Time Machine

(Photo Credit 123rf)

“Sana…sana lang maibabalik ko pa ang nakaraan, pero imposible na yatang maibalik pa sa dati ang lahat. Kung bakit kasi may mga bagay akong nagawa na hindi ko man lang pinag-isipan kaya tuloy ngayon nangangarap ako na sana makabalik pa sa nakaraan para maitama ang bawat pagkakamali na aking nagawa.”

Marahil marami sa atin ang naghahangad na makabalik sa nakaraan, may ilan sa atin ang nangarap na sana nga ay may totoong time machine.Nangangarap tayo dahil gusto nating itama ang pagkakamali o kapalpakan na ating nagawa, pero kahit gaano man ang pagpupursige nating makabalik hindi na ito mangyayari.

Dalawang taon na ang nakaraan simula ng mangyari sa buhay ko iyon, hindi ko alam kung anong nag-udyok sa akin para gumawa ng mga ganoong bagay. Hindi ko na nga maalala kung bakit ako pumayag sa mga naisin niya. Hindi ko rin akalain na hindi pala matutupad ang bawat pangarap na binuo ko kasama siya. Ang maling desisyon ko noon ang nagiging malaking hadlang para maging maligaya ako ngayon.

Taong 2011 nang magkakilala kami, naging magkasintahan at nagmahalan. Labis labis na kagalakan ang aking naranasan sa piling niya. Hindi ko maipaliwanag ang ligayang aking nararamdaman sa oras na kaming dalawa ay magkasama. Nagmula pa ako sa probinsya noon, wala pang karanasan at salat din sa mga materyal na bagay.

Sa mura kong isipan, nanibago ako sa “ganoong” pakiramdam at nasambit ko na lang sa aking sarili na tunay masarap palang magmahal. Hindi pa rin mawaglit sa aking isipan ang ginawa kong desisyon nang pumayag akong ibigay sa kanya ang Bataan. Masakit at mahapdi sa umpisa, pero nasanay na ako hanggang sa tuluyan na ngang hinahanap-hanap ang kakaibang kiliting naidudulot nito. Tumagal ang panahon na naging pangkaraniwan na lamang sa aming dalawa ang romansahan hanggang sa nagkaroon ng bunga.

Nagdalantao ako, ikinatuwa ko ito dahil akala ko ito na ang magiging sagot sa aking panalangin. Inakala kong magiging masaya siya sa oras na marinig niya ang balita. Nang malaman kong positibo na talaga na ako nga ay magiging isang ina, agad akong nagtungo sa kanilang opisina. Ngunit laking gulat ko nang makita na wala siya roon. Hinanap ko siya ngunit ang sabi ng kanyang mga kasama ay nagmamadali raw itong umalis. Sinubukan ko rin siyang tawagan ngunit wala ring sumasagot. Unti-unting tumulo ang aking luha, ngunit hindi pa rin ako nawalan ng pag-asa at inisip ko na lang na may emergency kaya siya nawala.

Lumipas ang mga araw at wala pa rin akong balita, sinubukan kong tumawag at laking tuwa ko nang sinagot niya ito at sinabing magkita raw kami sa dati naming tagpuan. Agad naman akong nagtungo sa lugar ngunit laking gulat ko nang makita na may kasama siyang ibang babae. Ipinakilala niya ito, ito raw ang kanyang panganay na anak. Inamin niyang may asawa siya at hindi niya sinasadya na lokohin ako.

Nanlumo ako, hindi ko alam ang sasabihin kung kaya’t ibinigay ko na lang sa kanya ang pregnancy test result. Nang makita niya ito ay itinanggi niyang siya ang ama. Hindi niya tinanggap ang bunga ng aming pagmamahalan. Sinabi pa niyang priority niya ang kanyang pamilya. Ipinagtulakan niya ako sa harapan ng kanyang anak, minura at binalaang huwag na siyang guguluhin pa.

Umiral sa akin ang takot sa mga oras na iyon, hindi ko alam ang gagawin at ganoon din ang sasabihin ng aking magulang sa probinsya. Walang nakakaalam sa kanila kung anong nangyari sa akin sa KaMaynilaan kaya sa sobrang takot ko ay nagtungo ako sa isang lugar na inakala kong solusyon sa aking problema. Isang madilim na lugar ang tumambad sa akin, may mga kulay puting kumot at samu’t saring halamang gamot. Ipinikit ko lang ang aking mata at sa halagang limang daang piso, winakasan ko ang aking problema. Inakala kong tapos na ang lahat, akala ko ay instant na itong mawawala ngunit nagkamali ako. Isa akong hangal, isang babaeng hindi lumaban.

Tatlong taon na ang nakalilipas ngunit gabi gabi’y minimulto ako ng aking nakaraan. Isang buhay ang aking pinatay dahil lamang sa aking karuwagan. Isang bunga ng pagmamahalan na nawalan ng saysay dahil sa dalawang taong sumira ng kanilang binuo.

Pinagsisihan ko ang aking nagawa. Anumang pilit kong magkaroon ng anak ngayon ay parang hindi ako pagkalooban. Ito ba ang bunga ng aking kasalanan?Kung maibabalik ko lang ang nakaraan, hindi ko na sana pinili pang ipalaglag ang bata. Hindi ko sana pinairal pa ang takot at pagiging makasarili.

“Dapat sana, baby, ay malaki ka na ngayon, naging malupit sa iyo si Mommy. Dapat sana ay masaya tayo ngayon… sana mapatawad mo ako.”

Gusto kitang yakapin at hagkan, isang munting anghel ng buhay ko. Patawad.

Santi0307

About isanggatang

The more you expect, the more you hurt... The more you try, the more you become stronger... The more you express, the more you feel better... The more you write, the more you become a human... Live...write..express.. SHOUT...FIGHT.. EMBRACE LIFE