinenyasan ko siyang umupo pero hindi niya pinansan. Wala namang bago sa kanya maliban sa absent na ‘yung shades.

“Naiinip ako sa kuwarto kaya lumabas ako. Tsaka sayang naman ang view kun’di tatanawin,”

“Anong view? Chicks o dagat?”

“Pareho lang ‘yun, basta…”

“Nagtanong pa ko,’

Hindi na ko nag-react. 

Ngayon, paano ko sasabihin sa kanya ‘yung isa pang planong na-i-isip ko?

Bahala na nga. Hanap muna tiyempo.

Umupo na rin si Kaeley, may dalawang dangkal ang layo mula sa puwesto ko. Ginaya niya rin ako, ginawang sapin ang tsinelas. “Kanina ka pa ba gising?”

“Hindi naman. Halos magkasunod lang din tayo. Kala ko nga gising ka na e,”

“Napagod ako sa biyahe. Tsaka wala din akong ganong tulog kagabi. Kun’di pa tutunog phone ko hindi pa ko magigising,”

“Hindi ko na itatanong kung bakit ka napuyat. For sure business na naman ‘yan,”

“Hindi naman. May mga ibang lakad din naman ako bukod sa business,”

“Gaya ng?”

“Basta, yaan mo na ‘yun,”

“Edi sigi. Pero buti na lang talaga tumunog cp mo. Kun’di e baka solo flight ako dito hanggang mamaya.”

“Sayang naman punta natin dito kung puro tulog lang ako ‘di ba? Puwede naman bumawi ng tulog mamaya,”

“Ang tanong, makakatulog ka ba agad”

“Problema ba ‘yun? Edi mag-inom tayo para antukin,”

“E ano pang inaantay natin? Halina’t uminom na tayo at magsaya,”

“Abnormal. ‘Lika na nga,”

Tumayo na rin kami agad saka nagpalakad-lakad. Naghanap-hanap ng puwede pagtambayan at pag-inuman. Meron namang okey pero masyado ng matao. Etong kasama ko pa naman e parang hindi sanay napapalibutan ng tao. As if naman iilan lang ang tao dito sa isla, duh?

Napadpad kami sa isang maliit na bar, na alanganing bar na alanganing restaurant. Eto lang ata ang puwestong puwede ka mag-walwal ng tahimik. Walang background music sa paligid. Walang live band. Hindi gano maliwanag pero hindi naman sobrang dilim na halos hindi na kayo magkakakitaan ng kasama mo. At isa pa, iilang mesa lang ang may tao. Pumayag na rin naman kasama ko na dito na kami tutal medyo malayo-layo na nalakad namin.

Nauna akong pumasok sa kanya. Inalalayan ko naman siya sa pag-upo, old school na gentleman. Ako humila ng upuan niya, inantay siya makaupo saka ko inusog ang upuan. Nangiti naman siya sa kalokohan ko.

“Ano ‘yun, part ng panliligaw? May ganung factor talaga?” sabi niya. Magkatabi kami ng puwesto. Maliit lang ‘yung mesa namin na good for 2 lang talaga ang laki. Tsaka mas okey dito kasi tanaw namin ‘yung labas. Kung saka-sakaling magkaron man ng tsunami e makakatakbo kami agad.

“So, what do you want my dear?” tanong ko sa boses na medyo romantic.

Nangiti siya. “What do I want? Hm, let me see. How about…you order for me? That would surprise me,”

“Ohh, so you like surprises ha? Okey, okey…okey…” putsa bigla ako naubusan ng english. Natawa ako. Nilingon ko na lang tuloy ‘yung malaking menu na nakapaskil sa bandang likuran namin. Beer lang naman nasa isip ko, kaya magsa-San Mig Light na lang kami. 1 bucket. At dahil paborito niya ang potato chips e magpe-french fries kami. Tumayo na ko saka umorder. Parang walang waiter dito, self-service ang order.

“A, miss…” tawag ko dun kay ateng busy sa cp na nagulat ko pa ata. “Isang bucket ng San Mig Light tapos isang order ng French fries,”

Tumayo siya saka sinipat-sipat ‘yung mga customer. “Wala po bang lumapit sa inyo para kunin ‘yung order niyo?” may punto ‘yung boses niya. Ewan lang kung ano.

“Wala e,”

“A, okey. Sige po, baka lang na-traffic sa kusina ‘yung kasama ko. Sensiya na sir isa lang kasi waiter namin dito,”

“Okey lang,”

Pinaulit niya ‘yung order ko saka ako nagbayad. Saktong pabalik na ko sa mesa ng lumabas ‘yung waiter. May hawak na isang bucket na beer at inihaw na pusit. Ang bango!

“Ano inorder mo?” tanong ni Kaeley pagkaupo ko.

 

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.