Think GOOD, Talk GOOD, Do GOOD …

* THINK GOOD, TALK GOOD, DO GOOD …

Sana ito ay maging guiding principle ng bawat PINOY saan mang sulok ng mundo.

*  THINK GOOD

Maging masigla, masayahin, at mag-isip nang positibo.  Huwag hayaang maligaw ang ating isip sa pagsasamantala sa kapwa, sa paggawa ng masama o sa paghihiganti sa mga taong nakasakit sa atin.  Practice thinking good; kapag dinadala tayo ng isip sa hindi maganda o mabuti, i-delete agad ito. Bura-bura!

Minsan, nag-iisip agad tayo nang hindi maganda.  Maaari na pala itong makasira sa atin.  Maging maunawain sa kalagayan ng iba.  Huwag lasunin ang sariling pag-iisip.

Girl 1:  Sis, pautangin mo naman ako sa katapusan.  Mag-eenrol ‘yung panganay ko eh.

Girl 2:  Naku, sis, malabo kitang matulungan ngayon.  Nakasagot na kasi ako sa kapatid ko na pahihiramin ko siya ng pera para sa pagpapaayos nila ng bubong na nasira ng bagyo.  Next suweldo naman ay 60th birthday ng nanay ko at maghahanda sila doon.  Pasensiya na ha.

Girl 1:  Eh ano pa nga ba?
(Pagtalikod ni Girl 2…)  Hmp….daming palusot!  Hindi pa amining ayaw lang niyang magpautang talaga!  Kapag ikaw ang nangailangan, hindi rin kita pauutangin!  Makikita mo!

Holler!!! ???* Huwag lasunin ang sariling pag-iisip.  Huwag bigyan ng kasalanan ang isang kaibigan dahil lamang sa iyong negatibong pag-iisip.  Think good.  Maghanap na lang ng ibang solusyon

* TALK GOOD

Sinasabi na ang pagkatao daw ay nasasalamin din sa pananalita.  Sikaping panatilihin ang mabuting pagsasalita.  Hindi sinasabing maging bolera/bolero ka; bagkus, pakaingatan lang na magbitaw ng mga pagmumura, pamimintas, panlalait, panghuhusga o pangda-down sa kapwa.

Words can make or break kasi.  Napaka-POWERFUL ng words.  

Maaari itong makapagpasigla, o  maka-inspire ng mga taong nangangailangan ng boost.  Maaari itong magdala ng tuwa sa puso ng mga nalulumbay.  Maaari itong makapagpaluwag sa dibdib ng mga nasasaktan.  Mga mabubuting salita ang tulay na nagdudugsong sa magkakapamilya at magkaibigan.

NGUNIT maaari rin itong makasira o magtulak sa iba na gumawa ng hindi maganda.  (Kung wala kang masasabing maganda, baka mas maige pang huwag na lang magsalita???)

Nanay X :  May bagsak kang subject??? Aba’y hayop ka palang talaga eh.  Nagpapakahirap akong magtrabaho  sa impiyernong bahay ng amo ko, tapos ibabagsak mo lang ang pag-aaral mo?  Dimonyo ka, manang-mana ka sa tatay mo, mga palamunin!

Nanay Y  :  Naku, ganoon ba, anak?  Bakit naman?  Nahirapan ka ba doon sa subject mo na iyun?  Ay siya, huwag ka nang umiyak, hindi mo naman ginusto yun.  Wala na tayong magagawa roon.  Nakapanghihinayang nga lamang ‘yung oras at panahon na ginugol mo doon; uulit ka na naman.  Dagdagan mo na lamang ang iyong pagsisikap, anak, para ipasa mo na.  Basta ako, pilit kong kakayanin kahit ang hirap-hirap ng trabaho ko, para makatapos kayo at mapaghandaan ang kinabukasan n’yo.  Kayo ang aabot sa mga pangarap n’yo, ang pag-aaral n’yo lang ang maitutulong ko sa inyo.  Alam kong kayang-kaya n’yong makatapos.  Pagbutihan n’yo na ang pag-aaral ha.  Mahal kayo ni nanay.

* DO GOOD

Masarap maging mabuting tao.  Masarap sa damdamin na nakatulong ka, nakapagpasaya ka ng ibang tao, at naging pagpapala ka sa mga tao sa iyong paligid.  Hindi madaling ipaliwanag ‘yung nararamdaman ng taong bukal na naglaan ng panahon at tulong; ‘yung makita mo ang ngiti ng pasasalamat  sa iyo.  Sikapin nating magkaroon ng MAKABULUHANG BUHAY, ‘yun bang dadaan ka sa mundong ito nang may naging silbi ang buhay mo.

Naalala ko tuloy ang kuwento tungkol sa isang matandang lalaki na pinili ang mamuhay nang solo, puro trabaho, nag-ipon nang nag-ipon. Never siyang tumulong sa mga kamag-anak o kahit kanino. Katwiran niya, hindi siya nagmolestiya sa ibang tao, wala siyang inabala.  Pinaghirapan niya ang kanyang mga kinita kaya marapat lang daw na siya lang ang makinabang.

Nang namatay siya, walang nakipaglibing kahit na sino.  Tanging ang pari at sepulturero ang naroon nang siya’y ilibing.  Nabuhay at namatay siya nang walang nakaalala na nag-exist siya sa mundo….. hayzzzzt.

Sayang na life….

* * * THINK GOOD, TALK GOOD, DO GOOD.   

Hindi raw ganoon kadali, sabi ng iba.  Pero…practice makes perfect, ‘di ba.  Kapag laging ginagawa, magiging innate na sa pagkatao natin.

Hindi man natin inaasahan…kusang bubukal ang great feelings sa atin.  Ang bunga…. eh ano pa nga ba?

Eh   >>>>>> ‘di   H-A-P-P-I-N-E-S-S !

 

#DFBI  #DFBloggersIntl    #MommyJoyce

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!