Throwback: Komiks Generation

Bilang isang gusgusing musmos na namulat noong dekada ’80, ito ang lagi kong naaalala sa tuwing sinasapian ako ng nostalgic mood. Noon kasi, ganito ang kalakaran ng buhay bata – pasok sa eskuwela tapos komiks; langoy sa dagat tapos komiks; laro sa kalye tapos komiks; tampisaw sa ulan tapos komiks; ligaw sa crush tapos komiks; palo ng tatay tapos komiks; dudumi sa may ilog tapos komiks; kinig sa radyo tapos komiks.

Ang isang araw ay kadalasang nagsisimula at natatapos sa pagbabasa ng komiks bago matulog.

Walang bahay noon sa Pilipinas na walang nakatagong komiks sa ilalim ng silya o katre. Makikita mo ito kahit saan, hawak kahit ninuman. At ang kadalasang pinag-uusapan sa huntahan, inuman, tsismisan, kutuhan, labahan, lamayan ay ang mga nobela nina Pablo S. Gomez, Carlo Caparas, Nerissa Cabral, Elena M. Patron, Gilda Olvidado, Jim Fernadez at marami pang ibang mga sikat na writer.

Sino ba naman ang makalilimot sa mga obra tulad ng Panday, Kamagong, The Hands, Goomboo Roomboo, Zuma, at maging ang mga madramang nobela tulad ng Magdusa ka, Babangon ako’t Dudurugin Kita at Pasan ko ang daigdig?

Aba eh noon mas madalas ko pang hawak ang Aliwan, Pinoy Komiks, Hiwaga, Silangan, Darna atbp. kaysa sa libro ko noong grade 1 na  My Storybook ko.

Masisisi n’yo ba ako kung mas kilala ko ang dalawang anak ni Zuma kaysa mga kapatid ni Jose Rizal? O kaya pag nababanggit si Pokwang, ang sumasagitsit sa utak ko ay ang maarteng anak ni Aling Kikay na panay ang kandirit ng kandirit sa pasimano?

Napakalaki ng impluwensiya ng komiks noon sa aming mga bata, tulad ng internet sa makabagong henerasyon ngayon. Ang lahat ng mga batang lalaki ay gustong maging superhero o ninja. Ang mga batang babae naman ay nangangarap maging Darna o kaya ‘yung karakter ni Sharon Cuneta sa Bituing Walang Ningning.

Pati ang pangalan ng mga bagong panganak na sanggol ay isinusunod sa mga karakter sa komiks – si Medusa, Galema o Agatona, . Maging ang mga alagang hayop, sigurado kang may kapitbahay ka na may pangalang Barok at Tartan.

Tunay na napakaunlad dati ng industriyang ito noon. Ilang pelikula nina FPJ, Lito Lapid, Daboy, Ipe, Nora, Vilma, Sharon at Maricel ang hinango sa mga kwento sa komiks? Hindi ko na ‘ata mabilang at talagang namayagpag ito sa nagdaang dekada. Ang mga nobelista noon, lalo na pag sikat na tulad nina Gomez at Caparas ay sadyang iginagalang sa industriya.

Bakit nga ba namayagpag ang komiks noon? At bakit bigla na lang itong nawala?

Sabi nila, ito raw kasi ang pinakamurang anyo ng libangan, mas mura sa sine at lalo na kapag wala kang telebisyon. Marami daw sa mga bata noon, dahil sa kakulangan ng libro ay sa komiks nagsimulang magbasa.

Sa totoo lang, mas nauna ko pang masaulo ang mga pangalan ng komiks kaysa sa Dolch Basic Sight Words noong elementary ako.

Pinayaman din ng komiks ang mga imahinasyon ng mga bata. Ang mga lugar na hindi mo pa nararating o naririnig man lang, ay matatagpuan mo dito. Ang mga kwentong pag-big, tagumpay, pakikipagsapalaran na sa mga pangarap lamang nabubuo ay nabibigyan ng katuparan dito. Habang nagbabasa ka kasi, inilalagay mo ang iyong sarili sa mga karakter, at lalo itong nagiging kapana-panabik dahil nakikita mo ang anyo ng mga bida, kulay at hitsura, maging ang kanilang galaw sa mga magagandang dibuho ng mga illustrators.

Ang isa pang kinagiliwan ko noon ay hindi natatapos sa pagbabasa ang pakinabang ng mga komiks. Ginagawa namin itong saranggola, parol, kadena sa Christmas tree, pambalot ng baon at ang pinakaklasik sa lahat – pampunas sa kasilyas!

Naalala ko rin, babasain namin ng gaas noon ang isang kukumban (coupon bond) saka ilalapat sa pahina ng komiks para kopyahin ng lapis at presto! May drawing ka na kaagad.

Pero ito yung malupit, meron akong lolo-lolohan (‘di tunay na lolo) noon na ginawang wallpaper sa kanilang sala ang mga pahina ng Tiktik at Erotik na komiks, hahaha! Kaya tuwang-tuwa kami ng kapatid ko kapag nakikikain ng hapunan sa kanila sabay pasada sa mga piktyur sa dingding.

Sayang nga lang dahil sa pagpasok ng dekada ’90 ay unti-unti hanggang sa tuluyan na itong nawala. Tuluyan na silang pinatay ng family computer, teleserye at internet. Pero ang daming alaala ang iniwan nito sa aking kabataan na kailanman ay hindi puwedeng pantayan ng  tablets o smartphone.

Kung maibabalik lang sana ang komiks, ipinapangako ko, hindi na kasilyas ang kanilang kauuwian.

Image via Google

About necessary_evil

The fact that no one understands you does not make you an artist! You can visit my website: http://retroandsoul.wordpress.com/ and my Facebook page Retro and Soul : https://www.facebook.com/retroandsoul?ref=hl