Tinder. Love. And Dare. (Chapter 12)

“Matagal ka na nagpupunta dito ‘no?” tanong ko. Tumango lang siya. “Obvious naman e. Kilala ka nung guard. Iba talaga ‘pag rich kid. May condo ka na sa Paranaque, meron ka pang condo dito sa Tagaytay…”

Umiling-iling siya. “No. Hindi sa’ken ‘to. Nag-rent lang. ‘Pag nagpupunta ako dito, dito ako nagre-rent. Tuwing summer lagi ako dito. Minsan one week. Minsan inaabot ng one month.”

“One month? Tapos ikaw lang?”

“Oo.”

“Ano pinag-gagagawa mo dito nun? Boring kaya nun, ikaw lang.”

“Wala lang. Kain. Tulog.”

“Talagang dito pa a? Hindi mo ba nagagawa yun dun sa condo mo?”

“Basta. E minsan gusto ko dito e. Mas peaceful at malayo sa stress.”

“Yaman talaga. Pati stress nilalayuan. E tanong ko lang. Hindi naman sa nangegelam ako ‘no? E…bakit hindi ka na lang sa hotel? O mas sosyal talaga ‘pag condo?”

“Gusto ko lang.”

“Panis. Gusto niya lang. Sige na nga.” Kinalahati ko na ‘yung burger. Nakaramdam ako ng umay. Parang nalalasahan ko pa din kasi ‘yung bulalo. Naiwan pa ‘yung sebo sa lalamunan. Tagay muna wine.

“Maiba ako.” Kumuha siya ng tissue saka nagpunas ng nguso. “Curios lang. What’s your ideal girl? ‘Yung dream girl mo talaga, as in. ‘Wag ‘yung sobrang perfect a?”

Muntik ko iluwa ‘yung nginuguya ko. “Ha! Ideal girl? Haha. Simple lang. Gaya ng sabi ko, mukha akong pera. So, gusto ko ‘yung maganda, mayaman at mamahalin ako kahit ganto lang ako.”

“Ganyan lang? Na ano?”

“Na mukhang pera. Hindi guwapo. Walang achievement. Walang ipagmamalaki.”

“Speaking of gwapo. Medyo may hawig ka kay…sino nga ba ‘yun? ‘Yung leading sa…”

“Jericho Rosales.”

“Yun! How did you know?”

“Well…” inayos ko ‘yung pagkakaupo ko na feeling poging-pogi sa sarili. “Medyo marami ng nagsasabi niyan. Actually pang-twenty seven ka na. Pero siyempre dahil humble ako e hindi ko ‘yun seseryosohin.”

“Yabang. Talagang pang-twenty seven a? At humble na pala ‘yun.”
“Basta.”

“Okey. Balik tayo sa tanong. What if, you met a girl na opposite nung sinabi mo, and then na-realize mong siya pala ‘yung true love mo. What will you do?”

“Opposite? Meaning, poor, mataba at hindi ako matatanggap?”

“Something like that.”

“Putek na ‘yan, e ikaw na rin sumagot ng tanong mo e! Na-realize ko ng true love ko ‘di ba? Ano pang palag ko dun?”

“E sabi mo ideal girl mo mayaman na maganda e.”

“Ideal nga e. Meaning para lang ako nagwi-wish nun na alam ko namang hindi matutupad. Tsaka ‘di naman ako ganun kasama. Kung true love na ‘yun e ‘di go. ‘Ba, sa panahon ngayon, rare na ang true love.”

“Good to hear.” Sabay high five. Medyo na-delay pa onti reaction ko kasi muntik ko ng mabitawan ‘yung burger.

“E ikaw?” tanong ko. Tapos na ang burger. Busog na. Buti na lang talaga at may wine. Kontra umay. Kontra ginaw. Putek nangungulubot na ata daliri ko sa lamig! Ang saket sa mukha ng hangin!

“What about me?”

“Ideal guy mo…”

Saglit niyang ibinaba ang kanang kamay na may hawak na burger. Tumingin sa langit. Nguya-nguya. Tapos tumingin siya sa’ken. “I can’t really tell. Problema ko nga ‘yan kasi nga, hello? Magka-crush nga hirap ako ‘yung mag-isip pa kaya ng ideal guy?”
“E pano kita makikilala ng buo niyan kung pati ‘yun hindi mo masagot? Kahit mag-imbento ka na lang, sus…”

“Okey. Fine. Hmm…siguro ‘yung katulad nung batang nagligtas sa’ken. Someone who can risk his own life for her loved one.”

“Kahit mukhang alien?”

“I don’t care.”

“Kahit…amoy putok?”

“Puwede namang maligo.”

“E hindi na raw natatanggal. As in brutal ‘yung amoy ng kili-kili. Tumatambay sa ilong ng isang oras…”

“E ‘di magpa-consult sa doctor. Magagamot pa ‘yun.”

“Tibay talaga. Pano kung bad breath?”

“Dalin ulit sa doctor.”

“Kung…hmm…matigas ka a? Sige eto. Pano kung isa lang mata?”

“Walang ganun. Teka nga a? Bakit ba lahat may physical defect? Kun’di mabaho, isa lang mata?”

“E baka kasi nasasabi mo lang ‘yan ngayon. Baka ‘pag nakita mo na ‘yung taong nag-save sa’yo, tapos mukha namang timang e bigla magbago isip mo.”

“Nagtanong ka ‘di ba? Sinagot ko lang. Pero seryoso ako sa ganun. Kung ganun ang magiging first boyfriend ko e hindi ko na siya pakakawalan.”

“Ikukulong mo?”

“Puro ka kalokohan.”

“Joke lang, ‘to naman.”

“Edi wow.”

Katahimikan. Kasabay ng pagdating ng malamig na hangin e parang nalamigan temporary utak ko. Na-mental block. Hindi ko alam ang susunod na tanong.

Naalala ko, nanliligaw nga pala ako.

Ano-ano na ba nagawa ko?

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.